Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia
Anita at ang kanyang mahalagang misyon
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa Kuwait Times, Ben Garcia PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, optional)
Dear Kuya Ben,
Kuya Ben isa po ako sa patuloy na sumusubaybay sa maganda ninyong programa, Buhay at Pag-asa. Kuya nahihiya akong isalasay ang masakit na nangyayari sa buhay ko, pero pinalakas ang loob ko ng patuloy mong paanyaya at sinabihan din ako ng kasama ko na h'wag mahihiya, total naman puedeng itago ang pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Anita ng Leyte.Isa po akong dalaga sa edad ko ngayong 30. Umabot ako sa ganitong edad dahil sa unos na nangyari sa buhay ko. Nangigibabaw sa akin ngayon ang takot sa tuwing magkakaroon ako ng boyfriend, hanggang sa dumating sa akin si Troy dito sa Kuwait. Mayroon akong boyfriend na iniwanan sa Leyte. Siya'y isang alagad ng batas. Pulis. Napakabait niya po Kuya at di na siguro ako makakita pa ng tulad niya na sobrang bait at nasa kanya ang lahat. Maganda ang takbo ng aming relasyon ok ako sa pamilya niya at ok din siya sa pamilya ko. Walang problema sa amin noong una, subalit dumating ang time Kuya Ben na kailangan kong lumuwas ng Maynila dahil bored na rin ako sa bahay lang ng walang trabaho. So sa madaling salita kinausap ako sa kanya na akoy luluwas ng Maynila upang magtrabaho. Ayaw niyang pumayag at iyon na ang simula ng aming pag-aaway. Hindi ko siya pinakinggan dahil alam kong kailangan ko ring mag-trabaho. 3 days before akong umalis, pinuntahan ko siya sa bahay nila at kinausap ko ulit siya. Tila baga nagbago ang kanyang pasiya, bigla na lang niyang sinabi sa akin na okay na sa kanya ang umalis ako, basta mag-iingat lang daw ako at h'wag makalilimot.Lihim naman akong natuwa sa disisyon niyang iyon, dahil inisip ko na ring sa ayaw at sa gusto niya, hindi na rin niya ako mapipigilan. Hinatid niya pa ako sa bus terminal at naramdaman ko ring nahihirapan siya. Masakit man pero tinatagan ko ang aking loob. Kinabukasan sa awa ng Dios nakarating ako ng Maynila. At doon istambay ako ng mahigit isang lingo bago ako natanggap sa MACRO Sucat. Tumagal ako dun ng 2 taon. Dahil sa sipag at tiyaga ko sa trabaho napromote din ako. Habang tuloy naman ang aming matamis at nakaka-miss na kumunikasyon. Ang masakit Kuya Ben sa loob ng mahigit 6 years namin, doon ko lang nalaman na mayroon pala siyang mabigat na karamdaman. Nose cancer ang sakit niya, ilang beses na pala siyang na-oospital dahil sa kanyang karamdamang iyon, pero ni hindi man lang niya bingggit sa akin. Kapag tumatawag ako sa kanya, walang siyang binabanggit sa akin kundi ang okay naman daw ang kalagayan niya, masaya daw siya sa trabaho at masaya siyang kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay. Bandang September 2005, bumagal ang kumunikasyon namin, yun pala lagi na siyang nasa-ospital noon, malala na raw pala ang sakit niya. October, ayaw na siyang payagang makaalis sa ospital dahil alam na ng mga doctor na malapit na ring magwakas ang kanyang buhay. Nov 10, tumawag sa mobile ko ang Nanay niya, sinabi sa akin na matagal na ngang nasa ospital ang boyfriend ko, nakiusap na umuwi ako sandali dahil ako na lang daw ang hinihintay ng anak niya. Para akong sinakluban ng langit at lupa, kinabahan ako ng husto, agad akong nagpaalam sa boss ko at naunawaan naman nila ako. Kinabukasan, lipad agad ako pa-puntang Leyte, nag-eroplano na ako, para mabilis makarating. Pagdating ko sa