Saturday, February 05, 2011

'Nakabaong punyal sa puso'

Bugbog saradong asawa, ina





Dear Kuya,

Ako po si Bibeth, di tunay na pangalan, tubong Butaun City. Katulong po ako ngayon sa Salwa. Kontento naman ako sa buhay noong bata pa ako. In fact, ako ang pinakapaburitong anak ng mga magulang ko. Nararamdaman ko iyan dahil kahit anong hilingin ko sa mga magulang ko, ibinibigay nila agad sa akin. Isa lamang ang lalaki sa pitong magkakapatid. Nasubukan ang katatagan ng pamilya namin noong masunog ang bahay namin, way back mga 1980's pa. Nasunog ang bahay namin sa Butuan City. Kaya ang mga magulang ko ay lumipat ng Surigao City. Dapat sana ay kasama ako. Pero nagpaiwan ako sa kapatid kong may-asawa na at negosyante sa Butuan, dahil nag-aaral pa nga ako noon. Ang ibang kapatid, sumama sa mga magulang ko sa Surigao. Mga second year college na ako, isang pangyayari ang tuluyang nagpabago sa aking kapalaran. Nag-iisa lang kasi lagi ako sa bahay ng ate ko noon. Ang mag-asawa ay maagang umaalis dahil mayroon nga silang negosyo. Katulad ng nakagawian, naliligo muna ako bago pumasok sa eskuwela. Malapit nang mag-alas-dose ng tanghali noon. Narinig ko ang puersahang pagpasok sa bahay ng isang lalaki. Nagulat ako, at hindi makapagsalita. Gusto ko mang sumigaw, wala nang lumabas sa bibig ko. Saba'y yapos sa akin ng lalaki. Huwag na daw akong maingay. Ang lalaking pumasok sa bahay ay si Boy. Boyfriend siya ng aking best friend. Naganap ang hindi inaasahasan. Ginahasa ako at nang matapos, iniwan na lang akong lumuluha. Ang sabi niya sa akin, mahal niya ako, at handa akong pakasalan. Tulala ako sa buong mag-hapong iyon. Hindi na nga ako nagsumbong sa aking kapatid. Alam ko kasing magagalit sila at magkakagulo at gagawa ng malaking iskandalo sa lugar. Nanahimik ako, pero ang pananahimik kong iyon ay nasundang muli ng tulad na pagyayari. Muling pumasok sa bahay si Boy at muli niyang ginawa ang pang-gagahasa. Kilala sa aming bayan si Boy. Kilabot, tigasin, rebelde. Kaanib ng isang makakaliwang grupo. Nalaman lamang ng ate ko na mayroong nangyari sa akin noong magkaroon na ng sign na buntis ako. Ayaw ko mang ipaalam sa kanila, pero, hindi ko na naitago dahil nahirapan ako sa mga unang buwan ng aking pagdadalantao. Nakiusap ako sa kapatid ko na huwag na lang munang ipararating sa mga magulang namin ang nangyari. Pero, hindi nakatiis ang ate ko. Umuwi siya ng Surigao City at ipinarating sa tatay ko ang nangrayi. Pagdating sa bahay ng ate ko, walang kagatol-gatol na sinabing kailangan akong umuwi sa bahay ng mga magulang namin. Wala na akong nagawa. Umuwi ako, at buo na ang plano nilang ilayo ako kay Boy dahil sa alam nga nilang kinatatakutan ito sa aming bayan. Wala daw mabuting patutunguhan kung magsasama kami. Doon na lang daw ako manganak sa Maynila. Habang nag-hahanda ako patungong Maynila. Dumating si Boy sa aming bahay sa Surigao. Tinutulan niya ang paglayo ko sa kanya. Sa dami daw kasi ng mga babaing dumaan sa kanyang kamay, ako lang ang nagdalantao. Kaya hindi daw siya makakapayag na umalis at ilayo ko ang aming anak sa kanya. Pakakasalan daw ako at gagawa kami ng masayang pamilya. Tutol man marahil ang mga magulang ko, pero alam kong takot sila dahil sa reputasyong rebelde ang mapapangasawa ko. Nakiusap na lang sila kay Boy na ingatan ako at isoli ako sa kanila kung ayaw akong pangatawanan. Nai-set ang kasal namin noong June 15, 1989. Six months na noon ang tiyan ko. Noong unang mga buwan, okay naman siya sa akin. Pero hindi nga umabot ng anim na buwan, grabe na ang ginagawa niya sa akin. Hindi na lumilipas ang araw na wala akong pasa sa katawan. Bugbog sarado na ako sa kanya. Ang akala ko noon, dala lang iyon marahil ng pag-inom o kalasingan niya. Pero, iba siya. Parang maypagka-sa-demonyo; nasisiyahan siyang nakikita akong nahihirapan, binubogbog at duguan. Nalaman kong hindi lang pala alak ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para gawin iyon. Lulong siya sa ipinagbabawal na gamot. Nakikita ko minsan ang mga nakaipit na mariwana at shabu sa kanyang brief at bulsa ng pantalon. May-trabaho naman siya, sa isang malaking kumpanya. Pero nauubos lang sa bisyo ang kanyang kita. Magulo ang kanyang isip. Maliit pa ang anak namin, tinadyakan ako sa tyan na halos ikamatay ko. Tapos lumaban ako, lalo syang nagalit sa akin at muntik na niya akong mapatay sa sakal. Pinalipas ko iyon. Kinalimutan. Isang araw, sabi niya sa akin, kung ayaw kong mabogbog, umalis na lang daw ako ng bahay lalo na kung masama na ang kanyang timpla. Hindi ko naman magawa iyon dahil maliit pa ang anak ko. Naging malambing na ulit siya sa akin. Sabi niya, para maka-iwas sa barkada, lilipat daw kami ng lugar. Lihim akong natuwa sa balak niyang iyon. Nag-transfer nga kami sa ibang lugar, doon ay okay naman ang buhay namin. Yung trabaho niya sa malaking kumpanya, iyon ang nagbigay sa kanya ng malaking break. Nagkaroon kami ng malaking bahay at doon ibinababa ang truck-truck ng mga soft drinks at beer. Akala ko okay na ang lahat. Wala rin talaga kaming suwerte at hindi lumago ang negosyo. Bagkos, nabangkarote dahil din sa ugali niya. Para kasi syang mayor. Bawat dumaan sa kalyeng iyon, binibigyan niya ng alak, kung hindi man, walang tigil na tagayan sa aming bakuran. --Itutuloy

No comments:

Post a Comment