Ni Ben Garcia
Pasaway, suplada, mahilig... si Janice
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
Dear Kuya Ben,
Greetings! Idagdag mo na ako sa mga listahan ng mga taong sobra ang pag-hanga sa programa mo. Wala naman akong hilig noon magbasa ng mga babasahing tulad nito, di mo man paniwalaan, parang may-nagbulong sa akin na bumili ako ng Kuwait Times isang Lingo, at nabasa ko nga ang iyong column noon mismo at doon nagsimula ang every Sunday ko na pag-aabang ng Filipino Panorama. Magpapasalamat naman ako kung isa sa mga araw na darating ako na ang mapipili mong sulat para mai-feature sayong sikat na Buhay at Pag-asa.
Tawagin mo akong Janice. Umabot din ako ng college pero di natapos dahil sa hirap ng buhay. Pasaway daw, supladita, pala-barkada at lalakero ang tawag ng marami sa akin. Pero kahit ganun man, alam kong mahal ako ng mga magulang at mga kapatid ko. Pang-anim ako sa magkakapatid.
Noong 2002 naipasok ako sa malaking kumpanya sa Eden Toril Davao City, dahil na rin sa tulong ng kapatid kong babae. Siya ang pinaka-ayaw ko sa lahat kong kapatid, kase, lagi siyang may-comment laban sa akin, nag-aaway kami lagi. Ang mama ko naman walang sawang nagpapaalala na magkapatid kami at kahit na anong mangyari, kapatid ko pa rin siya at hindi dapat kami parang aso't pusa.
Taong 2003, nagkaroon ako ng asawa, magulo ang pag-sasama namin, di kami magkasundo sa lahat ng bagay. Kasabay pa noon ang paninira ng ate ko na lalong nagpalala sa sitwasyon. Naghiwalay kami ng walang anak, wala kaming kumunikasyon hanggang sa ngayon. Balita ko mayroon ng ibang asawa.
Taong 2005, nakilala ko si Mark, bilis ng pang-yayari, dahil lang sa isang halik, naging mag-on kami. Sa kanya ko nakita ang lahat ng pagkukulang ng asawa ko, minahal ko siya ng labis, para ngang mamamatay ako kung wala siya sa tabi ko. Sa pagmamahal ko sa kanya, natuto akong lumaban sa magulang ko, na hindi nila inaasahan sa akin.
May-asawa at anak si Mark, Kuya Ben, pero ewan ko kung bakit ako nababaliw sa kanya. Mabait kase siya, ibang magmahal, nauunawaan sa lahat ng bagay, kaya nga nahumaling ako sa kanya.
Nagbunga ang kabaliwan ko sa kanya. Hindi pa alam ni Mark na buntis ako, syempre umeksena na naman ang ate ko, at sya pa mismo ang nagsabi kay Mark na buntis ako, pero, sinabihan niya si Mark na mag-ingat daw, dahil baka, hindi daw sa kanya ang dinadala ko. e, marami daw akong BF. Galit-na-galit ako sa ate ko, pero di ko siya magawang tuluyang burahin sa listahan ng mga kapatid ko. Ang resulta ng tsismis, inilaglag namin ang bata, una dahil sa ayaw maniwala ni Mark na kanya iyon at pangalawa dahil ayaw niyang maiskandalo ang kanyang pamilya.
Kumakalat na naman ang tsismis na ako raw ay barayang babae, pakana na naman iyon ng ate ko. Nagpapabayad daw ako ng 100 pesos--isang gabi, tapos kapag-nabuntis, ilalaglag ko raw ang bata. Ang sakit, kuya pero binabali-wala ko lang iyon.
Umalis na ako sa dati kong trabaho, at nalipat ako bilang counter supervisor sa isang malaking supermarket. Sa pag-ta-trabaho ko, takbuhan ko pa rin si Mark, siya ang aking hingahan ng sama ng loob. Pero abot din ang konsensiya ko sa pag-pa-pa-abort namin sa anak ko, hindi rin ako patulugin ng konsensiya sa tuwing naaalala ko ang asawa ni Mark. Iyan ang mga dahilan kung bakit ako umalis ng Pilipinas.
Mahal na mahal ko po si Mark, at bawat araw, nadagragdagan pa ito. Sa katunayan, mayroon na kaming plano, na mag-sasama ulit kami, sa pagbabalik ko. Malaki ang tiwala ko sa kanya at handa akong muling bigyan siya ng anak at nangangako naman si Mark na hindi na siya muling magpapadala sa ate ko. Bumili na rin siya ng bagong motor, prodkto iyon ng pinaghirapan ko sa Kuwait. Aminado akong nagbago ang buhay ko dahil sa kanya.
Ano po ang dapat kong gawin. Susundin ko po ba ang tibok ng aking puso?
Gumagalang at Nagpapasalamat
Janice
Abangan ang sagot sa susunod na Linggo sa Buhay at Pag-asa. Maraming salamat sa tiwala Ms Janice.
No comments:
Post a Comment