Monday, September 13, 2010

‘Star Apple’


Arlyn, hanap mga anak!



Dear Kuya Ben,

Ako po si Arlyn Panal Villafuerte. Tubong Mahaplag Leyte, 32 years old. Ipinanganak po ako noong September 16. Anim kaming magkakapatid. Kinagisnan ko na po ang pananakit ng aking ama. Noong mga taong iyon, tanging ang aming ina ang kumakayod para mabuhay ang pamilya. Nagtatrabaho siya sa Maynila bilang kahera sa isang restaurant sa Quezon City. Minsan lang umuwi sa isang taon. Buwan buwan ipinapadala sa tatay ko ang kanyang suweldo para mabuhay kami sa probinsiya. Habang ang tatay, inuubos ang oras sa paglalasing at sugal. Mga seven years old pa lamang ako noon. Iyon na halos ang set-up ng kinagisnan kong pamilya. Sa murang edad ko, gumigising na kami noon ng aking kuya para maglabada at gawin ang mga trabahong bahay at nang sa ganun ay makapasok sa iskuwela. Ni hindi ko naranasang maglaro o makipaglaro sa ka-iskuwela. Hindi naging masaya ang aking kabataan. Ganun din ang sitwasyon ng nakakatanda kong kapatid. Palibhasa kami ng kuya ko ang medyo maaasahan ng mga panahong iyon, kami na halos ang nag-aasikaso ng lahat para sa amin sa bahay para mabuhay kami at iba ko pang mga kapatid. Naaalala ko, yung kuya ko ayaw nun lumiban sa klase, kahit sinabi na ng Itay na mag-absent muna. Tandang tanda ko ang parusang iginagawad sa kanya, isinisilid siya sa sako at ibinitin sa punong kaymito (star apple).
Noong ako naman ang hindi sumunod sa gusto ng tatay, pinarusahan niya rin ako. Kalahating araw akong ibinilad sa araw na nakaluhod sa asin, nakadipa sa gilid ng kalsada. Hindi ko iyon malilimutan. Tiniis ko iyon. Biruin niyo, gumigising kami ng alas-tres ng madaling araw para magawa ang trabaho sa bahay. Ako kadalasan ang naglalaba ng mga puti at yung kuya ko naman sa mga de-color.
Noong nag-graduate na kami ng grade six, bumalik ang nanay sa Leyte at ininroll kami ng kuya ko sa Abuyog Academy. Kinuha niya kami ng boarding house malapit sa iskuwela. Nakapasa ako ng scholarship from first year to fourth year. Bumalik pa rin sa Maynila ang nanay ko, dahil sabi niya, papaanong mababayaran ang boarding house kung hindi siya kakayod. Iniwan ng nanay ko sa aming lola ang maliliit ko pang mga kapatid, habang ang tatay, hindi na halos umuuwi sa bahay at busy sa pansariling kaligayahan.
Naging maayos naman ang lahat sa amin ng kuya ko. At para makatulong sa nanay, nag-working student kami ng kuya. Siya, bawat hapon, namamasada ng tricycle. Ako naman, sa tuwing sadabo at linggo, nagbabantay ako ng tindahan sa palengke. Yung tira ng kuya ko mula sa boundary ng tricycle, iyon ang ibinibili namin ng pang-ulam. At yung kinikita ko naman mula sa pagiging tindera, iyon naman ang dinadala namin sa mga kapatid ko sa lola namin. Yung nanay, hindi siya nakakalimot sa pagpapadala ng pera sa tuwing katapusan ng buwan. Ganun halos ang set-up hannggang sa maka-graduate kami ng kuya ko. Pinabayaan namin ang tatay dahil umaasa lang lagi sa mga magulang niya. Walang trabahong natutunan. Sa tuwing walang bigas, o asin sa bahay, takbo siya agad sa magulang niya. Laging umaasa sa suwerte sa mga fiestahan. Nagsusugal at naglalasing!
