Ni Ben Garcia
Tatlong lalake sa buhay ni Maribel hindi naka-score
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
(Sagot ito sa padalang liham ni Maribel Bongulto ng Bicol).
Dear Maribel,
Salamat sayong tiwala! Sa mga hindi nabasa ang kanyang liham, puede po ninyong bisitahin ang aking blogsite, pero para dun sa mga walang access sa Internet, ibibigay ko po ang buod ng kanyang liham.
Si Maribel Bongulto ay 42 years old na po ngayon, dalaga. Maganda si Maribel, in fact lumabas sa nakaraang dalawang issues ng Panorama ang kanyang mukha, hindi ko na isinama ngayon. Galing daw po sa Singapore at Hong Kong si Maribel bago nagpunta sa Kuwait. Nag-disisyon siyang ishare ang kanyang buhay, di lamang sa kanyang sarili, subalit higit sa lahat dahil gusto niyang papurihan ang Diyos. Miembro po si Maribel ng El-Shaddai Catholic Charismatic Community, isang grupo ng mga Katolikong mananampalataya sa ilalim ng pamumuno ng Bro Mike Velarde. Malaki ang kanilang grupo, ayon sa pamunuan, umaabot sa 10 milyon ang mga miembro nito, mula sa Pilipinas at maging sa labas ng bansa. Sa Kuwait, mayroon din silang chapter dito at aktibo sila sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.
Magaling umawit si Maribel, yung mga naging boyfriend niya, humahanga sa kanyang magandang boses. Tatlo po ang binaggit na bf ni Maribel, sina Wilmer, Ronie at Carl. Puro sila nakatabi ni Maribel sa pagtulog, pero nungka--hindi sila naka-score.
Si Wilmer kababata niya, seyoso ang kanilang relasyon, pero bata pa sila noon, marami pang pangarap at adhikain sa buhay, kaya, nagkahiwalay din sila. Pero bumabalik si Wilmer sa kanya, yun nga lang mayroon ng pananagutan kaya inignore niya ito. Ganun din si Ronie, na nakilala niya sa kanyang trabaho noon. Pero iba ang takbo ng kanyang buhay nung maging sila ni Carl. Si Carl kase ay ka-grupo niya sa El-Shaddai, yun nga lang hindi simpleng miembro, kundi isa siyang preacher. Sa preacher halos umi-ikot ang kanyang buhay. Napamahal siya ng husto kay Carl, pero nag-iba ang ihip ng hangin nung ma-assign ito sa ibang lugar. Doon nagsimula ang panlalamig ni Carl sa kanya. Bukod doon, nakatagpo na rin si Carl ng kanyang bagong GF. Pero si Maribel, tiwala pa rin siyang hindi siya ipagpapalit ni Carl, palibhasa malaki ang ibinigay na tiwala ni Maribel sa kanya. Pero walang epekto iyon, tuloy ang bagong buhay ni Carl, habang si Maribel, halos mabaliw na ito sa kaiisip kay Carl. Ang mga naging babae ni Carl, tinatakot, pinagbabantaan niya ng masama, sinasabihan niyang layuan si Carl sapagkat siya ang tunay na GF ni Carl at mahal siya nito. Nang malaman niyang wala na talagang pag-asang bumalik si Carl sa kanya, nagtangkang magpakamatay si Maribel, pero lahat ng means na gusto niyang gamitin sa pagpapakamatay, hindi available.
Sandali siyang lumayo, nagpunta siya ng Maynila, at nang mabalitaan niyang ikakasal na si Carl, biglang lumambot ang kanyang puso, nagpasiya siyang bumalik sa Bicol at bumili ng panregalong tela para sa dating kasintahan. Ngayon magkaibigan na silang muli at mayroon nang sariling buhay si Carl. Habang si Maribel ay patuloy na umaasang darating ang Mr Right sa kanyang buhay.
Nagpasalamat si Maribel dahil nalagpasan niyang lahat ang mga pagsubok, humingi na rin siya ng tawad sa Panginoon sa minsang pagkakaligaw ng landas.
Typical na kuwento ng buhay pag-ibig. Nataon naman sa buwan ng mga puso. Magandang ehemplo ito para don sa mga taong nababaliw sa pag-ibig. Naku, marami ang ganito sa Kuwait. Ang masama pa nga, ang mga kadalasang nababaliw dito sa pag-ibig ay yung mga taong mayroon nang pananagutan. Pananagutan dahil mayroon nang pamilya. Naalala ko tuloy ang kuwento ni Alea (sadya kong pinalitan ang pangalan upang hindi naman mapahamak yung taong sumulat sa akin), isang kababayan na nagmamalasakit. Heto ang bahagi ng kanyang liham.
