Sunday, November 25, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Bangkay ni Nanay Eva, nasa morge pa rin ng Farwaniya
Pagdurusa hindi nagtatapos sa kamatayan

Sa ayaw at gusto natin, isang hindi maiiwasang tagpo sa buhay ng tao ang haharapin natin--ang tinatawag na kamatayan. Iyan ay tiyak at hindi mapapasubaliang katotohanang haharapin natin sa takdang panahon.
Dahil diyan, ugali na ng iba sa atin na mag-sulat ng anumang testamento na maghahayag kung ano ang puedeng gawin sa naiwang katawan o maging sa kanyang kayamanan,(iyan ay kung meron).
Si Avelina Fernandez Briones, 63, tubong Pangasinan ay namatay noong November 14, 2007 dito sa Kuwait. Heart attack ang itinuturong dahilan ng kanyang pagkamatay. Ang tangi niyang hiling, na ipinarating sa kanyang kaibigan, maiuwi sa Pilipinas ang kanyang bangkay.
Subalit hindi ganun kadali. Wala siyang permanenteng trabaho simula noong 1991. Ibig sabihin iligal siyang naninirahan sa Kuwait simula noong matapos ang Iraqi invasion. Kilala si Mrs Briones ng kanyang mga kasama bilang Nanay Eva.
Kung tutuusin puno naman ng mga masasayang ala-ala ang mga huling araw ni Nanay Eva sa lupa. Walang kaalam-alam ang mga kaibigan nito, iyon na rin pala ang mga huling araw na makakapiling nila si Nanay Eva.
Isang araw bago siya mamatay, masaya pang ipinaghanda ng kanyang mga kaibigan ang pagbabalik nito mula sa mahabang part-time na trabaho sa malayong border ng Kuwait. Sa katunayan, pinilit niya talagang umuwi ng araw na iyon, dahil gusto niyang matapos ang pag-iimpake upang maipadala sa Pilipinas ang kanyang mga bagahe. Maingat niyang inihanda at isinilid sa karton ang mga personal nitong gamit. Ipinakita pa sa ka-roommate nito ang mga pasaporte at ilang mga mahahalagang dokomentos, kabilang ang isang ID ng mga unang taon niya sa Kuwait. Iyon daw ang dahilan kung bakit hindi siya nakukulong. Mahuli man siya ng mga parak, kagyat siyang pinakakawalan, kung inilalabas niya ang ID na iyon.
Sa kanilang pag-uusap noong gabing iyon, masaya niyang binalikan ang kanyang buhay sa Kuwait, habang humihithit ng segarilyo, isang hilig na hindi mabitiwan ni Nanay Eva. Subalit tulad ng dati, ayaw pa rin niyang pag-usapan ang pamilya.
"Wala, wala akong pamilya, huwag na lang nating pag-usapan, wala akong iniwan sa Pilipinas," banggit ni Nanay Eva sa matalik na kaibigang, kinilala nating si Tess noong nabubuhay pa ito.
KAIBIGAN AT PAMILYA
Maraming secreto si Nanay Eva, kahit na nga yung kaibigan niya ng mahabang panahon hindi siya gaanong kilala. Sa loob ng limang taon, kadalasan nag-uusap sina Tess at Eva, tungkol sa buhay, trabaho, pero madalas kapansin-pansing iniiwasan ni Nanay Eva ang usapin ng pamilya. Pero nahuhuli rin ni Tess si Nanay Eva na umiiyak ito, kadalasang dahilan pamilya. Pero ayaw nang ungkatin pa ni Tess kung ano, dahil mababa rin ang luha nito kung pag-uusapn ang pamilya.
"Napaka-imosyunal ko sa tuwing pag-uusapan ang pamilya. Ulilang lubos na rin kasi ako. Wala akong mga kapatid at namatay na rin noong maliit pa ang mga magulang ko. Kaya apektado ako masyado, kung pag-uusapan ang pamilya, huwag na lang," wika ni Tess.
Dahil dito, ngayon din lang talaga nalaman ni Tess na mayroon palang anim na anak na lalaki si Nanay Eva. "Hindi po talaga nabanggit sa akin ni Nanay Eva ang anim niyang anak na lalaki. Ang alam ko, tomboy po talaga si Nanay Eva. Pero nabanggit niya sa akin noon na pinagsamantalahan siya ng tatlong Iraqis noong invasion. Nauunawaan ko siya kung bakit siya mailap sa mga lalaki. Nirerespeto ko na lang kung ano ang kanyang nararamdaman," dagdag ni Tess.
Matapos ang maliit na piging noong gabing iyon, nagpasiya silang matulog. Kinaumagahan, alam nilang pagod at gusto pang magpahinga si Nanay Eva, kaya, hindi nila ito ginising para mag-almusal.