Noong matapos kami ng kuya ko ng High School, nagpunta na kami ng Maynila. Sabi namin sa nanay, magtatapos kami ng pag-aaral kahit vocational lang. Nag-working student kami. Siya ay pumasok sa isang fast-food chain, at nakatapos ng auto mechanic. Ganun din ang ginawa ko, nag-working student at kumuha ako ng computer secretarial sa PUP.
Noong nag-aaral ako, nagbabaon lang ako ng kahit anong pagkain. Kahit nga tutong na kanin, binabaon ko. Basta lang mayroon akong mailagay sa tiyan ko. Kinakain ko na lang ang baon sa CR kasi nahihiya naman akong ibuyangyang iyon sa harap ng iba kong mga class-mate.
Noong makatapos na kaming dalawa. Kinausap namin ang nanay na umuwi na lang sa probinsya upang mabantayan ng maayos ang mga kapatid namin. Yung income namin dalawa mula sa pagtatrabaho, ipinapada namin iyon sa mama namin sa Leyte. Masuwete ang kuya ko, nakakuha agad ng trabaho sa Nissan-Philippines. Noong mag-asawa, umuwi ng Ormoc at hanggang ngayon ay empleyado ng PNOC Ormoc Branch.
Ako matapos ang schooling ko. Nakakuha naman ako ng trabaho at naging empleyado din sa Ventura Plywood. Doon ako natisod at nakilala ang tatay ng mga anak ko. Malungkot ang nangyari sa akin Kuya Ben. Isang araw, habang papasok sa trabaho, inabangan ako ng guard sa nilulusutan kong iskinita. Kilala ko siya, as in, hi.. hello… lang talaga kapag dumaraan ako doon. Compound iyon na malaki, at doon ako dumadaan para maka-save sa oras. Mas-malapit o short-cut kung baga. Puede naman akong dumaan sa Main Street, pero kung doon ako dadaan makakatipid ako ng about 15 minutes. Kaya, nasanay na akong dumaraan doon. Isang araw, inabangan ako ng guard. Nabigla ako ng bigla niya akong hinablot at puwersahang dinala sa kanyang quarters. Huwag daw akong maingay at magsisigaw. Pumalag ako, at nagsisigaw, pero, walang taong nakarinig. At dahil sa mas-malakas pa rin ang lalaki, nakuha niya ng gusto niya noong araw na iyon.
Galit-na-galit ako sa lalaking sumira ng aking mga pangarap. Noong mga three months na ang nakalipas matapos ang insidenteng iyon, napapansin ko na matamlay ako at laging masama ang pakiramdam. Alam ko, nagbunga ang ginawa sa akin ng hayop na lalaki. Tinawagan ko ang nanay ko, agad naman siyang dumating. Imbes na suportahan ako, nagalit sa akin at sabi, marahil ay gusto ko rin daw ang nangyari. Pinaluhod din ako sa asin, kahit buntis ako, sumunod ako sa nanay ko. Pero sa totoo lang kuya Ben, hindi ko talaga boy-friend ang lalaking iyon. Sinugod namin ng aking ina ang lalaki, pero-iyon-nga ang sinasabi, boy-friend ko raw siya at pananagutan naman daw niya ang nangyari.
Gusto kong mag-sampa ng kasong rape, pero nakiusap na rin ang mga pinsan at kapatid ng lalaki, kaya, nanahimik na lang ako. Galit-na-galit ang nanay hanggang makaalis. Ako naman, pumayag na rin lang ako sa gusto ng lalaki na sumama sa kanila sa Capiz. Isa lang ang pakiusap ko, sasama ako sa lalaki, pero ayaw kong pakasal sa kanya at sabi ko, hindi ko naman siya mahal, pag-aaralan ko pang mahalin siya. Dinala ako sa Capiz ng tatay ng mga anak ko. Pag-dating doon, nagulat ako sa bahay nila. Nasa gitna ng bukid at walang ni-isa mang kapit-bahay. Malalayo ang mga bahay. Ang pamumuhay ay mahirap pang hindi hamak kumpara sa buhay na pinagdaanan ko sa Leyte.—Itutuloy


