Ni Ben Garcia
'Papa' ko may-kasamang 'Manay' ko po!
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, P0 Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito pa ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
(Pagpapatuloy sa padalang kuwento ni Mars, kung gusto niyong balikan ang unang bahagi, ibrowse po ninyo ang aking blogsite, ang address ay makikita sa itaas)
Dear Kuya Ben,
(Matapos ang isang nabigong relasyon...)Dumating sa buhay ko sa Choy, gwapo, matangkad at mabait dahilan upang mahalin ko cya ng lubusan. Marami ang tutol sa aming relasyon lalo na ang mga matalik kong kaibigan. Umibig ako sa kanya Kuya Ben, ubod sidhing pag ibig dahilan upang maging bulag ako sa anumang naririnig tungkol sa kanya. Marami ang nagsasabing maling lalaki ang aking minahal. Sayang daw ako dahil maganda at may talino pero maling lalaki ang minahal ko. Lahat sa akin ay tama Kuya Ben, ako ang nagmamahal di sila, iyan ang aking katwiran. Ilang beses kong tinanong si Choy kung totoo ang balitang may anak cya sa 2 babae, pero pilit nyang itinanggi. Kaya naniwala ako. March 2005 ng may nangyari sa amin, ilang beses at di kailan man inisip na magbunga ito, April nakaramadm ako ng hilo at laging napapagod. Pero binaliwala ko iyon, masaya ang aming relasyon kuya hanggang isang araw, ay ina-sign ako sa ticket booth ng cinema, di ako makapaniwala sa aking nakita Kuya Ben, si Choy may kasama di babae kundi isang bading.
Gulat siya ng makita ako Kuya Ben kita sa kanyang mukha ang takot at pangamba. Lumapit ang kaibigan ko at sinabing di ako bulag para di maniwala sa lahat ng mga sinasabi nila. Umiyak na lang ako at naghalf day sa work ng araw na iyon. Sa bahay ibinuhos ko ang lahat ng aking galit at sama ng loob. Kinabukasan pumasok ako at nagkita kami sa trabaho. Gusto nyang magpaliwanag pero diko pinakinggan. Sunod ng sunod sa akin at pilit akong gustong kausapin. Tumalikod siya kuya at umalis. Alam kong totoo ang lahat ng sanasabi noon ng tao sa kanya, pero dahil mahal ko siya at diko naman nakikita, hinayaan ko ang lahat. Nagdecide akong tumigil sa trabaho at umuwi ako sa amin. Di alam ni Choy ang tunnay kong kalagayan, limang buwan na ang pinagbubuntis ko ng malaman ng Nanay ang lahat. Tinanggap ng pamilya ko ang nangyari kuya pero sinabi
nilang dapat malaman ni Choy ang lahat. Tinawang ko ang kaibigan ko sa dati kong trabaho at naitanong ko kung naroron pa rin si Choy, sinabi nilang oo, pero may-bago na itong GF. Nasaktan ako ng husto sa narinig ko. Nagtanong naman ang kaibigan ko kung anot-bigla akong napatawag, namiss-ko raw ban ng sobra si Choy. Sinabi ko sa kanya ang totoo. Matapos ko siyang kausapin, sinugod siya ng kaibigan ko at pinagmumura kasama ng bago niyang GF. Sinabi ng kaibigan ko ang totoo, buntis ako at kailangan panagutan ang kanyang ginawa. Nabigla rin si Choy sa kanyang narinig mula sa kaibigan ko, di raw niya alam.
Tumawag agad siya sa akin at nagpaliwanag, doon siya nangakong pupuntahan ako at pananagutan ang bata. Pero malapit na akong manganak wala pa ring Choy na dumarating Kuya Ben hanggang sa iluwal ko ang bata, wala pa rin. Nang malaman nyang nanganak na ako, tumawag uli sa akin at nangako na namang muli na pupuntahan ako at bibigyan ako ng aking mga pangangailangan para sa bata. Pero ganoon pa rin walang sumipot na Choy.
February 2006, 2 buwan na ang anak ko ng magdecide akong mag-abroad. March 3, araw bago ako mag-flight papuntang Kuwait, bigla syang sumulpot at nakikiusap na hwag na lang daw akong umalis, nagpaliwang din siya kung bakit di siya nakarating noon. Tinanggap siya ng pamilya ko, walang galit ang pamilya ko na ipinakita sa kanya, sa kabila ng hindi niya pagsipot ng mga panahon na lagi siyang nangangako sa akin. Doon niya rin inamin sa akin na mayroon na nga siyang 2 anak na babae. Tinanong ko kung bakit di nya inamin ang totoo noon sa akin. Takot daw siyang mawala ako sa kanya ng tuluyan, pero tingnan mo naman, Kuya Ben, nagawa nyang makipagrelasyon noong wala ako. Umalis ako kuya at nandito ako ngayon sa Kuwait. Masakit man, pero heto, disgrasyada na akong matatawag dahil sa lintek na pagmamahal na pagmamahal. Bago ako umalis nangako siyang pupuntahan lagi ang anak namin at maghihintay daw siya sa akin. Gulong gulo ang isip ko Kuya Ben, okay ang dalawang buwan na nandito ako dahil lagi nya akong tini-text, tinatawagan, pero unti-unting naglaho ang aming kumunikasyon. Nabalitaan ko rin na di rin siya nagpunta sa amin noong binyag ng aming anak. Kuya mahal na mahal ko pa rin si Choy, umaasa akong pag uwi ko, naroroon pa rin siya sa akin.
