Monday, December 20, 2010

Pinag-aagawang patubig

Ang kaibigan kong duwende


(Karugtong ng liham kasaysayan ni Narcisa)

Taong 2004 tinawagan ako ng babae ng asawa ko. Butis daw siya. Kinausap ko ang babae, sabi ko, pinasok niya ang pakikipag-relasyon bahala siya, magdusa siya. Kahit galit man ako hindi ko siya pinagsalitaan ng masama. Isang araw, nagpadala ako ng pera pambili ng telebisyon dahil naaawa na rin ako sa mga bata na nakikinuod sa kapit-bahay at nakakarinig ng hindi magandang salita. Ang buong akala ko, fully-paid niya ang telebisyon, iyon pala hulugan. Dahil ang pera ginamit niyang pambayad sa pagpapalaglag ng bata ng kabit niya. Magalit man ako ng husto wala na rin akong magawa. Ako pa rin ang nagbayad ng buo sa telebisyon. Noong mabayaran ko na ng full, pinag-interesan pa rin ng asawa ko. Gustong ibenta dahil mayroon daw siyang babayaran. Sa tingin ko gagastusin niya lang iyon sa babae niya at bisyo. Nagbabala ako na kapag-ibinenta ang telebisyon, katapusan na iyon ng kalbaryong dinaranas ko sa kanya. Hindi naman siya nakinig. Kaya, tumawag ako sa tatay nya (biyenan kong lalaki) at isinauli ko siya. Kinausap ko ang step daughter ko. Oo nga pala, hindi ko nabanggit noong una na mayroon po akong dalawang step daughters. May-anak ang napangasawa ko dahil nakipag-live-in siya sa babae bago pa man naging kami. Kaya sa akin din lumaki ang dalawang bata. Itinuring kong sarili kong mga anak ang mga iyon. Kinausap ko ang isa sa mga step daughter ko sa Maynila kung puedeng alisin muna sa pangangalaga ng tatay nila ang mga bata. Sumunod naman at dinala nga sa Maynila.
Sa ngayon, yung panganay kong anak ay nasa Osamis City na, nakatira sa tiyuhin niya. Pinag-aaral siya ng lolo niya na nasa France. Graduate na siya ng automotive, pero gusto pa niyang kumuha ng Martine Engineering. Kung pag-aaralin siya ng lolo niya, puede, pero kung ako lang, hindi ko na kaya Ben. Sabi ko nga sa kanya magtrabaho na siya. Ang pangalawa ko ay nag-aaral sa Dagupan City. Kumukuha ng computer science, fourth year na siya next year. Ang pangatlo ko, graduating na rin sa H-school ngayong March. Yung bunso ay second year h-school na.
Patuloy ako sa pagta-trabaho sa Kuwait. Sana ay mapatapos ko muna sila sa tulong ng Diyos at nawa bigyan pa ako ng lakas ng katawan para mailagay ko sila sa tama at maayos na buhay bago man ako mawala sa mundo.
Ang problema ko ngayon Ben ay yung mamanahin sana naming magkakapatid mula sa family Elacion. Sa mga magulang ko. Yung Family Elacion po kasi ay mayroong iniwan sa mga magulang naming patubig na nagmumula sa lupaing mana naming sa Pamilya Elacion. Malaking kinikita dito ng baranggay, dahil sila na ang nag-pa-activate noon, pero wala kaming ni-singkong share. Ang patubig ay nagsusuply sa baranggay Campo at Sitio Pagao mula sa lupang pag-aari ng pamilya namin. Ang tanong ay kung papaanong hahabulin ang aming karapatan sa patubig bilang may-ari o at least makuha man lang ang share namin bilang may-ari ng lupa. Papaano ba ang hatian sa kinikita ng patubig, since sila naman po kasi ang gumastos sa mga linya na ikinabit sa mga bahay na kumukunsumo ng patubig. Magkaano ba ang share kung mayroon man? Gusto ko lang po kasing legal at walang away. Kung halimbawa putulin namin ang supply kakasuhan ba kami?


Gumagalang at Nagpapasalamat
Narcisa Gallardo


(Salamat ng marami Ms Narcisa! Sasagutin ko ang iyong tanong next week. Sa mga gustong maging kabahagi ng Buhay at Pag-asa portion, puede po kayong tumawag sa Tel 97277135 o ipadala ang kuwento sa address na makikita sa itaas. Puede rin po tayong mag-usap through telephone kung gusto niyong mag-share ng inyong kasaysayan. Kailangan lamang po ay mag-set tayo ng time na free tayong pareho, upang mai-guide ko kayo sa pag-gawa ng liham. Maraming salamat po)