Subalit, tulos na ang araw at oras na ng pananghalian. Wala pa ring Nanay Eva. Kaya nagpasiya silang puntahan si Nanay Eva sa kanyang kuwarto. Pero huli na, malamig nang bangakay si Nanay Eva.
"Agad naming ipinaaalam sa awtoridad ang nangyari. Lahat kami sa bahay dinala sa prisinto at inimbestigahan. Pero sang-ayon sa mga doctor na nagpunta sa bahay, namatay si Nanay Eva sa atake sa puso. Salamat na lang dahil mayroon talagang mga gamot sa puso si Nanay Eva na nakasilid sa kanyang handbag, suspect po kasi kaming lahat sa bahay sa kamatayan ni Nanay Eva," mangiyak-iyak na sambit ni Tess.
Isang malayong kamag-anak ang nagsabi sa Kuwait Times na ang pinakahuling trabaho ni Nanay Eva ay sa isang kilalang bakeshop. Subalit sa pagkakaalam niya, nag-resign ito matapos ang isang alitan sa kasama.
Matapos noon, nagpalipat-lipat na si Nanay Eva, mula sa isang kumpanya tungo sa isa. Ang pinakahuli ang kanyang part-time job sa isang kumpanyang nagsisilbi sa mga Amerikano sa border.
Nang kontakin ang kanyang mga kamag-anakan sa Pangasinan, ayon sa kanyang 39-year-old na anak nito na si Modesto Jr., mahal niya ang kanyang ina, at gusto niya itong makita kahit na isa nang malamig na bangkay.
"Wala kaming misunderstandings, at sa pagkakaalam ko hindi siya puedeng makauwi dahil nga sa illegal siya sa Kuwait. Lagi niyang sinasabi sa amin na tago-siya-ng-tago sa awtoridad diyan," wika ni Modesto Jr., na nakikipag-usap sa akin mula sa kanilang probinsiya sa Pangasinan.
Ayon naman kay Maria, (nakababatang kapatid ni Nanay Eva na naroroon din sa Pangasinan), nakausap pa nila si Nanay Eva ng dalawang beses noong Setyembre.
"Sinabi niya sa akin na ipadadala nga raw niya ang mga personal niyang gamit. At ako raw ang bahalang tumanggap noon. Hindi ko talaga inisip na bangkay niya na pala ang sinasabi niya. Sinabi niya rin sa akin na magpapadala siya ng pera para sa Undas at sinabi niyang ako na lang daw ang bahala sa paghahati-hati ng perang ipadadala niya para sa kanyang mga anak. Naghintay kami, pero walang dumating. Pero noong katapusan ng September, tumawag ulit sa akin, humihingi ng paumanhin dahil hindi nga siya nakapagpadala ng pera. Pero sinabi niyang mangutang muna ako ng pera para makabili ng kandila para sa mga kamag-anakan naming namayapa na. Sinabi ko sa kanya okay at nag-promised naman siyang magpapadala ng pera. Darating daw ang cargo niya ako na lang daw ang bahala, hindi ko akalaan na bangkay niya pala ang sasalubungin ko," umiiyak na wika ni Maria.
Wala rin si Nanay Eva ng mamatay ang asawa sa Pilipinas, may-dalawang taon na ang nakakaraan.
Gustuhin man kasing umuwi ni Nanay Eva, hindi talaga ito mangyayari, dahil matagal nga siyang iligal sa Kuwait.
Noon, isa rin sa kanyang mga kakilala, na nakausap ko rin, ang nag-suggest na samantalahin ang amnesty upang makauwi sa Pilipinas, pero ang sagot ni Nanay Eva, dito na siya mamamatay.
Dumating si Nanay Eva sa Kuwait noong late 1980's upang magtrabaho bilang katulong sa bahay. Subalit noong sakupin ng Iraq ang bansang Kuwait, lumipad patungong France ang kanyang sponsor at naiwan siyang tila baga basing sisiw.
"Siguro ko talagang naapektuhan siya ng malaki sa giyera noon. Tapos nabanggit nga niya na ni-rape siya ng mga Iraqis. Siguro iniisip din ni Nanay Eva na bigo siya sa Kuwait," sambit ulit ng kanyang kakilala na napag-alamang kababaryo nito.
Binanggit din nito na sa sandaling makuha niya ang kanyang war claims uuwi na siya ng Pilipinas. Pero namatay na't lahat si Nanay Eva, wala pa itong natatanggap na compensation.
