Sunday, October 15, 2006

BUHAY AT PAG-ASA

Ni Ben Garcia

Si Mike pa rin ang sigaw ng puso

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com )

Dear Kuya Ben,
Taos puso pong pagbati ng isang magandang araw sa lahat ng sumusubaybay ng inyong column. Isa na rin po ako sa nag-aabang ng Filipino Panorama tuwing araw ng Lingo. Simula ng malaman ko na mayroong Filipinong babasahin sa araw na ito, lagi ko na po itong inaabangan. Ang akala ko nga ganito na lang ang magiging papel ko ang subaybayan ang buhay ng ating mga kababayan sa column mong ito. Makalipas ang dalawang taon bilang tagabasa lamang, nagpasiya na rin akong sumulat at ibahagi sayo ang aking karanasan upang mabigyan mo rin ng payo. Matagal na pong bumabagabag sa aking buhay ang suliranin kong ito. Mahirap mag-adjust, oo, ngat natapos ako ng Bachelor of Secondary Education major in Mathematics, pero mahirap pala talagang imaster ang buhay.

Ako nga pala si Jasmin, isang Bicolana. Panganay ako sa sampong magkakapatid. Taong 2004 ng unang umapak ang aking mga paa sa bansang Kuwait. Kabiguan ang nagtulak sa akin upang magpasiyang mangibang bansa. Kabiguan, una sa pag-ibig, pangalawa sa propesyon. Magkarugtong ang dalawang ito sa pagpapasiya ko na lisanin ang Pilipinas. Taong 2001 ng matapos ko ang BS-Education. Ang kuwento ay sisimulan ko noong 1998, kung saan third year college ako noon ng sagutin ko si Mike at official kaming naging mag-on. Kababata ko siya, in fact, third cousin ko po siya. Kabilin-bilinan ng mga magulang ko, na huwag muna akong magbo-boyfriend dahil baka raw masira ang aking pag-aaral. Isa pa, inaasahan daw nila ako na makatulong sa pamilya upang mahango sa kahirapan. Pero ano ang magagawa ko, mahal ko si Mike. Lumabag ako sa kautusang iyon ng aking mga magulang. Inilihim ko sa kanila ang relasyon naming at tanging kapatid kong sumunod sa akin ang nakakaalam na mag-on na kami ni Mike.
Noong fourth year college na ako, nagpasiya ang boyfriend ko na magtungo ng Maynila. Sa kanyang pag-alis, lalo kong pinagbuti ang aking pag-aaral dahil wala na gaaano akong iniisip na baka, mabuking ng mga magulang ko ang relasyon ko kay Mike. Ilang buwan din ang lumipas ni sulat o tawag wala akong natatanggap mula sa kanya. Lihim ko iyong ikinasama ng loob, sa katunayan, iniiyakan ko iyon, gabi-gabi. Pinilit kong magkaroon ng kumunikasyon sa kanya at sa wakas, nakausap ko rin siya. Pero parang nagparamdam lang at muling naputol ang aming kumunikasyon.
Matapos ang graduation, nagpasiya sana akong lumuwas ng Maynila, una para hanapin ang nawawala kong BF, at pangalawa upang mag-hanap ng mapapasukang trabaho, habang naghihintay ng board exam. Pero, ewan kong minalas ba o sinuwerte, dahil noong paalis na ako, hinarang ako ng dati kong teacher, nag-tayo kase ng sariling paaralan at kailangan niya ng mga gurong magtuturo. So pinagbigyan ko siya, pumasok akong teacher sa eskuwelahan niya.
Tinimbang ko rin ang magiging experience ko sa pagtuturo at ang gagastusin ko sa paghahanap ng trabaho sa Maynila, samantalang iyong inaalok sa akin ready na, so sinung-gaban ko iyon at ipinagpaliban ang pag-hahanap sa aking nawawalang boyfriend.
Nabawas-bawasan na ang sama ng loob ko kay Mike ng magsimula na ako sa pagtuturo. Pero lalo itong tumingkad ng dumating siya sa Bicol at ni walang pasabi, at ni hindi rin ako ininform, na umuwi na siya, may-ilang araw na pala siya doon. Inisip ko tuloy, wala na nga talaga kami. Iniyakan ko rin ang pagbabaliwala niya sa akin. Isang araw, bigla na lamang siyang sumulpot sa school na tinu-turuan ko. Ayaw ko na rin sana siyang kausapin pa, pero nagpumilit, kaya, nanaig pa rin ang pagiging babae ko, madaling suyuin. Isinumbat ko sa kanya ang matagal niyang pagkawala at pagbabaliwala sa mga sulat ko sa kanya. Pilit siyang nagpa-paliwanag at gusto niyang muli raw dugtungan ang na-udlot naming relasyon. Hindi ko pa rin maikakaila ang nararamdamang kong pagmamahal sa kanya. Sa loob ng mahaba ring taong wala kaming kuminikasyon, ni hindi na ako tumanggap ng manliligaw. Isa sa mga dahilan nito ay ang katotohanang naisuko ko na sa kanya ang aking pinakaiingatang pagkababae. Wala na rin akong maipagmamalaki sa iba, kaya gusto ko siya na lamang ang una at huli kong lalaking mamahalin. Muli ko siyang tinanggap, at muling naulit ang mainit na pagtitinginan namin sa isat isa.
