Sunday, July 08, 2007

Mahal ang mamatayan sa Pinas!

Pamahiin/Tradisyon, bahagi pa rin ng bagong hererasyon





Mga minamahal kong mambabasa,

Maraming salamat sa inyong pang-unawa. Dalawang Linggo rin po akong nawala dahil sa pagkamatay ng aking mahal na ama. Salamat din po sa Diyos at coincidentally may nakatuwang po ako sa Filipino Panorama. Totally blocked out po siya pagdating sa akin sa loob ng 2 Linggo dahil kasalukuyan akong nasa state of denial ng malaman ko ang pagkamatay ng aking ama. Sa mga panahong iyon, halos hindi ko maangat ang telepono para mabigyan siya ng suporta. Bukod sa sobrang busy rin po ang inyong lingkod at ang iba ko pang mga kapatid sa mga bagay may-kaugnayan sa libing at paglalagakan ng aming ama.
Napakahirap po palang mamatayan ng minamahal sa buhay. Bukod sa napakalungkot na nga, magastos pa! Tama ang sabi ng mga nakakausap ko at naririnig ko noon hinggil sa namamatayan, sobrang gastos! Mas-madali ang mabuhay; pero ang mamatay, sadyang malungkot na nga, magastos pa.
Pero tradisyon na rin iyon na nagpasalin-salin mula sa lumang henerasyon at hanggang ngayon. Mahal ang kabaong, mahal ang lupang paglilibingan at pagpapakain sa mga nakikiramay na bisita.

Pamahiin
Sa amin bawal daw gutumin ang mga nakikiramay o nakikilamay, kaya maraming pagkain. Maraming pamahaiin akong ngayon ko lang nasaksihan palibhasa (thank God) ito po ang unang pagkakataon na mamatayan ang aming pamilya. Ewan ko kung tama iyon. Pero iginagalang ko ang mga tradisyong iyon, dahil ayaw kong masaktan ang sinuman sa miyembro ng pamilya at mga nakatatanda sa aming lugar. Bawal ang mahulugan ng luha ang kabaong ng patay. Bawal maglinis sa bahay, bawal maligo o maglaba sa bahay, pero pinapayagan kaming makiligo o makilaba sa kapitbahay. Bawal ang maraming tira sa pinggan, bawal mag-habol ng lutuin para pakainin ang ibang naubusang bisita, bawal magsuklay, bawal ang paglagay ng pabango, bawal ang magsindi ng kandila at ipatong sa nauupos nang kandila. Miembro lang ng pamilya ang puedeng magsindi noon. Sa balo (si Mama bawal maligo, pero puedeng maghugas ng katawan hanggat hindi pa naililibing si Papa), hindi rin daw siya puedeng lumabas ng bahay. Bawal matulog sa harap ng kabaong, hindi puedeng iwanan ang patay, (may-paniniwalang puedeng tangayin ng aswang o engkanto ang patay). Paglabas ng patay sa kanyang tahanan, kailangan una ang paa at hindi ulunan, immediately pagkatapos ilabas ang kabaong sa bahay, susundan ng tubig o buhos ng tubig ang lugar kung saan inilagak ang bangkay, babasagin ang jar o boteng pinaglagyan ng donasyon, susunugin ang mga barahang ginamit ng mga nagsi-lamay, aalisin agad ang tent na itinayo sa bakuran at lilinisin ng tubig ang bahay ng taong maiiwan sa bahay. Katiwala at hindi puede yung miembro ng pamilya ang gagawa noon.
Kailangan daw simulan ang paglilinis ng bahay kung nakatawid na sa ilog ang bangkay. (Wala kaming ilog, kaya pati kanal o imburnal puede na raw). Lahat ng iyan ay pamahiing iginalang ng aking pamilya, palibhasa iyan ang tradisyon sa aming baranggay.
Matapos pa ang tatlong araw puwedeng maligo ang balo (si Mama). Doon din ay mayroong seremonyas. Kailangan ay maliligo si Mama ng walang sinumang gising o nakakakita sa pamilya. Gagawin niya iyon ng madaling araw o alas-tres ng umaga. Lalabas siya ng bahay dala ang kandila. Kailangan umikot siya ng tatlong beses sa bahay at tutuloy ng simbahan. Hindi iyon sinunod ni mama. Isang ikot lang daw siya, dahil ang ibang balo daw ay ganun din naman ang ginagawa. Isa pang rason malayo ang simbahan, (mga isang kilomentro yata) at hindi rin siya puedeng maglakad ng malayo ng walang kasama, kaya hindi na rin siya tumuloy ng simbahan.
Mayroon pa raw paniniwala na ang unang taong makita niya (mama ko) sa araw matapos siyang maligo ay mayroong pusibilidad na mamatay din anytime - iyon ay hanggat hindi siya nakakapagdasal (thank God, wala naman daw siyang nakita). Malakas daw po kase ang venom ng balo three days after ilibing ang namatay na asawa. Hindi raw dapat siya tumingin sa tao o sa hayop dahil masama raw iyon. Titingin lang daw sa kalawakan o sa malayong lugar upang hindi makaapekto sa iba. Pero after na maisakatuparan niya ang ritwal, mawawala na ng bisa ang venom. Hindi rin siya puedeng lumabas ng bahay 3 days after siyang maligo. Naisip ko lang, paano kaya kung sa city namatay ang aking ama, ganyan din kaya ang tradisyon? Saan iikot? Papaano kung napakaraming tao sa paligid, maraming taong mamamatay!
Marami ring pamahiin sa mga ipinadadalang favorite na gamit ng Papa. Hindi raw puedeng magpabaon ng rosary dahil may-paniniwala na ang rosary ay magkakasunod na beads o mysteries. Which means magkakasunod-sunod daw ang mamamatay na kamag-anak kung sakaling ipabaon iyon. Instead kung gusto raw talagang isama ang rosary, putulin daw iyon ng ilang beses para putol din ang mysteries. Hindi rin daw tatalab ang pagkamatay ng mga kamag-anakan. Bawal din daw dumalaw ang mga may-sakit, buntis o kamag-anak na mayroon ding namatay hanggat hindi pa umaabot ng 40 days. Magluluksa ang pamilya ng 40 days at magsisimula ang 10 days o 40 days novena para sa kaluluwa ng namatay. After 40 days pa raw puwedeng dalawin sa sementeryo ang inilibing na mahal sa buhay.