Leyte, mga sister niya na galing ng US ang naroroon, nag-iisang lalaki nga pala ang BF ko. Di ko kayang tanggapin ang nakita ko, una, hindi ko siya nakilala agad. Dati, malaking lalaki siya, pero ngayon biglang lumiit at umitim pa. Wala na rin siyang buhok. Natutulog ng maratnan ko sa ospital. Pero nagising siya dahil narinig niya ang iyak ko. Wala siyang ibang binanggit nung naroroon ako kundi ang katagang sori, hindi niya raw sinabi sa akin ang kanyang karamdaman dahil ayaw niya akong mag-alala. Nakatingin lang ako sa kanya nung sinasabi niya iyon, pero tuloy ang pagdaloy ng masaganang luha sa aking mata, kita ko rin ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata. Ramdam kong nanghihina na siya. Pero alam kong mula sa puso ang kanyang pagsisisi sa matagal niyang pagsisinungaling ng tungkol sa kanyang tunay na kalagayan. Nakapag-usap pa kami ng sandali, sinabi ko sa kanyang gagaling siya. Maaliwalas ang kanyang mukha, pero nung pumikit siya habang ako'y naroroon, hindi na siya muling gumising pa. Ideneklara siyang pumanaw makalipas ang halos 3 oras ng pamamalagi sa piling niya. Masakit man pero tinanggap ko iyon dahil iyon ang kanyang huling habilin sa akin. Na ituloy ko ang aking buhay at mabuhay akong maligaya. Matapos ang kanyang libing, bumalik ako ng Maynila. Nag-resign agad ako sa trabaho, at muling bumalik ng Leyte sa pag-asang kong muling sariwain ang aming matagal ding pag-iibigan. Subalit habang tumatagal ako doon, nararamdaman ko ang sakit at hapdi ng kanyang pagkawala. Mula sa pangunguilila kong iyon, inisip kong lalo akong masasaktan hanggat naroroon ako, kaya naisipan kong mag-apply sa ibang bansa.Kuwait ang kinasadlakan ko. Narito ako ngayon, mag-iisang taon na rin, pero sariwa pa rin sa akin ang mga pangyayaring iyon sa aking buhay. Hindi ko malimut-limot ang aking boyfriend. Hanggang ngayon, patuloy ang pagdaloy ng aking luha. Kapag-akoy nag-iisa, sa aking trabaho sa aking kuwarto, kapag pumapasok siya sa aking isip, nakikita ko na lang ang sarili na lumuluha.Bakit hindi ko siya makalimutan, maganda naman kung tutuusin ang pagpapaalam niya sa akin. Hanggang ngayon, maliwanag pa rin sa aking isip ang aming matamis na nag-daan. Tuwing Lingo ako nag-o-off. Marami akong nami-meet na kababayan nating Filipino, nakikipagkilala sa akin, gusto nila akong maging girlfriend, pero ewan kung bakit ayaw pa ring magbukas ng aking puso sa iba. Takot din ako sa mga kalahi natin, dahil, totoo nga ang sinabi mo, na maraming binata dito, pero may-asawa pala. Pero noong isang Lingo, mayroon akong na-meet na isang Filipino, Troy ang kanyang pangalan, mabait siya, tawag ng tawag sa akin, gusto niya raw ako, tila magaan ang pakiramdam ko sa kanya, pero mayroon siyang ipinagtapat sa akin, mayroon na daw siyang asawa at mayroong isang anak. Itatanong ko lang sayo Kuya Ben, kung bakit magaan ang pakiramdam ko sa kanya. Parang gustong-gusto ko siyang kausap, nakikita ko sa kanya ang dati kong boyfriend, pero wala pa rin po akong sagot sa kanya hanggang ngayon, puede ko ba siyang sagutin? Sa totoo lang parang mayroon na rin yata akong nararamdaman sa kanya. Parang gusto ko siya! Pero naguguluhan ako dahil sa sinabi niyang may-asawa siya at isang anak, pero, lihim akong nagkaka-interest dahil sa kanyang katapatan at nakikita ko sa kanya ang namatay kong boy-friend. Itutuloy ko ba ang maling damdaming ito? Sinabi niya sa akin na hindi niya mahal ang kanyang tunay na asawa, pero kasal sila at may-isang anak. Papaano ang gagawin ko?