"Matagal siyang pabalik-balik sa embassy. Hinihintay niya nga ang kanyang war claim, pero nawala na siya, hindi niya pa rin nakuha," banggit ni Tess sa embahada noong magtungo ito noong Huwebes.
LIGALIDAD AT PARAAN SA PAG-UWI NG BANGKAY
Kasalukuyang nakaratay ngayon sa morge ng Farwaniya ang bangkay ni Nanay's Eva. Naghihintay na aprubahan ang repatriation ng kanyang bangkay na napag-alamang gobyerno natin ang sasagot.
Nalaman na nga ng kanyang pamilya ang sinapit ni Nanay Eva, pero dahil nga sa iligal ito matatagalan pa bago maiuwi ang bangkay.
Noong makausap ko si Administrative Officer Dr Tomara Ayo, siniguro niya na maibabalik sa Pilipinas ang bangkay ni Nanay Eva kung matatapos ang formalities na kinakailangan.
"Sa kaso ni Nanay Eva, ginagawa po talaga naming ang lahat ng makakaya para maiuwi sa Pilipinas ang bangkay. Normally kung walang kapamilya ang namatay, kami mismo ang kokontak sa pamilya niya upang ipaalam ang sinapit. Kung di nila kayang magbigay ng pera para sa pagpapauwi ng katawan, kami mismo ang mag-rerequest ng tulong sa Department of Foreign Affairs at ipu-provide po naming iyan. Wala pang request tungkol sa repatriation ng bangkay ang tinanggihan ng DFA, lahat ng kasong ganyan, tinutulungan ng gobyerno, yun nga lang medyo mabagal dahil sa maraming kailangang pagdaaan ng request," wika ni Ayo.
Mas madali umanong maiuwi ang bangkay kung mayroon itong immediate employer, pero kung tulad ni Nanay Eva, maghihintay ang mga kamag-anakan kung kailan aaprubahan ang request na assistance.
"Ang proseso ay kabilang ang paga-identify ng bangkay. Ang namatay ba talaga ay isang Pilipino. Kasama rin sa proceso ang 'letter of acceptance' na dapat ipadala ng pamilya sa DFA. Kailangan kasi mayroong tumanggap na kamag-anakan, dahil kung hindi baka hindi na nga iuwi ang bangkay. Kung maibigay agad ang death certificate, iyan ay kung tapos na ang imbestigasyon sa kanyang kamatayan, maiuuwi ang bangkay sa mas-lalong medaling panahon," dagdag ni Ayo.
Ang prosesong ito ay hindi sinusunod sa relihiyong Muslim lalo't mahigpit nilang ipinatutupad ang paglilibing sa bangkay 24 oras matapos siyang lagutan ng hininga. Pero inamin ni Ayo na mayroon ding exemptions. "As per traditions and belief, kailangang mailibing ang bangkay within 24 hours or at least a maximum of three days after death. Ngayon dahil sa malayo ang Kuwait sa Pilipinas, mayroong mga pamilyang Muslim ang gusto pa ring mailibing ang kanilang mga namatay na kaanak sa labas ng bansa sa Pilipinas, kaya pinapayagan din namang idelay ang libing, pero ang ganito ay bihirang-bihira," pagtatapos ni Ayo.
(Ang artikulong ito ay lumabas sa Friday Times isyu ng Kuwait Times, isinalin sa Filipino sa kapakanan ng mga kabayang nagbabasa ng Panorama tuwing araw ng Linggo. Nagpasiya akong ilathala sa Buhay at Pag-asa portion upang kapulutan ng aral ng marami sa ating mga kabayang nananatili pa ring illegal sa Kuwait. Oo ngat mayroon tayong makukuhang tulong sa gobyerno, pero gasino lang ba ang tulong na iyon, sa dinig ko pamasahe lang? Papasanin pa rin ng mga naiwan ang pagpapalibing at iba pang mga gastusin. Sa kaso ni Nanay Eva, nakita natin dito ang kawalan niya o kakulangan ng koneksyon sa pamilya. E papaano nga kung dumating ang oras ng ating kamatayan, (na hindi natin alam kung kelan), mag-iiwan pa ba tayo ng ligalig at paghihirap sa mga naiwang mahal sa buhay? Mahalaga rin pong mayroon tayong mapagkakatiwalaang kaibigan, myembro ng pamilya, yung hindi kayo pababayaan kahit na sa oras ng inyong kamatayan. Mahalaga ang regular communication sa kung sinuman sa pamilya upang sa malao't madali mayroon mang mangyaring hindi kanais-nais sa inyo, alam ng inyong mga naiwan ang inyong pinagdaraanan. At malaki ang maitutulong sa pagresolba ng kaso, kung mayroon man).