Burol
10 days po ibinurol sa bahay ang aking ama, masakit na makitang nasa kabaong ang minamahal na ama. Ayaw ko siyang makitang nasa kabaong; pero anuman ang gawin ko, wala na akong magagawa, kundi ang tanggapin ang katotohanang nasa kabaong na nga siya. Bago ko pa man siya nakita sa kabaong, pinalakas na ang loob ko ng mga taong malapit din sa aking puso. Sinabi nilang tanggapin ko ang masakit na katotohanang iyon dahil lahat naman tayo, doon ang hahantungan. Isa pa, tahimik na raw ang Papa at hindi na nakakaramdam ng sakit. Nakipaglaban nga po pala si Papa sa sakit na cancer, tinamaan po ng kanser ang kanyang atay. Ang masakit, nalaman namin iyon, huling stage na - at hindi na raw puedeng makimo siya, dahil hindi na raw kaya ng kanyang katawan. Matiisin po kase ang aking ama. Anumang sakit na nararamdaman niya sa katawan, hindi niya iyon ini-rereklamo. Lahat kaya niya at tinitiis niya ang sakit. Wala siyang hinangad kundi ang mabuting kalagayan ng kanyang mga anak, apo, di bale nang siya ay mayroong nararamdaman. Kung kaya nga nalaman namin ang kanyang sakit sa huling bahagi na nito. Binigyan siya ng taning na anim na buwan. Hindi ko iyon pinansin, tutal sabi ko nga sa mga kapatid ko, hindi naman Diyos ang mga doctor, mas dapat paniwalaan ang Diyos. Lumagpas ng tatlong buwan ang taning. Maraming nagsabi na masusurvive ni Papa ang karamdaman. Pero itinakda na ng Diyos ang kanyang pamamaalam sa mundo.