Saturday, December 11, 2010

Karumaldumal na pagpatay sa




KUWAIT: Si Ambassador Shulan Primavera, gitna, kasama sina Vice Consul Sheila Monedero at Assistance to Nationals Unit officer Halim Langco.-Kuha ni Ben Garcia



Ni Ben Garcia


KUWAIT: Matapos ang ilan linggo ring imbestigasyon ng mga tauhan ng Philippine Embassy katulong ang mga awtoridad sa Kuwait, lumabas sa kanilang masusing pag-sisiyasat na tsismis at walang katotohanan ang umano'y brutal na pagpaslang sa mag-asawang Pilipino sa Kuwait kamakailan. Magugunitang ilang linggo ring umugong ang umano'y karumal-dumal na pagpaslang sa mag-asawa, subalit ayon sa embahada, walang katotohanan ang tsismis at pawang mga haka-haka at walang matibay na ibedensiya ang puedeng makapagpatunay sa pamamaslang.
Nakakaalarma ang mga umugong na tsismis, dahil ayon sa kumalat na impormasyon, umano, kinidnap ang mag-asawang Pilipino, hinalay at pinatay sa harapan ng lalaki ang kanyang asawa, pinugutan ng ulo, habang agaw buhay naman umano sa ospital ang lalaki matapos gahasain at hatawin sa ulo.
Sa pulong balitaan ng embahada noong Lunes, iginiit ni Philippine Ambassador to Kuwait Shulan Primavera na hanggang ngayon ay puro haka-haka lamang at wala pang lumulutang na testigo ukol sa pamamaslang.
"Kung totoo man ang impormasyong ito, sa ngayon ay lumutang na sana ang mga abala at sangkot na parties. Tulad halimbawa ng pulis, ospital, yung mga katrabaho, kasambahay at kapamilya ng mga biktima. E hanggang ngayon nangangapa pa rin tayo sa impormasyon," wika ni Ambassador Primavera. "Sa tingin ko, ang impormasyong ito ay based on unfounded hearsay without evidence."
Sinabi ng ambassador na personal nilang pinuntahan ang Department of Forensic Evidence, ang Salmiya Police Station, ang Mubarak Hospital at maging ang Criminal Investigation Department, subalit sila man ay walang natanggap na report ukol sa bayolenteng patayan na sangkot ang mag-asawang Pinoy. Ayon kay Ambassador Primavera, noon pang bago ito nag-circulate sa Filipino community sa buong Kuwait, inatasan na niyang imbestigahan at iverify ang katotohanan ng impormasyon.
"Sa ilalim ng pamumuno ni Sheila Monedero, kasama si Assistance to Nationals Unit (ANU) officer Halim Langco, inilunsad ang operasyon upang imbestigahan ang mga bali-balita. Inisa-isa nila ang records ng pulis at ospital at wala po silang natangpuang insidenteng sangkot ang mag-asawang Pinoy. Kung tutuusin, magandang balita ito sa atin, at hangad ko na sana, walang ganitong uri ng pangyayari na sangkot ang Pinoy."
Iginiit pa ng ambassador na kung totoo mang may-ganitong uri ng balita, noon pa ay nalaman na ito ng mga local police.
Sa katunayan, natanggap din ng Kuwait Times ang balitang ito may-tatlong Linggo na ang nakakaraan, agad din naming pinuntahan ang mga lugar kung saan umano dinukot ang mag-asawa, subalit kami man ay bigong makakuha ng sapat na ebidensiyang puedeng gawing gabay sa balita.
Nanawagan si Ambassador Primavera sa lahat ng Pinoy sa Kuwait na mag-ingat sa pagpapakalat ng mga walang basehang balita. "Ang ganyang uri ng gawain ay puedeng makasama sa ating imahe at puede iyang maghasik ng takot at pangamba hindi lang sa mga Pinoy kundi maging sa ibang lahi. Tayo ay mga dayuhan sa Kuwait, hindi magandang pagmumulan tayo ng masamang balita na walang basehan," dagdag nito.
Ayon pa sa kanya, ang pagpapakalat ng warning o babala na mag-ingat sa mga ispisipikong lugar sa Kuwait ay hindi rin nakabubuting paraan ng pagmamalasakit sa kapwa. Isang miyembro kasi ng Filipino community ang nagpakalat ng email kung saan binalaan ang mga Pinoy na mag-ingat sa mga lugar na binanggit niya [ng sumulat] sa Kuwait. "Oo ngat ang warning ay ginawa upang magbigay abiso o babala lamang, pero ang ganitong uri ng pagmamalasakit ay mapanganib dahil hindi natin ito bansa. Puede itong masamain ng Kuwait at puede tayong akusahan ng paghahasik ng takot at pangamba. Nakausap na namin ang nagpakalat ng email at humingi na naman siya ng paumanhin."
Ang paglutang ng embassy upang linawin ang issue ay naganap isang araw matapos ding pabulaanan ng Ministry of Interior ang ukol sa mga umugong na balita sa Filipino community. Ayon kay Brigadier General Sheikh Mazin Al-Jarrah, ang Assistant Managing Director for Governorates Affairs at ng Criminal Investigation Department ang lumutang na balita ay walang katotohanan.