Saturday, November 17, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Problema ni single mom

Asawa, nagsawa, nag-asawa ng iba


(Sagot sa liham kasaysayan ni Bing Lerio)

Hello Bing,
Tulad ng naipangako ko sayo, sasagutin ko ngayon ang iyong liham sa akin. Pero bago iyan, balik tanaw tayo sa kanyang kasaysayan. Noong mamatay ang ama ni Bing sa isang vehicular accident, nagpasiya siyang lumayo sa kanyang probisya sa Davao. Napadpad siya ng Maynila. Doon, na-meet niya ang ama ng kanyang isang anak. Nagsama sila ng walang kasal. Pero nung maramdaman niyang kailangan niyang magtrabaho upang makatulong sa kinakasama, nagpasiya siyang mangibang bansa. Decemeber 2003 nang dumating siya sa Kuwait. Hindi rin siya gaanong nagtagal dahil nga sa hindi siya mapalagay sa kalagayan ng anak at ng asawa na noon ay sinasabing hindi na raw halos umuuwi sa bahay. Umuwi si Bing sa Pinas. Pero, hindi rin sila nagsama ng matagal, nauwi rin sa hiwalayan ang pagsasama nila. Bumalik siya ng Kuwait. Nagkaroon ng asawa ang tatay ng kanyang anak, at nung bumalik siya ng Kuwait, nakatagpo rin siya ng lalaking handang magpakasal sa kanya.
Heto ngayon ang problema ni Bing, gusto niyang bigyan ng suporta ng dati niyang kinakasama ang anak nila. Tinatanong niya kung papaanong ma-oobliga ang tatay ng anak niya para suportahan ito. Para sagutin ang problemang iyan, tinawagan ko si Dr Tomara Ayo, ang eksperto sa larangan ng usaping legal ng pamilya. Ang payo ni Dr Ayo puede ka raw pong dumulog sa tanggapn ng Public Attorneys Office (PAO) sa iyong probinsiya. Pag-aaralan daw po ng tanggapn ng PAO kung puedeng madala sa settlement ang inyong usapin. Ngayon kung hindi, tuloy ang pagsampa ng kaso sa tatay ng anak mo. Mayroong habol kung naka-lagay sa birth certificate ang pangalan ng tatay o kung talaga bang kinikilala niya ang anak niya. Ngayon kung wala namang acknowledgement sa birth certificate ipapa-DNA ang bata. Ayon kay Dr Ayo mayroong karapatan ang anak mo na tumanggap ng suporta sa tatay iyan ay sang-ayon sa ating family law.
Pangalawang usaping idinulog sa akin ni Bing ay tungkol sa naiwan niyang utang umano sa nag-finace sa kanila para makapunta ng Maynila at makapunta dito sa Kuwait. Sinabi niya na inu-obliga naman daw sila ng financier na magbayad ng dalawang buwang sahod nila, at iyon ay pinirmahan nila bago sila umalis sa Manila.
Ang magandang balita para sayo Bing, wala naman daw nakukulong sa utang, maliban kung malaking halaga na at kakasuhan ka ng estafa. Sa ganyang kaliit na utang, payo sa iyo ni Dr Ayo, bayaran na lang ng kahit paunti-unti. Moral obligation mo raw po iyan sa kapwa na kung tutuusin nakatulong naman sayo noong panahon na kailangan mo ang pera.
Tungkol sa pag-aasawa mo, okay lang iyan dahil sabi mo nga hindi ka naman kasal sa dati mong kinakasama. Ngayon, kung tanggap ng bago mong BF ang iyong nakaraan, magpakasal kayo, at aral na sa iyo ang past relationship.
Alam mo na dapat ang hirap ng buhay, ang hirap ng pagsasama at ang magkaanak ng hindi kasal.
Ipaalam mo sa BF mo ang iyong nakaraan, at ipaalam mo rin ang nasa loob mo, tulad halimbawa ng katotohanang mayroon kang obligasyon bilang ina sa anak mo sa pagkadalaga. Alamin mo sa kanya kung ano ang tunay niyang nararamdaman kung sakali’t isama mo bilang pamilya ang anak mo sa labas. Isa iyan sa tutukoy kung magiging matagumpay o dili kaya’y failure ang iyong pinaplanong buo-ing pamilya. Mahalaga ang bahagi ng bago mong lalaki sa ngayon. Hari nawa ay bukas ang kanyang puso sa idea na isama mo ang anak mo sa bubuoin niyong pamilya. Kung mahal ka niya, tatanggapin niya iyan, (meaning kung ano ang nakraan mo) pero kung medyo mayroong siyang pag-aalinlangan, hindi mo rin siya masisisi, ituloy mo ang buhay, dahil sabi nga nila, ang anak ay anak hindi mo na puedeng palitan ang katotohanang iyan. Pero ang asawa, maraming possibilities, kasi sa ngayon, puede mong palitan ang asawa ng kahit na ilang beses, (sorry sa mga hindi naniniwala dito, pero iyan ang totoo). Although hindi sinasang-ayunan ng simbahan at ng estado, pero puede, lalo’t kung ma-annul ang kasal. Maligayang paglalakbay sa buhay at pag-asa Bing! Samantala sa mga gustong maging kabahagi ng programang ito, sumulat lamang po kayo sa akin. Ang address ay nasa itaas na bahagi ng portiong ito.-- Ang iyong lingkod Ben Garcia

