Friday, July 14, 2006

Buhay at Pag-asa

Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia

(Posted Kuwait Times, Filipino Panorama, 16 July 2006. Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo)

Kaya kaya niyang ipaglaban?

Dear Kuya Ben,

Magandang araw po sa lahat ng sumusubaybay ng natatanging column mong ito. Ipinanganak ako taong 1979 sa pook Mindanao. Noong January 2003, dumating ako sa Kuwait. Naiwan ko sa Pilipinas ang aking boy-friend. Noong una nahirapan akong kumbinsihin siya. Ayaw niyang umalis ako at gusto niya magpakasal na raw kami upang magsama at mamuhay. Pero ang sabi ko sa kanya, gusto ko pa munang tulungan ang mga magulang ko. Isa pa hindi pa ako handa sa sinasabing pag-aasawa. Kaya nagpumilit ako. Wala pang kalahating taon, nabalitaan ko nang nag-asawa na siya, pinikot daw ng babae. Hindi ako maniwala dahil mayroon naman syang sariling isip. Pinaubuya ko na lang siya although gusto niyang magka-balikan kami, pero ayaw ko na, ayaw ko ring sirain ang buhay ko sa kanya.

Lumipas ang panahon, mayroon akong nakilalang isang kababayan natin sa SMS. Nagtatrabaho siya sa Middle East din. Nag-send siya ng pangungumusta at sinagot ko naman. Mula noon nagkamabutihan kami. Tumatawag siya sa akin pagkaminsan. Pero kadalasan, text message lang ang paraan ng aming kumunikasyon. Lumipas ang ilang buwan, naging masyado nang close at personal ang aming usapan. Sinagot ko siya sa phone at mabilis din siyang nag-propose ng pagpapakasal.

Kinuha niya ang number ng pamilya ko sa Pilipinas at nakausap na rin niya ang mga parents ko. Sinabi daw ng bf ko na mahal na mahal niya ako higit pa sa pagmamahal niya sa kanyang sarili. Mayroon na siyang mga binuong plano para sa amin at sa aming habambuhay na pagsasama. Lumalim ng lumalim ang aming relasyon. Pero isang araw, kinausap niya ako ng masinsinan. Mahal na mahal niya raw ako at mayroon siyang ipagtatapat sa akin, huwag lang daw akong masasaktan. Umiiyak siya ng sabihin niya sa akin na mayroon siyang asawa at dalawang anak sa Pilipinas. Hiwalay na sila ng 9 years. Ang mga anak niya ay nasa babae.

Ikinuwento niya kung papaanong nangyari ang lahat. Sa Manila sila nakatira, pero hinihingi ng kanyang trabaho ay ang madistino sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas, mula Luzon, Visayas at Mindanao. Dahil sa ganuong sitwasyon, minsan lang siyang makauwi ng bahay, minsan dalawa, tatlong buwan silang hindi nagkikitang mag-asawa. Isang araw ng bumalik siya galing sa isang buwang pagtatrabaho naratnan niya na lang ang asawa na nasa kandungan ng ibang lalaki. At upang hindi na lumala ang sitwasyon, siya na mismo ang kusang umalis ng bahay at inisip niyang mas-lalong mapapadali ang paglimot sa kanyang masakit na nakaraan kung lalayo siya, ng malayong malayo. Nag-apply siya palabas ng bansa at dito siya natanggap sa Middle East. Limang taon na rin siya dito. At simula noon, kinalimutan niya na rin ang kanyang asawa. Inalisan na rin siya ng karapatan sa mga bata.

Ito ngayon ang pangalawang yugto sa aming relasyon, sa kabila ng kanyang nakaraan, mahal ko pa rin siya. Sinabi ko sa kanyang ako ang pupuno ng lahat ng pagkukulang na hindi niya naranasan sa kanyang unang asawa. Ang masakit Kuya Ben, hindi ito alam ng mga magulang ko. Marami na kaming plano. Gusto naming mag-settle sa probinsiya namin once na nakauwi na kami ng Pilipinas.
Kuya Ben, tama ba ang ganitong relasyong pinasukan ko. Masama bang mahalin ko siya? Papaano kaming magpapakasal gayong hindi naman annul ang kasal sa una niyang asawa. Isang taon na po ang aming relasyon ngayon. Pagpayuhan mo ako.

