Ni Ben Garcia
Saan sisilong ang sugatang puso ni Virgo?
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay, P0 Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan, ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito pa ay optional. Para sa komento bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
Dear Kuya Ben,
Tawagin niyo na lang po akong Virgo Girl. Nakipagsapalaran at lumuwas ako ng Maynila noong ako'y 16-taong gulang pa lamang. Magsasaka ang aking ama at nagtitinda naman ng gulay sa palengke ang aking ina. Sa ganyang hanapbuhay naitaguyod kami ng aming mga magulang. Pero hanggang sa High School lamang. Lima kaming magkakapatid, ang panganay at pangalawa, may-asawa na't mayroong nang sariling pamilya. Marami akong nasubukang trabaho sa Maynila, mula sa pagiging sales-lady at pagtatrabaho sa factory. Mula sa katas ng pagta-trabaho ko sa Maynila, nakapag-aral ako ng vocational course. Matapos ang dalawang taon, nakapasok ako sa isang malaking kumpanya sa Pasig. Doon nagsimula ang gulo ng buhay ko ng matuto akong umibig. Doon din nasira ang aking konsentrasyon sa pagtatrabaho at maging sa pamilya. Pero tumagal lang iyon ng maikling panahon, nangibabaw parin kase ang pagmamahal ko sa mga kapatid ko at magulang ko. Pakiwari ko masaya, pero malungkot din palang umibig. Taong 1994, naisipan kong mangibang bansa, alam kong mas-makakatulong ako sa aking mga magulang. Sa Kuwait po ako napagpad. May-ilang taon na rin po ako rito, pero walang naiipon dahil ipinadadala ko sa mga magulang ko ang aking kita. Mayroon na rin akong naipundar kahit papaano mula sa aking pagpapakahirap dito, pero hindi ganuon kalaki, dahil, alam niyo naman ang suweldo namin dito. Sa aking pagtanda, iniisip ko ang aking kinabukasan, papaano kaya ako bukas? Mayroon akong karilasyong Pinoy nayon dito, medyo matagal na kami, noong una, sabi niya wala naman siyang asawa, pero, kinakaunan, nalaman ko rin ang totoo. Nangangako siyang pakakasalan ako, pero, nabuko ko rin na marami na pala siyang pusong sinugatan. Mayroon siyang pamilya at dalawang anak sa PInas. Bakit kapwa ko pa Pilipino ang magpapaiyak sa akin, bakit kapwa ko pa Pilipino ang manloloko sa akin. Sa totoo lang po, mahal ko si Pinoy, pero paano na ang kinabukasan ko kung sakalali't magpapatuloy ang bawal na pag-iibigan namin. Gusto ko siya, at sinabi naman niyang pakakasalan ako. Pero, iniisip ko lang kung papaano iyong mangyayari gayong pareho kaming Kristyano, isa lang ang allowed na asawa. Sana po ay payuhan niyo ako.
Gumagalang at Nagpapasalamat,
Virgo Girl
Naku, medyo marami ganyang kaso dito. Minsan nga, nakakalungkot man, pero parang bang tinatanggap na natin ang ganitong sitwasyon sa ating lipunan. Kase, piho bang ganito na yata ang alam nating kasasapitan kapag umalis ng bansa ang ilan sa atin. Anticipate na ang maaaring maganap, ang mawasak ang pamilya o mag-wasak ng pamilya, o ang makasakit ng damdamin ng iba. Pasintabi, lang po doon sa mga matitino namang tao, pero alam kong aware kayo, base sa siyentipoking pag-aaral, lumabas na marami talagang kababayan natin ang nangingibang bansa na nasisira ang pamilya. Marami namang magandang dulot ang pangingibang bansa, nariyan ang katotohanang nakakatulong tayo sa ating ekonomiya, nag-iimprove kahit papaano ang kalagayan natin financially compared sa Pinas na kahit siguro pumiti na ang buhok natin, hindi natin mararanasan ang medyo maaliwalas na buhay. Huwag tayong mag-deny diyan. Pero kapalit nga niyan ang hindi natin napapangalagaang pamilya, napapabayaan natin ang ating role bilang asawa, anak, kapatid, o iba pa, resulta, wasak ang pamilya. Hindi ako ang derektang nagsasabi niyan, iyan ay base sa pag-aaral. Nabanggit ko po iyan dahil parte iyan ng naging buhay ni Virgo Girl, oo, dalaga si Virgo, pero, yung umaaligid o umaalembong sa kanya, mayroon nang pamilya. At nakukuha pa niyang magsinungaling na wala pa rin siyang anak o pananagutan. Heto naman si Virgo, naniwala, pero hindi niya alam, kandidato pala siya sa mga naging biktima ni Pinoy. Ang masama, aba'y napaibig yata masyado si Virgo at iyan ang dahilan kung bakit siya sumulat sa akin, gusto niya ng aking opinsyon. Gusto mo ng aking opinyon kamo? Wala naman akong sasabihin sayo, kundi ang layuan mo na lang si lalaki. Mahirap iyang ganyang napakarami palang niloloko ang boyfriend mong iyan, isa ka na diyan, ang masama, mayroon nang pamilya iyan, papaano ka niya pakakasalan o papaano ang pamilya niyang tunay? Iyan na lang siguro ang ilagay mo sa isip mo, maaari kang makasagasa o makasakit ng damdamin ng isa o higit pang kaluluwa, (ang pamilya ng lalaking iyan).
No comments:
Post a Comment