Friday, November 09, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Problema ni single mom

Asawa, nag-sawa, nag-asawa ng iba



Dear Kuya Ben,
Good day sayo at sa lahat ng staff ng Filipino Panaorama. Tuwa talaga kami tuwing Linggo lalo na at alam namin na mayroon kaming masasandalan sa oras ng pighati’t kasawian. I’am Bing Lerio from Davao. Salamat ng marami lalo na sayong column Buhay at Pag-asa, marami kayong nabibigyan ng pag-asa. Iyan ang dahilan kung bakit nahikayat akong ishare sa inyo ang aking buhay.
To start my story, mabuti nang malaman ninyo agad na ako ay single Mom. Year 2000 when my father died of a vehicular accident. Matapos ang malagim na trahedya, nagpasiya akong lumuwas ng Maynila. Kung tutuusin, okay naman ang trabaho ko sa Davao, sales clerk ako sa isang department store at regular ako sa trabaho, pero maliit ang kita. Nung makarating ng Maynila, habang naghihintay ng trabaho sa ibang bansa, pumasok akong helper sa isang pet-shop na pagmamay-ari ng isa kong pinsan. There, I met the father of my son. In other words, nagkagustuhan kami, nabuntis ako, umupa kami ng isang kuwarto at nag-sama kami bilang mag-asawa, minus kasal. Being a mom, nandoon ang feelings na kailangan kong ibigay ang best para sa anak ko. Mahirap ang buhay, tila baga, nakikinita kong hindi kaya ng asawa ko, kaya, nagpasiya akong ituloy pa rin ang planong pangingibang bansa.
Decemeber 2003 nang dumating ako sa Kuwait. Medyo mahirap ang sitwasyon ko, dahil yung napuntahan kong amo, second wife siya ng mister niya, kaya, nararamdaman kong marami siyang insecurities. Sbsob sa trabaho ang ginawa ko during my stay in Kuwait, kapalit ng aking pagpapakahirap ay ang mga negative news about my ‘husband’, na kesyo yung tatay ng anak ko, inuumaga sa beerhouse kasama ng ex-GF niya. Napapabayaan na raw ang aming anak. Napakahirap talaga ng sitwasyon ko noong una, alam ko sa sarili ko na umalis ako sa Pinas upang makatulong sa pamilya. Pero iniisip ko lagi ang pamilya ko, ang anak ko, ang asawa ko. Tuloy sinasabi ko sa sarili na siguro nga nagkamali ako sa pag-iwan sa asawa ko at anak ko. After a year, di talaga ako nakatiis, nakiusap ako sa amo ko na uuwi ako, pero di na ako bumalik. Nabigyan ng solusyon ang problema, inuwi ko sa Davao ang anak ko samantalagang yung asawa ko, nagpaiwan sa Manila, dahil naroroon kase trabaho niya. For the last four months, sustentado niya kaming mag-ina sa Davao, pero four months lang, nag-iba na ang lahat. Noong umuwi ako sa Davao, pilit ko siyang kinukumbinsing sumama na lang sa akin at doon na kami mamalagi. Pero hindi siya pumayag. Alam ko na ang dahilan. Ayaw na niyang makisama sa akin. Sa loob ng isang taon kong pamamalagi sa Kuwait, nakaipon din naman ako ng paunti-unti at ginamit ko iyon sa isang maliit na negosyo. Sa ganoong set-up ng pamilya, alam kong hindi iyon mag-tatagal, na nagkatotoo nga, nagkaroon siya ng bagong GF at kinalaunan pinakasalan niya. Iniwan ko sa Mom ko ang bata, pilit kong ipinagkakasiya ang aking kitang kakarampot para sa kanya. Kinalaunan, nagkaroon din ako ng BF ditto na handa akong pakasalan. He knows that I’m single mom. Ang problema ngayon ay ito. Sinabi ko sa dati kong asawa na suportahan naman niya kahit papaano ang anak namin, pero ang sagot niya, kung hindi ko raw kayang buhayin, ibalik ko sa kanya ang bata. Happily married na siya ngayon, hindi ako palagay kung iwanan sa kanya ang bata. Pero, sa kabilang banda-iniisp ko rin naman na hindi ko kayang buhayin siyang mag-isa, dahil lumalaki na rin siya at kailangan na niyang mag-aral. Ang isa pa, magkakapamilya rin ako. Ano po kaya ang mabuting gawin? Papaano kong maoobliga siyang suportahan financially at regularly ang bata?

