Ni Ben Garcia
Rose at Elvie, nagnakaw dahil sa kalam ng sikmura!
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, P0 Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan, ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito pa ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
Dear Kuya Ben,
Ako po si Rose, 28 years old, single. Naisip kong ipadala sa Buhay at Pag-asa ang buhay ko dahil alam ko, mabibigyan mo ako ng lakas ng loob upang tahakin ang buhay. Taga-Mindanao po ako Kuya Ben. Panganay sa walong magkakapatid at high-school lamang po ang natapos ko, gusto ko sanang makapagtapos ng pag-aaral pero, hindi kaya ng magulang ko. Pero, sa kabila ng mababang pinag-aralan, nakapasok ako sa factory ng tuna sa aming lalawigan. Five years ako doon, then, nag-resign ako dahil pinalad akong makapasa sa interview sa ibang bansa. Sa Kuwait po ako napadpad. Sa unang employer ko nag-umpisa ang unos sa aking buhay. Dalawa kaming pinay sa isang bahay, si Elvie. Malupit ang amo namin at hindi kami binibigyan ng tamang pagkain. Sa loob ng maraming buwan, tubig at tinapay lamang ang ibinibigay sa amin. Ako ang nagbabantay sa 9-na-buwang bata, lagi ko siyang karga kahit wala akong kain. Lagi akong nahihimatay. Sa ganuong sitwasyon naisipan ko pong magnakaw ng pagkain, ganuon din ang kasama kong si Elvie, ginagawa namin iyon dahil gusto naming malagyan ang aming tiyan ng pagkain para kami mabuhay.
Sa bathroom kami kumakain ng kung anong pagkaing makita namin. Sa ganuong kalagayan, naisipan naming tumakas, umalis kami ng bandang alas-4:30 ng umaga at may tumulong sa amin na ibang lahi. Akala naming ihahatid kami sa agency o embassy, pero dinala kami ng isang lalaki sa isang kuwarto at gusto kaming halayin, umiyak ng umiyak kami sa lalaki, nagmakaawa kami na pakawalan kami. Ang sabi namin, kung wala silang respeto sa Pilipina, matakot sila sa Allah nila, dahil wala kaming ibang gustong mangyari kundi ang makabalik sa agency. Iyon at iyon lagi ang binabanggit namin sa lalaking kumuha sa amin, sa sandaling gusto kaming gahasain. Dahil sa wala siyang magawa puro iyak ang naririnig sa amin, naawa ang lalaki at agad kaming dinala sa agency.
Nung dumating kami sa agency, pinagalitan pa kami, 3 months pa lang daw kami, umalis na kami sa amo namin, ipinaliwanag namin ang dahilan, pero wala silang puso, muli kaming ibinalik sa among tinakasan na namin. Noong ibinalik kami sa aming amo, pinagsasampal kami ng amo namin, tiniis namin iyon, dahil parang wala naman kaming kakampi dito, pati nga ahensyang ang akala namin ay makakatulong sa amin, wala ring nagawa, ibinalik pa rin kami ulit sa salbahe naming amo. 7 months na kami sa kanila, pero tatlong buwan pa lang salary ang naibibigay sa amin. Gusto nang kuhanin ni ate Elvie ang pera, dahil kailangang kailangan ng pamilya sa Pinas, pero nag-away lang sila ng amo namin at bigla siyang nahimatay. Siguro dahil sa highblood at dahil na rin sa wala talaga kaming makain na mabuting pagkain. Tinulungan ko siya para makatayo ulit, nagalit sa akin ang amo kong babae at hayaan na lang daw si Elvie na mamatay. Nagdilim ang paningin ko at sinigawan ko talaga sila, sabi ko, 'dapat kayo ang mamatay dahil sila ang hayop!
