Sunday, March 30, 2008

'Gemini tigilan ang kahibangan'

Ulan ng love notes

Dear Kuya Ben,

Isa ako sa napakarami mong taga-subaybay ng nag-iisang palatuntunan ng bayan, ang Buhay at Pag-asa. Akala ko nga noon, mananatili na lang akong taga-basa ng mga nakakaantig pusong mga liham ng ating mga kababayan. Iyon pala magiging kabahagi rin ako ng inyong kolum. Salamat dahil nariyan ka at handang makinig sa aming mga problema at handang sumagot sa aming mga katanungan.
Kuya tawagin mo na lang akong Gemini, may-asawa at isang anak. Kuya sa awa ng Diyos, okay naman po ang aming anak, mga magulang, pero balita ko ang aking asawa, nahihibang na sa ibang babae. Pero hindi naman ako agad-agad naniniwala. Gusto ko kaseng mayroon akong prueba bago ako maniwala sa mga balita nila. Malakas din naman ang panalangin ko na hari nawa ilayo niya kami sa tukso. Pero mukha yatang sinusubukan ako ng tadhana. Sa ngayon po kase, mayroon akong masugid na manliligaw, bata pa siya, ako 32, samantalang 21 years old naman siya. Noong una, akala ko nakikipagbolahan lang siya, iyon pala seryoso. Hindi ako naniniwala sa kanya, dahil bata pa nga siya. Pero napatunayan ko ang pagmamahal niya nang ipakita niya sa akin ang pananamlay ng minsan sabihin ko sa kanyang wala akong nararamdaman sa kanya.
Galit na galit ang kanyang nanay ng mabuko ang isang love letter niya sa akin. Nakita iyon sa kanyang kama ng sarili niya mismong ina. Mag-kasama po kami ng Nanay niya sa trabaho. Habang siya, ipinasok ng Nanay niya sa business ng aming amo. Kaga-graduate pa lamang niya ng computer science at dinala siya dito ng Nanay niya para makasama niya at makapag-trabaho na rin. Pero, ayun, nakikipagbolahan na sa akin. Hindi ko alam kung bakit siya nahuhumaling sa akin. Pero hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, maganda naman kase ako.
Para hindi naman nakakahiya sa Nanay niya, kinausap ko ang anak niya, tinapat ko siya na wala akong gusto at nararamdaman sa kanya, pero ang lalo niyang ikinagimbal ay nang sabihin kong hindi kami puede dahil may-asawa ako at anak.
Mag-mula noon, napansin kong hindi na siya halos kumakain. Painon-inom na lang siya ng tsai, kapag naroroon sa amin, tila baga, nakitang kong nawalan na siya ng gana sa buhay, napansin ko rin ang pag-bagsak ng kanyang katawan.
Noong una, Kuya Ben, sigurado akong wala akong nararamdaman sa kanya, pero ayaw kong lokohin ang sarili ko, inaamin ko, mayroon akong nararamdaman sa kanya, parang gusto ko na siya.
Kuya Ben, pati ang nanay niya namu-mureblema sa anak niya. Ayaw niya kase akong tigilan, patuloy siya sa pagpapadala sa akin ng love notes. Hindi niya raw alam kung ano ang mabuti para sa kanyang anak, pagtatapat ng nanay niya sa akin. Pinayuhan niya akong layuan ko ang kanyang anak, pero, ang anak niya naman ang laging lumalapit sa akin. Pangit naman na basta na lang siyang babaliwalain, baka, kasi kung anong gawin. Ang totoo, kuya Ben, nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Ano po ang mabuti kong gawin. Iyan lang naman ang nagpapagulo sa akin ngayon. Ano kayang salita ang pinakamagandang gamitin para hindi naman kami masyadong masaktan at mahirapan.

Gumagalang at Nagpapasalamat,
Gemini ng South Surra.


