Saturday, January 01, 2011

Baliktanaw 2010





Panunumpa, pamamaalam, palpak na rescue operation, paglaya, angat sa 2010

Ni Ben Garcia


Ito ang pagbabaliktanaw ng Filipino Panorama sa taong 2010. Ilan lamang ito sa mga major events sa nakalipas na isang taon. Lahat ng ito ay nabasa ninyo na sa Filipino Panorama at bahagi na po ito ng ating kasaysayan bilang isang lahing Pilipino. Layunin ng pagbabaliktanaw na minsan pa ay masulyapan ang mga balitang nagbigay kulay, liwanag, pag-asa, pagkakaisa, pighati, pasakit at buhay sa ating Inang Bayan. Samantala, sabay-sabay nating harapin ang bagong taong puno ng pag-asa at pagtitiwala sa nag-iisang lumikha!



January
Mainit na mainit na ang usapin sa pulitika bago pa man pumasok ang taong 2010. Kaya Enero pa lamang, lalong naglagablab ang usapin sa pulitika dahil sa nalalapit na eleksyon o pagpili ng susunod na magiging pangulo ng bansa. Sabuyan ng putik ang bawat kampo. Si Sen Manny Villar na dati rati ay nangunguna sa mga surveys ay tuluyan nang nahulog sa mas-mababang puesto sa mga surveys dahil sa hindi mapatid na usapin ukol sa C5 [or diversion road issue] o pag-divert ng C5 road sa umano'y pinag-hihinalaang mga properties ni Villar. Masyadong naapektuhan ang kanyang kandidatura ng lumutang ang isyu at hindi na rin siya nakabawi hanggang sa sumapit ang May 10, 2010 presidential elections.
Malungkot pa rin ang Enero para sa maraming Pilipino dahil sa karumaldumal na massacre na naganap noong November 23, 2009 sa Maguindanao. Pinag-hihinalaang mga makapangyarihang angkan ang may-gawa ng massacre. December pa lamang ng taong 2009 ay idineklara na ang martial law doon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na may-layuning madakip ang lahat ng sangkot sa madugong massacre. May 57 katao ang namatay (karamihan ay miyembro ng media) ng ratratin ng umano'y mga pinaghihinalaang salarin na nauna nang itinuro ang mga makapangyarihang angkan ng Ampatuan sa Maguindanao. Ito na ang itinuturing na pinakamalalang election related violence na naganap sa kasaysayan ng Pilipinas. Mag-pa-file sana ang kampo nina Toto Mangundadato ng certificate of candidacy ng araw na iyon. Asawa at mga malalapit-na kamag-anakan ng mga Mangundadato ang naatasang mag-file ng candidacy. Pati mga kasamahang media ay hindi pinatawad ng mga salarin.
Enero 19, ng mamatay sa heart attack si Cerge Remonde, ang isa sa mga tagapag-salita ni Pangulong Gloria Arroyo.
Ito rin ang simula ng kaliwat-kanang debate ng mga kandidato. Enero din ng lisanin umano ni Senator Panfilo Lacson ang Pilipinas via Hong Kong matapos na lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya dahil sa hinalang sangkot siya sa pagpatay noong year 2000 kay dating publicist Bobby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli si Lacson sa kabila ng Interpol alert at masusing pagbabantay ng NBI at ng Department of Justice sa bansa.

February


Nadakip sa isang operasyon ng militar sa Morong Rizal ang mga health workers na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng kuminista o New People's Army (NPA). Kinalaunan ay tinawag silang Morong 43 ng media. Pag-gawa ng bomba at mga bomb-making paraphernalia ang umano'y nasamsam ng military sa pinagkukutaan ng mga ito. Taliwas naman sa kanilang claim (Morong 43) na nagsasagawa lamng sila ng medical symposium sa lugar. Agad silang idinitine sa kampo o kuta ng militar habang hinihintay ang paglilitis. Pebrero din ng patuloy na uminit ang krisis sa elektrisidad at tubig. Ayon sa Malacanang, bukas sila sa mungkahi ng ilang mga mambabatas na bigyan ng emergency power si Pangulong Arroyo upang matugunan ang krisis. Ang mungkahi ng pagbibigay ng emergency power kay Arroyo ay tinanggihan ng ilang mga kritiko ng administrasyon. Pero marami rin may-gusto kahit sa hanay ng oposisyon upang masiguro anila ang tagumpay ng kauna-unahang automated elections sa Mayo.
Bago matapos ang buwan ng Pebrero, isang massacre na naman ang naganap sa Basilan kung saan mga hinihinalang rebeldeng Abu-Sayyaf ang sangkot sa paglusob. 13 katao ang namatay, karamihan ay sibilyan.

