Ni Ben Garcia
Saan patungo ang pagaspas ng nakapiit na Aguila?
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com )
[Kung gusto po ninyong muling balikan ang kabuoan ng kuwento ni Captive Eagle puede po ninyong bisitahin ang: www.buhayatpagasa.blogspot.com ]
(Payo-Huling bahagi)
Saan nga ba tutungo ang pagaspas ng nakapiit na Aguila? Ms Captive Eagle, habang binabasa ko ang iyong liham, nakikita kitang pumapagaspas, gusting mag-take-off, pero hindi makaalpas dahil sa wari ko ikaw ay naka-piit sayong sariling kulungan. Pilitin mo mang ikampay ang malabay mong pakpak, hindi mo makuhang makaalis sapagkat ang mundong ginagalawan ay naliligiran ng mga rehas na likha ng sarili mong disisyon. Ang binabanggit kong hawla o rehas na iyan sayong buhay ay ang pag-tanggap mo kay Jun for your own personal convenience at kay Joey bilang pag-tanaw ng utang na loob. Sabagay likas sa ating mga Filipino ang tumanaw ng utang na loob. Base sayong kuwento, wala akong nakitang emotional feelings -at first- basta, tinanggap mo sila dahil mayroon kang malalim na dahilan. Una ay dahil gusto mong makawala sa Pinsan mong ginawa kang alila, at pangalawa upang bayaran ang utang na loob. Isang palatandaan ng hindi solidong relasyon. So what kung addict si Jun? Kung mahal mo siya tutulungan mo siyang makalaya sa ganuong sitwasyon. Yan ay kung totoo na sinabi mong addict na siya matagal na ng hindi mo alam. Which is hindi ako makapaniwalang lingid iyan sayong kaalaman noon pa man. Malilihim ba ang pag-aadict o ang pag-gamit ng droga? Masasabi kong hindi lang naging healthy ang inyong relasyon, kung kaya, nalulong siya sa droga, imbes na ma-i-ahon mo siya mula doon. Ganun pa man, tulad ng lagi kong binabaggit, hindi na natin maibabalik pa sa baso ang natapo nang gatas. Harapin mo kung ano ang ngayon! Heto ang panibago mong kulungan Captive Eagle, yung pag-tanggap kay Joey. Mahirap kung tutuusin ang pinasok mong relasyon, dahil sabi mo nga, minahal mo na rin si Joey. Parang ang hirap iwanan, sabi mo nga, iniisip mo pa lang na iwanan siya, parang ayaw mong kabilang iyon sa mga dapat mangyari. Pero kinakailangan, dahil, unang una, ayaw mo namang manatiling kabit na lamang habang buhay. Noong tinanggap mo si Joey, malaking porsyento doon ay ang utang na loob, aminin, mo man iyan o hindi. Tinanggap mo siya dahil unang una siya ang kumuha sa anak mo sa pangangalaga ni Jun. Pero, kung mas-pinairal mo doon ang konsensiya, hindi mo iyon gagawin, dahil unang-una, mayroon ka ngang taong masasagasaan, yung mga anak ni Joey at misis niya. Pero hindi mo iyon inisip, ang nasa loob mo noon ay upang makabayad ka rin ng utang na loob sa kanya. Kahit ba sekreto ang inyong relasyon. Bukod doon, inisip mo rin ba kung sasapat ang kanyang kinikita para ibahay ka? Paano ang asawa at apat na anak ni Joey, nakikihati ka rin sa kinikita niya para lang buhayin kayo, o pag-aralin ka? Sa tingin mo ba that time ay sapat ang kita ni Joey para sa dalawang pamilya. Base sayong kuwento, si Joey ay tauhan lang ng Tito mo, magkano kaya ang kinikita ng maliit na tauhan sa pulisiya? Hindi mo ba tinanong kung papaano niya ipinagkakasiya ang kinikita niya para buhayin ka at pag-aralin, apart from his own family? Kaya minsan, hindi rin maiaalis sa mga tulad ni Joey na gumawa ng kabalbalan, dahil na rin sa pinapasok nilang buhay. Hindi ko sinasabi na mayroon siyang ginagawang milagro para buhayin kayo, pero hindi mai-aalis na mangyari iyan, dahil unang una, alam natin na mababa lang ang kita bilang alagad ng batas. So