Maraming salamat sayong liham Gemini-sasagutin ko ang liham mong iyan next week. Abangan!-Ben Garcia

Sunday, March 23, 2008

BUHAY AT PAG-ASA

'Ikaw ang hahango sa sarili mo'

Mapag-larong tadhana l

Dear Kuya Ben,


Ako po si Nuria, (di niya tunay na pangalan, itinago ko ang kanyang pangalan for her safety ) tubong Marawi City at dating nag-aaral sa Mindanao State University. Sa hirap ng buhay, kahit public school, hindi nakayanan ng mga magulang ko ang pag-aralin ako. Kaya eventually, natigil din ako sa pag-aaral. Naingganyo naman ako ng ilang kakilala upang mangibang bansa. Edad ko 19 ng tuluyan akong lumisan sa Pilipinas upang suungin ang magulo at mahirap na buhay abroad. Puno ako ng pag-asa ng lisanin ko ang aming bayan sa Marawi. Hinangad kong makatulong sa pamilya at maiahon ang aking mga mahal sa buhay sa kahirapan. Subalit sadyang mapaglaro ang tadhana. Biruin mo, naka-limang amo po ako. Unang amo ko, ang akala ko po ay mabait, pero may itinatago palang hindi magandang loob. Pangalawa po, ÔsalbaheÕ ang mga bata hindi ko kayang pakisamahan, ang susungit at sobrang matatapang. Pangatlo ay ayaw sa akin ng asawa. Pang-apat, muntik na akong ma-rape ng amo kong lalaki --- at pang-lima po ay matanda na ngunit hindi ko nakaya ang sobrang bunganga. Pabalik-balik ako ng ahensiya. Sa huli kong pagbabalik ahensiya, buo na ang loob ko noon na bumalik na lamang ng Pilipinas dahil hindi ko na nga talaga kaya, o baka, iniisip ko, wala akong suwerte dito. Pero hinarang ako ng ahensiya ko, bibigyan daw ako ng pagkakataong makapag-trabaho sa labas. Natuwa naman ako, dahil narinig ko sa labas. Kaya ayun, muli akong pumayag. Yun pala, naibenta na ako ng aking ahensiya sa isang lalaki (mayroon pangalang binanggit si Nuria, pero nagpasiya akong hindi banggitin). Ayaw ko man, pero wala na akong nagawa. Promised sa akin ng ahensiya na bibigyan ako ng iqama sa labas. Pero hindi naman ito nangyari. Nakisama ako sa kanya ng isang buwan, at matapos lang noon, pilit akong ibina-balik sa ahensiya dahil aalis daw siya sa Kuwait. Hindi na ako pumayag na muling maibalik sa ahensiya dahil natatakot akong muli nila akong ibenta sa ibang lalaki. Tumakas ako at yung tumulong sa akin na isang ring lalaki ay hindi ko alam kung hanggang kailan kami magtatagal. Babaero kasi siya at sa katunayan papalit-palit na siya ng babae, habang ako, itinatago niya at nagpupunta lang kung kailan niya ibig. Sa ngayon, nasa poder pa rin ako ng lalaking ito. Patuloy akong kinakabahan, dahil hindi ko alam kung hanggang kailan kami magtatagal. Iniisip ko kasi, papaano kung magsawa na siya sa akin? Wala naman akong pinanghahawakan mag-asawa kami. Baka pag nagsawa na siya sa akin, bigla na lamang akong itaboy sa labas. Papaano na ako? Gusto ko pong magkaroon ng trabaho sa labas, tulungan niyo naman ako kung papaano, dahil ayaw ko namang masayang na lamang ang buhay ko sa Kuwait. Ano po ang advice na puede mong ibigay sa akin?

