Kambal na pasakit
Masaya akong wala siya!
Dear Kuya Ben,
Ako po si Marites Tura. Tubong Kabasalan Sibugay province. Panganay sa siyam na magkakapatid. Bata pa ako, nasubaybayan ko na ang gulo sa aming pamilya. Lasenggo ang tatay ko. Pag-uwi galing sa inuman, lumilipad ang mga kagamitan namin. Kung wala na siyang makitang puedeng ihagis, nanay ko naman ang ihinahagis niya. Pati kami, pagbabalingan din ng kanyang kapretsuhan. Nariyan at ikukulong kaming lahat sa kuwarto. At doon kami mag-iiyakan. Tapos naririnig namin sa kuwarto ang hiyaw ng mama, ang iyak ng mama, minsan pa nga, initak niya ang mama namin. Nakita ko rin ang galit minsan ng tatay sa nanay ko. Isang araw, pinaubos ba naman sa kanya ang isang kalderong kanin at isang kilong bigas. Nung hindi maubos, inginud-ngud ng tatay ang nanay sa kanin at bigas. Minsan pa yung nanay ko, hinubaran niya ng saplot sa katawan, hubot-hubad, hindi pinapasok sa bahay, hayaan daw makita ng mga taong ganun ang nanay ko. Wala daw magpapapasok sa nanay namin. Nung malingat ang tatay, hinagisan ko ng damit ang nanay sa labas. Kinaumagahan, wala na ang nanay. Umalis siya at nagtungo sa kanyang kapatid sa Zamboanga City. Kinuha din siya doon ng tatay. Mula ng magkaisip ako at hanggang 3rd year high-school na ako, iyon ang sitwasyong kinamulatan ko sa pamilya. Minsan pa nga, pati sa ospital, binugbog din niya ang nanay ko. Bagong panganak siya noon. Lumabas ang nanay na puro pasa sa katawan. Hindi na ako nagtapos ng pag-aaral, dahil araw-araw, lumalala ang sitwasyon sa aming pamilya. Lagi rin kaming kulang sa gamit sa iskuwela. Minsan din, kung magalit ang tatay sa isa sa mga kapatid ko, lahat kami damay, yung nagkasala, ihuhulog niya sa hagdan, tapos kapag nawalan ng malay, tatadyakan niya ng tatadyakan para mabuhay ulit. Yung kapatid kong lalaki, ibibitin niyang patiwarik, papaluin niya ng papaluin, hanggang sa maputol ang sanga ng kahoy. Yung isang lalaki naman, isinilid niya sa sako at ibinitin sa apoy, aalisin niya lang ang kapatid ko kung wala nang apoy. Ang pananakit ng tatay ko ay umabot hanggang 17 years old na ako. Sabi ko sa sarili, kahit sinumang tao ang magsabi sa akin na ilalayo ako at itatago ako, sasama ako. Yung lalaking minsan ay nagsabing liligawan ako, nagpunta ng bahay, gusto lang bang makita ang bahay namin at ako. Tamang-tama naroon ang tatay, nakita siya. Pinagalitan ako ng tatay at muli niya akong sinaktan sa harapan ng lalaki. Sabi ko sa lalaki, normal na ito sa amin. Kaya nga sabi ko sa lalaki, kahit sinong lalaki ang magsabi sa akin na ilalayo niya ako sa tatay ko, sasamahan ko. Wala na siyang dalawang salita sabi niya sa akin, itatago niya ako at ilalayo sa tatay ko. Dinala ako ng lalaki sa Zamboanga City. Matagal bago kami nagsiping dahil hindi ko naman siya mahal. Pero noong mag-iisang taon na ako doon, pumayag na rin akong makipagsiping sa kanya. Nabuntis ako. Isang beses noong nagpunta ako sa bayan, nasundan pala kami ng isang kamag-anak, at natuntun ng tatay ko ang bahay na tinitirhan namin. Nagpunta doon ang tatay seven months na akong buntis. Nakiusap, umuwi na raw ako sa bahay at hindi naman daw siya galit. Pero hindi ako naniwala, hindi ako umuwi. Naipanganak ko ang panganay ko. Pero noong mag-dalawang buwan na ang bata, nagpasiya akong umuwi sa bahay. Hindi ko naman kasi talaga mahal ang lalaking ama ng aking anak. Noong umuwi ako, na-touch ako sa ipinakitang pagmamahal ng tatay ko sa apo niya. Kinuha niya agad ang anak ko, hinalikan at sinabi niyang iwan ko na lang daw ang bata at umuwi ako sa lalaking kinakasama ko sa Zamboanga. Pero sabi ko, hindi na ako babalik sa Zamboanga dahil, gusto ko nang hiwalayan ang lalaking ama ng aking anak. Sabi ko sa kanila, sumama lang naman ako doon, dahil nangako siyang ilalayo ako sa bahay. Sabi sa akin ng nanay, bakit ako sumama sa taong hindi ko naman mahal. Sabi ko para takasan si itay. Nag-stay ako sa bahay ng may-apat na buwan. Tapos, may-nakilala akong babae na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa. Agad ko iyong sinunggaban at iiiwan sana ang anak ko sa nanay ko. Pero sa araw ng aking pag-alis patungo sana ng Maynila para tuparin ang pangingibang bansa, dumating ang asawa ko, kasama ang kanyang mga magulang. Ipakakasal daw kami. Wala na akong nagawa, hindi ako natuloy dahil yung tatay ko, pumayag na rin na ipakasal ako. Doon ko mas-lalong nakilala ang asawa ko, bogbog sarado din ako sa kanya sa tuwing nalalasing. Grabe din palang magbunganga at magnigaya ng sama ng loob sa akin. Dahil sa sitwasyong napasukan ko, naging frustrated ako, natuto akong makipagkaibigan sa iba, at naging sugarol din ako kinalaunan. -Itutuloy
(Sa mga gustong maging kabahagi ng Buhay at Pag-asa, sumulat po kayo sa address na makikita sa itaas na bahagi o kaya naman, puede po kayong tumawag o magbigay mensahe sa tel 97277135 para sa mas-madaling paraan ng pagpapadala ng inyong mga kasaysayan. Maraming salamat po!-Ben Garcia)
No comments:
Post a Comment