Saturday, July 08, 2006

Buhay at Pag-asa

Buhay at Pag-asa
Ni Ben Garcia

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo)

Pag-pupugay para sa tunay na bayani

'Pasan ko ang daigdig'


Dear Kuya Ben,
Labing-tatlong taong-gulang po ako ng umalis ang tatay. Tandang-tanda ko noong gabing mag-away ang nanay at tatay ko, mayroon silang hindi napagkasunduan. Nung gabi ding iyon, lumayas ang tatay at hindi na ito bumalik hanggang ngayon.
Kahirapan at malulungkot na sandali ang lumipas. Hanggang sa magtrabaho at mamatay din ang aking Kuya. Napilitan si Inay na magtrabaho. Una nagtinda ng kamote at isda. Pero kinalaunan, nagbago ang Inay, Natuto itong magsugal at manlalaki. Napabayaan kaming magkakapatid. Inu-umaga na ito sa sugalan, umuuwi sa bahay ng lasing. Hindi niya nga alam na minsan wala kaming makain sa bahay. Hinihintay namin siyang dumating. Nagluluto ako ng kamoteng kahoy kung meron sa bahay, kung hindi naman, nagluluto ako ng lugaw para maipan-tawid gutom ng aking mga maliliit na kapatid.
Dahil sa wala na ngang nangangalaga sa amin, pati yung ate ko, nagloko na rin, minsan umuuwi din sa bahay na lasing at hindi makausap ng matino.
Isang araw, di umuwi ang Inay, nagpunta ako sa kaibigan niya, ang sabi sa akin, hindi raw ba nagpaalam. Sumama na raw ito sa lalaking kalaro niya sa sugalan.
Sa ganuong kalagayan namin, nilakasan ko ang loob ko. Hindi ko ipinahalata sa mga kapatid ko ang pagkawala ni Inay, ang sabi ko sa kanila, nag-trabaho lang at babalik din. Nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng loob upang makayanan ko ang problemang dumarating sa aming buhay. Una, ang Tatay umalis, pangalawa, namatay ang Kuya ko, pangatlo ang nanay ko nagloko at sumama sa lalaki, tapos ang kapatid kong babae, na mas-matanda sa akin, wala na rin sa sarili at gusto na lang gawin ang maging tambay at uminom kasama ng kanyang mga lulong ding babae.
Anupat pasan ko ang daigdig Kuya Ben. Gumawa ako ng paraan upang makapag-trabaho at kumita para mabuhay ang mga kapatid ko. Sinubukan kong pumasok bilang labandera sa malaking bahay malapit sa amin. Gusto ko malapit lang sa bahay dahil kailangan kong tingnan ang mga bata ko pang mga kapatid.
Noong unang sweldo, binilhan ko sila ng spaghetti, tuwang-tuwa sila, kase noon lang sila nakatikim ng ganuon pagkain, masarap daw at sana, araw-araw mayroong ganuon. Pero papaano, magkano lang naman ang kinikita ko, para iyon sa pagkain lang naming sa araw-araw. Nalaman ng pinaglalabahan ko ang aming kalagayan. Siguro naawa ito sa amin, inalok niya akong magtrabaho sa ibang bansa. Tinanong nila ako kung gusto ko raw bang mag-abroad, labag man sa kalooban ko dahil sa maliit ko pang mga kapatid, umu-o na lang ako, dahil sabi malaki-laki naman daw ang kikitain ko sa abroad. Sabi nila sa akin huwag daw akong mag-alala sa pera, tutulungan daw nila akong makaalis ng walang babayaran.
Sa madaling salita nakaalis ako, napunta ako sa Kuwait. Unang amo ko, 'salbahe' ayaw akong bigyan ng pagkain, konteng-konte lang, kubos pa at hindi malunok na sauce. Nagreklamo ako at nagpahatid ako sa agency. Pangalawang amo ko, okay sila. Noong nandito na ako sa Kuwait, nabalitaan ko sa kapatid ko sa Pilipinas na gustong bumalik sa bahay ang ate ko. May-bit-bit daw itong sanggol, gustong iwanan sa bahay dahil hindi niya raw kayang buhayin. Sabi ko sa kapatid ko, huwag tatanggapin dahil siya ang may-problema.
Tinikis ko siya Kuya Ben, gusto kong bigyan sila ng leksyon. Noong nakaraang buwan, tumawag ulit ang kapatid ko, bumabalik din daw sa bahay ang Nanay humihingi ng tawad. Sabi ko huwag pansinin ang mga taong walang awa kaming iniwanan, kasama doon ang Inay. Noong umalis ang Inay, ako ang nagpakahirap para mabuhay ang aking mga kapatid. Ako ang naging magulang nila. Sa katunayan yung kapatid kong bunso, Nanay ang tawag sa akin, hindi niya alam na kapatid ko siya.
Kuya tama ba ang mga disisyon ko upang tikisin ko ang mga taong parte ng buhay ko o kadugo ko?