Umaasa at naghihintay sa'yong advice,
Nuria


Nuria, maraming salamat sayong tiwala. Isa ka lang marahil sa maraming biktima ng mapaglarong tadhana. Kung papansinin nating maigi ang kasaysayang ito ni Nuria. Masasabi nating sobrang nakakalungkot. Pero, totoo, mayroong ganitong sitwasyon, at pihong, hindi lang ikaw ang nasa ganyang kalagayan. Pero balikan natin ang kanyang kuwento. Sa maikling panahon sabi nga niya, naka-limang amo siya. Ang mga dahilan, kung tutuusin ayun, binanggit niya---maliliit na kadahilanan--liban sa isa na gusto siyang pagsamantalahan. Unang amo, mayroon daw itinatagong masamang loob ang amo, kaya siya umalis. Pangalawa, masama daw ugali ng mga anak, pangatlo, ayaw daw sa kanya ng among babae, pang-apat, gusto siyang pagsamantalahan at ang pang-lima mabunganga ang amo. Nuria, hindi naman sa sinisermonan kita, pero noong umalis ka ba sa Pilipinas, inaasahan mo ba talaga ang magandang buhay house helper sa ibang bansa? Mabuting amo, mabuting pakisama ng mga anak, hindi nagbubungangang amo? Kung iyan ang inasahan mo noon, at kung iyan ang paliwanag sayo noon ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) [mayroon nang bagong tawag dito ngayon], hindi ako magtataka sa palipat-lipat mo ng sponsor. Pero, sa seminar, pa lang, alam kong ipinapaliwanag na sa inyo kung anong uri ng kultura at mga tao ang pagsisilbihan ninyo sa Gitnang Silangan. Sa mga balitang patuloy na lumalabas sa Pilipinas halos araw-araw patungkol sa mga household helper, alam niyo rin kung gaano talaga kahirap ang trabahong susuungin ninyo sa ibang bansa. Ang ganyang uri ng trabaho, kahit saan, mapa-America, Europa at maging sa kapitbahay nating Hongkong, Singapore, Malaysia, Brunei, abaÕy asahan nating kung mamalas-malasin, ay makakatagpo ka talaga ng mga masusungit na among tulad ng mga nabanggit mo. Hindi mo sinabi kung naka-ilang araw ka sa mga among binanggit mo. Pero sa trabahong tulad ng sayo, alam kong pasensiya at pagtityaga lamang ang katapat niyan upang maging matagumpay ka. Ang ganyang uri ng mga pagsubok sa trabaho ay hindi lang iyan limitado sa trabahong tulad ng sayo. Kami man na nangangamuhan sa labas ay pagkaminsan din, nakakaranas din kaming sigawan, sungitan, pero iyan ay normal na pinagdaraaanan natin, yaman din namang hindi tayo ang mayroon. Ibig kong sabihin, sila ang nagpapasuweldo sa atin, kaya, marapat lang na suklian natin ng hindi lang yung hinihingi ng trabaho, kundi, ibigay natin ang extra effort to please and satisfy them. Ibigay natin ang pag-galang o respetong nauukol lamang sa kanila. Hindi ko naman sinasabing to the extent na ibigay mo ang sarili mo sa amo mo, o purihin siya o sambahin sila, hindi iyon! Kundi, bilang manggagawa, ibigay natin ang hinihingi ng trabaho. Mamahalin ka ng trabaho mo, mamahalin ka ng amo mo, ng kumpanya mo at magiging successful ka. Iyan in fact ang virtue ng pagiging tunay na trabahante. Malay mo dahil sa husay mong follower, baka, next time, ikaw naman ang magpapasunod sa sarili mong trabahante. Nauunawaan ko ang kuwento mo Nuria. Nakakalungkot, pero, sa tingin ko, malaki ang naging papel sa kinasapitan mo sa papalit-palit mo ng amo. Sa common term, tila baga kinareer mo na ang pagpapalit ng amo. Kung tutuusin, hindi healthy ang patuloy na paglilipat-lipat ng amo. Minsan naman, subukan ninyong pakisamahan, sabi nga ng iba, habaan ang pisi/ pasensiya, after all, at the end of the day, nagta-trabaho ka sa kanya, dahil ginusto mo, dahil gusto mong kumita, unless kung iba nga marahil ang hanap mo. Gusto mo kamong makalaya sa ganyang sitwasyon. Kumilos ka! Ikaw lang at ang sarili mo ang gagawa niyan. Puede kang magpunta ng embassy at tatanggapin ka naman doon ng maluwag at hindi ka naman marahil ipagtatabuyan doon. Hindi ka puedeng i-rescue ng kung sinuman sa bahay na hindi alam, sa bahay kung saan ka nakatira at pansamantalang nagkukubli. Kung hindi mo tutulungan ang sarili mo, sino ang inaasahan mong tutulong sayo upang makalaya sa ganyang kondisyon? Tanging ikaw ang hahango sa sarili mo sa ganyang kalagayan. Gumawa ka ng paraan sa sarili mo. Umalis ka diyan, humingi ka ng tulong sa embassy!