Siya namang pagdating ng amo naming lalaki, nagalit sa akin at sinampal ako ng malakas ng malamang sinigawan ko ang amo kong babae, tinadyakan ako at nahulog ako ng hagdan. Tumayo ako at sinabi ko sa lalaking amo na wala silang damdamin, wala silang puso, umalis ako sa harapan niya, nagalit siya ng husto, kinuha ang bangko at pinalo sa ulo ko.
Nung mahimasmasan si Elvie, sinabi pa niya sa akin na mag-sorry na lang daw ako para walang gulo. Dahil sa pakiusap ni Elvie, ginawa kong mag-sorry para di ulit ako masaktan. Tinanggap ang sorry ng amo ko, pero pinaluhod akong nakadipa at nilagyan ng libro ang kamay, dalawang oras ako sa ganuong posisyon. Matapos ang dalawang oras na paghihirap, nagpasiya silang ihatid kami sa agency, sinabi ang lahat ng kasinungalingan. Yung mga damit namin, itinapon sa basurahan at tanging mga damit na lang namin sa katawan ang aming dala. Buti na lang at mayroong Indonesian doon na tumakas din at iyon ang nagbigay sa amin ng kasuotan. Nagbanta sa amin ang amo namin na oras na magsumbong kami sa embassy ipapakulong daw kami. Sobrang paghihirap ang tiniis namin sa kanila, umalis kaming hindi pa naibibigay ang suweldo, pero sabi ng agency hwag na lang daw iyon habulin. Taimtim akong nanalangin sa Panginoon, na iadya na ako sa masamang amo, dininig ng Diyos ang panalangin ko at nakatagpo nga ako ng mababait na amo. May day-off na ako ngayon, isang beses isang buwan, okay na iyon, at happy na ako ngayon. Tanging panalangin ko na lang ay sana nakatagpo na rin si Elvie ng mabait na amo at kung sakaling nagbabasa rin siya ng Panorama, sana muli kaming magkita.
Gumagalang at Nagpapasalamat
Rose.
Dear Rose, salamat sayong liham, ilan lang iyan sa mga kasaysayan ng ating mga kababayan sa loob ng kanilang pinagsisilbihang amo dito, inuulit ko hindi lahat ng amo ay tulad ng natagpuan nila, pero dahil sa ang trabaho ko ay nasa media, lagi kong na-eencounter ang mga nakakalungkot na karanasan tulad ng ikunuwento sa atin ni Rose. Alam kong hindi iyan kathang isip ni Rose dahil marami akong na-encounter na ganyang kaso, ang iba, mas malala pa diyan. Tanging pakiusap na lang natin sa mga ahensiyang nagbibigay ng mga kabayan nating Pinay para magtrabaho, alam ko lahat ng recruitment and deploying agencies dito ay mayroong secretaryang Pinay ang iba pa nga ay Pinay mismo ang mga may-ari. Alam ninyong mapapahamak ang inyong mga kababayan, huwag na po ninyong I-deploy sa mga mayroon nang records na amo. Tulad niyan, bumalik na sa inyo ang kabayan natin, pero ibinalik pa rin ninyo sa pinanggalingang amo, after sabihin sa inyo ang dahilan. Dapat, kayo, bilang deploying agencies, alam dapat ninyo kung kailan dapat paniwalaan ang tao. O kaya, mayroon din kayong sariling investigating team upang mapangalagaan din ang kapakanan ng ating mga kababayan. Pangalagaan po natin sila, ilagay kaya ninyo ang inyo sarili sa kanila, o kaya, paano kung isa na sa mga kamag-anak ninyo ang minamaltrato. Alalahanin po ninyo na anumang ginawa nating masama sa ating kapwa, mayroon po iyang balik sa atin.
Para doon sa dating kasama ni Rose, sulat ka o makipag-coordinate ka kay Rose, dahil gusto niya ring malaman ang kalagayan mo this time. Salamat at nalagpasan din ni Rose ang mga pagsubok na nararanasan din ng marami sa ating mga kababayan.
No comments:
Post a Comment