Saturday, July 29, 2006

Buhay At Pag-asa

Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawang. Ito po ay optional)

Paano makakaalpas sa mister na pabigat

Dear Kuya Ben,
Tawagin mo na lang akong Myra, tubong Zamboaga. Nagsimula ang kalbaryo
ng aking buhay ng mapangasawa ko ang isang sundalo na set-up lang sa akin ng
ate ko. Ibinigay niya kase ang susi ng bahay namin, at isang gabi,
namalayan ko na lang na katabi ko na siya sa pagtulog at may-nangyari sa
amin.
Di ko siya mahal, pero dahil nga sa nangyari, ginusto ko na rin siya.
Nabutis ako sa murang edad. Dahil nga sa sundalo siya, kung saan-saan
siyang lugar sa Pilipinas nadidistino, minsan kasama kami, minsan hindi.
Isang taon siya sa Cavite ng hindi niya man lang nakita ang aming anak dahil sa trabaho. Pero sumunod kami sa kanya sa Cavite. Hanggang sa maging dalawa na ang aming anak.
Napilitan na rin kaming magpakasal dahil mayroong libreng kasal sa military.
Pero matapos ang kasal namin, bigla na lang nagbago ang mister ko. Nadistino
naman siya sa Zambales, di na kami sumama at umuwi na lang kami ng
Zamboaga. Isang taon din mahigit siya doon, tapos, marami raw siyang loan,
kaya, konteng-konte na lang ang nakakarating na pera sa amin, pero
pinagkakasiya ko iyon para sa aming tatlo.
Kung magtatanong ako kung saan napupunta ang suweldo niya, nagagalit at ang daming rason. Matapos ang isang taon at limang buwan sa Zambales, kinuha niya kami sa Zamboaga at inuwi niya kami ng mga anak niya sa Bicol. Nakitira kami sa bahay ng mga magulang niya. Noon, hindi na ako mapalagay sa kung anong nangyari sa niloan niyang pera, kaya nagtanong ulit ako kung saan napunta iyon. Imbes na magpaliwanag, sinabi niya sa akin na wala raw akong pakialam dahil pera niya iyon. Nasaktan ako ng sobra sa sinabi niya. Di ko lubos maisip na masabi niya iyon sa akin. Minsan nakita ko pa sa kanyang bag ang ilang damit ng kanyang babae, grabe ang naging away naming ng araw na iyon, imbes na magsisi o humingi ng tawad, lalong nagalit sa akin, at siya mismo ang nagsabi sa aking lumayas daw ako sa pamamahay nila. Kinabukasan, walang sabi-sabi, umuwi kami ng dalawa kong anak sa Zamboanga. At para mabuhay ko ang dalawang anak, nag-disisyon akong mag-abraod. Sa Abu-Dhabi, UAE ang una kong abroad. Seven months lang ako doon at di ko natiis ang kahayupan ng among kong Arabo. No, letter, no phone at four hours lang ang tulog na allowed sa akin. Wala pang pag-kain, overwork at nananakit pa.

Dahil sa ganuong sitwasyon, tumakas ako at nagpunta ng embassy at tinulungan nila akong makauwi agad. Umuwi ako sa Pinas noong Feb 1, 2006. Noong naroroon ako sa Pinas, tinawagan ako ng mister ko, sabi umuwi raw muna ako sa Zamboanga para magkaliwanagan at maayos ang papel sa paghihiwalay. Di na ako nakauwi dahil di na rin ako pinayagan ng bagong agency na inaplayan ko. Nakaalis agad ako
noong April 2, 2006 at dito ako sa Kuwait napadpad. Dito sa Kuwait,
mababait ang naging amo ko, kahit noong isang buwan ko pa lang sa kanila,
pinayagan na nila akong mag-day-off. Mabait sila, at kahit sa pagkain, di sila
madamot, kasabay ko sila lagi sa pagkain, tinuturing nila akong kapamilya. Sana nga di sila magbago!
Heto ang mga katanungan ko Kuya Ben, tanggapin ko ba ang hamon ng asawa
kong annulment? Sa totoo lang gusto ko na rin dahil wala na rin
akong natitirang pagmamahal sa kanya. Parehong babae ang anak namin, paano ko
kaya hihingin ang sustento ng mga bata kung sakali man. Kung may-mag-alok ba ng kasal sa akin, okay lang bang pumayag ako kahit di pa annul ang kasal
ko sa aking asawa. Ano po ang gagawin ko.

