Sunday, September 26, 2010

'Star Apple'

Arlyn, hanap mga anak



(Sagot sa liham kasaysayan ni Arlyn)



Si Arlyn ang letter sender natin sa nakalipas na dalawang linggo. Medyo mahaba ng kuwento ng kanyang buhay at maraming naantig sa kanyang liham kasaysayan. Sino bang tao ang hindi maaantig sa kanyang nailahad na kuwento ng buhay? Marami ang kanyang pinaluha at batid ang hirap ng kanyang pinag-daanan. Sa mga hindi nabasa ng buo ang kanyang liham dahil sa inabot ng Eid El-Fitr ang kanyang kuwento. Heto at ireremind ko lang po kayo briefly. Kung inyong natatandaan, siya ang ating kabayan na ayon sa kanyang salaysay, pinagsamantalahan siya ng guwardiyang bantay sa isang compound na ginagamit niyang daanan (lusutan) patungo sa kanyang trabaho. Nakursunadahan siya ng guwadiya, (yung nagbabantay sa compound), inabangan at nilugso ang kanyang puri. Nagbunga ang ginawa ng guwardiya. Sa pakiusap ng mga kamag-anak ng guwardiya, hindi siya nagsampa ng kaso sa lalaki. Tinanggap niya ang alok na pananagutan ang dinadalang bata sa kanyang sinapupunan. Dinala siya ng lalaki sa Capiz, kung saan sila tumira. Doon sila nabuhay bilang mag-asawa. Pero hindi sila kasal dahil na rin sa ayaw niyang patali sa lalaki. Grabeng hirap ang kanyang naranasan doon. Pero sa kabila ng lahat, nagsama sila at nagkaroon ng tatlong anak. Reklama ni Arlyn ni hindi siya matulungan ng asawa. Lahat siya ang kumikilos para mabuhay ang mga anak. Nagtinda siya ng isda sa mga bahay-bahay, nag-alaga ng baboy, naging trabahante sa sakahan. Noong ipanganak niya ng bunso, nagkasakit siya. At inisip niya noon na hindi na siya mabubuhay pang muli. Salamat na nga lang sa kaymito, na ipinakain sa kanya ng kanyang anak. Nahimas-masan siya at muling lumakas at nag-karoon ng pangalawang buhay. Iyan ang dahilan kung bakit ang pamagat ng kanyang liham ay Star Apple. Malaking papel ang ginagampanan ng star apple sa kanyang buhay. Kaymito rin daw ibinibitin ng kanyang tatay ang kanyang kapatid sa tuwing nagkakasala ito.
Samantala, sa kanyang pag-galing, inisip niya pa rin kung papaanong buhay ang kanyang tatahakin. Hindi pa rin ipinapakita ng kanyang asawa ang kahandaang buhayin sila. Dinala siya ng kanyang kapalaran sa Saudi Arabia. Nagtrabaho bilang domestic helper at tumagal siya doon ng halos tatlong taon. Lahat ng suweldo, ipinadadala sa asawa, alang-alang sa mga pangarap na gusto niyang abutin ng kanilang pamilya. Ipinatapos niya ang bahay, binilhan niya ng tricycle ang asawa. Subalit ilang araw bago siya umuwi, nabalitaan niyang mayroong ibang babae ang asawa. Inamin niya rin na wala naman siya talagang nararamdaman sa asawa. Ang masakit sa kanya, dugo at pawis ang puhunan niya sa pagpapatayo ng bahay, ng tricycle para sa asawa, tapos, lolokohin pa siya nito.
Hindi siya umuwi ng Capiz, nagbalik siya sa kanyang mga magulang sa Leyte. Ang tanging hangarin niya na lamang ay makausap man lang sana ang tatlong anak, pero hindi siya pinalad hanggang sa maka-alis siyang muli at makarating siya dito sa Kuwait noong May 2009. Wala siyang communication sa mga anak, simula late 2008 at mahigit apat na taon na niyang hindi sila nakikita.
Iyan ang dahilan kung bakit humingi ng tulong si Arlyn sa ating programa.