Gumagalang at Nagpapasalamat
Anita.
Thank you very much Anita. Hindi sukatan ang kagaanan ng loob upang ituloy mo ang pakikipag-relasyon kay Troy. Kahit sino naman puede nating makagaanang loob, lalo't binibigyan ka ng importansiya o suportang moral, na kailangan nating lahat! Ugali raw po nating mga Filipino ang hindi talaga tayo mapag-isa, kailangan natin ng karamay, ng kadaupang palad o kaakbay, sabi nga ng iba --'ka-ututang dila', o ‘kausap’. Parang hindi raw talaga tayo mabubuhay ng walang kapart-ner, kung baga, parang hindi tayo mabubuhay ng nag-iisa. Okay naman at normal iyan sa tao, dahil kahit noong unang panahon, malungkot si Adan noong siya'y nag-iisa, kaya siya binigyan ng Eva. Hwag nating iinterpret ito ng literal, hindi ibig sabihin, asawa lang ang kailangan ng tao para mabuhay. Papaano na yung mga celibate priest natin, bakit sila nabubuhay kahit walang asawa, papaano na yung mga madre natin na walang asawa. (sinasabi kong walang asawa, dahil mayroong mga pare at madreng may-asawa) So puede palang mabuhay kahit walang asawa! Opo! Minsan mayroong gustong ipahiwatig sa atin ang Diyos sa mga pangyayaring dumarating at nagaganap sa ating buhay. Mahirap minsan unawain, pero bawat pangyayaring nagaganap sa ating buhay ay mayroong purpose ang Diyos. Huwag lang nating isarado ang ating puso sa gustong sabihin o ipahiwatig ng Maykapal, makinig tayo sa mensahe ng Diyos. Sa ating buhay sa ngayon, ayon sa mga pantas, ang Diyos ay nagsasalita sa atin hindi lamang sa aklat na kanyang ibinahagi sa tao, kundi sa mga pangyayari sa ating buhay/kapaligiran, sa mga taong righteous, kasama ang mga pare, pastor, uztad, mullah, magulang natin,nakakatanda sa atin at advisers. Mayroong isang kuwento sa Bibliya sa katauhan ni Jonas. Inutusan siya ng Diyos na puntahan ang isang lugar kung saan maraming nagaganap na kasamaan, pero imbes na puntahan iyon, lumihis siya ng landas at binaybay ang ibang daan. Ewan kung alam mo ang kuwento. Habang siya ay naglalayag sa barko, patungo sa lugar na gusto niyang puntahan, (ito yung kinu-consider ng ilan sa mga bible scholar bilang rebellion against God) nagkaroon ng malaking unos sa dagat, dahilan upang itapon siya sa dagat at lunukin ng malaking isda. Iniluwa naman siya, pero sa lugar kung saan hindi niya puedeng tanggihan ang kagustuhan ng Diyos. Alamat man o hindi, maliwanag ang aral na gustong ipahiwatig ng pamosong kuwentong iyan sa bibliya. Na anu't ano man, kung mayroong gustong ipagawa sayo ang Diyos, mangyayari iyan sang-ayon sa kanyang plano. Masyado yatang spiritual o religious ang dating hindi po ba? Pero nais kong liwanagin na hindi ko sinasabi sayo na mag-madre ka. Mag-asawa ka man o hindi, (ito'y para sa ating lahat) mayroon pa rin tayong misyon, na tuparin at ipalaganap ang kanyang mabuting balita.
Ngayon Sister Anita, (hihihi) mali ang pumatol sa lalaking may-asawa na. Kung ang pag-aasawa ang iyong patutunguhan, darating si Mr Right sa tamang panahon, hindi pa huli ang 30 sa pag-aasawa. Hindi iyan minamadali, at hindi rin iyan dahil sa nagkaka-gaanang loob na kayo. Sinasabi ko sayo, kahit sino puede mong makagaanang loob, lalot sinusuportahan ka sa iyong weak or weakest point in life. Huwag ka nang maging dahilan ng ikasisira ng ibang pamilya.