Gumagalang at Nagpapasalamat
Narrisa

Narrisa salamat sayong liham kasaysayan! Ang iyong liham Nerissa ay kabaligtaran sa lahat halos ng lumiliham sa akin. Kabaligtaran dahil kadalasan ang 'salbaje' ay yung lalaki, ama o kapatid na lalaki, pero this time opposite, yung babae ang 'salbahe'. Ang masakit Nanay at kapatid na babae pa ang nagsalbahe. Bagay na hanggang ngayon pasanin pa rin ni Nerissa ang sitwasyong ito. Papaano kaya natin ihahandle ang ganitong sitwasyon? Gaya din kaya tayo ni Narissa na nagpakatatag at itinawid sa kapahamakan ang kanilang pamilya. Bihira ang taong tulad ni Narissa. Alam nyo kung mahinang klase lang si Narissa, baka, nagpadala na rin siya sa agos ng kadiliman. Kaya kung mayroong lang bibigyan ng award o parangal, dapat ang mga katulad mo Nerissa ang binibigyan nito. Dahil hindi ikaw naging selfish. Hindi mo inisip ang sarili. Inisip mo ang kapakanan ng mga kapatid mo sa gitna ng bumabalot na kadiliman sa inyong daang tinatahak, kawalang dereksyon ng pamilya. Siya ang naging ilaw at tanglaw nila upang sila'y maitawid sa buhay. Itatabi ko ang kuwento mo Narrisa, isasama ko ito sa mga taong gusto kong iindorso balang araw, para mabigyan ng pagkilala. Sa mga kababayan natin, sana hindi tayo maging maramot sa pag-indorso sa tulad ni Nerissa. Darating din ang pagkilala sayong tunay na kabayanihan. Mabuhay ka!
Pero mas-lalo akong hahanga sayo Narissa, kung sa kabila ng pagkukulang ng iyong magulang at kapatid, nakuha mo pa rin silang bigyan ng pangalawang pagkakataon. Sa mga kababayan kong nagbabasa ng Buhay at Pag-asa, hindi natin puedeng gamitin ang ating mga kamay upang ituro o sisihin ang mag-inang 'nag-salbaje' although kung tutuusin mayroon silang pagkukulang. Tawagin na lang natin itong biktima ng madilim na nakaraan. Hindi nila ito hingi at hindi nila ito ginusto, hindi lang nila nakayanan. Pero pasalamat tayong mayroong tulad ni Nerissa na naging matapang sa pagharap sa mga ganitong pagsubok. Kaya ikaw ang tunay na bayani para sayong mga kapatid Narissa.
Masisi ba natin si Nerrisa sa kanyang pagtitikis sa kanyang Nanay at Kapatid? Hindi. Lawakan man natin ang pang-unawa, ang simpatya ay para pa rin kay Nerissa. Pero nabubuhay po tayo hindi lang para sa ating sarili. Nabubuhay tayo upang para maging tanglaw o tulong para sa isa, dalawa, tatlo o marami pang kapwa. Iyan po ang desenyo ng Diyos sa kanyang nilikha, upang tayo ay magtulungan at magbigayan, hindi ang tikisin ang kapwa, dahil sila'y naging minsang pabigat at salbahe sa atin. Ikaw na rin ang may-sabi Narissa na sila ay mga kadugo mo. Gaano man kasakit ang nilikha nilang sugat sayo, Magulang mo siya at kapatid.
Minsan nagaganap ang pangyayaring ganyan upang tayo ay maging matatag at upang tayo ay i-ilevate ng Diyos sa mas-mataas na antas ng buhay, na tila, nakita kong naririyan ka na sa mas-mataas na antas. Nerissa, ikaw ngayon ay mayroong nang trabaho, ang mga pang-yayaring naganap sayong buhay ay sandigan iyan sa pagkakaroon mo ngayon ng lakas ng loob at tibay upang ikaw ay maging si Nerissa.
Huwag mong isarado ang iyong pinto para sa pagpapatawad, tulunagn mo silang muling ibalik ang kanilang napariwarang buhay. Tulungan mo silang ibangon ang buhay. Ikaw na lang ang susi upang muling magbago at maibalik ang ninakaw nilang buhay. Kung nag-sisisi, patarin mo at sabihin mo sa kanilang minsan pa kayong mag-tulungan upang sama-sama ninyong ibangon ang pamilya. Mayroon ka nang malaking lesson, alam mo na kung papaano sila makikipag-deal sayo, pero hindi ko sinasabing hawakan mo sila sa leeg, kundi iapply mo ang ika ngay' talinghaga sa pagbibigay ng isda sa kapitbahay. Hindi puro isda, ang ibigay, kundi, bigyan sila ng pamingwit upang matutong mang-huli ng isda. Batid kong alam mo ang ibig kong ipakahulugan diyan.

No comments:

Post a Comment