About naman po sa work ko, bago ako umalis sa Pinas, mayroon kaming pinirmahang papel stating that we’ll be deducted with two months from our salary. Kung di raw namin iyon mababayaran, ipapakulong kami. Two months is just too much for me, wala naman talaga silang ginastos sa akin, land transport lang at accommodation for one months sa Manila. Sa katulad kong single mom, mabigat na amount ang hinihingi nila. Ang accommodation na pinatirhan nila sa amin ay 60 people sa dalawang room. Just imagine kung anong kalagayan ang dinanas ko bago mapunta ditto sa Kuwait. Tapos gusto nilang bayaran namin ng two months of our salary ang pagtira namin doon. Hanggang ngayon, hindi pa ako nakakabayad, wala pa namang tumatawag sa akin para bayaran iyon. Pero takot ako sa banta nilang ipapakulong kami. Yung embassy natin, nung tumawag ako para humingi ng suporta sa ganitong problema, ang sabi, ang tinutulungan daw nila ay yung present problem at hindi yung mga tulad ng problema ko. Bakit ba sila ganyan, payo lang naman ang hinihingi ko buhat sa kanila. Sana matulungan mo ako.

Gumagalang at Pangpapasalamat
Bing Lerio


Abangan ang sagot next isyu. Salamat sa tiwala. For your comments and suggestions, visit my blogsite. Kung gusto niyo namang maging bahagi ng palatuntunang ito, ipadala sa aking email address ang kuwento ng inyong buhay o kaya via snail mail. Matatagpuan ang mail box sa itaas na bahagi ng portiong ito. Again maraming salamat sa inyong tiwala!—Ben Garcia

Sunday, November 04, 2007

BUHAY AT PAG_ASA

Ituloy ko po ang naudlot na payo para kay Jessie. Pangatlong bahagi na po ito, kaya hindi ko na po ibibigay ang buod ng kanyang kuwento, bagkos sa mga gustong basahin ang kasaysayan ni Jessie, puede po ninyong ibrowse ang aking blogsite: www.buhayatpagasa.blogspot.com. Naroroon na rin ang first and second part ng aking payo sa kanya.
Kung inyong natatandaan, lima ang kanyang mga naging katanungan. Question four and five ay natugunan ko na during the first and second parts.
Minabuti ko pong kausapin si Dr Tomara Ayo, ang family legal expert at kasalukuyang administrative officer ng Philippine Embassy, dahil mas-maganda kung mula sa experto ng usaping pam-pamilya ang sasagot sa kanyang mga legal na kuwestyon. Maraming salamat kay Dr Tomara Ayo sa kahandaang bigyang tugon ang mga katulad na tanong ni Jessie.

Unang tanong niya ay kung mabibigyan daw ba siya ng hustisya matapos siyang magsampa ng kaso laban sa kanyang asawa. Hiningan daw po siya ng abogado ng P20,000 pero hanggang ngayon pending pa rin ang case sa hukuman. Tanong niya ay kung mayroon bang patutunguhan ang kasong iyon laban sa asawa?

