Sunday, February 04, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Ni Ben Garcia
Tatlong lalake sa buhay ni Maribel hindi naka-score

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)


Dear Kuya Ben,
Ako po si Maribel Bongulto ng Bicol, 42 years old, still single. Galing na po ako sa Singapore nag-work ako dun ng five and half years, sa Hong Kong one and half year at isa at kalahating taon na rin po ako sa Kuwait ngayon. Naging El-Shaddai member po ako noong 1992 at assistant intercessory ministry leader ako sa Singapore. Assistant Choir leader naman ako sa Hong Kong at sa chapter ng El-Shaddai sa Bicol.
Bro Ben, Gusto ko lang ishare ang aking buhay sa inyong programa. Alam kong napakaraming nagbabasa ng Buhay at Pag-asa, kaya, naglakas loob akong mag-share ng aking buhay, una, para kapulutan ng aral ng ilan sa ating mga kababayan at upang purihin ang Panginoon.
Tatlong lalaki ang dumaan sa aking buhay. Oo, nakatabi ko sila sa pagtulog, pero hindi sila nagtagumpay sa ibig nilang mangyari. Napangalagaan ko ang aking pagkababae at masasabi kong hanggang ngayon matatawag ko ang aking sariling virgin. Tawagin nating Wilmer ang unang lalaking nakatabi ko sa pagtulog. First yea high school ako noon sa Iriga City. Ipinakilala ko si Wilmer sa parents ko, pero hindi siya nagustuhan ng aking mga magulang dahil third cousin ko pa raw siya. Pero, hindi iyon naging hadlang sa pagmamahalan namin. Sa katunayan, gusto niya na akong itanan. Pero hindi ako pumayag, dahil bata pa kami noon at gusto kong tapusin ang aking pag-aaral.
1984 ako grumadyet ng HS. Si Wilmer nag-disiyong mag-punta ng Maynila para doon mag-tapos ng koleheyo at ako sa Bicol pa rin. Huminto nga lang ako ng akoy' second year college na sa Accounting dahil sa kakapusan sa pera. Mayroon akong kaklase noon sa Bicol na taga-Zambales, niyaya niya akong magpunta doon dahil marami raw siyang kilalang puede kong mapasukan doon. Isa sa binanggit niya ay ang pagkakitaan ko ang aking boses, dahil magaling po akong kumanta. Nilapitan niya ako at inofer niya sa akin ang trabaho sa isang bar sa Zambales. 35 pesos ang bawat isang kanta, limang kanta lang sa isang gabi, solve na ang problema ko sa pera at maipagpapatuloy ko ang aking pag-aaral. Yun nga lang malayo iyon kaya kelangan kong magtrabaho at kumita muna. Naging singer ako, pero ilang buwan lang nagsara ang kumpanyang pinapasukan ko, napilitan akong maging waitress. Sa bagong trabaho ko, umalis ako matapos ang ilang buwan dahil pinag-seselosan ako ng cashier namin, na noon ay pinupuntahan ng isang black American. Sa paglipat ko sa ibang Resto, nakilala ko naman si Ronie. Noong una, ayaw ko sa kanya dahil bata pa siya, bata pa rin ang isip niya. Pero ilang Linggo ang lumipas, bumigay din ako, sinagot ko siya at nagsama kami ng isang Linggo. Sa pagsasama naming iyon, lagi niyang gusto akong galawin, pero ayaw ko nga, dahil takot ako, umiiyak ako kapag gusto niyang subukan ang bagay na iyon. Kinantyawan si Ronie ng mga kasamahan niya dahil nagsasama raw kami ni hindi ako magalaw. Naaalala ko kase ang Nanay ko, lagi niyang binabanggit sa akin na mag-ingat daw ako lagi sa mga lalaki.
Umalis ako sa Zambales at nagtungo ng Maynila. Pumisan ako sa isa kong kapatid na nagtatrabaho sa pabrika, nakapagtrabaho din ako doon. Sinundan ako ni Ronie dahil nangako siya ng kasal sa akin, ang akala ko, noong sumunod siya, pakakasalan na niya ako, pero, di pa rin pala, dahil ang rason, maghahanap pa raw siya ng trabaho, at kung makatagpo na raw doon daw kami magpapakasal. Hindi ako pumayag sa halip, agad kong nabitawan ang salitang 'umalis kana, di na kita kailangan'. Umiyak si Ronie at umalis at matagal na naputol ang aming kuminikasyon.
1988 nagkaroon ako ng kapen-pal isang Amerikano sa San Diego California. Gusto niya akong magpunta doon, pero takot ako, kaya siya na lang ang nagplanong pumunta sa Pinas pero di rin siya natuloy. Marami siyang rason. 1994, nagtrabaho ako sa Singapore. Si Wilmer, muling nagpakita sa bahay namin, hinahanap ako at di pa raw niya ako nakakalimutan. Gusto niyang matuloy ang aming pagsasama. Nangako akong uuwi at magpapakasal kami. Samantalang si Ronie ganuon din, biglang nagkaroon ng kontak sa akin, mayroon na rin siyang anak, isa, pero di sila kasal at hiwalay na rin ng mga panahong iyon, gusto niyang magkatuluyan din kami. Tuloy din ang aking pakikipagsulatan sa Americano, pero tinigilan ko agad ng matanggap ko nga ang balita mula kina Wilmer at Ronnie.
Umaasa ako na isa man sa kanila ay makakatuluyan ko na, handa na rin naman ako sa bagay na iyon. Hindi na ako takot, pero pangako ko sa sarili ko, siya lang at wala ng iba. Pero di rin nag-work-out ang lahat. Noong umuwi ako galing sa Hong Kong, nakilala ko naman si Carl, siya ay kasamahan ko sa fellowship ng El-Shaddai. Preacher siya at coordinator sa aming bayan. Matipuno, gwapo, mapagkakamalan mo nga siyang Dominic Ochoa (Artista sa Pinas). Ayaw ko pa noon sa kanya, dahil parang hindi kami bagay. Biniro ko pa nga siyang di na ako virgin at marami nang nagpasasa sa aking katawan. Nagalit siya sa akin, at tinanong niya ako kung hindi ko raw ba siya mahal. Inshort nahulog ako sa kanyang kagwapuhan. Nahumaling ako sa kanya. Okay naman sa mga magulang ni Carl ang ako ang makatuluyan ng anak nila. Sa katanuyan, pumapayag na silang magtabi kami sa pagtulog dahil noong mga panahong iyon, sa bahay nila kami nagpa-practice ang choir. Gusto niya akong galawin pero hindi niya ako napilit. Nag-usap na mga magulang namin na magpapakasal kami sa civil, pero hindi iyon natuloy dahil biglang na-assign si Carl sa ibang lugar. --Itutuloy

No comments:

Post a Comment