Gumagalang at Nagpapasalamat,
Myra

Myra, ang tanong mo ay kung tatanggapin ba ang hamon ng mister mong annulment. Pero mayroon kang sundot na katanungan kung mayroong mag-aalok ng kasal sayo, okay lang ba na magpakasal? Bigla kong naisip na baka, mayroon ka ngang bago ngayon na nag-aalok sayo ng kasal. Hindi mo naman iyan inamin. Pero lets say na mayroon nga. Payong kaibigan, huwag mo munang sunggaban. What I mean, not now. Hindi dapat sayo magmula ang hamunan ng annulment, hayaan mong magmula iyan sa asawa mo, para mas-lalong maging madali ang proseso. Minsan kahit pirmahan na lang sa harapan ng barangay captain, puede na, pero syempre, mas-maliwanag kong disisyon ng husgado ang annulment.
Sa susunod na uwi mo sa Pinas, iyan ang asikasuhin mo, kung gusto mong hiwalayan ang asawa at mag-asawang muli. Tungkol sa sustento ididitirmina po iyan ng husgado once na naglabas sila ng disisyon sa annulment ninyo. Ang payo ko sayo, huwag kang magmamadali. Kung meron nang panibagong pamilya ang mister mo, paborable sayo, dahil magiging madali ang annulment ng kasal ninyo. Sikapin mong hindi ikaw ang mag-diin ng annulment, dahil baka, iyan pa ang dahilan para
hindi agad ma-annul ang kasal ninyo. Maraming kaso ng annulment ang hindi gina-grant ng husgado, dahil sa mga technical problems na kinakaharap ng both parties. Sa tingin ko sa status ng asawa mo, na isang sundalo, marami siyang puedeng gawing dahilan o alibi sa hindi ninyo pagkaka-unawaan.

Friday, July 14, 2006

Buhay at Pag-asa

Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia

(Posted Kuwait Times, Filipino Panorama, 16 July 2006. Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo)

Kaya kaya niyang ipaglaban?

Dear Kuya Ben,

Magandang araw po sa lahat ng sumusubaybay ng natatanging column mong ito. Ipinanganak ako taong 1979 sa pook Mindanao. Noong January 2003, dumating ako sa Kuwait. Naiwan ko sa Pilipinas ang aking boy-friend. Noong una nahirapan akong kumbinsihin siya. Ayaw niyang umalis ako at gusto niya magpakasal na raw kami upang magsama at mamuhay. Pero ang sabi ko sa kanya, gusto ko pa munang tulungan ang mga magulang ko. Isa pa hindi pa ako handa sa sinasabing pag-aasawa. Kaya nagpumilit ako. Wala pang kalahating taon, nabalitaan ko nang nag-asawa na siya, pinikot daw ng babae. Hindi ako maniwala dahil mayroon naman syang sariling isip. Pinaubuya ko na lang siya although gusto niyang magka-balikan kami, pero ayaw ko na, ayaw ko ring sirain ang buhay ko sa kanya.

Lumipas ang panahon, mayroon akong nakilalang isang kababayan natin sa SMS. Nagtatrabaho siya sa Middle East din. Nag-send siya ng pangungumusta at sinagot ko naman. Mula noon nagkamabutihan kami. Tumatawag siya sa akin pagkaminsan. Pero kadalasan, text message lang ang paraan ng aming kumunikasyon. Lumipas ang ilang buwan, naging masyado nang close at personal ang aming usapan. Sinagot ko siya sa phone at mabilis din siyang nag-propose ng pagpapakasal.