Ang sagot po sa akin ni Dr Ayo ng idulog ko ito sa kanya, sinabi niya na malakas daw po ang laban ni Jessie. Pero tanong niya lamang ay kung anong uri ng kaso ang isinampa ni Jessie. In fact hindi ko rin alam dahil hindi niya binaggit ang kasong nakabinbin ngayon sa korte sa Pinas. Pero iniisip ko baka bigamy or adultery o kaya baka abandoning his family. Pero alinman sa dalawang iyan maaari daw pong manalo sa kaso si Jessi Ang sabi ni Dr Ayo, may-posibilidad na makulong ang lalaki, ayon sa batas natin ng 6-12 taon. Puedi ring makasama sa kaso ang kirida, (pangalawang tanong niya iyan) kung mapapatunayang alam ng babae sa una pa lang na pamilyadong tao si lalaki.
Sa pangatlong tanong niya kung puede raw bang idemanda o kasuhan din ang mga biyenan niya sa pagkonsinte at pakikisawsaw sa problema nilang pamilya. Ayon p okay Dr Ayo, mahirap daw pong mabigyan iyan ng katwiran sa korte. Ngunit kung mayroong mga masasamang salitang binitiwan laban sa kanya, at mayroon daw siyang matibay na ibidensiya (testigo) puede mo raw Jessie silang ihabla ng libelo. Pero ang babala ni Dr Ayo, sa kaso ng magpapamilya, bibihira lang daw po ang nagtatagumpay sa libel case, lalo na sa katulad na kaso ni Jessie.
Iyan ang bahagi ng payo o tugon sa liham kasaysayan ni Jessie na naputol dahil sa kakulangan space last week. Salamat sayong tiwala.
Sa mga gustong maging kabahagi ng programang ito. Ipadala lamang ninyo ang liham sa address na naka-post sa itaas na bahagi ng Buhay at Pag-asa. Abangan sa susunod na Linggo ang liham kasaysayan ni Bing Lerio. Maraming salamat po.-Ben Garcia

BUHAY AT PAG_ASA

(Pangalawang bahagi ng sagot sa liham nijessie)
Sa mga hindi nakabasa ng buhay kasaysayan ni Jessie, pwede pa rin po ninyong ma-access ang kanyang kuwento kung kayo ay mayroong Internet. just browse my blogsite: www.buhayatpagasa.blogspot.com pero sa kapakanan ng mga walang Internet paapyaw ko pong ilalatag ang buod ng kanyang kuwento.
Legally married si Jessie sa kanyang asawa at mayroong apat na anak. Iniwan niya ang babaerong mister ng magkaroon ito ng 2 anak sa kanyang babae. Sa ngayon, dahil wala nang nag-aasikaso sa apat niyang anak, nahihirapan siya. Dati kase mayroon pang Nanay si Jessie na puedeng mag-alaga sa kaniyang mga anak, pero namatay ang Nanay noong March 16, 2007, ni-hindi nga niya nadungaw sa huling sandali ang Nanay dahil narinito na siya sa Kuwait at hindi madaling umuwi. Nang mamatay ang Nanay, iniwan sa kapatid niya na mayroon ding pitong anak ang kanyang mga maliliit pang bata. Lima ang naging katanungan ni Jessie na gusto niyang mabigyan ng pansin ng ating palatuntunan.
1. Nagsampa ako ng kaso sa korte noong naroon pa ako sa Pinas laban sa asawa ko. Hiningan ako ng abogado ng P20,000, sa ngayon pending ang case. Ano sa tingin mo? Mayroon bang patutunguhan ang kasong iyon laban sa asawa ko? 0 mas mabuti pang i-drop ko na lang?
2. Kung makukulong ang asawa ko, ilang taon siya sa bilanguan? makakasama ba ang nangalunyang babae?
3. Yung biyenan ko, puede ba silang isama sa kaso? Dahil sumasama sila sa gulo naming mag-asawa. Pati yung kaibigan niya, kung anu-ano ang sinasabi laban sa akin. Lahat ng kapitbahay namin, galit sa kanila. Pinaaalis nga sila sa baranggay namin dahil masasama ang ugali.
4. Gusto ko sanang bigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak ko. Mabubuting anak naman sila; pero nawawalan ako ng pag-asa, dahil kokonti lang kasi ang sahod ko. Sa bawat gabing ginawa ng Divos, umiiyak ako para sa kanila. Iniwanan kasi ng nanay ko sa kapatid kong pito rin ang anak. Naawa nin ako sa kapatid ko dahil maraming asikasuhin, pati ung mga anak ko. Kuya mayroon bang programa ang ating gobyemo para matulungan naman kami?
5. Kung mayroong gustong mag-asikaso sa mga anak ko, please, tulungan niyo naman kami. Gusto ko silang mapunta sa magandang kalagayan. Hindi ko kayang mag-isa.