March


Ang El-Nino ay lalong lumala sa pagpasok ng Marso dahilan upang ideklara sa ilang mga bayan at lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang state of calamity. Lalo na sa mga lugar kung saan marami sa kanilang mga pananim ay natuyo at walang mapakinabangan sa kanilang produkto. Naglabas din ng mahigit 10 bilyong pisong emergency fund para sa mga nasalanta ng El-Nino si Pangulong Arroyo. Ang panukala ng ilang mga mambabatas na bigyan ng emergency powers si Pangulong Arroyo ay tuluyan nang ibinasura dahil ayon sa kanyang mga kritiko, possible umano itong gamitin ni Arroyo upang ipanalo ang administration bet na si dating Defense Secretary Gilberto Teodoro.
Isa pa, wala rin umanong magandang ibinubunga ang emergency powers na nauna nang nasubukan sa panahon ni dating pangulong Fidel Ramos. Pero sa kabila ng El-Nino, noong Marso din ay lumabas ang balitang nalagpasan na ng Pilipinas ang krisis sa ekonomiya na naranasan kasabay ng mga bansa sa daigdig. Ayon sa Department of Labor and Employment, nararamdaman na ulit ang pagsigla ng empleyo sa bansa. Sa ulat ng DOLE, sa pagpasok pa lamang ng Enero ng taong 2010, tatlong beses na mas-malaki na umano ang bilang ng mga nakakakuha ng trabaho kumpara noong taong 2009. Pero inamin nila na totoong makaka-apekto rin ang nararanasang El-Nino sa bansa lalo na sa sektor ng agrikultura.
Sa sports, muling pinatunayan ni Manny Pacquiao na siya pa rin ang hari ng boxing ring sa pinaka-latest na laban niya kay Joshua Clottey. Nagbunyi ang sambayanan sa muling panalong ito ni Pacquiao. Ang kanyang panalo ay lalong nagpatibay at nagbigay ng malaking tsansa sa kanyang ambisyon na maging kongresista ng Saranggani Province.

April

Ang buwan kung saan unang naranasan ng mga Overseas Filipino Workers sa Hong Kong at Singapore ang pag-boto gamit ang automated machines (computer). Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Pilipinas. Tanging dalawang bansa sa Asya ang nabigyan ng pagkakataon upang makapag pilot-test sa computerized election. Dahil hindi umano mabibigyan ng pagkakataon ang ilan pang mga bansa [na may mga OFWs] dahil sa kakulangan sa oras at logistics. Samantala, sa pag-init ng pulitika, todo bantay ang militar at kapulisan upang maiwasan ang hindi inaasahan. Nagpahayag na rin ng pagkabahala ang ilang sector sa umano'y napipintong failure of elections dahil sa pagpasok ng pamahalaang Arroyo sa automated elections. Magiging automatic din aniya ang dayaan. Samantala, umangat sa survey si Gilberto Teodoro noong Abril. Pero ito ay pansamantala lamang. Dahil bago pa man ang election marami na sa kanyang mga kasamahan sa partido ang kumalas sa administration party.
Abril din ng bawian ng buhay ang kilalang singer composer na si Fred Panopio ang umawit at nagpasikat sa mga awiting Pitong Gatang, Markado, Tatlong Baraha, at ang Kawawang Cowboy.