Pagsisisi
Napakasakit na mawala ang minamahal na ama. Nagsisisi ako dahil kulang ang pagmamahal na ipinakita ko sa kanya noong siya ay nabubuhay pa. Matagal din po kase ako sa ibang bansa, huling pagkikita namin noong 2005 at noong panahon na naghihirap siya at kailangan niya ng comfort mula mga anak niya particularly sa akin, wala ako, nandito ako sa Kuwait. Kung puwede nga lang sigurong muli siyang buhayin at iparating sa kanya ang aking buong pusong pagmamahal gagawin ko iyon para sa kanya. Pero wala na siya. Subalit naniniwala naman ako na siya ngayon ay tanglaw ng pamilya, alam kong maingat niya kaming babantayan. Namatay man marahil ang physical na katawan ng aking ama, subalit ang tatay na nakilala ko ay habang buhay na mananatili sa aking puso at diwa.

Lesson
Sa inyo na buhay pa ang mga minamahal ninyong magulang, this is the time na ipakita sa kanila ang buong pusong pagmamahal. Uwi po kayo kung kinakailangan upang ipadama ang inyong pagmamahal. Mas-mabuting ipadama sa kanila ang pagmamahal ngayong nararamdaman nila ng physical ang bukal na pag-ibig na mula sa inyo. Bagay na tayo man, once na nakakatanggap tayo ng papuri at pagmamahal mula sa love ones, ang saya hindi po ba? Di natin maiwasan na banggitin na kahit mamatay man tayo ngayon, kumpleto ang buhay! Sabihin ninyo ang inyong nararamdaman sa kanila, ipadama ninyo ang inyong pagkalinga, sadyang maikli po ang buhay ng tao, hindi natin alam ang huling hininga na ipahihintulot ng Diyos sa atin at para sa minamahal natin.

Consolation
Wala akong narining sa mga nakiramay at nakarating na kaibigan, kamag-anakan at kakilala kundi ang nakakatuwang papuri sa isang mapagmahal, mabait, maka-Diyos at matiising ama. Binuhay niya sa kanyang sariling dugo at pawis ang kanyang pamilya. Alam ko iyon at hindi siya umapak ng ibang tao. Matuwid niyang naitaguyod ng tama ang kanyang 12 anak, kabilang po ako doon. Maraming Salamat SaÕyo Mahal kong ama!

Salamat
Una sa aking misis (Rose) at anak (Rajeev), pangalawa sa aking nabubuhay pang ina, mga kapatid at kaanak, pangatlo sa Kuwait Times - ang aking pangalawang pamilya - kung saan buhay ang kasabihang Ômabilis pa sa alas-kuwatrongÕ kumilos, makauwi lamang ako ng takdang oras. Literally, within five minutes po simula nang malaman ko ang pagkamatay ng aking ama, mayroon na po akong tiket pabalik ng Pilipinas. Mr and Mrs Yousuf Alyan, Abdul Rahman, Jamie Ethrige at Mustafa Qamhiya, maraming salapat po! Lahat ng mga kasamahan ko sa Kuwait Times, mga colleague ko sa reportorial department, kasama ko sa Panorama Joel Sabino, kina Marlyn , Johanna, Mang Pablo, maraming salamat. My sincere gratitude goes to all my friends who shared thoughts and consoling messages during the hardest part of my life. To Ambassador Endaya, Labour Attache de Jesus, Sto Domingo, Administrative Officer Dr Tomara Ayo, to ARTS; and to all the people I personally knew and not, but extended their sympathy through text messages, my deepest thanks goes to all of you! Maraming maraming salamat po! Diyos Mabalos sa indo gabos! (Ang Diyos ang bahala at siyang gaganti sa inyong kagandahang loob!)

1 comment: