Bangkay ni Nanay Eva, nasa morge pa rin ng Farwaniya
Pagdurusa hindi nagtatapos sa kamatayan
Sa ayaw at gusto natin, isang hindi maiiwasang tagpo sa buhay ng tao ang haharapin natin--ang tinatawag na kamatayan. Iyan ay tiyak at hindi mapapasubaliang katotohanang haharapin natin sa takdang panahon.
Dahil diyan, ugali na ng iba sa atin na mag-sulat ng anumang testamento na maghahayag kung ano ang puedeng gawin sa naiwang katawan o maging sa kanyang kayamanan,(iyan ay kung meron).
Si Avelina Fernandez Briones, 63, tubong Pangasinan ay namatay noong November 14, 2007 dito sa Kuwait. Heart attack ang itinuturong dahilan ng kanyang pagkamatay. Ang tangi niyang hiling, na ipinarating sa kanyang kaibigan, maiuwi sa Pilipinas ang kanyang bangkay.
Subalit hindi ganun kadali. Wala siyang permanenteng trabaho simula noong 1991. Ibig sabihin iligal siyang naninirahan sa Kuwait simula noong matapos ang Iraqi invasion. Kilala si Mrs Briones ng kanyang mga kasama bilang Nanay Eva.
Kung tutuusin puno naman ng mga masasayang ala-ala ang mga huling araw ni Nanay Eva sa lupa. Walang kaalam-alam ang mga kaibigan nito, iyon na rin pala ang mga huling araw na makakapiling nila si Nanay Eva.
Isang araw bago siya mamatay, masaya pang ipinaghanda ng kanyang mga kaibigan ang pagbabalik nito mula sa mahabang part-time na trabaho sa malayong border ng Kuwait. Sa katunayan, pinilit niya talagang umuwi ng araw na iyon, dahil gusto niyang matapos ang pag-iimpake upang maipadala sa Pilipinas ang kanyang mga bagahe. Maingat niyang inihanda at isinilid sa karton ang mga personal nitong gamit. Ipinakita pa sa ka-roommate nito ang mga pasaporte at ilang mga mahahalagang dokomentos, kabilang ang isang ID ng mga unang taon niya sa Kuwait. Iyon daw ang dahilan kung bakit hindi siya nakukulong. Mahuli man siya ng mga parak, kagyat siyang pinakakawalan, kung inilalabas niya ang ID na iyon.
Sa kanilang pag-uusap noong gabing iyon, masaya niyang binalikan ang kanyang buhay sa Kuwait, habang humihithit ng segarilyo, isang hilig na hindi mabitiwan ni Nanay Eva. Subalit tulad ng dati, ayaw pa rin niyang pag-usapan ang pamilya.
"Wala, wala akong pamilya, huwag na lang nating pag-usapan, wala akong iniwan sa Pilipinas," banggit ni Nanay Eva sa matalik na kaibigang, kinilala nating si Tess noong nabubuhay pa ito.
KAIBIGAN AT PAMILYA
Maraming secreto si Nanay Eva, kahit na nga yung kaibigan niya ng mahabang panahon hindi siya gaanong kilala. Sa loob ng limang taon, kadalasan nag-uusap sina Tess at Eva, tungkol sa buhay, trabaho, pero madalas kapansin-pansing iniiwasan ni Nanay Eva ang usapin ng pamilya. Pero nahuhuli rin ni Tess si Nanay Eva na umiiyak ito, kadalasang dahilan pamilya. Pero ayaw nang ungkatin pa ni Tess kung ano, dahil mababa rin ang luha nito kung pag-uusapn ang pamilya.
"Napaka-imosyunal ko sa tuwing pag-uusapan ang pamilya. Ulilang lubos na rin kasi ako. Wala akong mga kapatid at namatay na rin noong maliit pa ang mga magulang ko. Kaya apektado ako masyado, kung pag-uusapan ang pamilya, huwag na lang," wika ni Tess.
Dahil dito, ngayon din lang talaga nalaman ni Tess na mayroon palang anim na anak na lalaki si Nanay Eva. "Hindi po talaga nabanggit sa akin ni Nanay Eva ang anim niyang anak na lalaki. Ang alam ko, tomboy po talaga si Nanay Eva. Pero nabanggit niya sa akin noon na pinagsamantalahan siya ng tatlong Iraqis noong invasion. Nauunawaan ko siya kung bakit siya mailap sa mga lalaki. Nirerespeto ko na lang kung ano ang kanyang nararamdaman," dagdag ni Tess.
Matapos ang maliit na piging noong gabing iyon, nagpasiya silang matulog. Kinaumagahan, alam nilang pagod at gusto pang magpahinga si Nanay Eva, kaya, hindi nila ito ginising para mag-almusal.