Kinuha niya ang number ng pamilya ko sa Pilipinas at nakausap na rin niya ang mga parents ko. Sinabi daw ng bf ko na mahal na mahal niya ako higit pa sa pagmamahal niya sa kanyang sarili. Mayroon na siyang mga binuong plano para sa amin at sa aming habambuhay na pagsasama. Lumalim ng lumalim ang aming relasyon. Pero isang araw, kinausap niya ako ng masinsinan. Mahal na mahal niya raw ako at mayroon siyang ipagtatapat sa akin, huwag lang daw akong masasaktan. Umiiyak siya ng sabihin niya sa akin na mayroon siyang asawa at dalawang anak sa Pilipinas. Hiwalay na sila ng 9 years. Ang mga anak niya ay nasa babae.

Ikinuwento niya kung papaanong nangyari ang lahat. Sa Manila sila nakatira, pero hinihingi ng kanyang trabaho ay ang madistino sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas, mula Luzon, Visayas at Mindanao. Dahil sa ganuong sitwasyon, minsan lang siyang makauwi ng bahay, minsan dalawa, tatlong buwan silang hindi nagkikitang mag-asawa. Isang araw ng bumalik siya galing sa isang buwang pagtatrabaho naratnan niya na lang ang asawa na nasa kandungan ng ibang lalaki. At upang hindi na lumala ang sitwasyon, siya na mismo ang kusang umalis ng bahay at inisip niyang mas-lalong mapapadali ang paglimot sa kanyang masakit na nakaraan kung lalayo siya, ng malayong malayo. Nag-apply siya palabas ng bansa at dito siya natanggap sa Middle East. Limang taon na rin siya dito. At simula noon, kinalimutan niya na rin ang kanyang asawa. Inalisan na rin siya ng karapatan sa mga bata.

Ito ngayon ang pangalawang yugto sa aming relasyon, sa kabila ng kanyang nakaraan, mahal ko pa rin siya. Sinabi ko sa kanyang ako ang pupuno ng lahat ng pagkukulang na hindi niya naranasan sa kanyang unang asawa. Ang masakit Kuya Ben, hindi ito alam ng mga magulang ko. Marami na kaming plano. Gusto naming mag-settle sa probinsiya namin once na nakauwi na kami ng Pilipinas.
Kuya Ben, tama ba ang ganitong relasyong pinasukan ko. Masama bang mahalin ko siya? Papaano kaming magpapakasal gayong hindi naman annul ang kasal sa una niyang asawa. Isang taon na po ang aming relasyon ngayon. Pagpayuhan mo ako.

Gumagalang at Nagpapasalamat
Leo Girl

Leo Girl salamat po sa tiwala. Unang una, gusto kong sabihin sayo na hindi masamang umibig o magmahal. Hindi rin masamang ibigay ang iyong matamis na oo sa taong minamahal mo, sa taong nagbigay saysay sayong buhay, sa taong nagbigay pansin sayo. Ang masakit sa parte mo, minahal mo siya noon pang nagsisinungaling siya. Pero minahal mo pa rin hanggang noong sinabi niya sayong may-anak na siya at asawa. Hindi kita masisisi diyan. Pero gusto ko lang din sabihin ito sayo. Hindi mo man lang sinubukan kung gaano ba talaga ang kanyang pagmamahal sayo. Noong sabihin sayo ang kanyang tunay na nakaraan, isang malaking oportunidad iyon upang subukan mo rin ang kanyang pagmamahal sayo. Baka, lumabas niyan, ikaw itong sobrang mapagmahal, at hindi mo rin alam kung hanggang saan ka niya kayang ipaglaban. Speaking of ipaglalaban, hanggang saan niya kaya ipinaglaban ang kanyang asawa? Bakit kaya nagawa niyang tuluyang kalimutan ang anak ng ganuon na lang, gayong kung tutuusin, hindi naman kasalanan ng mga bata ang manlalaki ang kanilang ina. Kung sabagay hindi ko naman siya mahuhusgahan kung hanggang saan niya ipinaglaban ang kanyang naunang pamilya. Siya ang nakakaalam noon. Pero sabi nga, masusubukan mo raw ang katatagan ng isang pagsasama sa mga oras ng unos at pagsubok sa buhay. Ikaw Leo Girl, hanggang saan ka kaya niya kayang ipaglaban. Sa pagdating ng unos at mga pagsubok, kaya niya kayang patunayan na hindi niya na basta iiwanan ang pamilya?

