Sunday, May 27, 2007

Buhay at Pag-asa

Jenny tumangging makisukob, makisalo sa isang lalaki


Mahal ko ang ex ko

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa P0 Box 1301, Safat 13014, Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto ninyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan. Ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento, bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)



Dear Kuya Ben,
Unang-una ang aking pasasalamat, in behalf sa marami nang taong iyong napasaya, dahil sayong nakakalibang na programa, Buhay at Pag-asa.
Ako po si Jenny Morales, bunso sa tatlong magkakapatid, taga-Cagayan Valley. Dalawampo at limang taong gulang na po ako ngayon. Isang guro subalit napadpad sa dakong ito ng mundo, dala ng kahirapan ng buhay sa atin. Nakilala ko po si Marvin sa huling taon ng aking kurso BS-Education. Marami ring nanligaw sa akin, pero si Marvin ang nagpatibok ng aking puso. Magkatabi ang aming kuwartong tinutuluyan malapit sa aming school, boarding house. Mula pa noong una, ugali ko na ang sumunod sa payo ng aking mga magulang. Hindi sa pagbubuhat ng bangko, masunurin po akong bata, lahat ng payo ng aking mga magulang, hindi ko iyon binubura sa aking isipan. Pero nang dumating si Marvin sa buhay ko, nag-iba ang takbo ng aking mundo. Masyado akong nahulog sa kanya, kaya, sa mga natitirang araw ko sa kolehiyo, ipinagkatiwala ko ang sarili sa kanya. Handa na akong suhayin ang mga magulang ko, alang-alang sa pagmamahal ko sa lalaking sobrang nagpatibok ng aking puso.
Isang buwan ang lumipas, nabuntis ako, iyan ang masakit na katotohanan na tanging iginanti ko sa kabutihan ng mga magulang ko. Kinausap ng Nanay ko si Marvin, sinabi niya ditong dapat akong pakasalan, bago mahalata ang dala kong sanggol sa aking sinapupunan. Nangako si Marvin na gagawin iyon, pero, bago nangyari ang pangakong pagpapakasal sa akin, mayroong babaeng dumating sa aming boarding house, babae ni Marvin-- buntis din ng apat na buwan. Lumabas daw ang babae para patunayan kung totoo ang balitang mayroon itong kinakasamang babae, ako nga iyon, at buntis pa raw.
Hindi ako makapag-salita, hindi ako makapaniwala dahil sa kuwento lang sa mga pocket books ko iyon nababasa, pero sa pagkakataong ito, ako na pala ang nasa riyalidad. Napakasakit, na malamang sa kabila ng pangakong ikaw lang at walang iba, the other way pala. Nang dumating si Marvin sa boarding house, nagulat siya sa kanyang naksaksihan, ang dalawang babaeng nabuntis niya, nag-uusap. Mabait ang babae, papangalanan kong Adel, agad kong nahalata ang kabaitan niya. Nung dumating si Marvin sa boarding house lumapit siya agad sa akin, humihingi ng tawad, hindi niya lang daw alam kung papaano niyang haharapin ang sitwasyon. Mahal niya raw ako at ayaw niya akong mawala sa kanya.
Hinintay niya kung anong gagawin namin sa kanya, pero nung wala kaming magawa, kumuha siya ng dalawang kutsilyo sa kusina at ibinigay sa aming dalawa. Patayin na lang daw namin siya kesa pagpiliin siya kung sino sa aming dalawa. Hindi ko natagalan ang eksenang iyon, pilit akong lumabas ng bahay para mapag-isa. Mabilis na dumating ang buwan ng kasunduan na maghaharap ang mga magulang namin para sa balak na pagpapakasal. Ng dumating iyon, tatlong pamilya agad ang nagkaharap. Ako at ang pamilya ni Adel. May-kaya sina Marvin, kaya, payag ang mga magulang ni Adel na magsama kami sa iisang bubong. Pero hindi sumang-ayon ang mga magulang ko sa ganuong arrangement. Ayaw daw nilang makita akong nagdurusa at mas-gugustuhin pa raw nilang sila na lamang ang magpalaki ng bata kesa pagsaluhan ang iisang lalaki. Tinanggap ng mga magulang ko ang kalagayan ko, masakit sa akin ang magparaya, pero iyon lang ang tanging solusyon sa problema namin. Sa paghihiwalay namin, araw gabi akong luhaan. Inilayo ako ng tuluyan ng mga magulang ko sa lalaki, hanggang sa ako'y makapanganak. Gusto mang puntahan ni Marvin ang bata, hindi iyon posible dahil may-bantang masama sa kanya ang mga kapatid ko. Inirehistro ko ang bata bilang single mother, hindi ko na rin tinanggap ang kahit anong sustento mula sa ama ng anak ko. Nung makarating ako dito sa Kuwait nagkaroon ako ng boy friend, kababayan ko rin, pero sa Saudi Arabia siya naka-base. Gusto niya akong pakasalan, pero alam kong kulang ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi pa rin mawala sa isipan ko si Marvin, ipinagtapat ko ito sa kanya, okay lang daw, pero ang tanging gusto niya ay makasal kami at magsama, eventually, makakalimutan ko rin daw si Marvin. Kuya, ayaw kong lokohin ang sarili ko, pero ayaw ko na ring palagpasin pa ang pagkakataon, naguguluhan ako, paano nga kung pakakasal ako na half lang at hindi buo ang pagmamahal ko sa kanya, di ba unfair iyon sa lalaki? Payuhan mo ako!

Gumagalang at Nagpapasalamat
Jenny Morales.

No comments:

Post a Comment