Tuesday, March 18, 2008

BUHAY AT PAG-ASA


'Makinang na buhay, nalambungan ng madilim na ulap'
Pag-ibig na walang dangal


PAUNAWA: Ang mga sumusunod ay re-issue sa inilabas kong liham kasaysayan ni Rasmiya noong December 16, 2007. Sinagot ko ang kanyang liham a week after at iyon ay naka-post sa aking blogsite. Si Uztaz Abdulhadi Gumander ay pinalawak at binigyan ng mas malinaw na sagot ang kasaysayang ito ni Rasmia, kaya minabuti kong muli itong ilathala. Ang sagot ko ay malinaw na salat ang aking kaalaman sa relihiyong Islam, kaya nagtanong ako sa ilang Muslim at muli kong sinariwa ang minsang paliwanag ni Uztaz Gumander noong kami ay magkasama pa sa isang radio program, at iyon ang pinagbasehan ko ng aking paliwanag sa letter sender nating si Rasmia. Ang aking taos-pusong pasasalamat kay Uztaz Gumander sa kanyang malinaw na paliwanag dito. Heto pong muli ang liham kasaysayan ni Rasmia.


Dear Kuya Ben,
Tawagin mo na lang akong Rasmia. Sa hirap ng buhay, hindi ko natapos ang secondary. Sampu kaming magkakapatid. Ako ang bunso at ako rin ang walang natapos. Isang araw noon, dumating ang matinding pagsubok sa aming pamilya, namatay ang aming ama. Magmula noon ang dating makinang na pamumuhay ay biglang nalambungan ng madilim na ulap. Nagkanya-kanya kaming magkakapatid upang matustusan ang pag-aaral. Pero kapos pa rin talaga sa buhay. Nasa murang edad pa ako noon pero sinuong ko na rin ang pagta-trabaho. Iniwan ko ang Cotabato, baon ang pag-asang matatagpuan ko rin ang liwanag ng buhay sa dako paroon. Nakitira ako sa aking Kuya, wala man akong alam sa pasikot-sikot sa Maynila, hindi iyon naging hadlang upang hindi makahanap ng trabaho. Naging factory worker ako sa Quezon City, taga-bilang ng karton ng mga exported products sa may bandang Veterans Village.
Pinaghusay ko ang trabaho, dahilan upang gumaan sa akin ang loob ng aking supervisor. Marami nang tinatanggal sa trabaho, ayun at naroon pa rin ako. Sa trabahong iyon, nakaipon ako ng pera, hinikayat ko ang nanay na samahan ako sa Maynila. 19 years old ako nang tumibok ang aking puso sa isang lalaking pinag-alayan ko ng aking sarili. Sa matuling takbo ng panahon, nagkaroon din kami ng dalawang anak. Sa pagdaan ng panahon, kahirapan pa rin ang patuloy na sumasalamin sa aming pagsasama. Hanggang sa mapagpasiyahan naming bumalik sa probinsiya. Masipag kung tutuusin ang aking kabiyak, ulirang asawa, at sa konting kita, naipundar namin ang aming munting tahanan. Sa hindi pagtigil ng orasan, at pagsalubong sa bagong umaga, dalawa pang sanggol ang muling dumagdag sa pamilya, apat na ang naging anak namin. Nakakaraos pa rin kami kahit papaano, pero hikahos pa rin ang puwedeng salitang ikabit doon. Tutol man ang asawa ko, inisip kong ito marahil ang puwedeng makatulong sa amin.
