Sunday, September 30, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Pagbangon ni Yhana sa hamon ng buhay

Kabiguan hindi katapusan


Dear Kuya Ben,


Bago mo basahin ang liham na ito ay nais ko muna kayong batiin ng magandang araw sampo na rin sa libu-libong taong sumusubaybay ng natatanging Buhay at Pag-asa.
Tawagin mo na lang akong Yhana ako po ay tubong Mindanao, kuya mula ng mabalitaan ko itong Buhay at Pag asa, nagkaroon talaga ako ng lakas ng loob upang isalasay ko ang aking karanasan sa buhay.
Pito kaming magkakapatid pangatlo sa panganay. Broken family napo kami at kakambal ang hirap sa buhay.
Noong akoy nasa elementary, pumapasok ako sa eskwela na walang laman ang bituka, walang almusal kasi walang maluluto sa bahay.
Sa murang edad ko kuya, naisipan ko ang mangibang bansa. Pinangarap ko iyon dahil marami akong nakikitang iba sa lugar naming, na lumabas ng bansa at naging maganda ang buhay.
Mahirap mag-paalam kuya lalo na sa aking Inay sabi kasi napakabata ko pa para harapin ang hamon ng buhay sa ibang bansa. Pero kuya sa umpisa lang talaga ayaw ng inay ko, sa kalaunan pumayag na rin. Kuya sa totoo lang, natuto lang siguro akong mag-basa at magsulat, liban doon, hindi ako nakatuntong ng H-School. Kaya nga ako mangingibang bansa, dahil alam kong wala akong pag-asa sa Pilipinas. Umaasa ako na balang araw makakamtan ko ang buhay na kay ganda lalo na ang aking mga mahal sa buhay. Sept 1992 akoy lumipad patungong Kingdom of Saudi Arabia. Masaya ako noon kasi nga okay naman ang aking employer. Limang taong straight walang uwian.
Habang patuloy ako sa pag-tatrabaho, tuloy din ang buhay sa Pilipinas ng anim ko pang mga kapatid. Nakapag-asawa na ang iba, at habang ako tuloy ang suporta sa kanila.
Kuya 1994 pinapunta ako ng amo ko sa hajj, napakasaya ko noon, para akong ibon na nakalabas ng hawla. May mga na meet ako doon, isa sa kanila nagging BF.
Paano naman kasi kuya dalawang taon puno ng sulat ang aking bag, lahat galing sa kanya. Hanggang sa nagpasya na kaming umuwi ng Pinas at doon sana namin balak magpakasal. Masarap ang mga pangako niya sa akin. Kung totoong naaabot ang langit at mga bituin, baka ang mga iyon naibigay niya. Pero, puro salita lamang. Mga salitang lalong nagpatibok at naghulog sa aking puso sa kanya. Masarap talaga ang umubig...pero kuya guhit na siguro ng aking palad, hindi talaga kami para sa isat-isa.
Sa Pinas, natuklasan ko kasing mayroon siyang pamilya at mga anak. Oo Muslim ako, pero, ang hindi ko matanggap ay yung pagsisinungaling niya sa akin. Ok na rin siguro iyon, buti na lang hindi ako nagpaubaya sa kanya.
Sa kabila ng kabiguan at paghihinagpis sa napakong pag-ibig, itinuloy ko ang buhay.
Noong 1997, muling tumibok ang aking puso sa isang lalaki na nakilala ko sa Pinas. Naging mag-on kami, minahal ko siya tulad din ng naramdaman ko sa una. Pero, hindi kami nagkatuluyan, kasi, lumipad ako noong taon ding iyon patungong Qatar. Isang taon lang ako sa Qatar kase, salbahe ang amo.
Noong umuwi ako sa Pinas wala na ang aking BF, hindi ko na alam kung saan siya hahanapin. Kaya nagpasiya akong umuwi sa amin sa Mindanao. Sa pagbalik ko ng Maynila. Nagpaalam ako sa Inay na mag-aasawa na ako, oras na Makita kong muli ang aking BF. Una, nabigla ang aking Inay, pero sabi niya, kung nakita ko na raw ang lalaking puedeng magpakasal sa akin, okay lang daw.

Sa pagbabalik ko Maynila, muli kong hinanap ang aking iniwanang BF, may-nakapagsabing sa Tandang Sora na siya naninirahan, kaya nagtungo ako roon. Buo ang pag-asa kong wala pa siyang asawa kaya, hinanap ko talaga siya. Sa kabutihang palad, nagkita kami ng aking bf at nagpakasal kami. Ilang buwan lang kaming nagsama biglang tumawag ang agency at mayroon daw naghihintay na trabaho sa akin sa Dubai.
Wala na rin akong nagawa dahil ng mga panahong iyon, nagdadalantao na rin ako sa aking panganay. Pero naudlot ang aking pagbubuntis. Nalaglag ang bata, muntik na rin akong mamatay noon, ilang suwero din ang naubos ko at ilang bag din ng dugo ang naubos para lang mabuhay ako.
Ang masakit sa mga oras na grabe ang kalagayan ko, hindi ko kasama sa tabi ko ang aking asawa. Bukod doon naging sinungaling pa sya sa akin sa tulong ng nasa itaas nahuli ko sya nang mga time na pala na nasa ospital ako, doon sya na kikipag lambitinan sa ibang babae. Gusto ko nang magpakamatay noong mga oras na yun. Pero sadyang ayaw yatang magyari yun para sa akin ng Allah. Bumangon ako, at sa awa ng dios gumaling at nagpatuloy ng aking buhay.
Muli akong nag-apply ulit palabas ng bansa, at heto ako ngayon sa Kuwait. Ilang araw ko lang dito, muling nakipag-communicate sa akin ang aking asawa. Humihingi ng tawad sa nangyari. Kuya, mababa ang aking loob sa kanya, palibhasa, mahal ko siya, kaya pinatawad ko na siya. Nangako naman siyang hindi na niya kailan man gagawin iyon. Sa ngayon okay na kaming muli.
Maraming salamat sa pagbibigay puwang mo sa aking liham.

Gumagalang at Nagpapasalamat,
Yhana ng Ahmadi

Abangan ang aking sagot next week. Samantala, inaanyayahan ko kayong magpadala ng inyong mga kasaysayan, nakakalungkot man, masaya, tagumpay o kabiguan. Lahat ng iyan ay puedeng magbigay inspirasyon o aral sa ating mga kababayan, lalo na sa ating regular reader. Ang address ay nasa itaas na bahagi ng portiong ito. Maramaing salamat po!

No comments:

Post a Comment