Monday, January 24, 2011

Nasa langit yata ako!


Joy the fact na mayroon kang legal na asawa ang tanong mo dapat ay hindi sino ba talaga sa tatlo? Hindi ka pa naman puedeng mag-entertain ng kahit isa sa kanila. Iyan ay dahil hindi pa napapawalang bisa ang iyong kasal sa asawa mo. Hanggat hindi pa na-aannulled ang iyong kasal sa kanya, siya pa rin ang asawa mo; ang lalaking sinasabi mong hindi ka man lang masabihan ng I love you sa telepono. Gusto mong mag-disisyon kamo na makisama sa isa sa tatlong suitors mo? Kailangan mo munang patunayang lahat ang mga aligasyong binanggit mo laban sa asawa mo sa korte. Kung totoong lahat ng iyan [bintang mo], madali kang matutulungan ng korte. Halimbawa kung ang asawa mo ay nag-asawa na ng iba, kung nagkaanak na, malaking prueba o dahilan iyan sa pagpapawalang bisa ng kasal at kagustuhan mong makawala sa dati mong asawa. Ang pananakit, ang pagsusugal at pam-babae ng walang katapusan ay kasama iyan sa mga pruedeng pagbabasehan ng korte sa pagpapawalang bisa ng kasal. Yun nga lang maghihintay ka ng medyo matagal na panahon bago mo makamtan iyan. Matagal ang proseso ng pag-papa-annul ng kasal sa Pilipinas. At least one year. Pero depende pa rin sa pag-usad at pakikipag-cooperate ng asawa mo. Mayroon akong kinunsultang isang abogado ukol sa pag-papa-annul. Sabi niya, kung gustong magpa-annul ang sinuman, at least mag-handa siya ng halagang 200,000 pesos para sa abogado. Medyo mahal ano. Pero iyan daw ang halaga ng pagpapa-annul ng kasal sa Pilipinas.
Nauunawaan ko ang nangyari sa'yo kaya mo napangasawa ang lalaking iyan. Pero sabi nga nila, walang aksidente sa buhay. Lahat ng mga nangyayari sa atin ay mayroong dahilan. Kung babalikan ko ang kuwento mo, sabi mo, walang namuong pag-ibig sa pagitan ninyong dalawa. E bakit ka pumayag na makasal sa kanya? Again, oo, nauunawaan kita, maaring sa'yong parte ay kahiya-hiya na manganak na walang ama yung magiging anak mo. Kaya pikit mat among tinanggap ang alok ng lalaki at pumayag kang matali sa lalaking iyon. Nandiyan na iyan so, pangatawanan at sabi nga ng iba, eenjoy mo, ang iba naman sabi... magdusa ka. Joy alam kong hindi madali sayo ang lahat. Mahirap at talagang, in that point in life, pipili ka talaga kung saan ka lulugar; ang maging masaya o manatiling nagmu-mokmok at umiiyak sa kawalan.
Joy, hindi naman masamang maghanap ng kaligayahan o makakausap lalo't sabi mo nga, ilang taon na rin kayong hindi magkaunawaan ng asawa mo. Tao ka lang, at nung mahimasmasan ka nga, sabi mo, masarap pala na mayroong nag-ki-care sayo. Pero kahit sino man ay magsasabing mali din namang matatawag ang pag-entertain mo ng tatlong lalaki. Piliin mo ang isa sa kanila. Tapatin mo ang dalawa na mayroon kang napupusuan at gusto mo nang maging tuwid ang buhay. At tigilan mo na ang pakikipag-kaibigan sa kanila. Tama din naman ang ginagawa mo, na hanggat walang kasal, hindi mo isusuko ang bataan. Dahil kapag-nangyari iyan, puede kang kasuhan ng pakikiapid at lalong magiging kumplikado ang pakikipag-hiwalay sa'yong asawa. Ang ibang Arabo, alam na rin naman ang kalakaran ng ibang mga Pinay sa Kuwait. Opo, nililinaw ko po, ng ibang Pilipina lang naman. Kaya, ang karamihan sa kanila, iniisip, after kang magamit, iiwan kang parang basahan. Wala din namang ipinagkaiba sa mga Pinoy hindi ba? Ang ibig ko lang sabihin Joy, ang ultimate decision maker ay ikaw. Ikaw ang guguhit ng iyong kapalaran. Ikaw ang makikisama sa kanila. Ikaw ang mag-papakasaya o magdurusa sa sandaling magdisyon ka. So ang pag-didisyon ay hindi minamadali. Pinag-aaralan iyan ng masinsinan, kasama ng isip at puso.
Sa kuwento ng iyong buhay Joy nakita ko ang pinagdaraanan mo. Kaya nauunawaan kita. Ayaw kong sabihin sayo na ipagpatuloy mo ang pagiging martyr na asawa. Kasi, kung tutuusin, may-buhay pa o sabi nga ni Santino 'May Bukas Pa'. Puede ka namang maging masaya, bakit pipiliin mong maging malungkot. Maikli na nga lang ang buhay natin sa mundo, sa buong buhay mo pa, hindi ka man lang naging masaya. Kaya, kung may-panahon pa, ipagpatuloy mo ang iyong pagiging masaya. Pero, ang sa akin lang, kailangan mo munang ipa-annul ang iyong kasal sa una mong asawa bago ang lahat.
At sa rules naman na maykinalaman sa spiritual, maliwanag ang paninindigan diyan ng simbahan. Mayroon simbahan na susuportahan ka at pag-aaralan nila kung puede pang isa-ayos ang nasirang pagsasama. Susuportahan ka at padadaluhin ng ilang mga counseling sessions. Kung mayroon pa talagang chance na muli kayong magsama. Makikita iyan throughout the session. Ang kinukunsidera ng simbahan ay ang kahalagahan ng sakramento ng kasal at ang katunayan na mayroong isang kaluluwang nag-ba-bind sa inyong dalawa. Sabi nga nila, mahalaga sa pag-sasama ng mag-asawa ang salitang sakripisyo. Walang perpektong relasyon lalo na sa mag-asawa. Mayroon talagang pagdaraanang mga pagsubok, at maraming sakripisyo sa buhay. Kung hindi ka handa diyan, at wala ang Panginoon sa sentro, talagang babagsak ka. Kung kaya nga sa counseling pa lang [bago ang kasal] pinaaalalahanan na ang babae at lalaki na maging handa sa mga pagsubok. Dadaan iyan at dadaan, kung matibay kayong dalawa, papasa kayo. Kung mahina ang isa sa inyo, palakasin ang isa, tulungan ang isa. Hindi yung kapag-nambabae ang lalaki, manlalaki din si babae. Kung nagsusugal si lalaki, ganun din si babae at pababayaan ang mga anak. Wala talagang patutunguhan ang relasyon kung ganyan. Panahon na rin siguro Joy, na muli mong balikan ang iyong nasirang relasyon. Ano ang mga nag-contribute o nag-udyok sa pagkasira ng inyong relasyon? Mayroon pa ba talagang chance na magkabalikan at mabuong muli ang pamilya? Lahat ng iyan ay pag-aralan mo, bago mo kausapin ang isang abogadong gagabay sayo sa pagpapawalang bisa ng iyong kasal.

Joy binaha ako ng mga reaksyon/comments mula sa ating readers. Isi-share ko ang ilan sa mga iyon next week dahil this time ay wala na tayong space. Salamat po sa inyong mga comments dear readers!

No comments:

Post a Comment