Saturday, July 28, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa P0 Box 1301, Safat 13014, Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto ninyong ma-ilathala ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan. Ipadala ang 2X2 photo o anumang klarong kopya ng inyong larawan. Ito po ay optional. Para sa komento, bumisita sa aking blog site: www.buhayatpagasa.blogspot.com)

Para kaming basang sisiw, walang masandalan, walang mahingahan ng sama ng loob.


'Natutulog ba ang Diyos?'

Dear Kuya Ben,
Magandang araw po sa inyong lahat! Taga-Ilo-ilo po ako Kuya Ben. Uumpisahan ko ang kuwento ng aking buhay nang mamatay ang aking ina sa aksidente. Nasagasaan po siya ng jeep at dead-on the spot! Noong nabubuhay pa siya, masaya kami bilang isang pamilya. Pero noong mawala siya, para kaming mga basang sisiw na iniwan ng inahin. Masasabi ko rin kaseng iresponsable ang aking ama. Ang ina ko lang halos ang kumakayod para kami mabuhay. Nasa third year high-school na ako noon. Ang hirap nang mawalan ng ina, tapos sa napaka-pangit pang kamatayan. Naitanong ko sa Diyos kung bakit niya hinayaan ang ganun. Wala akong sagot! Mabait namang ina si Nanay. Si Tatay naman, iresponsable pa rin, kung kaya nga, high-school din lang ang natapos ko. Hiningi ko sa tatay na pag-aralin ako, pero hindi siya pumayag dahil katuwiran niya, marunong na daw akong magbasa at mag-sulat, iyon lang naman daw ang mahalaga.
Idinagdag niya na kung mag-aaral daw ako, iba lang daw ang makikinabang. Iyan ang ugaling naipakita sa akin ng tatay namin noon. Hindi ko iyon hihilingin sa kanya kung hindi ko naman nakikitang kaya niya dahil mayroon namang pera ang pamilya. Noon kaseng mamatay ang Nanay, alam kong mayroong malaking perang ibinayad ang nakasagasa kay Inay, pero kinuhang lahat iyon ni Tatay. Ang masaklap pati nga yung mga naipundar ni Nanay noong nabubuhay pa, ipinagbili rin niya at habang kaming mga anak niya, napabayaan.
Ginastos niya lang lahat sa napangasawa niyang iba matapos mailibing si Nanay. Ni hindi niya iniisip na mayroong naghihintay ring mga anak niya sa bahay. Minsan akong lumaban sa tatay, dahil hindi ko na talaga matiis ang ginagawa niya. Pero imbes na makinig, magkasamang sampal ang inabot ko mula sa kanya. Wala raw akong galang at mula nga noon, hindi ko na siya sinasagot at ni-hindi na rin ako nagtatanong kung nasaan siya at kung buhay pa ba siya.
Noong nag-asawa siya ng iba, gusto niyang gawin akong bridesmaid, saan ka nga naman makakita ng ama, na gagawin ang anak na bridesmaid ng asawa niya. Sa inis ko, lumayas ako at nagtungo ako sa Auntie ko sa Bulacan. Naging katulong ako nila. Taga-bantay ng bata. At nangako silang pag-aaralin ako sa gabi. Paalis naman noon sa abroad ang Auntie ko, ibig sabihin, maiiwan ako kasama ng Tito ko. Akala ko okay lang iyon, pero hindi, dahil sinumpong ng pagka-manyakis ang Tito ko. Gusto ba naman akong pagsamantalahan? Lumayas nga ako at nag-tungo ako ng Maynila. Palibhasa wala akong tinapos, sinung-gaban ko kahit na anong trabaho, basta hindi lang masama. Huli kong napasukan ang pagiging tindera sa may-Divisoria. At doon ko nakilala ang aking asawa. Ikinasal kami sa civil lang at nagkaroon ng apat na anak.
Kung kailan lumalaki na ang mga bata, doon ko nakitang iresponsable din pala ang aking asawa. Noon kaseng mag-sara ang pinapasukan niya, ni hindi na kumilos para maghanap ng ibang trabaho. Naging tamad na siya masyado at gustong sa bahay lang siya. Eh papaano kami kakain, papaano mabubuhay ang apat naming anak? Dahil sa ganun at ganuong sitwasyon, nagdisisyon akong makipag-hiwalay. Inuwi ko ang mga bata sa probinsiya, sa mga kapatid ko. Pati sila, sakripisyo ang ginawa para sa mga anak ko. Bumalik ako ng Maynila at bumalik ako sa dati kong amo sa Divisoria. Hindi ko alam kung papaanong bubuhayin ang mga bata na ako lang mag-isa. Kaya nag-isip akong mangibang bansa. Dalawang taon na ako dito sa Kuwait pero ni hindi ko pa rin makita ang liwanag. Hirap na hirap na nga ako, iba pa ang naririnig ko sa panig ng asawa ko, lumayas daw ako sa Maynila para sumama sa ibang lalaki sa Kuwait. Nagpunta ako dito para magtrabaho, tapos iyon pa ang maririnig mo.
Minsan naiisip ko tuloy, ang buhay ngayon ng mga anak ko, tila baga may-kahawig sa buhay din namin noong magkakapatid. Para kaming mga basang sisiw, walang masandalan, walang mahingahan ng sama ng loob. Ganyan din po ang nangyayari sa aking mga anak. Kuya, bakit ganito ang buhay? Hindi ba parang unfair--kase, ikaw na nga itong kumakayod ng tama--ikaw pa itong labis na nagdurusa at nahihirapan. Bakit mayroong mga masamang nangingibabaw? Bakit sila okay ang buhay, pero kami, mahirap pa rin kahit anong gawin?...Natutulog ba ang Diyos!

Gumagalang at Nagpapasalamat,
Danah

Hindi natin masisisi si Danah sa kanyang tanong. Natutulog nga ba ang Diyos? Abangan ang sagot sa susunod na edition. Maraming salamat sayong liham Danah!

No comments:

Post a Comment