Pangalawang puntos, gaano kaya siya katotoo? Ano pa kayang katotohanan ang maaaring gigimbal sayo pagdating ng araw? Minsan ka niyang niloko, ikinaila niya ang pagkakaroon niya ng asawa at anak noong una, although, kinalaunan, inamin niya rin. Pero kinuha niya muna ang kahinaan mo, bago niya ipinagtapat ang katotohanan sa kanyang buhay. Mayroon pa kayang mas-malala pa diyang sitwasyon na maaaring gigimbal sa inyong relasyon? Tanungin mo na siya ngayon hanggat maaga. Sabihin mo na rin sa kanya ngayon kung hanggang saan ka niya kayang ipaglaban. Puede ka kayang damayan sa mga oras ng kalungkutan, sa mga panahon na ang relasyon ay sinusubukan. Kaya kaya niyang ipaglaban?

Kung masasagot niya ng tuwiran iyan sayo, sige, ipagpatuloy mo ang relasyon sa kanya. Sabi nga lahat naman tayo deserve a second chance. Kung totoo ang sinabi niya sayo na hiwalay na siya sa kanyang asawa, hayaan mo siyang in his own effort gawin niya ang pagpapa-annul ng kanilang kasal. Hindi mo na iyan problema, dahil unang-una, dalaga ka, wala kang sabit. Kung gusto niyang magsama kayo, pakasal kayo, gawin ninyong legal ang pagsasama niyo. Ang korte na rin ang mag-dedetermina sa kanyang legal na tungkulin sa kanyang mga naging anak sa una. Mayroon siyang pananagutan doon, dahil bali-baligtarin man ang mundo, siya pa rin ang tatay ng mga naunan niyang anak. Dapat mo rin iyang tanggapin. Mas-maganda kamong maging responsable siya, kung ipapakita niya iyan sayo, aba’y baka-maslalo mo pa siyang hahangaan.

Saturday, July 08, 2006

Buhay at Pag-asa

Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo)

Pag-pupugay para sa tunay na bayani

'Pasan ko ang daigdig'