Noon, binalak na naming ipagtapat sa aking mga magulang ang lahat. Total ang mga magulang naman ni Mike, alam na nila na mayroon kaming relasyon, sa katunayan, binabalak na nila ang ingrandeng kasal. Pero naun-syami dahil noong minsang mamasyal kami, di ako nakauwi sa bahay. Nalaman tuloy ng mga magulang ko sa iba pang tao na mayroon kaming relasyon ni Mike. Galit-na-galit ang mga magulang ko.
Inihanda ko na rin ang sarili sa magiging reaksyon nila, pero lalo akong nanlumo ng sisihin ng Tatay ko ang Nanay ko, samantalang wala naman talagang alam ang Mama ko sa relasyon namin ni Mike. Nagbanta ang Tatay ko na oras na ituloy ko ang pakikipag-relasyon kay Mike hihiwalayan ni Tatay ang Nanay ko. Halos gumuho ang aking mundo ng marinig ko iyon sa Tatay.
Ayaw kong maging dahilan ng pagkasira ng aming pamilya, ngunit papaano ang pag-iibigan namin ni Mike. Nag-iiyakan kaming pare-pareho sa tagpong iyon, noon ko rin lang nakitang umiiyak ang Tatay. Tila iyon na yata ang pinakamasakit at pinakamahabang araw sa buong buhay ko. Nakatulog akong hindi kumakain, naramdaman ko na lang na katabi ko na ang Nanay, umaga na pala, hinahalikan niya ako sa pisngi, umiiyak, nakikiusap sa akin, na huwag ko na lang daw ituloy ang balak kong pagsama kay Mike.
Alam kong napakahirap na disisyon ang gagawin ko ng araw na iyon. Basta, alam ko, mahal ko si Mike. Nararamdaman ko iyon. Kung kaya nga nagpaubaya ako sa kanya. Pero ang katotohanang ding ito ang patuloy na bumabagabag sa aking konsensiya. Paano kong sasabihin sa mga magulang ko na mayroon nang nangyari sa amin ni Mike?
Dalawang Lingo akong hindi pumasok sa eskuwela, sa panahong iyan, pilit kong inilalagay sa ayos ang aking sarili, araw-gabi akong umiiyak. Paaano ko ipaglalaban ang pagmamahal ko kay Mike? Paano ang banta ng Tatay ko, ayaw kong mawasak ang pamilya dahil lang sa akin.
Hanggang sa mahimasmasan ako. Hindi ko alam, basta, namanhid ang utak ko, natuyo na rin yata ang luha ko, kaya sa pangatlong Lingo, pumasok na ako sa eskuwela ng wala akong naririnig tungkol kay Mike. Ibinuhos ko ang natitira kong lakas sa pagtuturo sa mga bata, yun nga lang, konteng mali ng mga estudyante, tumataas ang presyon ko at nakakagalitan ko sila. Hanggang sa sumapit ang aking board exam. Kahit wala akong review, sumabak ako sa exam, kaya ang resulta, bagsak! Maluwag ko iyong tinangggap dahil alam kong babagsak talaga ako.
Ilang beses ding nagtangka si Mike na kausapin ako, pero ako na rin ang pilit na umiiwas, dahil hindi ko nga alam noon kung ano ang sasabihin ko, kung ano ang tama at nararapat, pero naghihintay ako ng tamang panahon.
Makalipas ang ilang buwan, nabalitaan ko na lang na nilulunod ni Mike ang sarili sa alak. Ang masakit pa, nangyari na nga ang kinatatakutan ko, ikinasal siya sa iba dahil mayroon daw nabuntis na babae sa lugar namin. Napakasakit Kuya Ben, alam ng Diyos kung gaano ko siya kamahal. Hinihintay ko lamang talaga ang ang tamang panahon upang maisaayos ko ang nasirang pagtingin ng mga magulang ko sa akin. Gusto ko silang tiyakin na walang mababago sa akin kahit na magkatuluyan kami ni Mike. Pero hindi siya nakapag-hintay.
Sinubukan kong ibangon ang sarili ko. Naging matatag ako sa pagharap sa sitwasyon, ang masakit, hindi pa rin maalis si Mike sa isisp ko. Kahit tumanggap na rin ako ng ilang manliligaw. Naroroon ang takot ko at kaba sa dibdib na baka hindi rin kami magtagal at dahil sa wala na rin namang akong maipagmamalaki sa ibang lalaki. Nagpatuloy ang buhay ko sa ganuong sitwasyon. Nag-take din ako ng board noong 2002 at 2003, pero hindi pa rin ako pinalad na makapasa.
Ilang beses kong tinanong ang Diyos kung bakit lahat na lang yata ng kabiguan sa buhay ay dinaranas ko. Noong 2003 exam, sinabi ko sa sarili na kung hindi ako makakapasa sa taong iyon, mangingibang bansa ako, una, para makaiwas sa pang-huhusga ng ilan tungkol sa kakayahan kong pumasa at pangalawa dahil hindi na rin ako puedeng magpatuloy sa pagtuturo kung wala akong lisensya.

