(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa P0 Box 1301, Safat 13014, Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto ninyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan. Ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento, bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)
Pagpupursige, susi sa maganda at maaliwalas na buhay
Subukan sa pangalawang pagkakataon
Dear Kuya Ben,
Tawagin mo na lang akong Ange. Maliit pa ako'y tadtad na ako ng trabaho. Nakapag-aral ako ng H-School dahil sa aking sariling pagsisikap. Kung tutuusin kaya ng mga magulang ko ang mapag-aral ako, pero atubili na silang gawin iyon dahil sa ginawa ng dalawa kong mga nakakatandang kapatid. Nagsipag-asawa matapos makapag-aral, at hindi na nga nila naalala ang aking mga magulang.
Noong matapos ako ng H-School hinayaan na rin akong makapag-asawa, dahil doon din lang naman daw ako pupunta, kahit ayaw din nila ang napangasawa ko.
Dahil siguro sa walang blessing ang pag-aasawa ko, napakaikling panahon lang kaming nagsama. Sa katunayan, anim na buwan pa lang ang tiyan ko noon nag-hiwalay kami. Masakit sa akin ang nangyari. Pero yun na rin siguro ang maganda dahil doon ko pa lang lubusang nakilala ang asawa ko.
Dahil sa buntis nga ako ng kami'y mag-hiwalay, minabuti kong lumapit sa aking panganay na kapatid. Tinanggap naman niya ako, pero ayun, bilang ganti, ako ang naging labandera nila at tumatanggap din ako ng labada mula sa iba. Nagtatabi ako ng pera para sa panganganak ko.
Todo ang panalangin ko na sana malagpasan ko ang kahirapang dinaranas ko. Salamat sa Diyos dahil nanganak akong libre sa ospital. Eksakto po kaseng alas-dose ng hatinggabi isinilang ng bagong taon noong 1994 ang aking anak. Na-murublema ako ng isilang siya dahil inisip ko kung paano siyang bubuhayin. Mag-isa lang kase ako. Iniisip ko kung papaano naman ang kanyang kinabukasan. Labandera pa rin ako matapos ko siyang ipanganak. Pero nag-isip ako kung papaano ko haharapin ang buhay, hindi yata ito maganda na habambuhay akong labandera. Kaya noong mag-iisang taon ang anak ko, sinikap kong makapag-trabaho, at naging Quality Controller ako sa isang pabrika. Pero sapat lang talaga ang kinikita ko para mabuhay kami. Napag-isip-isip kong kaya kong magtrabaho sa labas ng bansa at kumita ng medyo malaking pera. Naglakas loob akong lumapit sa aking mga magulang upang makautang para sa aking planong pangingibang bansa. Sa awa ng Diyos, nakaalis po ako noong 1998.
Noong unang dalawang taon, sadyang napakahirap, masama masyado ang aking mga amo, pero tiniis ko iyon at tinapos ko ang 2 taon para sa anak ko. Mabilis na lumaki ang bata, kaya na-miss ko talaga iyon, kaya nagtagal pa ako ng isang taon sa Pinas bago ako muling umalis. Nagbalik ulit ako sa Kuwait, pero this time sa ibang amo na. Masuwerte namang makatagpo ng mabait at maunawaing amo. Napakabuti po nila sa akin. Ako ang pinagkakatiwalaan nila sa bahay. Masaya ang mga magulang ko dahil mula ng umalis ako sa Pinas, sila ang nagsilbing mga magulang ng anak ko. Natutuwa rin silang matalino ang anak ko at dahil diyan, sila ang laging nagsasabit ng mga medalyang nakukuha ng anak ko.
Sa ngayon kuya Ben, bata pa naman ako, masaya kung tutuusin na ako na lamang mag-isa, pero pagkaminsan, iniisip ko pa ring mag-asawa kung mayroon akong magugustuhang lalaki. Okay lang ba iyon? Kasal kami ng dati kong asawa, pero mayroon na ring mga pamilya iyon. Ano po ang gagawin ko?
Gumagalang at Nagpapasalamat,
Ange
Salamat ng marami sa pagbabahagi mo ng iyong kasaysayan. Ang ganda ng iyong kasaysayan, ikaw ang babaeng hindi natakot at sumusuko sa laban ng buhay. Nakita namin kung papaano kang nagpursige sa buhay. Sabi mo nga, noong buntis ka pa lang, naglabada ka, pero na-feel mong mayroon pang mas-magandang buhay na maibibigay sa anak, kaya nagsumikap ka para makahanp ng trabaho. Yun nga nakakuha ka ng trabaho sa pabrika, sapat man iyon, pero inisip mong mas-mayroon pang magandang kinabukasan kung mag-aabroad ka, kaya, nag-isip kang mag-trabaho sa labas ng bansa. Ganyan po talaga ang tao, nagsusumikap para maibigay ang tama sa kanyang mga anak. Kaya hindi rin ako magtataka, kung isang araw, maghahanap ka ng totoong tao na makakasama mo habang buhay. Pero kung tatanungin mo ang ibang babae, sasabihin nila sayo na huwag na lang. Anyway mayroon ka nang anak na magbabantay sayo once na ikaw ay tumanda na. Pero hindi mo pa rin talaga maipagpapalit ang taong puede mong makasama habambuhay. Nasa sa iyo, kung gusto mong mag-asawa muli, ayusin ninyo ang annulment. Piho namang magiging madali iyan dahil sabi mo nga mayroon nang sariling pamilya ang dati mong asawa. Baka hindi rin sila kasal dahil una ka nang naikasal sa kanya. Hindi mo nabanggit kung pumirma ka ng papel noon sa paghihiwalay ninyo. Kung mayroon baka, legal na ang separation ninyo at malaya ka nang muling mag-asawa. Ang aking panalangin para sa'yo, hari nawa ang lalaking makikita mo ay hindi yung paluluhain ka lang muli at pahihirapan pa sa buhay. Kaya pag-isipan mong mabuti iyan, kung mayroon kang lalaki na sa tingin mo seryoso sa buhay at seryoso sa pagmamahal sayo, why not give your love life another chance.
No comments:
Post a Comment