Part II


Naaalala ko ang mga sabi-sabi noong bago ako doon sa Capiz. Marami raw asuwang doon. Hindi ako nakatulog noong mga unang linggo ko doon dahil inisip ko baka asuwang din ang nanay nya. Pero na-overcome ko rin naman iyon. Pumayag akong sumama sa lalaki sa isang kondisyon na hindi dapat kami ikasal. Okay sa kanya iyon. At mabilis na lumipas ang panahon. Sa Capiz ko naranasan ang sobrang hirap ng buhay na hindi ko pa naranasan kailan man. Mas-malala pa sa kalagayan noong maliliit pa kami. Inihatid lang kasi ako sa Capiz ng lalaking sumira ng aking mga pangarap at nagbalik din siya sa trabaho niya sa Maynila. Noong bago ako sa kanila, lagi kong naririning ang away nilang mag-asawa, yung nanay at tatay niya. Bakit daw nandoon ako ganuong hindi naman kami kasal ng anak nila? Mga ilang buwan lang natuto na ako ng linggwahe nila. Walang tulong na naibibigay sa akin ang mga magulang niya. Kahit nga noong manganak na ako. Sa katunayan yung perang ipinapadala ng asawa ko, kinukuha ng nanay niya. Noong umuwi ang asawa ko, nakiusap ako sa kanya na magbukod na lang kami. Lagi rin kasi ang away naming mag-asawa. Pumayag naman at nagtayo ng maliit na bahay-bahayan sa tabi ng mga magulang niya.
Sabi nga, doon ko pa lang makikilala ang tunay na ugali ng asawa ko sa sarili naming tahanan. Doon ko nga nakita ang ugali niya. Hindi na siya bumalik sa Maynila. Hinayaan niya na rin akong magtrabaho. Lagi asa sa magulang, ultimong asin, sa magulang niya inaasa. Pagod-na-pagod ako sa ganuong sitwasyon kaya, para mabuhay ng mayroong konting dangal, ako na lang ang gumawa ng paraan. Mayroon pa akong natitirang pera noon. Maliit, pero sabi ko sa sarili; kailangan kumilos. Lumabas ako sa palengke, bumili ako ng sampong kilong isda. Hinahati-hati ko iyon at iyon ang itinitinda ko sa mga malalayong kapit-bahay. Nag-lalako ako ng isda sa umaga at ang kita ko iyon ang bumubuhay sa amin. Samantalang yung lalaki nandoon lang sa bahay, nnunood ng TV. Ang hirap ng buhay ko noon Kuya Ben.
Noong mag-isang taon ang anak ko, sumulat sa akin ang nanay at nagpadala ng konting pera; pamasahe ko raw iyon pauwi sa Leyte. Hindi ako umuwi, palibhasa mayroon pa rin akong natitirang sama ng loob sa kanya. Kaya imbes na umuwi; ibinili ko ng baboy ang perang padala ng nanay ko. Bumili ako ng dalawang maliliit na biik. Nanguha ako ng mga kangkong at nanghingi ng ipa (darak) sa mga kakilala. Iyon ang ipinapakakain ko sa mga biik. Nang lumaki, ibinenta ko at bumili ulit ako ng apat. Naging lima at hanggang sa umabot ng sampo ang baboy na inaalagaan ko. Ako lahat ang gumagawa! Walang tulong akong nakukuha mula sa asawa ko. Sa umaga, nagtitinda ako ng isda, pagnaubos na, uuwi ako at aasikasuhin ko naman ang mga baboy kong alaga. Buti na lang at inaalagaan naman ng mga byenan ko ang anak ko. Pero sobra na, pagod na pagod na ako! Araw-araw, imbes na matutunang mahalin ang asawa ko, nararamdaman kong lalo pang napapalayo ang loob ko sa kanya. Ni-hindi man lang ako matulungan ng asawa ko sa pagkuha ng mga pagkaing baboy. Noong mag-away kami ng asawa ko, ibinenta kong lahat ang baboy at ipinagpatayo ko iyon ng mas-maayos-ayos na bahay. Buntis na ako noon sa pangalawa kong anak. Nang maipanganak ko ang pangalawa, dumami ang mga gastusin. Kaya ang pagtatanim naman ng palay at tubo ang pinasok kong trabaho. Habang yung asawa ko, sumasama sa mga kabarkada niya kung saan saan. Walang perang ibinibigay sa akin o para man lang sa mga anak niya. Yung sahod kong 700 pesos kada buwan, tuwang tuwa na ako noon, kasi maibibili ko ng gatas ang mga anak ko.
Hanggang sa nadagdagan naman ang anak ko. Ipanganak ko ang pangatlo noong Januray 2005. Pero matapos ang panganganak; nagkasakit ako. Tipos at nalagas ang aking mga buhok. Naubos ang kaunting ipon, baon pa kami sa utang. Walang dumadalaw na asawa sa akin sa ospital, liban sa paminsan-minsang pagsipot ng mga anak ko, dahil hindi pa naman nila kayang magpuntang mag-isa. Noong mga panahong iyon, dahil sa karamdaman, nawawalan na ako ng ganang mabuhay. Pero, iniisip ko mga anak ko. Papaano sila kapag-nawala ako? Lupaypay man ako sa nararamdaman kong sakit, iniisip ko pa rin kung saan kukunin ang perang pambayad sa ospital at pambili ng gamot. Buti na lang at may-nakilala akong tao sa ospital na itinuro ang pwuedeng mautangan ng five six. Kumuha ako. Lumabas ako ng ospital. Halos dalawang linggo