Sunday, June 03, 2007

Buhay at Pag-asa

Jenny tumangging makisukob, makisalo sa isang lalaki


Mahal ko ang ex ko

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa P0 Box 1301, Safat 13014, Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto ninyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan. Ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento, bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)



Dear Ms Jenny,


Salamat ng marami sa 'yong liham. Marami kang napaiyak dahil sa eksenang naikuwento mo, lalo na raw yung lumabas na dalawa kayong buntis sa iisang lalaki. Yung binigyan kayo ng kutsilyo para tapusin ang lalaking nanloko sa inyo. Ang iba naawa, marahil ang iba naka-relate sa kuwento ng buhay mo. Iyan po ang buhay ng tao, iba-ibang eksena, iba-ibang palamuti at sa bawat kulay nito, doon tayo natututo at nakakakuha ng aral. Kaya ako sa inyo i-share niyo buhay niyo sa column na ito para magbigay-leksyon sa iba.
Jenny gusto kong pag-aralan nating paapyaw kung bakit ka nasadlak sa ganyang sitwasyon. Ikaw na rin ang maysabi na sinuhay mo ang utos ng iyong mga magulang. Hindi iyan bago, at lahat naman tayo nagkakamali. In fact, iyan ang minana natin sa ating kanununuan, nung unang panahon na likhain ng Diyos ang tao. Nagkasala na tayo, sumuhay na tayo sa gusto ng Diyos. So hindi po iyan bago at lahat tayo dumadaan sa pagkakamali.
Maganda at hinahangaan kita sa iyong naging pasiya na tuluyang kumawala sa lalaking nanloko sa 'yo. Magiging miserable nga ang buhay nyo kung pagsasaluhan ninyong dalawa ang isang lalaki. Hindi lang talaga siguro katanggap tanggap sa ating kultura; pero hindi naman natin dapat husgahan ang mga taong nasa ganyang klaseng pamumuhay. Mayroon po talagang ganyan at legal iyan sa iba, pero sa atin, medyo hindi iyan tanggap. Pero marami rin namang gumagawa ng ganyan. Kaya, huwag tayong mang-husga. Nagkataon lang na kultura ng nakararaming Pilipino ang isa ang ama at isa ang ina.
Maraming puedeng sakripisyo ang papasukin kung sakali. Una, papaano mo maipapaliwanag ng mabuti sa 'yong anak, mahirap, dahil makikita ng mga anak mo-- iba ang set up ng pamilya sa paligid nila. So magtatanong ng magtatanong sila sa inyo. Maaari ka rin lang lumuha o umiyak dahil darating ang panahon ng inggitan at pagalingan sa buhay. Kaya kayang pangatawanan ng lalaki ang ganyang set-up? Buti na lang at mayroon kang magulang na nakahandang umalalay sa 'yo sa lahat ng pagkakataon. Kahit na nadapa ka, pilit ka pa ring ibinangon pataas.
Ganyan po talaga ang typical na ugali ng magulang, o pagmamahal ng magulang sa anak, walang kundisyon.
Sa mga hindi nabasa ang kuwento ni Jenny, puede po ninyong i-access ang aking blogsite. Doon ninyo mababasa ang buo niyang kuwento; pero sa mga walang access at ngayon lang nalaman ang tungkol sa kuwento ni Jenny, bibigyan ko kayo ng maikling buod. Tapos ng pagiging-teacher si Jenny. Pero dahil sa hirap ng buhay sa atin, nakarating siya sa Kuwait. Noong matatapos na ang kanyang kurso, ipinagkaloob niya ang sarili sa matagal na niyang kasintahan. Minahal niya ito ng husto. Nalaman ng mga magulang niya ang tungkol sa lalaki, kaya, nag-set sila ng date para magkita-kita sila ng kanilang mga magulang para sa balak na pagpapakasal. Pero, lingid sa kaalaman ni Jenny, mayroon din palang ibang babae ang lalaki ni Jenny. Buntis din ito ng magtagpo sila ni Jenny. Upang maresulba ang problema, nagkaharap sila ng bawat partido. Payag ang isang babae na magsama sila sa iisang bubong - ibig sabihin, dalawang babae sa isang lalaki. Hindi pumayag si Jenny at ang kanyang partido. Kaya, nagkasundo na lang sila na layuan ang isat-isa at si Jenny na lamang ang nagparaya na magpalaki ng bata.
Now, ito ang gustong itanong ni Jenny, mayroon siyang boyfriend ngayon - nasa Saudi Arabia. Alam ng boyfriend ni Jenny ang lahat ng kanyang nakaraan, pati na ang pagtatapat niyang mayroon pa rin siyang natitirang pagmamahal sa ama ng kanyang anak.
Nakukunsensya siya dahil kung pakakasal siya sa lalaki, hati ang kanyang pagmamahal. Parang niloloko niya raw ang kanyang boyfriend at sarili. Ano raw kaya ang mabuti niyang gawin? Naku, heto na po papasok ang aking trabaho--medyo mahirap na tanong di ba? Pero sasagutin ko iyan. Hindi ko kini-claim na tama lahat ang sasabihin ko sa 'yo. Nasa sa iyo pa rin ang huling pagpapasiya. Sa kuwento mo Jenny, binanggit mo na alam ng boyfriend mo ang tungkol sa buhay mo at tungkol sa natitira mong pagmamahal sa dati mong boyfriend. Hanga ako sa katapatan mo, hanga ako sa tapang mo sa pag-harap sa sitwasyon. Kaya, hindi ako magugulat na ang susunod na hakbangin mo ay talagang buong pag-iingat at gusto mo yung sigurado at hindi ka na iiyak. Dapat ganyan ang spirit, mayroon ka nang experience--in fact vast experience at puede mong gamitin iyan sa 'yong buhay.
Naniniwala ako Jenny na tama ang boyfriend mo - na darating ang panahon, mamahalin at matututunan mo rin siyang tanggapin bilang kabiyak ng iyong puso. Nakita ko ang kanyang commitment sa inyong relasyon. Dahil despite na alam niya ang iyong nakaraan, handa ka pa rin niyang pakasalan; at kahit na alam niya na mayroon ka pa ring natitirang pagmamahal sa ex mo, handa pa rin niyang subukan iyon. Jenny, maraming babae kung tutuusin, bakit ikaw pa? Bakit pinipilit niyang ikaw pa ang pakasalan? Dahil nakuha niya ang buong tiwala sa 'yo. Dahil nakita niya ang iyong puso, ang pagsasabi mo ng buong katapatan. Hindi niya kinunsider ang lahat ng iyong nakaraan. Gusto niyang bigyan ka ng pangalawang pagkakataon.
Hindi ako naniniwala na ang 'first love never dies'. Bakit ako ang first love ko, namatay na...ibig kong sabihin namatay na ang pagmamahal ko sa first love ko. Hindi ko lang alam sa case ng babae; pero pareho lang din siguro. Dahil marami akong alam na ang first love ay hindi nagkakatuluyan. Papaano kung niloko ka ng first love mo, never die pa rin ba? Baka sarap patayin, hehehe (joke). Now, sang-ayon ako sa boyfriend mo na puedeng pag-aralan ang pagmamahal. Puede mo ngang pag-aralang mahalin ang ibat-ibang uri ng pets, aso, pusa, ibon, isda, kapag - nakikita mong nagbibigay sila sa 'yo ng kasiyahan, mamahalin mo sila, bibilhan ng pagkain, paliliguan, aalagaan at hahanap-hanapin. Ano pa kaya ang tao? Maraming salamat po! --Ben Garcia