Dear Kuya Ben
"Good day po, paki advice mo naman po ung friend ko kc hangang ngayon cge prin ung pkikipagrelasyon nya sa bf nya dito, last year nbuntis na pinalaglag nila, pero hindi prin siya natakot, cge prin ang relasyo nila sa isat-isa. Ang problema eh pareho silang may mga pamilya na sa Pinas. Ganito po ang sitwasyon, ..friend ng pinsan ko ung boy d2 at kasama nya sa work ako nman po ang nag pakila2 sa knila, hangang nagka-hulugan ng loob at nagging sila...ang problema kc kuya ben eh naawa ako sa mga pamilya nila, kung hindi nila tatapusin ito sa huli wasak ng pamilya nila at ako itong abot ang konsensiya, ung friend ko 2 ang anak ung boy naman po ay 3 ang anak sa Pinas. Ngyong huli nga po ung bf ng friend ko gsto naring umiwas kaso po ung friend ko naman ung gusto parin, kasi po na inlove na daw sya ng husto sa boy kasi po ay may hitsura nga, gwapo, matangkad at maputi, eh ung friend ko prin ung lge nagya2 at lumabas ska dun na po napapapunta yun. Minsan kahit walang pera ung boy sagot nya ok lang sa kanya un...please kuya ben maawa po kayo sa knila kc po alam ko every Sunday bumibili po yun ng Kuwait Times para subaybayan ung mga greetings at buhay at pag asa story nyo. Paki advice naman po".
Alea
Kitam, di ba iyan ang kadalasang nangyayari sa marami-rami na rin nating kababayan dito. Ang nakakalungkot nga, nasisira ang pamilya at hanggang sa minsan nauuwi sa kapahamakan. Bago mahuli ang lahat, ayan, si Alea, nagpapaalala sa kanyang matalik na kaibigan. Tigilan na ang kabaliwang iyan. Ang tanging mai-aadvice ko, kung hindi kayang makontrol then get out of the kitchen. Kasabihan iyan ng mga Amerikano, na pinatutungkol sa maraming sitwasyon. Puedeng sa trabaho, sa relasyon, sa buhay. If you can't stay with the heat get out of the kitchen. Kung hindi kayang kontrolin ang sarili, lumayo kayo sa isat-isa. Layuan ninyo ang isat-isa, kailangan ninyong tanggapin ang sakit ng mawala ng tuluyan ang taong minsang naging bahagi ng iyong buhay. Oo, masakit, oo, mahirap, pero iyan ang kapalit ng isang maling relasyon. Gawin ninyo iyan bago mahuli ang lahat. Si Maribel, walang nagsabi sa kanya na layuan niya si Carl, pero sadyang maagap ang Panginoon sa kanyang sitwasyon, kaya kusa na siyang lumayo. Marami ring nagmamahal kay Maribel, mga taong nagmamahal sa kanya, mga taong kapatiran niya sa pananampalatay, na patuloy siyang ipinagdarasal. Huwag kayong magagalit sa kaibigan ninyong si Alea, ginawa niya ang kanyang tungkulin sa inyo, bilang inyong kaibigan. Sa ngayon, tanging masasabi ko sa inyong dalawa, layuan ninyo ang isat-isa, bago mahuli ang lahat. Ang nagaganap sa inyo ngayon ay tawag lang iyan ng laman. Alam ninyong mali, pero nahihirapan kayong iwaksi dahil sa pareho kayong malayo sa inyong mga pamilya. Alalahanin ninyo ang pangako ng inyong kasal sa inyong mga asawa, upang muli kayong matauhan. Pahalagahan ninyo ang inyong mga anak, paano silang lalaki ng tulad ng inyong mga pangarap sa kanila, kung ngayon pa man ay unti-unti na itong nawawasak dahil sa kabaliwan ninyo. Kumilos kayo bago mahuli ang lahat! Salamat sa liham ni Maribel na naging daan upang ang liham ni Alea ay mabigyan ko ng pansin sa pitak na ito. Gayahin ninyo si Maribel, lumayo at hinayaang ang Diyos ang kumilos sa kanyang buhay.
No comments:
Post a Comment