Nasa langit yata ako!
Dear Kuya Ben,
Isa po akong masugid mong tagasubaybay. Tunay pong malaking tulong sa mga mayroong taglay na suliranin ang iyong column. Tawagin mo na lang akong Joy. Tubong Albay, 34 years old. Kasal at mayroong isang anak. Panglima po ako sa siyam na magkakapatid. Maaga akong naulila sa ama. Namatay siya noong H-school ako. Kaya, wala na akong nagawa, kundi ang mag-aral na self-supporting. Pumasok akong tindera, serbedora at yaya sa Bicol. So nakatapos ako ng high school. Pagka-graduate ko ng High School, nagtrabaho akong yaya sa isang Chinese family sa Caloocan. More than four years akong naging yaya. Sinuportahan ko ang mga nakababata ko pang mga kapatid, kasi yung mga kapatid kong nakakatanda, mayrooon nang kanya-kanyang pamilya. Marami rin namang nanliligaw sa akin, pero may-pagka-suplada po ako. Kasi, katuwiran ko, puede namang mag-hintay ang pag-ibig. Pero ang mga nagugutom kong kapatid, hindi. Sa ganuong sitwasyon umusad ang panahon para sa akin. Isang araw, Christmas noon, nagkayayaan ang barkada sa isang disco bar. May-kanya-kanyang partner, ako wala, pero kasama namin yung family driver ng mga amo ko. So magkatrabaho kami. Ayaw ko sa kanya, lagi ko nga siyang sinusungitan. Pero sa disco, siya ang naging partner ko. Dahil sa naparami na yata ang inom ko ng beer, nag-yaya na akong umuwi. Nag-alok yung driver namin, na iuuwi niya na lang ako. Pumayag naman ako. Nag-taxi kami. Pero, nagtataka ako kung bakit ibang daan ang tinatahak ng taxi. Sabi sa akin, huwag na daw akong maingay at mayroon daw siyang ipagtatapat sa akin. Matagal na raw niya akong type. Nirerespeto niya raw ang aking ugali, suplada at medyo hindi palabati, pero huwag na raw akong maingay at malapit na kami sa isang motel. Pag-baba, gusto ko sanang tumakbo palayo, pero hinawakan niya ako sa braso, inalalayan, hanggang sa makarating ang isang kuwarto. Doon nangyari ang hindi inaasahan. Sa mabilis na pangyayaring iyon, wala na akong nagawa. Kinaumagahan, pinuntahan naming dalawa ang kapatid ko na nasa Quezon City. Pinagtapat namin ang nangyari noong gabing iyon. Humingi ng paumanhin ang asawa ko sa kapatid ko, at sabi handa siyang panagutan ako. Itinakda ang kasal at mabilis ang lahat. Naikasal kami at nagkaroon ng anak.
Sa ilang taon naming pagsasama, natuklasan ko ang kanyang tunay na pagkatao. Sugarol, mabisyo at irisponsable. Lagi na lamang sa barkada at laging inuumaga sa goodtime. Araw-araw ko na lang ipina-aalala sa kanya ang kanyang reponsibilidad. Pero, wala. Ang usapang matino, laging nauuwi sa away. Dahil ayaw niyang pinakikialaman ko siya, naisip ko, wala na yatang patutunguhang mabuti ang relasyon namin. Kaya naisip ko, mag-abraod. Mabilis ding na-process ang aking pag-alis. Dumating ako sa Kuwait taong 2007. Akala ko, matatapos na ang problema ko sa asawa ko. Pero, lalo siyang nalulong sa bisyo at pambabae. Umiiyak ako gabi-gabi, at halos mabaliw ako sa kaiisip sa kung papaanong maitutuwid ang pamilya ko. Isang kaibigan ang nagsabi sa akin, kung bakit ko naman gabi-gabing iniiyakan ang walang kuwentang lalaki sa buhay ko. Sabi niya sa akin, maglibang ako ako, kalimutan ang masasamang ala-ala ng asawa ko at maaayos daw ang takbo ng buhay ko.
Sa puntong iyon medyo nakapag-isip-isip ako. Bakit nga kaya hindi. Aba 'e matagal na akong nag-hihirap. Kaya, mula noon, tumanggap ako ng mga manliligaw. Ang dami kasing lalaking umaaligid at nagpaparamdam sa akin. Pero hindi ko sila pinapansin noon. Nag-text ako sa isa, dalawa, tatlo. Tapos lahat sila may-gusto sa akin. Nakita ko na rin sila pare-pareho at lahat sila gusto ko. Mga guwapo. Gusto ko silang tatlo. Mayroon akong Egyptian, Kuwaiti at Iranian. Pero dahil sa marami nga sila, hindi ko alam kung sino ba talaga sa kanila. Mahal ko silang pare-pareho. Ang problema ko ngayon ay kung sino sa kanilang tatlo ang tatanggapin at pakakasalan ko. Hindi pa naman po dumating sa punto na makipag-anuhan ako sa kanila. Puro pa-cute-cute effect pa lamang. Lahat sila, gusto akong pakasalan. Kapag-tumatawag sila sa akin, ang saya-saya ko. Parang langit sa tuwing kausap ko sila. Hindi nila alam, tatlo silang pinagsasabay ko. Naaalala ko nga noong Pasko, yung isa, pinag-hinatay ko sa Salhiya, yung isa, pinag-hintay ko sa simbahan at yung isa nagkita kami sa Avenues. Masaya pala ang pakiramdam na mayroong tatlong nagmamahal sayo. Habang naaalala mo yung tunay mong asawa sa Pilipinas na hindi ka man lang ma-text ng I love you. Tatawag lang kung kailangan ng pera mo, wala pang ka-sweet-sweet ang dating. Samantalang ngayon, heto, nasa langit yata ako. Naglalaro ako. Ang ikinagugulo ng utak ko ngayon ay kung sino ba talaga sa tatlo. Gusto ko nang magdisisyon, pero gusto ko ng tama. Kaya naalala kong sulatan kita Kuya Ben. Pagpayuhan mo ako.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Joy
No comments:
Post a Comment