Dear Kuya Ben,
Labing-tatlong taong-gulang po ako ng umalis ang tatay. Tandang-tanda ko noong gabing mag-away ang nanay at tatay ko, mayroon silang hindi napagkasunduan. Nung gabi ding iyon, lumayas ang tatay at hindi na ito bumalik hanggang ngayon.
Kahirapan at malulungkot na sandali ang lumipas. Hanggang sa magtrabaho at mamatay din ang aking Kuya. Napilitan si Inay na magtrabaho. Una nagtinda ng kamote at isda. Pero kinalaunan, nagbago ang Inay, Natuto itong magsugal at manlalaki. Napabayaan kaming magkakapatid. Inu-umaga na ito sa sugalan, umuuwi sa bahay ng lasing. Hindi niya nga alam na minsan wala kaming makain sa bahay. Hinihintay namin siyang dumating. Nagluluto ako ng kamoteng kahoy kung meron sa bahay, kung hindi naman, nagluluto ako ng lugaw para maipan-tawid gutom ng aking mga maliliit na kapatid.
Dahil sa wala na ngang nangangalaga sa amin, pati yung ate ko, nagloko na rin, minsan umuuwi din sa bahay na lasing at hindi makausap ng matino.
Isang araw, di umuwi ang Inay, nagpunta ako sa kaibigan niya, ang sabi sa akin, hindi raw ba nagpaalam. Sumama na raw ito sa lalaking kalaro niya sa sugalan.
Sa ganuong kalagayan namin, nilakasan ko ang loob ko. Hindi ko ipinahalata sa mga kapatid ko ang pagkawala ni Inay, ang sabi ko sa kanila, nag-trabaho lang at babalik din. Nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng loob upang makayanan ko ang problemang dumarating sa aming buhay. Una, ang Tatay umalis, pangalawa, namatay ang Kuya ko, pangatlo ang nanay ko nagloko at sumama sa lalaki, tapos ang kapatid kong babae, na mas-matanda sa akin, wala na rin sa sarili at gusto na lang gawin ang maging tambay at uminom kasama ng kanyang mga lulong ding babae.
Anupat pasan ko ang daigdig Kuya Ben. Gumawa ako ng paraan upang makapag-trabaho at kumita para mabuhay ang mga kapatid ko. Sinubukan kong pumasok bilang labandera sa malaking bahay malapit sa amin. Gusto ko malapit lang sa bahay dahil kailangan kong tingnan ang mga bata ko pang mga kapatid.
Noong unang sweldo, binilhan ko sila ng spaghetti, tuwang-tuwa sila, kase noon lang sila nakatikim ng ganuon pagkain, masarap daw at sana, araw-araw mayroong ganuon. Pero papaano, magkano lang naman ang kinikita ko, para iyon sa pagkain lang naming sa araw-araw. Nalaman ng pinaglalabahan ko ang aming kalagayan. Siguro naawa ito sa amin, inalok niya akong magtrabaho sa ibang bansa. Tinanong nila ako kung gusto ko raw bang mag-abroad, labag man sa kalooban ko dahil sa maliit ko pang mga kapatid, umu-o na lang ako, dahil sabi malaki-laki naman daw ang kikitain ko sa abroad. Sabi nila sa akin huwag daw akong mag-alala sa pera, tutulungan daw nila akong makaalis ng walang babayaran.
Sa madaling salita nakaalis ako, napunta ako sa Kuwait. Unang amo ko, 'salbahe' ayaw akong bigyan ng pagkain, konteng-konte lang, kubos pa at hindi malunok na sauce. Nagreklamo ako at nagpahatid ako sa agency. Pangalawang amo ko, okay sila. Noong nandito na ako sa Kuwait, nabalitaan ko sa kapatid ko sa Pilipinas na gustong bumalik sa bahay ang ate ko. May-bit-bit daw itong sanggol, gustong iwanan sa bahay dahil hindi niya raw kayang buhayin. Sabi ko sa kapatid ko, huwag tatanggapin dahil siya ang may-problema.
Tinikis ko siya Kuya Ben, gusto kong bigyan sila ng leksyon. Noong nakaraang buwan, tumawag ulit ang kapatid ko, bumabalik din daw sa bahay ang Nanay humihingi ng tawad. Sabi ko huwag pansinin ang mga taong walang awa kaming iniwanan, kasama doon ang Inay. Noong umalis ang Inay, ako ang nagpakahirap para mabuhay ang aking mga kapatid. Ako ang naging magulang nila. Sa katunayan yung kapatid kong bunso, Nanay ang tawag sa akin, hindi niya alam na kapatid ko siya.
Kuya tama ba ang mga disisyon ko upang tikisin ko ang mga taong parte ng buhay ko o kadugo ko?