Bueno...agad akong nakipag-ugnayan kay Oliver Diong. Kasalukyang siyang pangulo ng Club Ilonggo sa Kuwait. Hindi siya nag-damot at agad na nakipag-uganayan sa mga taong puedeng makatulong kay Arlyn. Ang Bombo Radyo sa Capiz ang nakatulong natin upang ma-locate ang mga anak ni Arylyn. Kaya mula sa amin dito sa Kuwait at column nating Buhay at Pag-asa. Maraming salamat po! Katulad din ang pasasalamat ng column na ito kay Oliver Diong!
Noong Biernes nagkaroon ng katuparan ang pangarap ni Arlyn na makausap na muli ang mga anak. Pinayagan siyang makalabas ng kanyang amo. Nagtungo kami sa isang communication facility sa Kuwait City at doon namin tinawagan ang numerong provided sa atin ng Bombo Radyo. Ayon sa salaysay ng kanyang mother in-law, nagtungo doon sa kanilang baranggay sa Lantangan Uyapad Puentevedra Capiz ang ilang crew ng Bombo Radyo, hanap ang mga nabanggit na pangalang provided ni Arlyn. Ibinigay sa kanila ang contact number at agad namang ibinigay sa atin dito sa Kuwait.
Tipid ang mga sagot ng mga taong kausap niya sa kabilang linya, si Arlyn, panay ang iyak at hikbi. Umiiyak habang kausap ang nanay ng kanyang dating asawa at mga anak. Nakausap niya ang panganay na anak, ang pangalawa at ang bunso ay gusto siyang makita. Nangako si Arlyn na magiging madalas na ang kanilang pag-uusap, magpapadala na rin umano siya ng pera; habang hinihintay niyang matapos ang pangalawang taon niya sa Kuwait kung saan puede na siyang umuwi. Nangako siyang uuwi sa Capiz upang kunin ang mga anak. Sinisisi niya ang asawa sa pagpapalit ng telepono dahil mula daw noon, hindi na siya nagkaroon ng chance para makausap ang mga anak.

Ang kuwento ni Arlyn ay puno ng drama, pighati at kalungkutan. Subalit gusto ko lang kayong paalalahanan na kuwento lamang po iyan ni Arlyn. Wala ang kuwento ng kanyang asawa. Mayroon din siyang sariling angulo ng istorya at iyan ay karapatn niya. Mayroon pong mga usaping legal na kasama sa kuwento, inaamin ko, hindi ko po verified ang accuracy nyan. Sa nature po ng aking column, inilalahad ng sumulat ang kanilang kuwento at mula doon ay magbibigay ako ng aking practical na advice.
Ayaw kong pangunahan ang korte, subalit sa aking pagkakaalam, ang illegitimate children ay kadalasang ipinagkakatiwala sa babae ang buong karapatan. Kahit na nga ang apilyedo ng bata ay isinusunod iyan sa babae. Sa tingin ko iyan ang nangyari kay Arlyn, dahil ayon sa kanyang salaysay, noong una ay registered ang mga anak niya as Villafuerte, (apilyedo niya) pero this time nga daw, gamit na ang apilyedo ng dating asawa. Puedeng mapalitan ang surname ng mga bata oras na umabot na sila sa legal age, (malayang makapagpasiya) sa Pilipinas ibig sabihin ay 18 years old, sa lalaki. Doon sila puedeng magdisisyon kung gagamitin nila ang apilyedo ng nanay o ng tatay nila. So, kung ang rehistro ay Villafuerte, ang official public record ang kakampi mo Arlyn. Sa tingin ko kikiling sayo ang batas. Samantala, tungkol sa claim mo sa mga ari-arian; kung mayroon kang mga resibo ng remittances noon, puede mo iyang gawing katibayan na totoo ngang nagpapadala ka sa kanila noon at sa tingin ko, papanig din sayo ang korte upang mabawi mo o kaya ay maibalik sayo ang produkto ng iyong mga pinaghirapan. Maraming salamat sayong tiwala! -Ben Garcia
(Sa mga kababayan nating gustong maging kabahagi ng column na ito, puede po kayong sumulat sa address na makikita sa itaas o kaya, tulad ni Arlyn ay makipag-ugnayan sa Tel 97277135 upang malaman ang pinakamabilis at madaling paraan ng pag-si-share ng inyong mga kuwento. Maraming salamat po!)

No comments:

Post a Comment