Subalit, tulos na ang araw at oras na ng pananghalian. Wala pa ring Nanay Eva. Kaya nagpasiya silang puntahan si Nanay Eva sa kanyang kuwarto. Pero huli na, malamig nang bangakay si Nanay Eva.
"Agad naming ipinaaalam sa awtoridad ang nangyari. Lahat kami sa bahay dinala sa prisinto at inimbestigahan. Pero sang-ayon sa mga doctor na nagpunta sa bahay, namatay si Nanay Eva sa atake sa puso. Salamat na lang dahil mayroon talagang mga gamot sa puso si Nanay Eva na nakasilid sa kanyang handbag, suspect po kasi kaming lahat sa bahay sa kamatayan ni Nanay Eva," mangiyak-iyak na sambit ni Tess.
Isang malayong kamag-anak ang nagsabi sa Kuwait Times na ang pinakahuling trabaho ni Nanay Eva ay sa isang kilalang bakeshop. Subalit sa pagkakaalam niya, nag-resign ito matapos ang isang alitan sa kasama.
Matapos noon, nagpalipat-lipat na si Nanay Eva, mula sa isang kumpanya tungo sa isa. Ang pinakahuli ang kanyang part-time job sa isang kumpanyang nagsisilbi sa mga Amerikano sa border.
Nang kontakin ang kanyang mga kamag-anakan sa Pangasinan, ayon sa kanyang 39-year-old na anak nito na si Modesto Jr., mahal niya ang kanyang ina, at gusto niya itong makita kahit na isa nang malamig na bangkay.
"Wala kaming misunderstandings, at sa pagkakaalam ko hindi siya puedeng makauwi dahil nga sa illegal siya sa Kuwait. Lagi niyang sinasabi sa amin na tago-siya-ng-tago sa awtoridad diyan," wika ni Modesto Jr., na nakikipag-usap sa akin mula sa kanilang probinsiya sa Pangasinan.
Ayon naman kay Maria, (nakababatang kapatid ni Nanay Eva na naroroon din sa Pangasinan), nakausap pa nila si Nanay Eva ng dalawang beses noong Setyembre.
"Sinabi niya sa akin na ipadadala nga raw niya ang mga personal niyang gamit. At ako raw ang bahalang tumanggap noon. Hindi ko talaga inisip na bangkay niya na pala ang sinasabi niya. Sinabi niya rin sa akin na magpapadala siya ng pera para sa Undas at sinabi niyang ako na lang daw ang bahala sa paghahati-hati ng perang ipadadala niya para sa kanyang mga anak. Naghintay kami, pero walang dumating. Pero noong katapusan ng September, tumawag ulit sa akin, humihingi ng paumanhin dahil hindi nga siya nakapagpadala ng pera. Pero sinabi niyang mangutang muna ako ng pera para makabili ng kandila para sa mga kamag-anakan naming namayapa na. Sinabi ko sa kanya okay at nag-promised naman siyang magpapadala ng pera. Darating daw ang cargo niya ako na lang daw ang bahala, hindi ko akalaan na bangkay niya pala ang sasalubungin ko," umiiyak na wika ni Maria.
Wala rin si Nanay Eva ng mamatay ang asawa sa Pilipinas, may-dalawang taon na ang nakakaraan.
Gustuhin man kasing umuwi ni Nanay Eva, hindi talaga ito mangyayari, dahil matagal nga siyang iligal sa Kuwait.
Noon, isa rin sa kanyang mga kakilala, na nakausap ko rin, ang nag-suggest na samantalahin ang amnesty upang makauwi sa Pilipinas, pero ang sagot ni Nanay Eva, dito na siya mamamatay.
Dumating si Nanay Eva sa Kuwait noong late 1980's upang magtrabaho bilang katulong sa bahay. Subalit noong sakupin ng Iraq ang bansang Kuwait, lumipad patungong France ang kanyang sponsor at naiwan siyang tila baga basing sisiw.
"Siguro ko talagang naapektuhan siya ng malaki sa giyera noon. Tapos nabanggit nga niya na ni-rape siya ng mga Iraqis. Siguro iniisip din ni Nanay Eva na bigo siya sa Kuwait," sambit ulit ng kanyang kakilala na napag-alamang kababaryo nito.
Binanggit din nito na sa sandaling makuha niya ang kanyang war claims uuwi na siya ng Pilipinas. Pero namatay na't lahat si Nanay Eva, wala pa itong natatanggap na compensation.