Ang number four and five questions nauna ko nang binigyan pansin last week. Pero gaya ng naka-ugalian, paapyaw nating babalikan yung sinabi ko last week para maliwanag sa ating lahat. Sinabi ko pa last issue na ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) ay mayroong mga programang laan sa pagtulong sa mga tulad ni Aling Jessie. Nariyan din ang mga private institutions na handang tumulong sa mga ganitong sitwasyon. Naipaliwanag ko na rin ang mga paraan kung papaanong mailalagay sa kalinga ng ibang tao ang mga bata, sa tulong ng gobyerno at ng iba pang pribadong institusyon. Nabanggit ko rin doon ang foster caring.
Ang foster care ay nangyayari kung ulilang lubos na ang mga anak, inaabuso ng magulang o kamag-anak. Sa pamamagitan ng third party, maaring bahay ampunan, pansamantala nilang iniiwan sa isang pamilya ang mga batang dinadala sa kanila. Ang objective ng foster caring ay upang maipadama sa mga bata ang normal na buhay pamilya. Mayroon Nanay at Tatay na kakalinga at titingin sa kanilang mga pangangailangan. Ibibigay ang mga pangangailangan ng walang kapalit. Ang mga umaaktong foster parents dapat ay yung mayroon ding mga kakayanang ibigay ang panganga-ilangan ng mga bata. Ang trabaho ng pagche-check ng background ng mga gustong maging foster parents ay nakaatang sa third party na sinasabi ko (depende kung DSWD, a pribadong home care center). Sa tingin ko kase sa kaso ni Jessie, gusto niyang mayroong pansamantalang mangalaga sa kanyang mga anak, habang siya ay naghahanap-buhay. Boluntaryo niyang ipinagkakatiwala ang kanyang anak sa iba dahil gusto niyang mag-trabaho, kumita then eventually, mai-provide ang pangangailangan nila.
Ayaw man gawin ito ni Jessie, pero, iniisip niya kase ang magiging kinabukasan ng kanyang mga anak. Kung mananatili nga naman sa kalinga ng kanyang kapatid ang apat na anak na mayroong ding pitong alagain, ang kinikita niyang KD45 bilang katulong ay talagang hindi sasapat sa 11 bata. Kung gusto niyong malaman ang detalye ng kanyang contact number, puede po kayong makipag-uganayn sa akin, 6876012. Baka gusto niyong maging foster parent, pero iyan ay depende pa rin sa kanya at sa third party—kung saan niya ipagkakatiwala ang pangangalaga ng kanyang mga anak. Iniisip ko rin kase na baka hindi pumasa si Jessie sa panuntunan ng mga bahay kalinga, dahil unang-una, buhay pa ang asawa niya, pangalawa, mayroon siyang trabaho sa ibang bansa.
Ang KD45 na suweldo, kung tutuusin ay sapat iyan sa pagbuhay sa apat na anak. Mayroon nga akong kilalang pitong anak, katu
long siya sa Kuwait, pero, kaya niyang buhayin sila. Ikaw pa kaya na aapat lamang ang iyong anak. Sa tingin ko Aling Jessie, kailangan ka lang sigurong umuwi ng Pilipinas, ayusin mo lang muna ang kalagayan ng iyong mga anak doon. Baka mayroon pang mga kamag-anak na puede mong pagkatiwalaan, kung hindi man doon sa kapatid mo na mayroong pitong anak, kailangan ka lang talagang naroroon muna sa ngayon, at least maayos mo ang kalagayan nila, bago ka magpatuloy sa pag-tatrabaho. Kung mahal ma ang mga anak mo, kung talagang para sa kinabukasan nila ang ginagawa mo, bigyan mo sila ng panahon. Hindi ko sinasabi sayong manatili ka doon at pare-pareho kayong magutom, kundi, ayusin mo muna ang kalagayan nila. Kung magtutungo ka sa DSWD office, mabibigyan ka nila doon ng sapat na gabay upang matulungan mo ang iyong mga anak. Sa Pilipinas, mayroong 12-14 ang anak, kaya nilang buhayin at palakihin, ano pa kaya ang apat na anak. Huwag mong ilalagay sa isip na mahirap ang buhay, huwag mong ilalagay sa isip na nahihirapan ka, dahil kung ano ang iyong iniisip, iyan ang nagkakatotoo. Isipin mong kaya mo silang palakihin, itaguyod kahit na wala ang kanilang ama. Nagtatrabaho ka naman ng maayos, nagsisipag ka naman, matyaga sa buhay. Huwag mong pangunahan ang Diyos sa pagkilos sayong buhay. Hindi ba ipinaalala na ng Panginoon sa atin, na kahit nga ang mga ibon sa himpapawid ay hindi niya pinababayaan, tayo pa kaya, na kanyang pinakatangi-tangi. Ang anak ay regalo ag Diyos sa atin, balang araw, magiging katuwang mo sila sa pagbangon sa buhay. Aling Jessie, huwag kang susuko, subalit kung ang tanging paraan na binanggit ko sa itaas ang sagot sa problema mo, bibigyan ka ng tamang pagpapasiya ng nasa itaas. Maghintay ka lang. — Itutuloy