May
Ang pinakahihintay na May 2010 elections ay sumapit na. Ito ay tagumpay higit sa lahat ng taumbayan. Pero hindi matatawaran ang ginampanang tungkulin o papel ng Arroyo administration. Ayon sa kanyang mga taga-sunod at ilang mga kritiko; tagumpay ang election dahil naganap ang kauna-unahang computerized elections ng maayos at matiwasay. Higit sa lahat hindi rin naganap ang inaakalang failure of elections at ang pag-kapit sa kapangyarihan ni Arroyo. Halos wala ring malaking election related violence, liban sa hindi matutumbasang karima-rimarim na massacre sa Maguindanao na naganap noong pang year 2009 o bago pumasok ang 2010. Landslide victory ang panalo ni Noynoy Aquino. Subalit isa namang miracle ang panalo ni Jejomar Binay. Hindi inaasahan ng marami ang panalong ito ni Binay dahil malayo siya [rating niya] sa mga election surveys. Laging si Mar Roxas ang lumalabas na number one sa mga surveys at malayo ang kanyang lamang sa nanalong si Binay. Oo nga at maliit lang naman ang lamang ni Binay kung kaya hindi ito katanggap-tanggap sa kampo ni Roxas. Hanggang ngayon buo pa rin ang paniwala ni Roxas na siya dapat ang pangalawang pangulo at hindi si Binay.
Tagumpay na matatawag ang kauna-unahang automated election dahil dalawa-tatlong araw pa lamang alam na ng sambayanan kung sino ang tunay na nanalo sa halalan. Hindi tulad ng manual counting of votes na halos abutin ng ilang buwan bago malaman ang resulta. Naging makasaysayan din ito para kay Pangulong Arroyo sapagkat bumaba siya sa kapangyarihan subalit niyakap niya ang mas-mababang posisyon sa Congreso. Nanalo siyang Congresswoman ng ikalawang distrito ng Pampanga.
Naging maingay din ang pagtalaga ni Pangulong Arroyo kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa kataas-taasang hukuman. Ayon sa mga kritiko, hindi na dapat pang si Pangulong Arroyo ang nagtalaga ng chief justice, dahil sumapit na ang takdang petsa na hindi na dapat pang magtalaga ang papaalis na pangulo. Subalit ayon sa mga dalubhasa at taga-masid, hindi puedeng magkaroon ng transition of power sa executive branch na walang lihitimong Chief Justice ang Korte Suprema. Nakatakdang magretiro si Chief Justice Reynato Puno noong May 17, 2010, at hindi na siya puede pang mag-extend. Sa usaping ito, nag-disisyon ang buong korte kung papayagan ba nilang mag-appoint si Pangulong Arroyo ng bagong Chief Justice. Pumayag ang mayorya. Kinunsidera at pinag-aralan nilang mabuti ang mga legal na aspeto sakali nga at magkaroon ng failure of elections, ano ang mangyayari sa Pilipinas? Kaya nanaig ang kapangyarihan ni Pangulong Arroyo na mag-appoint ng bagong Chief Justice. Kaya nga, makalipas lamang ang ilang araw matapos magretiro si Puno, itinalaga ni Pangulong Arroyo si Chief Justice Renato Corona, sa kataas-taasang hukuman. Naging mainit ang usapin sa pagkakatalaga kay Corono. At dahil sa mga panahong iyon ay sigurado nang uupong pangulo si Aquino, ayaw niyang manumpa sa harap ni Chief Justice Renato Corona. Ayon sa kanyang mga naunang pronouncements, mas-gugustuhin pa niyang manumpa sa harap ng isang baranggay captain, kesa kay Chief Justice Corona.




June

Ito na rin ang huling selebrasyon ng Independence Day sa ilalim ni Pangulong Arroyo. Lumipas itong walang gaanong ingay. Naging payak lamang at hindi na gaanong magarbo. Maging sa Kuwait, walang gaanong selebrasyon dito liban sa flag hoisting ceremony. Dito na rin tuluyang nagtapos ang panunungkulan ni dating Ambassador Ricardo Endaya, na napilitang lisanin ang Kuwait matapos lumabas at mag-circulate ang isang 'open letter' addressed to president Aquino. June 28, dumating sa Kuwait ang kanyang kapalit na si Ambassador Shulan Primavera. Ito na ang pangalawang pagkakataon na maitalagang sugo ng Pilipinas sa Kuwait si Primavera.
Isa rin sa mga makasaysayang petsa ang June 30 sa Pilipinas. Ito ang huling araw ni Pangulong Arroyo bilang pangulo ng bansa, at pormal na pag-upo ni Pangulong Noynoy Aquino bilang ika-15 Pangulo ng Republika. Si Justice Conchita Carpio ang nanumpa kay Aquino bilang pangulo. Sa kanyang talumpati, nangako siyang ibabangon ang Pilipinas at lalakad sa tuwid na landas. Nanumpa rin bilang pangalawang pangulo si Vice President Jejomar Binay.