Taong 2004, iniwan ko ang pamilya upang makibaka sa ibayong dagat. Sa Kuwait ako bumagsak...sa ilalim ng employer na sala-sa-init sala-sa-lamig. Tiniis ko iyon Kuya Ben. Sa una, halos araw-araw ang dating ng liham, naging linguhan; pero dumating din ang panahon na naging buwanan at minsan pa nga wala din sa isang buwan. Mayroong kirot na nararamdaman ako sa puso ko; pero hindi ko iyon ininda, sapagkat alam kong ang buhay ay talagang ganito.
Isang umaga, natanggap ko ang tawag ng aking Inay. Malungkot man ang balita; pero iyon marahil ang dahilan kung bakit sinadya niyang tumawag sa akin. Ang dalang balita, isang buwang kasal na raw ang aking asawa sa ibang babae. Dumilim ang aking paningin. At tila baga isa akong kandilang nawalan ng liwanag. Tatlong buwan ko ring ipinagluksa ang aking asawa. Tinanong ko rin ang aking asawa kung bakit nagawa niyang magtaksil sa akin. Ang sagot niya, wala ako, malayo ako sa piling niya. Hindi ko raw maibigay ang gusto niya. Sa awa ni Allah, dininig niya ang aking dalangin. Binigyan niya ako ng ibayong lakas upang mapaglabanan ang buhay at pakikibaka.
Sa ilalim ng kalungkutan, nakilala ko ang isang lalaking muling nagpatibok ng aking puso, isa ring Pinoy. Noong una, akala ko friend lang kami. Pero nung tumagal, patuloy na lumalapit ang loob ko sa kanya. Inilihim ko ang aking tunay na buhay, dahil inakala kong hindi naman kami magtatagal. Dumating ang panahong nagtapat siya ng pag-ibig sa akin; at handa niya raw akong pakasalan. Imbes na kaligayahan ang sagot, namutawi sa aking buong pagkatao ang pagkalungkot at pagkabahala, dahil alam ko, mayroon akong lihim na itinatago sa kanya. Matapos ang pag-uusap na iyon ng harapan, muli ko siyang tinawagan sa telepono, umiiyak akong nagtapat sa aking tunay na buhay. Naunawaan naman niya ako; pero ako, halata kong nagkaroon ng lamat sa aming pagtitinginan. Ang dating mainit na usapan, unti-unting lumamig at nararamdaman kong nalulusaw. Mas lalo akong nasaktan nang sabihin niyang mahal niya pa rin ang dati niyang nobya. Masakit man, naipayo ko sa kanyang sundin ang bulong ng kanyang puso.
Kuya sa kalagayan ko, mali bang umibig? Mali bang ibigin siya ng buong-buo? Sa una kong pag-ibig, ano ba ang nararapat gawin?