Gumagalang at Nagpapasalamat
Narrisa

Narrisa salamat sayong liham kasaysayan! Ang iyong liham Nerissa ay kabaligtaran sa lahat halos ng lumiliham sa akin. Kabaligtaran dahil kadalasan ang 'salbaje' ay yung lalaki, ama o kapatid na lalaki, pero this time opposite, yung babae ang 'salbahe'. Ang masakit Nanay at kapatid na babae pa ang nagsalbahe. Bagay na hanggang ngayon pasanin pa rin ni Nerissa ang sitwasyong ito. Papaano kaya natin ihahandle ang ganitong sitwasyon? Gaya din kaya tayo ni Narissa na nagpakatatag at itinawid sa kapahamakan ang kanilang pamilya. Bihira ang taong tulad ni Narissa. Alam nyo kung mahinang klase lang si Narissa, baka, nagpadala na rin siya sa agos ng kadiliman. Kaya kung mayroong lang bibigyan ng award o parangal, dapat ang mga katulad mo Nerissa ang binibigyan nito. Dahil hindi ikaw naging selfish. Hindi mo inisip ang sarili. Inisip mo ang kapakanan ng mga kapatid mo sa gitna ng bumabalot na kadiliman sa inyong daang tinatahak, kawalang dereksyon ng pamilya. Siya ang naging ilaw at tanglaw nila upang sila'y maitawid sa buhay. Itatabi ko ang kuwento mo Narrisa, isasama ko ito sa mga taong gusto kong iindorso balang araw, para mabigyan ng pagkilala. Sa mga kababayan natin, sana hindi tayo maging maramot sa pag-indorso sa tulad ni Nerissa. Darating din ang pagkilala sayong tunay na kabayanihan. Mabuhay ka!
Pero mas-lalo akong hahanga sayo Narissa, kung sa kabila ng pagkukulang ng iyong magulang at kapatid, nakuha mo pa rin silang bigyan ng pangalawang pagkakataon. Sa mga kababayan kong nagbabasa ng Buhay at Pag-asa, hindi natin puedeng gamitin ang ating mga kamay upang ituro o sisihin ang mag-inang 'nag-salbaje' although kung tutuusin mayroon silang pagkukulang. Tawagin na lang natin itong biktima ng madilim na nakaraan. Hindi nila ito hingi at hindi nila ito ginusto, hindi lang nila nakayanan. Pero pasalamat tayong mayroong tulad ni Nerissa na naging matapang sa pagharap sa mga ganitong pagsubok. Kaya ikaw ang tunay na bayani para sayong mga kapatid Narissa.
Masisi ba natin si Nerrisa sa kanyang pagtitikis sa kanyang Nanay at Kapatid? Hindi. Lawakan man natin ang pang-unawa, ang simpatya ay para pa rin kay Nerissa. Pero nabubuhay po tayo hindi lang para sa ating sarili. Nabubuhay tayo upang para maging tanglaw o tulong para sa isa, dalawa, tatlo o marami pang kapwa. Iyan po ang desenyo ng Diyos sa kanyang nilikha, upang tayo ay magtulungan at magbigayan, hindi ang tikisin ang kapwa, dahil sila'y naging minsang pabigat at salbahe sa atin. Ikaw na rin ang may-sabi Narissa na sila ay mga kadugo mo. Gaano man kasakit ang nilikha nilang sugat sayo, Magulang mo siya at kapatid.
Minsan nagaganap ang pangyayaring ganyan upang tayo ay maging matatag at upang tayo ay i-ilevate ng Diyos sa mas-mataas na antas ng buhay, na tila, nakita kong naririyan ka na sa mas-mataas na antas. Nerissa, ikaw ngayon ay mayroong nang trabaho, ang mga pang-yayaring naganap sayong buhay ay sandigan iyan sa pagkakaroon mo ngayon ng lakas ng loob at tibay upang ikaw ay maging si Nerissa.
Huwag mong isarado ang iyong pinto para sa pagpapatawad, tulunagn mo silang muling ibalik ang kanilang napariwarang buhay. Tulungan mo silang ibangon ang buhay. Ikaw na lang ang susi upang muling magbago at maibalik ang ninakaw nilang buhay. Kung nag-sisisi, patarin mo at sabihin mo sa kanilang minsan pa kayong mag-tulungan upang sama-sama ninyong ibangon ang pamilya. Mayroon ka nang malaking lesson, alam mo na kung papaano sila makikipag-deal sayo, pero hindi ko sinasabing hawakan mo sila sa leeg, kundi iapply mo ang ika ngay' talinghaga sa pagbibigay ng isda sa kapitbahay. Hindi puro isda, ang ibigay, kundi, bigyan sila ng pamingwit upang matutong mang-huli ng isda. Batid kong alam mo ang ibig kong ipakahulugan diyan.