Sunday, May 06, 2007

Buhay at Pag-asa

Ni Ben Garcia

Kung gusto, maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, P0 Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan, ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito pa ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)

Dear Kuya Ben

Ako po si Venus G Santiago tobong Pangasinan-may-apat na anak. Apat na taon na po ako ngayon sa Kuwait. Di pa rin ako nakakauwi sa atin mula ng tumapak ako dito at di ko na halos mabilang kung ilang amo na ang pinagsilbihan ko. Yung huling nag-visa sa akin, hawak niya ako, pati puso ko hawak niya. Ang gusto niyang mangyari pakasal kami, kahit na alam niyang mayroon akong apat na anak sa atin. Pinag-aral niya ako ng pagiging Muslim, at sa katunayan nakuha ko ang certificate bilang kaanib sa pananampalatayang Muslim. Yung taong nag-visa sa akin, ibang lahi, pipilitin niya raw magbago para sa akin, pero ako, hindi na rin naman ako umaasa. Dumating ang unos sa aming buhay ng hindi inaasahan, dahilan upang ang lahat sa amin ay mawala, pati siya. Sa kabutihang palad kinupkop ako ng isang kabayan natin na mayroong business sa Kuwait. Dalawang taon akong walang trabaho at hindi nakakapagpadala ng pera para sa pamilya ko at apat kong mga anak. Pero alam nila ang kalagayan ko dito, kase halos araw araw naman akong nag-ti-text sa kanila.
May-ilang araw na ang nakakaraan, muli akong tinawagan ng taong may-hawak ng visa ko, sunduin daw niya ako at puntahan ang kanyang ina dahil mayroon daw sakit, pero wala naman pala. Kuya Ben naguguluhan ako, nererespeto ko siya bilang kaisa-isang taong dumamay sa akin noong wala akong mapuntahan, pero, ang ugali niya, kung kasama ang mga kaibigan niya, nawawala siya sa sarili. Gusto ko na pong umuwi dahil gusto kong makita ang mga anak ko, pero wala akong pamasahe, tama lang ang kinikita ko sa panggastos ko upang makatawid sa buhay dito sa Kuwait.

Gumagalang at Nagpapasalamat
Venus Santiago.


Hello Venus, nakita kong marami kang inireserve na kuwento sa sarili mo, kung kaya, hindi ko gaanong maintidihan ang tunay na kalagayan mo. Sabi mo, mayroon kang apat na anak, pero di mo sinabi kung mayroon ka pang asawa, nasaan siya? Sumakabilang buhay na po ba siya o nag-hiwalay na kayo ng tuluyan. Sabi mo, ang nag-visa sayo ay naging kasama mo sa buhay dito, wala kang gaanong naikuwento kung sino ba siya, ano ba siya sayo, ang tanging sinabi mo tungkol sa kasama mo ay yung taong sumalo o nag-visa sayo, nag-convert sayo, nawawala sa sariling katinuan kung kasama ang mga barkada niya. Naguguluhan man ako sa estorya ng buhay mo, pero sisikapin kong mabigyan ka ng katugunan at hari nawa umakma sa pangangailangan mo. Nakakalungkot ang sinapit mo Venus, pero kung tutuusin, kasama ka sa gumuguhit ng kapalaran mo, hindi iyan gawa ng ibang tao sayo, kundi, kasama iyan sa mga disisyon mo, kung kaya nariyan ka sa kalagayan mo ngayon. Kinunsente mo o sumang-ayon ka na ganyan ang mangyari sayo. Venus hindi ka bilanggo, hindi ka naka-posas upang hindi tangihan ang alam mong bagay na hindi sang-ayon sa kalooban mo, sa plano mo, hindi sang-ayon sa prinsipyo at pananaw mo sa buhay. Binigyan ka rin ng kalayaan o tamang pag-iisip upang matino mong mapag-pasihan ang buhay na alam mong mabuti at kaiga-igaya sayo.
Ang sabi mo, gusto mong umuwi, maraming mabuting paraan upang ang adhikaing iyan ay matupad mo. Maraming puedeng gawin. Unahin ko na ang dapat mong gawin, iyan ay ang pag-iipon ng pera ng unti-unti mula sa dugo at pawis mo. Alam kong kaya mong mag-laan ng halaga kung gusto mo talagang umuwi. Mag-tabi ka ng kahit konteng barya, (fils) o hanggang isang dinar, bawat araw, lingo, o buwan--then, eventually makaka-ipon ka ng halagang kakailanganin mo. Bakit sabi mo araw-araw kang nakakapag-text sa pamilya mo, pero hindi ka, makaipon ng halagang kailangan mo sa pag-uwi mo? Kung ikaw ay nasa emergency status, maraming puedeng lapitan, maraming mga Filipino organization dito ang puedeng makagawa ng paraan upang mai-raise ang halagang kailangan mo, ultimately kung walang-wala na, nariyan ang embassy natin, tumutulong sa kagaya nating OFW na wala talagang masilungan, na wala talagang magawa kundi ang umasa ng saklolo nila. Tiyak akong hindi ka ipagtatabuyan! Gusto ko lang ipakita sayo ang maraming paraan Venus. Sabi nga nila, kung talagang gusto mo, maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan.

No comments:

Post a Comment