Saturday, November 17, 2007

BUHAY AT PAG-ASA

Problema ni single mom

Asawa, nagsawa, nag-asawa ng iba


(Sagot sa liham kasaysayan ni Bing Lerio)

Hello Bing,
Tulad ng naipangako ko sayo, sasagutin ko ngayon ang iyong liham sa akin. Pero bago iyan, balik tanaw tayo sa kanyang kasaysayan. Noong mamatay ang ama ni Bing sa isang vehicular accident, nagpasiya siyang lumayo sa kanyang probisya sa Davao. Napadpad siya ng Maynila. Doon, na-meet niya ang ama ng kanyang isang anak. Nagsama sila ng walang kasal. Pero nung maramdaman niyang kailangan niyang magtrabaho upang makatulong sa kinakasama, nagpasiya siyang mangibang bansa. Decemeber 2003 nang dumating siya sa Kuwait. Hindi rin siya gaanong nagtagal dahil nga sa hindi siya mapalagay sa kalagayan ng anak at ng asawa na noon ay sinasabing hindi na raw halos umuuwi sa bahay. Umuwi si Bing sa Pinas. Pero, hindi rin sila nagsama ng matagal, nauwi rin sa hiwalayan ang pagsasama nila. Bumalik siya ng Kuwait. Nagkaroon ng asawa ang tatay ng kanyang anak, at nung bumalik siya ng Kuwait, nakatagpo rin siya ng lalaking handang magpakasal sa kanya.
Heto ngayon ang problema ni Bing, gusto niyang bigyan ng suporta ng dati niyang kinakasama ang anak nila. Tinatanong niya kung papaanong ma-oobliga ang tatay ng anak niya para suportahan ito. Para sagutin ang problemang iyan, tinawagan ko si Dr Tomara Ayo, ang eksperto sa larangan ng usaping legal ng pamilya. Ang payo ni Dr Ayo puede ka raw pong dumulog sa tanggapn ng Public Attorneys Office (PAO) sa iyong probinsiya. Pag-aaralan daw po ng tanggapn ng PAO kung puedeng madala sa settlement ang inyong usapin. Ngayon kung hindi, tuloy ang pagsampa ng kaso sa tatay ng anak mo. Mayroong habol kung naka-lagay sa birth certificate ang pangalan ng tatay o kung talaga bang kinikilala niya ang anak niya. Ngayon kung wala namang acknowledgement sa birth certificate ipapa-DNA ang bata. Ayon kay Dr Ayo mayroong karapatan ang anak mo na tumanggap ng suporta sa tatay iyan ay sang-ayon sa ating family law.
Pangalawang usaping idinulog sa akin ni Bing ay tungkol sa naiwan niyang utang umano sa nag-finace sa kanila para makapunta ng Maynila at makapunta dito sa Kuwait. Sinabi niya na inu-obliga naman daw sila ng financier na magbayad ng dalawang buwang sahod nila, at iyon ay pinirmahan nila bago sila umalis sa Manila.
Ang magandang balita para sayo Bing, wala naman daw nakukulong sa utang, maliban kung malaking halaga na at kakasuhan ka ng estafa. Sa ganyang kaliit na utang, payo sa iyo ni Dr Ayo, bayaran na lang ng kahit paunti-unti. Moral obligation mo raw po iyan sa kapwa na kung tutuusin nakatulong naman sayo noong panahon na kailangan mo ang pera.
Tungkol sa pag-aasawa mo, okay lang iyan dahil sabi mo nga hindi ka naman kasal sa dati mong kinakasama. Ngayon, kung tanggap ng bago mong BF ang iyong nakaraan, magpakasal kayo, at aral na sa iyo ang past relationship.
Alam mo na dapat ang hirap ng buhay, ang hirap ng pagsasama at ang magkaanak ng hindi kasal.
Ipaalam mo sa BF mo ang iyong nakaraan, at ipaalam mo rin ang nasa loob mo, tulad halimbawa ng katotohanang mayroon kang obligasyon bilang ina sa anak mo sa pagkadalaga. Alamin mo sa kanya kung ano ang tunay niyang nararamdaman kung sakali’t isama mo bilang pamilya ang anak mo sa labas. Isa iyan sa tutukoy kung magiging matagumpay o dili kaya’y failure ang iyong pinaplanong buo-ing pamilya. Mahalaga ang bahagi ng bago mong lalaki sa ngayon. Hari nawa ay bukas ang kanyang puso sa idea na isama mo ang anak mo sa bubuoin niyong pamilya. Kung mahal ka niya, tatanggapin niya iyan, (meaning kung ano ang nakraan mo) pero kung medyo mayroong siyang pag-aalinlangan, hindi mo rin siya masisisi, ituloy mo ang buhay, dahil sabi nga nila, ang anak ay anak hindi mo na puedeng palitan ang katotohanang iyan. Pero ang asawa, maraming possibilities, kasi sa ngayon, puede mong palitan ang asawa ng kahit na ilang beses, (sorry sa mga hindi naniniwala dito, pero iyan ang totoo). Although hindi sinasang-ayunan ng simbahan at ng estado, pero puede, lalo’t kung ma-annul ang kasal. Maligayang paglalakbay sa buhay at pag-asa Bing! Samantala sa mga gustong maging kabahagi ng programang ito, sumulat lamang po kayo sa akin. Ang address ay nasa itaas na bahagi ng portiong ito.-- Ang iyong lingkod Ben Garcia

No comments:

Post a Comment