July


Matapos manumpa bilang pangulo, nangako si Aquino, na mas-lalo niyang ilalapit ang Malacanang sa mga Pilipino. Mag-kakaroon siya umano ng weekly press conferences upang i-update ang mga Pinoy ukol sa mga programang pang-gobyerno. Bukas din umano ang Malacanang sa anumang reklamo at pag-hingi ng saklolo. Samantala, pinuri siya sa selection ng kanyang mga gabinite, kabilang sa bagong upong cabinet secretaries ang mga dating Arroyo appointees, [nanawagan noong July 2007 kasagsagan ng Hello Garci scandal, sa pagbibitiw ni pangulong Arroyo]. Ang mga napasama sa Gabinete ni Aquino ay sina Secs Dingky Soliman sa DSWD, Cesar Purisima sa Finance at Ging Deles para sa Mindanao Peace Process. Sa mga unang araw niya sa Malacanang, ipinalabas niya ang kanyang kauna-unahang Executive Order na nagbu-buo sa Truth Commission, na umano'y mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa ilalim ng Arroyo administration. Napiling mamuno ni Pres Aquino sa Truth Commission si dating Chief Justice Hilario Davide. Ang Punong Hukom na nagpanumpa kay Gng Arroyo bilang ika-14 na Pangulo ng Republika. Sa unang bahagi din ng buwang ito, tuluyan isinampa ni Mar Roxas ang kanyang election protest laban sa election victory ni Vice President Jejomar Binay.


August
Tulad ng dati, binalot pa rin ang Pilipinas ng ibat-ibang uri ng kalamidad, bagyo at pagbaha. Pamoso ang nakaraang paghagupit ni Basyang, sa Northern Luzon kung saan 65 katao ang nasawi. Sinisi ni Aquino ang Pagasa sa palpak nitong pagtaya ng panahon. Dahil dito, sinibak niya sa puesto ang chief ng Pagasa na si Prisco Nilo.
Hindi malilimutan ng Aquino administration ang kauna-unahang test-ng-kanyang liderato noong August 23. Isang hostage crisis ang naganap sa bansa na napanood ng live sa buong mundo. Subalit palpak ang naging rescue operations na ikinasa ng Manila Police. 16 na katao ang bihag noon ni Captain Rolando Mendoza dating pulis Maynila. Hiling ni Mendoza na ireverse ng Ombudsman ang kanilang disisyon laban sa kanya upang muling makabalik sa serbisyo. Bago pa man ang disisyon, inisa-isa nang nilikida ni Mendoza ang walo sa kanyang mga bihag na pawang mga Chinese nationals. Nag-ugat ang disisyon ni Mendoza ng mapanood nito sa kanyang TV monitor [loob ng bus] ang walang patumanggang pagdakip sa kanyang kapatid na isa ring pulis. Walong Hong Kong Chinese ang namatay. Tahasang tinuligsa ng Hong Kong ang palpak na rescue operation na ikinasa ng Pilipinas laban sa nag-iisang hostage taker. Nagkaroon ng lamat ang relasyon ng Pilipinas at ng Hong Kong mula noon. Natabunan ng balitang ito ang makasaysayan din sanang panalo ni Venus Raj na natapos ng fourth sa Miss Universe Beauty Pageant, sa Las Vegas. Makasaysayan ito kay Raj, dahil kung hindi sana sa kanyang 'major-major' na sagot baka siya ang tinangghal na Miss Universe 2010. Makasaysayan ito sa kanya, dahil bago pa man ang beauty pageant, tinanggalan na siya ng korona bilang BB Pilipinas Universe 2010 dahil sa usapin ng kanyang nationality. Umano, ipinanganak si Raj sa Qatar at ang kanyang ama ay isang Indiano. Kinalaunan, natukoy din ang pagka-Pilipino ni Raj, nabigyan ng passport at muling naibalik ang kanyang korona.