Gumagalang at nagpapasalamat,
Rasmia
****
Kapayapaan ay sumasainyo Bro. Ben at sinumang nakakabasa nitong blogsite mo, salamat sa pagsabi mong wala kang sapat na kasagutan sa tanong ni sister Rasmia sang-ayon sa Islam... Sa mga nabanggit mong kundisyon ng pag-asawa ng lalaki ng iba, wala rin problema sa mga iyon, subalit itong sa ikatlong kundisyon (kung papayag ang kanyang unang asawa na muli siyang mag-asawa ng iba), itoÕy sa Family Code ng mga Muslim sa Pilipinas under sa Batas ng Pilipinas lamang, hindi in general at hindi rin sa tamang Batas ng Islam. Magkaiba kase ang batas ng mga Muslim at Batas ng Islam, kapag sinabi mong Batas ng Islam ibig sabihin ay ang Banal na Batas na hindi gawa ng tao kundi mula sa Mahal na Panginoong Diyos (Allah). Ang natatandaan ko na nababanggit ko noong tayo'y sa Radyo Pinoy pa ay; Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, lagi ko nililinaw na hindi lahat ng nabanggit dito ay 100% ay sang-ayon sa Batas ng Islam.
Tungkol naman sa sagot mo sa tanong ni Rasmia kung mayroon ba siyang karapatang umibig na muli?. (Kase po sa relihiyong Muslim, iba ang patakaran lalo na sa kalayaan ng mga babae. Mayroon akong kinausap na Muslim na babae, ang sabi niya sa akin, sa kanila, kung nag-asawa na raw po ang lalaki, mayroon nang karapatan si babae na umibig muli. Pero papasok daw ang problema, lalo na kung ang lalaki, hindi pumayag na mag-asawang muli si babae. Kase, sa mata raw po ng mga Muslim, asawa pa rin ni lalaki si babae, at hindi siya dapat mag-asawang muli. Pumapasok daw sa usaping ganyan ang honor killing, kung saan, mayroong kalayaan ang lalaking patayin ang babae kung naki-apid ito sa iba), hindi po gaano malinaw itong sinabi mo na sa relihiyong Muslim, iba ang patakaran lalo na sa kalaayan ng mga babae! Una po, itong relihiyong Muslim ay maling salita puwede pong sabihin mong relihiyon ng mga Muslim, pero hindi po puwedeng sabihing relihiyong Muslim kase Muslim ay tao at ang relihiyon ay Islam. Ikalawa, kung ang tinutukoy mo, walang kalaayan ang mga babae sa Islam in general mali po yon, kase sa totoo lang Islam ang nagbigay ng kalayaan sa mga babae.. mahaba ang usapan diyan pero katulad ng anumang kalayaan na may hangganan o limitasyon.. Sa tanong kung may karapatang umibig na muli ang sinumang tao? Sino kaya ang tao na magsasabing walang karapatang umibig ang babae o lalaki na muli? Common ang pag-ibig, sinungaling ang tao na sabihing hindi marunong o hindi na muli marunong umibig, hindi yan ang usapan o kaya hindi yan ang dapat itanong ni sister Rasmia kundi may karapatan ba siyang mag-asawa na muli? Sa puntong yon, sa Kristiyanismo kung mag-asawa itong babae kailan man ay hindi magiging legal, sapagkat hindi maikasal na muli sa simbahan o kaya ay saan dahilang hindi ipinapahintulot ang divorce.
Sa Islam naman, ang divorce ay ipinapahintulot at may tinatawag sa Shari'a na Khul'a, ang babae ay maaaring humingi sa husgado upang makipaghiwalay sa kanya si lalaki, hindi siya ang maghiwalay, hindi rin agad na maghanap ng lalaki bilang pangalawang asawa o kapalit ng una niyang mister, kase hindi siya (si babae) pinahintulutang mag-asawa ng dalawang lalaki, pero may karapatan siyang humiling ng diborsyo at ang husgado ang may kapangyarihang magpahiwalay sa kanila.. Itong sinabi ng isang babaeng Muslim na pinagtatanungan mo, na may kalayaan ang lalaking patayin ang babae.. Hindi rin malinaw yan.. Una, hindi maaaring pagbatayan sa Islam ang mga sinasabi lamang ng mga Muslim kung silaÕy walang nalalaman sa Islam, ikalawa nabanggit mo rin ang salitang naki-apid na ang ibig sabihin ay pangangalunya.. So, kung darating man sa puntong maaari na siyang patayin hindi ang lalaki ang magpasya kundi Batas at ang mga alagad nito kung napapairal ang Batas, sapagkat kung siya'y hindi pa nakapaghiwalay sa asawa at magasawa na muli ano kaya ang mararamdaman ng una niyang asawa? At ano rin ang mangyari kay Rasmia kung saka-sakaling mag-asawa ng dalawa o marami?
Sa huli, doon ako sanggayon sa sinabi mo na i-settle niya muna ang kanyang sarili saka mag-asawa muli, ang hindi maganda, mag-asawa na muli ng i-legal dito sa Kuwait, pagkatapos pagdating sa Pinas hanap-hanapin din niya si unang Mister.. At sana magising din itong mga kababayan natin na mga kababaihan dito sa ibayong dagat, sapagkat marami sa kanila ang ganito ang ginagawa.. Likas sa atin bilang mga tao na umibig habang may puso nga tayo, pero itong mga Batas nga ang nagbibigay sa atin ng mga limitasyon, at kung walang Batas at kung ito'y hindi sundin, wala tayong kakaiba kailanman sa mga hayop! Maraming salamat sa iyo Bro. Ben, paki-labas na lang nitong komentaryo ko para malinaw sa ating mga kababayan, higit sa lahat kay sister Rasmia.

Abdulhadie Gumander
abgislam@maktoob.com