Tuesday, March 13, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Kaibigan ni Gloria, kahati sa pag-ibig ng asawa
Ni Ben Garcia

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, P0 Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito pa ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)

Dear Kuya Ben,
Una sa lahat binabati kita ng isang magandang araw sampo ng iyong daang libong . taga-subaybay kabilang na ang iyong mga kasamahan sa programang Buhay at Pag- asa. Kuya Ben, nagging inspirasyon ko na po ang paghabasa ng iyong column tuwing Linggo. Buti na lang at mayroong ganyan d2. Ako po si Gloria M. tubong Mindanao, single parent sa nag-iisa kong anak, 14 years na po kaming hiwalay ng aking asawa. 15 years old na rin po ang aking anak ngayon. Ipinagkasundo ako ng aking magulang sa lalaking kababata ko rin sa aming lugar. Kaklase ko po siya mula elementarya hanggang H-School. Nanligaw siya sa akin, puppy lover lang kami kung baga, pero nakarating sa magulang ko, kaya, nagustuhan nila. Isa akong scholar sa aming paaralan, matalinong matatawag kaya maraming nagkakagusto sa akin. Umiwas ako dahil bata pa ako noon, kaya sumama ako sa aking pinsan sa Maynila. Napunta kami sa Antipolo. Nagustuhan ako ng isang madre sa Antipolo nang minsang umattend kami ng fiesta, kinuha niya ako at ginawang kasa-kasama sa kombento, 'Carmelites Sisters Convent' daw po iyon at sila na rin ang nagpaaral sa akin.

Ang buong akala ko, nakaligtas na ako sa lahat ng mga taong gustong mapasakamay ako. Pero isang araw tinawag ako ng mother superior ko at dumating daw ang isang sulat mula sa tatay ko, agaw buhay daw po ang nanay ko kaya kailangan akong umuwi sa amin. Sumunod ako sa payo ng mother superior na kailangan balikan ko ang aking mga magulang. Nung makarating ako sa amin, doon ko nalaman na kasinungalingan pala ang laman ng liham walang karamdaman ang aking inay, ginawa lang daw nila iyon, para ma-obliga akong umuwi at para maituloy ang kasal na una nang ipinagkasundo ng mga magulang ko sa lalaking kababata ko.

Half Christian at Half-Muslim akong matatawag, Kristyano kase ang aking ina at ang ama ko naman ay Muslim. 15 taon pa lang po ako noon at hindi pa puedeng ikasal sa simbahan kaya ikinasal kami sa aming tribu at ang kasunduan, pakakasal ako sa lalaki kapagumabot na alto sa gulang na 18. Pinagkasunduan din nila na kailangan akong makatapos ng pag-aaral kahit na kasal na ako sa lalaki. Palibhasa bata pa ako noon, ang akala ko, lahat ng bagay kailangan sundin ang payo ng magulang.
Sumama na ako sa aking asawa matapos ang kasal, sa Marikina kami tumira sa tiyuhin niya, isang abogado. Driver siya ng tiyuhin niya at tinupad naman ng asawa ko ang pangakong papayagan niya akong makapag-aral. Midwifery po ang kinuha kong kurso, dahil gusto ko mabilis at ng makapagtrabaho agad. Pero nabuntis ako sa kalagitnaan ng aking pag-aaral. Nang makita ng asawa ko na nahihirapan na ako, naki-usap siyang sa Mindanao ko na lang isilang ang sanggol. Masaya din ang pakikisama ko sa kanya, dahil tinupad niya ang lahat ng pangako sa kasal. Hindi ko pinagsisisihan ang maging asawa ko siya.
Mg buong akala ko wala na iyong katapusan, pero taong 1993, nahulog sa patibong ang asawa ko. Inakit siya ng kaibigan ko (pa naman) at ninang ng anak ko, papayag daw siyang maging kabit o katulong sa bahay namin basta mag-hati daw kami sa asawa ko. Lagi niyang inaakit ang asawa ko at sinasabihan niya itong bakla. Ang akala ko biruan lang iyon ng dalawa. Maaaring nainsulto siguro ang asawa ko at pinatulan ang kaibigan ko. Ilang buwan ang lumipas, nag-punta ito ng baranggay, buntis daw siya siya at ang asawa ko ang tatay ng anak niya. Pero kuya Ben may-asawa at mayroong tatlong anak ang babaeng ito. Kinausap ng masinsinan ng tatay ng asawa ko ang babae, papayag daw siyang bayaran na lamang ang babae, basta layuan niya asawa ko. Pero hindi ito pumayag, mas-mabuti pa raw ang mamatay siya kesa tanggapin ang alok nila.
Nung kausapin ko siya tungkol sa kalagayan niya, ayaw nitong paawat sa kagustuhan sa asawa ko, para siyang baliw na gustong mapa-sa-kanya ang asawa ko. Sa iniss ko mag-asawang sampal ang ibinigay ko. Ang akala ko magagalit sa akin, pero nanikluhod pa ito at humihingi ng tawad sa ginawa niyang pang-aakit sa asawa ko. Habang tumatagal, naiinis na ako sa asawa ko, nararamdaman ko kaseng parang mayroon na itong pag-tingin sa babaing minsan ay kaibigan ko. Nang hindi ko na makayanan, nagdisisyon akong makipaghiwalay sa kanya. Ayaw ko kaseng mayroon akong kahati sa pag-ibig sa asawa ko.
Pero kahit ano raw mangyari di papayag ang asawa ko na bigyan ako ng legal separation. 1998 naisipan kong mangibang bansa, sa Saudi Arabia ang bansang unang narating ko. Masakit man, pero iyon na rin siguro ang magpapagaan ng kalooban ko. Wala pa akong isang taon sa Saudi nabalitaan kong nagsama na raw ng tuluyan ang asawa ko at ang kabit niya. Masakit tanggapin dahil minahal ko na rin ang asawa ko. Pero noong umuwi ako ng Pilipinas, di na ako nagpakita kahit wala kaming legal separation. Gusto pa rin akong pakisamahan ng asawa ko kahit mayroon na siyang anak sa babaing kabit niya, pero ayaw ko nga ng ganoon kaya hindi niya ako masisisi.
Ito po ang tanong ko, kung makatapos ba ng pag-aaral ang anak ko at mag-apply ng trabaho, hahanapin ba ang marriage contract namin, kase sa inis ko, sinunog ko na po ang marriage contract namin. Hindi kaya mahirapan ang anak ko?

Gumagalang at Nagpapasalamat,
Gloria M.

(Abangan ang sagot ni Ben Garcia sa susunod na Linggo)

No comments:

Post a Comment