Gusto kong humingi ng iyong payo, gusto kong ituloy ang aking buhay kasama siya at ng anak namin, mahal na mahal ko pa rin siya, hanggang ngayon. Marami akong bagong manliligaw, pero di ko sila pinapansin. Mayroon nga raw tumawag doon sa amin sa Pinas, kasama ko sa trabaho, tanggap daw ang kalagayan ko, at handa raw akong pakasalan, pero ayaw ko, nararamdaman kong mahal ko pa rin ang lalaking ama ng aking anak.
Ano ba ang aking gagawin, mag-iisang taon na ako sa Kuwait. Dapat pa ba akong umasa kay Choy?
Gumagalang at Nagpapasalamat,
Mars
Hi Mars. Salamat sayong liham at tiwala sa aking column. Alam ko ang tunay mong nararamdaman ngayon. Masakit ano, pero, iyan ay dahil sa tunay kang nagmamahal. Ganyan po talaga, at napaka-swerte ng lalaki sayo, lalo na ang Choy na iyan! Tapat at totoo kang magmahal, mababait din ang iyong pamilya, dahil wala ring narinig na masamang salita ang Choy sa kanila at maging laban sayo. Masuwerte ka Mars, sa kabila ng kabiguan mo sa lalaki, mayroon kang pamilyang handa kang tanggapin, ano man ang kalagayan mo. Totoo, dapat ganyan, pero, in your part, aral iyan sayo. Dahan-dahan ka sayong disisyon, kung ako ang kapatid mo o Tatay mo, ayaw ko na ring maranasan mo ulit ang naranasan mo noon. Tama na iyon! Kase masakit ang matisod muli isa pa hindi ako naniniwalang dapat danasin mo ang ganyan. Mabait kang bata.
Mars, di mo gaanong niliwanag ng tungkol kay Choy. Sa pag-amin niya mayroon siyang dalawang anak na babae, kasal ba siya sa Nanay ng dalawang anak niyang iyon? O tulad din ng nangyari sayo, na matapos kang buntisin ay pinabayaan na rin at pinangakuan na lang ng salita. Kung kasal siya sa una, mahirap nang mag-habol o umasa pa, oo, para sa bata, mayroon dapat sustento para sa kanya, karapatan iyon ng anak mo. Pero, yung aasa ka sa kanya, lalot kasal siya sa iba, mahirap iyan, hindi iyan ganyan kadali.
Napatunayan mo na ng ilang beses na hindi siya lalaking kausap, wala siyang isang salita, sinungaling at makapal ang mukha. (Sorry po) pero iyan ang angkop na salita para sa kanya. Nakikita kong ikaw na lang ang laging umaasa, ikaw na lang ang laging nag-hihintay sa kanya, ang nagbibigay ng panahon sa kanya. Papaano ikaw? Papaano ang iyong sariling kaligayahan, nasisiyahan ka ba sa paghihintay at pag-asang magiging kayo balang araw? Hindi naman maliwanag kung tunay ba ang nararamdaman niyang pag-ibig sayo, o dahil sa tawag lang ng laman, dahil maganda ka? Yung wala kayong communication, patunay, iyan na hindi ka niya naaalala, baka nasa-iba siyang kandungan. Hindi niya pinahahalagahan ang nararamdaman mo, bakit ka pa aasa at ipagpapatuloy ang pagmamahal sa kanya.
Oo, tatay siya ng anak mo, pero, nasaan siya noong naghihirap ka, noong manganak ka, noong kailangan mo siya. Wala! Gusto ko lang sabihin sayo, na tapusin mo na ang mga sandaling umaasa at naghihintay ka sa lalaking hindi naman bagay sa kanya ang pagmamahal na ini-aalay mo. Wala kayong maliwanag na kasunduan noong umalis ka, wala kayong matibay na kasulatan na puede mong panghawakan upang patuloy kang umasa. Wala na siya at ituring mo siyang isang karanasan ng kahapon. Harapin mo ang ngayon, papaano ka? Saan patungo ang iyong bukas at kinabukasan ng iyong anak? Iyan ang liwanagin mo ngayon, sapagkat, ang magiging disisyon mo sa ngayon ay mag-rereflect sayong magiging buhay bukas. Ituwid mo ang magiging disisyon mo ngayon, sa akin lang, ayaw ko nang makitang nagkamali ka muli, tama na ang isang beses magoyo o maloko ng lalaki. Iyang nangyari sayo ngayon, dalhin mo iyan bilang aral sayong buhay, iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa unang bahagi pa lang na maghinay-hinay sa susunod na disisyon. Maraming lalaki ang mangangakong muli, siguraduhin mo nang totoo ang sinasabi nila. Siguraduhin mo nang hindi lang ikaw ang mag-mamahal kundi pareho niyong nararamdaman ang tinatawag na pag-ibig. Buksan mo ang iyong puso sa iba, pero... be very careful!
No comments:
Post a Comment