Itinuloy ko ang application patungong ibang bansa. Noon kase, ilang buwan na rin na patuloy na lumalabo ang relasyon ko sa aking pangawalang boyfriend. Samantalang si Mike, patuloy pa rin sa pakikipag-ugnyan sa akin, gusto niya kaming magkabalikan kahit may-asawa na siya.
Mach 27, 2004 ng dumating ako sa Kuwait. Dalawang taon na mahigit ako this year, ang buong akala ko, tuluyan ko nang malilimutan si Mike. Pero, hanggang ngayon, sariwa pa rin siya sa aking ala-ala. Hindi ko pa rin siya makalimutan, lagi siyang laman ng aking isip at maging hanggang sa panaginip.
Third cousin ko po si Mike, isa kaya ito sa mga problema kung bakit hindi dapat kaming mag-sama. Ano ang dapat kong gawin, kausapin ko na ba ng tuwiran si Mike upang tuluyang matuldukan ang aming nabigong relasyon. May-binitiwan pong salita si Mike noon na hanggang ngayon, patuloy na sumasagi at nananariwa sa aking ala-ala, na hindi man daw kami magkatuluyan, hinding-hindi raw po magpapanaw ang aming pag-iibigan.
Tulungan mo po ako, five years na po ang nakalipas, pero sariwa pa rin siya sa aking ala-ala, si Mike pa rin ang sigaw ng aking puso. Gusto ko na ring mag-karoon ng sariling pamilya, 26 years old na po ako ngayon.

Gumagalang at Nagpapasalamat
Jasmine

PS: Please greet all my friends here in Kuwait sina Rose, Imas, Senna, Rashida, Samsar and Maya. Thank you ulit, from Jasmine!

Abangan sa next isyu ang katugunan sa padalang problema ni Ms Jasmine Velasco Losande ng Barangay Lungib, Pilar, Sorsogon 4714, Philippines.

No comments:

Post a Comment