pa akong nakaratay sa banig dahil walang tigil pa rin ang diarrhea; walang gamot, walang doctor, hindi ako makatayo mag-isa. Yung kakaunting lugaw na pumapasok sa bibig ko, inilalabas ko rin agad. Hinang hina ako at tila baga kalansay na lang ako noon. Walang pag-kain na natatanggap ang bituka ko. Nagpaalam na ako noon sa mga anak ko. Sabi ko sa mga anak ko, mamamatay na ako. Hindi ko na kayang mabuhay pa. Nag-iiyakan na sila noon. Wala man silang maiyakang iba, kaya kitang-kita ko ang kalungkutan nila. Iniisip ko noon mamatay ako, pero, papaano sila? Papaano ang mga anak ko? Yung panganay kong anak, lumapit sa akin, umiiyak; nakiusap sa akin. “Mama, kumain ka kahit kaunti, ito ang kaymito, kainin mo mama.” Binigyan niya ako ng ‘star apple’ at isang milagrong marahil na matatawag ang naganap. Ayaw ko nang maglagay ng kahit anong pagkain sa tiyan ko. Tubig na lang ang bumubuhay noon sa akin. Kaya nga namamaalam na ako noon sa mga anak ko. Kasi ramdam ko hindi na ako magtatagal. Pero nung kinuha ko ang kaymito sa kamay ng anak ko. Taimtim akong tumawag sa Diyos. Sabi ko; kung kukunin mo na ako, handa na ako. Pero gusto ko pang makasama ang mga anak ko! Sabi ko sa Panginoon, kung gusto mong mabuhay pa ako, hayaan mong tanggapin ito (kaymito) ng katawan ko. Pinilit kong kinain ang bunga. Matapos kong kainin iyon; nakatulog ako. Nagising ako sa bigat ng tiyan ko. Bigla na lang akong umutot ng pagkahaba-haba. At doon ako nakaramdam ng ginhawa. Nagkaroon ako ng lakas na muli, nagkaroon ng gana sa pagkain. Muli akong nakalakad.
Sa paglalakad-lakad ko, medyo okay na ang katawan ko noon. Nakasalubong ko ang isang kakilala. Natuwa siya sa mabilis na pagbalik ng aking katawan. Na-i-suggest niya sa akin na mangibang bansa. Mag-abroad daw ako para makabangong muli. Subukan ko raw magtungo sa munisipyo dahil mayroong interview doon. Sinubukan ko nga, at nakapasa naman. Ang recruiter ang nag-provide ng pamasahe patungong Maynila. Nakaalis ako agad patungong Saudi Arabia. Nag-work ako doon mula 2006, 2007, 2008. Buwan buwan akong nagpapadala sa asawa ko. Gusto kong matapos ang bahay na pinapatayo namin bago ako umuwi. Binilhan ko rin siya ng pamasadang tricycle. Noong malapait na akong umuwi, nabalitaan kong nag-asawa na ang ama ng mga anak ko.
Nagimbal ako sa balita. Kahit aminado akong hindi ko siya kailan man natutunang mahalin, naghinayang ako sa perang ipinapadala ko. Sa bahay na ipinatayo ko. Dugo’t pawis ang puhunan ko doon. Kaya dahil sa sama ng loob, imbes na umuwi ako sa Capiz, nagpasiya akong tumuloy na lang sa Leyte. Doon ako nagpahinga at naglabas ng sama ng loob sa nanay ko. Sinubukan kong kausapin kahit ang mga anak ko man lang noong naroroon pa ako sa Leyte, pero, itinatago ng ama nila ang mga anak ko. Kaya hangang sa makabalik ako sa abroad, (this time sa Kuwait) wala na akong naging balita sa mga anak ko. Kahit man noong nandito na ako, nasa isip ko pa rin ang mga anak ko. Pilit na inilalayo ng dati kong asawa ang mga anak ko. Ganuon din ang gawa ng mama ko sa Leyte, pero wala pa rin talaga silang makuhang balita ukol sa mga anak ko. Hanggang ngayon, wala pa rin akong balita sa kanila. Nangungulila ako sa mga anak ko. Gusto ko silang makausap, gusto ko silang mayakap. Gusto kong makuha sila at maibalik sa poder ko. Hindi kami kasal ng asawa ko, ang apilyedo ko ang ginamit noong ipanganak at iparehistro ko sila sa munisipyo. Sa ngayon, gamit na ng mga bata ang pangalan ng kanilang ama. Gusto ko silang makuha; gusto kong maibalik sila sa poder ko. Tulungan mo ako Kuya Ben.

Ito ang mga pangalan ng mga anak ko. Sa birth certificate Villafuerte po ang gamit nilang family name. Sa ngayon daw ‘Inion’ na: Apilyedo po iyan ng dati kong asawa na ang tunay na pangalan ay Arturo.
Ito ang mga pangalan ng hinahanap kong mga anak:
1. Joshua 11, (kapanganakan, January 5, 1999)
2. Kim Arthur, (kapanganakan, March 13, 2000)
3. Ashlyn May, (kapanganakan, January 14, 2005)
Ang address namin dati sa Capiz ay: Baranggay Lantangan, Uyapad Puentivedra, Capiz.
Nakarating ako sa Kuwait noong May 26, 2009. Nagpunta ako dito na hindi ko man lang nasilayan ang mga anak ko. Hanggang ngayon nangungulila ako sa kanila. Kailangan ko po ang tulong ninyo!

Gumagalang at nagpapasalamat,
Arlyn P. Villafuerte

1 comment:

  1. lyn...
    grabe diay imo sakripisyo..anyway wen ka uli

    mc

    ReplyDelete