Monday, October 08, 2007

BUHAY At PAG-ASA

Pagbangon ni Yhana sa hamon ng buhay

Kabiguan hindi katapusan

Dear Yhana,
Ito ang sagot ko sa liham mo na nai-publish ko last week sa column na ito. Salamat ng marami sa tiwala. Magbibigay lang ako ng konteng buod sa liham mo para doon sa mga hindi nakabasa, ngunit sa mga nais matunghayan ang buong kuwento, you can browse my blogsite, at www.buhayatpagas.blogspot.com. Si Yhana po ay tubong Mindanao. Sa murang edad, nangibang bansa upang makatulong sa pamilya. Narating ni Yhana ang Saudi Arabia. Sa Saudi, nakilala niya ang nagpatibok ng kanyang puso, maraming naipangako sa kanya, pati na nga ang pagpapakasal nila. Pero hindi rin natuloy dahil nagsinungaling sa kanya ang lalaki. Mayroon na pala itong asawa. Matapos ang kabiguan, muli niyang nakilala ang isang prinsipe ng kanyang puso, naging mag-on sila. Pero, kinailangan niyang iwan ito, dahil sa muli niyang pag-aabroad. Nadako naman siya sa Qatar subalit, mahigit isang taon lamang siya tumagal doon, pero nawalan siya ng kumunikasyon sa lalaki. Kaya, kasama sa kanyang pagbabalik sa Manila ang pag-asang magkikitang muli siya ng kanyang kasintahan. Hindi nga siya nagkamali, nagpakasal sila at noong paalis na sana siya patungong Dubai, nabutis siya. Sa kasamaang palad, nakunan siya at na-ospital. Sa kalagitnaan naman ng mga pagsubok na ito, nagloko ang kanyang asawa. Gusto na sana niyang mamatay, pero tinibayan niya ang kanyang loob at muli siyang bumangon.
Muling nangibang bansa si Yhana. Sa katunayan, narito ngayon si Yhana sa Kuwait. Okay na sila ng kanyang asawa, dahil humingi na ito ng sorry sa kanya at napatawad na niya ito. Umaasa naman siyang hindi na muling mauulit ang pagtataksil sa kanya ng kanyang mister.
Muli, maraming salamat sa tiwala Yhana. Sa katunayan, nag-share lang naman si Yhana ng kanyang mala-telenobelang buhay kasaysayan. Isang OFW, na gustong abutin ang pangarap, na gustong makatulong sa pamilya at ngayon nagsusumikap upang mabuong muli ang minsan nang sinubok na relasyon nilang mag-asawa.
Dumarating po talaga ang mga pagsubok sa buhay ng tao, lalo pa sa isang relasyon. Iyan ay kakambal ng buhay. Sa buhay umaasa tayong maitatawid anumang hirap o pasakit ang suungin natin. Pero naniniwala akong hindi natin iyan kakayanin kung walang presensiya ng Diyos. Kinakailangan natin ang Panginoon. Minsan man tayong sumuhay sa kanyang utos, bukas palad ang Diyos upang muli niyang igawad ang kapatawaran at muli niya tayong tanggapin sa kanyang kanlungan. Iyan actually ang naging batayan ni Yhana upang igawad ang kapatawaran sa nagkasalang asawa. Sa ngayon okay nang muli sila, at magandang senyales iyan sa isang relasyon.
Subalit hayaan mong itanong ko saÕyo ang ganito: Sa buong buhay mo ba, ikaw na lang lagi ang magpapakahirap, magtatrabaho, para sa pamilya. Kung sabagay wala ka pa namang anak saÕyong asawa, pero nagtatrabaho ka ba para buhayin lang siya. Hindi naman din yata iyan kagandahan, dahil sa pagkakaalam ko, ang lalaki ang dapat na provider sa pamilya. Ang babae, hindi gaanong obligado, subalit, kung mayroong maitutulong bakit hindi. Gusto ko lang itong i-raise dahil minsan kung medyo matanda na ang babae, nahihirapan nang manganak o magkaanak, kinakailangan ang tamang pamamahinga, laloÕt kung gusto mong magkaroon ng anak.
Samantala, muli kong inaanyayahan ang mga kababayan natin, na magpadala ng inyong mga kasaysayan, nakakalungkot man, masaya, tagumpay o kabiguan. Lahat ng iyan ay puedeng magbigay inspirasyon o aral sa ating mga kababayan, lalo na sa ating regular readers. Ang address ay nasa itaas na bahagi ng portiong ito. Maraming salamat po!
Dahil sa kakulangan ng ispasyo, ang greetings portion ay muli kong ipinagpaliban hanggang sa susunod na issue. Send in your greetings and OFW labor questions sa 6876012. --Ben Garcia

No comments:

Post a Comment