Gumagalang at Nagpapasalamat
Leo Girl

Leo Girl salamat po sa tiwala. Unang una, gusto kong sabihin sayo na hindi masamang umibig o magmahal. Hindi rin masamang ibigay ang iyong matamis na oo sa taong minamahal mo, sa taong nagbigay saysay sayong buhay, sa taong nagbigay pansin sayo. Ang masakit sa parte mo, minahal mo siya noon pang nagsisinungaling siya. Pero minahal mo pa rin hanggang noong sinabi niya sayong may-anak na siya at asawa. Hindi kita masisisi diyan. Pero gusto ko lang din sabihin ito sayo. Hindi mo man lang sinubukan kung gaano ba talaga ang kanyang pagmamahal sayo. Noong sabihin sayo ang kanyang tunay na nakaraan, isang malaking oportunidad iyon upang subukan mo rin ang kanyang pagmamahal sayo. Baka, lumabas niyan, ikaw itong sobrang mapagmahal, at hindi mo rin alam kung hanggang saan ka niya kayang ipaglaban. Speaking of ipaglalaban, hanggang saan niya kaya ipinaglaban ang kanyang asawa? Bakit kaya nagawa niyang tuluyang kalimutan ang anak ng ganuon na lang, gayong kung tutuusin, hindi naman kasalanan ng mga bata ang manlalaki ang kanilang ina. Kung sabagay hindi ko naman siya mahuhusgahan kung hanggang saan niya ipinaglaban ang kanyang naunang pamilya. Siya ang nakakaalam noon. Pero sabi nga, masusubukan mo raw ang katatagan ng isang pagsasama sa mga oras ng unos at pagsubok sa buhay. Ikaw Leo Girl, hanggang saan ka kaya niya kayang ipaglaban. Sa pagdating ng unos at mga pagsubok, kaya niya kayang patunayan na hindi niya na basta iiwanan ang pamilya?

Pangalawang puntos, gaano kaya siya katotoo? Ano pa kayang katotohanan ang maaaring gigimbal sayo pagdating ng araw? Minsan ka niyang niloko, ikinaila niya ang pagkakaroon niya ng asawa at anak noong una, although, kinalaunan, inamin niya rin. Pero kinuha niya muna ang kahinaan mo, bago niya ipinagtapat ang katotohanan sa kanyang buhay. Mayroon pa kayang mas-malala pa diyang sitwasyon na maaaring gigimbal sa inyong relasyon? Tanungin mo na siya ngayon hanggat maaga. Sabihin mo na rin sa kanya ngayon kung hanggang saan ka niya kayang ipaglaban. Puede ka kayang damayan sa mga oras ng kalungkutan, sa mga panahon na ang relasyon ay sinusubukan. Kaya kaya niyang ipaglaban?

Kung masasagot niya ng tuwiran iyan sayo, sige, ipagpatuloy mo ang relasyon sa kanya. Sabi nga lahat naman tayo deserve a second chance. Kung totoo ang sinabi niya sayo na hiwalay na siya sa kanyang asawa, hayaan mo siyang in his own effort gawin niya ang pagpapa-annul ng kanilang kasal. Hindi mo na iyan problema, dahil unang-una, dalaga ka, wala kang sabit. Kung gusto niyang magsama kayo, pakasal kayo, gawin ninyong legal ang pagsasama niyo. Ang korte na rin ang mag-dedetermina sa kanyang legal na tungkulin sa kanyang mga naging anak sa una. Mayroon siyang pananagutan doon, dahil bali-baligtarin man ang mundo, siya pa rin ang tatay ng mga naunan niyang anak. Dapat mo rin iyang tanggapin. Mas-maganda kamong maging responsable siya, kung ipapakita niya iyan sayo, aba’y baka-maslalo mo pa siyang hahangaan.

No comments:

Post a Comment