ang buhayin ka, sa sekretong paraan ay mahirap para kay Joey, di lang natin alam kung papaano niya ginagawa iyon. Walang sekretong hindi nabubunyag Captive Eagle, kailangan mong tanggapin iyan. Oras na ipinagpatuloy mo ang relasyong iyan, tuluyan mo lang wawasakin ang pamilya ni Joey. Blessings in disguise na matatawag, nang makaalis ka sa poder ni Joey na hindi pa nalalaman ng asawa niya at kanyang pamilya. Kung itutuloy mo ang relasyon nang dahil lamang sa napamahal ka na sa kanya, naghuhukay ka lang ng sarili mong libingan. Uulitin ko, blessings in disguise na napalayo ka sa kanya. Huwag mo nang isubo ang sarili mo sa panibagong sakit ng ulo, once na binalikan mo si Joey. Captive Eagle maraming paraan ang puede mong gawin upang makabayad sa ng utang na loob kay Joey, hindi diyan kabilang ang pagpapatuloy ng maling relasyon. Tama rin ang mag-ipon ka para sa sarili mo at para na rin sa anak mo. Kung mayroong pagkakataon na makaalis patungong Canada, gawin mo iyan, baka iyan ang puedeng makabago sa iyong sitwasyon. Natutuwa ako dahil matalino kang tao, pero gamitin mo iyan o mag-isip ka bago mo pasukin ang isang bagay na alam mong makakaapeto sayong kinabukasan. Huwag mo na lang isipin kung ano ang ngayon at kung ano ang sinasabi ng iyong damdamin, kundi tanungin mo kung papaano ang bukas once na pinasok mo ang isang sitwasyon? Sa kalagayan mo ngayon bilang single mother, okay lang iyan, total naman, sa ngayon, uso na iyan. Masakit tanggpin sa ating kultura na uso iyan, pero iyan po ang katotohanang nangyayari sa ngayon. But you can reverse the trend. Pangatawanan mo ang iyong pagiging single mother, ipakita mo sa anak mong kaya mo siyang palakihin kahit ikaw lang mag-isa. Pero kung sakaling dumating ang time na mayroong lalaking gustong maging seryoso sayo, huwag mong isarado ang iyong puso, basta hindi ka nakakasagasa ng iba. Mas-maganda iyon, kesa, ikaw ang maging dahilan sa pagkawasak ng isang magandang pamilya. Piho namang nauunawaan ka ni Joey sa iyong magiging disisyon, nung payagan kang makaalis sa Pilipinas, pagpapakita lamang iyon, na hindi naman talaga siya selfish, mayroon pa ring natitirang kabutihan sa kanyang puso, at syempre para din sa kabutihan ng kanyang pamilya. Tao lang tayo Ms Captive Eagle, nadadapa, nagkakamali. Walang sinuman sa mundong ito ang nilikha na walang kasalanan, na hindi nahuhulog sa bangin ng karimlan, pero salamat sa mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw, sila rin ang nagpapaalala at dahilan kung bakit kailangan nating ituwid ang maling derekyon ng ating buhay. In that way magkakaroon tayo ng peace of mind.Lumipad ka Aguila, malayo, mataas, kaya mong lumipad, yun nga lang kelangan mong sirain ang mga rehas na bakal na iyan na minsang naging kulungan mo sa matagal na panahon. Sirain mo iyan! Lumipad ka ng matayog at palayain mo ang iyong sarili. Tungkol sa paglipat ng sponsor o change ng visa from 20 to 18, medyo mahirap pa iyan sa ngayon, in fact mayroong bagong batas na umano ay ipatutupad sa October 1, (mayroong mga balita na ni-retract ito, pero walang source na binabaggit kaya ayaw kong mag-confirm, kung totoo o hindi) kung saan hindi na papayagan ang 20 visa na lumipat sa ibang sponsor. Ang madali mong gawin, bumalik ka ng Pilipinas at muling makipag-sapalaran sa paghahanap ng trabaho sa labas ng bansa, kung puede mong mai-push ang application papuntang Canada, with your ipon mula sa pag-tatrabaho sa Kuwait, gawin mo. Maraming salamat sayong liham, Captive Eagle!
No comments:
Post a Comment