"Matagal siyang pabalik-balik sa embassy. Hinihintay niya nga ang kanyang war claim, pero nawala na siya, hindi niya pa rin nakuha," banggit ni Tess sa embahada noong magtungo ito noong Huwebes.
LIGALIDAD AT PARAAN SA PAG-UWI NG BANGKAY
Kasalukuyang nakaratay ngayon sa morge ng Farwaniya ang bangkay ni Nanay's Eva. Naghihintay na aprubahan ang repatriation ng kanyang bangkay na napag-alamang gobyerno natin ang sasagot.
Nalaman na nga ng kanyang pamilya ang sinapit ni Nanay Eva, pero dahil nga sa iligal ito matatagalan pa bago maiuwi ang bangkay.
Noong makausap ko si Administrative Officer Dr Tomara Ayo, siniguro niya na maibabalik sa Pilipinas ang bangkay ni Nanay Eva kung matatapos ang formalities na kinakailangan.
"Sa kaso ni Nanay Eva, ginagawa po talaga naming ang lahat ng makakaya para maiuwi sa Pilipinas ang bangkay. Normally kung walang kapamilya ang namatay, kami mismo ang kokontak sa pamilya niya upang ipaalam ang sinapit. Kung di nila kayang magbigay ng pera para sa pagpapauwi ng katawan, kami mismo ang mag-rerequest ng tulong sa Department of Foreign Affairs at ipu-provide po naming iyan. Wala pang request tungkol sa repatriation ng bangkay ang tinanggihan ng DFA, lahat ng kasong ganyan, tinutulungan ng gobyerno, yun nga lang medyo mabagal dahil sa maraming kailangang pagdaaan ng request," wika ni Ayo.
Mas madali umanong maiuwi ang bangkay kung mayroon itong immediate employer, pero kung tulad ni Nanay Eva, maghihintay ang mga kamag-anakan kung kailan aaprubahan ang request na assistance.
"Ang proseso ay kabilang ang paga-identify ng bangkay. Ang namatay ba talaga ay isang Pilipino. Kasama rin sa proceso ang 'letter of acceptance' na dapat ipadala ng pamilya sa DFA. Kailangan kasi mayroong tumanggap na kamag-anakan, dahil kung hindi baka hindi na nga iuwi ang bangkay. Kung maibigay agad ang death certificate, iyan ay kung tapos na ang imbestigasyon sa kanyang kamatayan, maiuuwi ang bangkay sa mas-lalong medaling panahon," dagdag ni Ayo.
Ang prosesong ito ay hindi sinusunod sa relihiyong Muslim lalo't mahigpit nilang ipinatutupad ang paglilibing sa bangkay 24 oras matapos siyang lagutan ng hininga. Pero inamin ni Ayo na mayroon ding exemptions. "As per traditions and belief, kailangang mailibing ang bangkay within 24 hours or at least a maximum of three days after death. Ngayon dahil sa malayo ang Kuwait sa Pilipinas, mayroong mga pamilyang Muslim ang gusto pa ring mailibing ang kanilang mga namatay na kaanak sa labas ng bansa sa Pilipinas, kaya pinapayagan din namang idelay ang libing, pero ang ganito ay bihirang-bihira," pagtatapos ni Ayo.
(Ang artikulong ito ay lumabas sa Friday Times isyu ng Kuwait Times, isinalin sa Filipino sa kapakanan ng mga kabayang nagbabasa ng Panorama tuwing araw ng Linggo. Nagpasiya akong ilathala sa Buhay at Pag-asa portion upang kapulutan ng aral ng marami sa ating mga kabayang nananatili pa ring illegal sa Kuwait. Oo ngat mayroon tayong makukuhang tulong sa gobyerno, pero gasino lang ba ang tulong na iyon, sa dinig ko pamasahe lang? Papasanin pa rin ng mga naiwan ang pagpapalibing at iba pang mga gastusin. Sa kaso ni Nanay Eva, nakita natin dito ang kawalan niya o kakulangan ng koneksyon sa pamilya. E papaano nga kung dumating ang oras ng ating kamatayan, (na hindi natin alam kung kelan), mag-iiwan pa ba tayo ng ligalig at paghihirap sa mga naiwang mahal sa buhay? Mahalaga rin pong mayroon tayong mapagkakatiwalaang kaibigan, myembro ng pamilya, yung hindi kayo pababayaan kahit na sa oras ng inyong kamatayan. Mahalaga ang regular communication sa kung sinuman sa pamilya upang sa malao't madali mayroon mang mangyaring hindi kanais-nais sa inyo, alam ng inyong mga naiwan ang inyong pinagdaraanan. At malaki ang maitutulong sa pagresolba ng kaso, kung mayroon man).
No comments:
Post a Comment