September

Tuloy ang mainit na usapin sa palpak na rescue operation na kinasangkutan ng mga Hong Kong tourists sa bansa. At dahil nga dito, ayon sa mga opisyal ng Tourism Department, sobrang naapektuhan ang tourism industry ng bansa. Malaking bilang ng Chinese tourists ang hindi na rin tumuloy sa balak na pag-bisita sa bansa bilang suporta sa mga namatay nilang kababayan.
Ikinasa rin ni Pangulong Aquino ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may-pananagutan sa palpak na rescue operation. Naitakda sana sa mga bansang kasapi ng ASEAN ang unang paglalakbay ni Pangulong Aquino, bilang pangulo ng bansa, subalit dahil sa init ng palpak na rescue operation, ipinagpaliban niya ito. Noong September 24, tumulak si Pangulong Aquino sa Estados Unidos upang daluhan ang isang pagpupulong ng mga bansa na may-kaugnayan sa Millennium Challenge. Inilatag niya sa United Nations ang mga programa ng kanyang adminsitarsyon para dito. Kasama ang ilan pang ASEAN leaders, nag-kausap din sina Pangulong Obama ng Estados Unidos at si Pangulong Aquino.
September din ng maganap ang madugong pagsabog sa Manila sa huling araw ng bar exams sa La Salle, Taft Avenue. Ayon kay Secretary Laila de Lima, ang pagsabog ay maaring bunga ng hidwaan ng ilang mga kilalang fraternity sa bansa. Pangunahing tinukoy ni de Lima ang ilang miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) Fratenity


October

Hinatulan si Pangulong Aquino sa kanyang unang 100-araw sa puesto. Mababa ang ibinigay na marka ng kanyang mga kritiko subalit pasado at mataas ang kanyang rating sa maraming Pilipino. Malaking epekto sa kanyang administration ang palpak na rescue operation. Oktobre nabuo na ang pangkat na bubuo-sa Truth Commission na pamumunuan sana ni dating Chief Justice Hilario Davide. Nangako ang grupo ni Davide na paghahandaan nila ang 'Truth Cimmision'. At sa kabila ng mga ingay sa pagpapaliban ng halalan sa baranggay, natuloy din ito at nairaos sa mapayapang paraan.

November


Kasabay ng pagdiriwang ng Undas, nagparamdam din ang Mount Bulusan sa Bicol (Sorsogon) ng ilang beses sa buwan ng Nobyembre. Ilang beses din itong nagbuga ng makapal na usok at abo sa himapapawid. Nagkaroon ng pagragasa ang lahar at ilang mga pananim din ang nasira. Kung kaya ideklara ang state of calamity sa ilang bayang direktang naapektuhan ng mount Bulusan. November din ng muling patunayan ni Pacquiao ang kanyang husay sa boxing ng pataubin niya ang isa pang pinakamagaling na boxer ng Mexico, si Antonio Margarito.

December

Ideneklara ng Aquino administration at ng kumunistang grupo ang pinakamahabang ceasefire o tigil putukan sa kasaysayan. Ito ay upang bigyang daan ng Christmas at New Year. Ang ceasefire din umano ay daan sa pagbubukas ng makabuluhang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng grupo. December din ay pinalaya na ni Aquino ang Morong 43 na ayon sa DOJ ay walang matibay na ebidensiyang sangkot magpapatunay sa kanilang pagkakasala. December din ng ilabas ng Korte Suprema ang pagbasura sa Truth Commission na ipinalabas ng Aquino administration. Ayon sa Korte Suprema, maraming butas silang nasilip sa EO1 at higit sa lahat labag ito sa Saligang Batas ng Pilipinas. Lumabas din ang final ruling ng Korte Suprema ukol sa Vizconde massacre case. Isang karumal-dumal na pagpatay at panggagahasa noong June 30, 1991, kung saan, kinasangkutan ng mga buena pamilya sa Paranaque. Naging maingay ang kasong ito at nadiin ang anim na mga akusado na kinabibilangan ni Hubert Webb, ang anak ng isang dating senador. Ayon sa disisyon ng kataas-taasang hukuman, pinawawalang sala nila ang mga akusado, dahil hindi natukoy kung sino ang tunay na salarin sa kaso at hindi napatunayan 'beyond reasonable doubt' ang mga paratang laban sa akusado. Kaya marapat lamang umano na palayain ang mga nasasakdal. Sina Hubert Webb at limang kasama ay nakulong na ng may-15-taon.
Dahil din sa bisa ng amnesty na ipanalabas ni Pangulong Aquino para sa mga sundalong nag-rebelde laban sa pamahalaang Arroyo, nakalaya bago mag-Pasko si Sen Antonio Trillanes. Si Trillanes ang leader ng Magdalo na kinabibilangan ng may-300 sundalo na lumusob sa Oakwood noong July 2003 upang iexposed umano ang mga katiwalian at corruption sa Arroyo administration. Noong 2007, sa kanilang pag-dalo ng paglilitis sa Makati RTC, kasama ng kanyang mga ka-tropa, muling nanguna si Trillanes sa martsa patungong Peninsula Manila, at nanawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Arroyo.

No comments:

Post a Comment