(Ang balitang ito ay lumabas sa Kuwait Times-local page section noong Martes. Isinalin sa Filipino sa kapakanan ng mga kababayang nagbabasa ng Panorama tuwing araw ng Linggo.)

SSS: Katuwang sa pagtanda, kaagapay sa kinabukasan



Embahada at Ako



KUWAIT: Si SSS Representative Frank Uy sa kanyang tanggapan sa embahada habang abala sa kanyang trabaho noong Huwebes. --Kuha ni Ben Garcia



Maraming programa ang gobyerno bilang ayuda para sa mga manggagawa abroad man o maging sa Pilipinas. Tinalakay na po natin ang ilan sa mga ito, at nangako akong isusunod ang ukol sa usapin sa SSS o Social Security System. Maraming tanong akong natanggap mula sa ating mga kababayan especially yung mga nag-text sa akin last week, pero bibigyan daan lang natin ang ilan sapagkat, kailangan natin ng space para sa Q & A portion ko kay Francisco 'Frank' Uy, ang representative ng SSS sa Kuwait. Taliwas sa paniwala ng ilan, ang SSS ay ahensiyang pag-aari lamang ng gobyerno. Marami ang nag-aakala, maging hanggang ngayon, na ang SSS ay semi-government lamang. Ibig sabihin, bahagi ay pag-aari ng ilang private companies sa Pilipinas, subalit nilinaw ni Mr Frank Uy na hindi totoo and mga sapantaha, dahil purong gobyerno daw po talaga ang may-ari ng SSS. In fact, si Frank Uy na empleyado ng SSS ay nagbabayad sa GSIS automatic, dahil empleyado siya ng gobyerno. Kung contractual ang isang empleyado ng gobyerno, doon pa lang umano pumapasok sa SSS. Ganun pala iyon.
Ngayon, para lalo nating maunawaan ang mga programang laan para sa kanyang mga miyembro, ito po ang bahagi ng aking panayam kay Mr Uy.

USAPANG SSS


BEN GARCIA: Ano ang SSS?
FRANK UY: Ang SSS ay isang ahensiya na nagbibigay ng insurance o pasiguro para sa mga empleyado ng pribadong kumpanya (private sector employees). Iyan ay counterpart ng GSIS para naman sa mga trabahante ng gobyerno (government employees). Ang SSS ay itinatag upang makatulong sa mga empleyado kung wala na siyang trabaho o regular na kita o pinagkakakitaan, o kahit na temporary na nawalan ng income at maraming iba pang benepisyo.

BEN GARCIA: Pakipaliwanag nga po sa amin ang mga benepisyong hatid ng SSS?
FRANK UY: [1] Income Benefit: Each employee na gumamit na ng kanyang sick-leave halimbawa, tapos naubos na ito pero tuloy pa rin ang kanyang pagkakasakit, puede siyang humingi ng saklolo sa SSS. Ang SSS ay magbibigay ng at least 120 days sick leave benefit per-year. Ibig sabihin, ang SSS ang magbibigay sa kanya ng kanyang suweldo depending on his/her contribution dahil sa pagkawala ng kanyang regular income. At least mayroon kang hulog sa SSS ng one straight year bago mo ito ma-claim. Ano namang mga sicknesses ang covered nito? Lahat ng uri ng sakit ay puede, kahit hindi work-related tulad ng pabalik-balik na lagnat na dahilan upang hindi ka na makapasok sa trabaho sa mahabang panahon. Nasaksak, naputulan ng daliri, nasagasaan, iyan ay puedeng icover ng SSS under lost of income benefit. Kapag lumala na... ito naman ang susunod:

[2] Disability Benefit:
Kung grumabe na halimbawa ang sakit, partial lost of sight, naputulan ng kamay, paa, maysakit sa puso, sakit sa atay, kami na ang magbibigay sa kanya ng suweldo, again, depende iyan sa kanyang hinuhulog. Magkakaroon siya ng pension for a certain period of time. Partial disability benefit ang tawag diyan. Kung malala na masyado at hindi na siya puedeng makapag-trabaho, yung miyembro na nakapag-hulog na ng at least three years, puede na siyang bigyan ng lifetime pension. Kahit 30 years old lang siya, ibibigay iyan sa kanya ng SSS.

[3] Maternity Benefit: Yung member na babae na nakahulog sa SSS ng one straight year, qualified na siyang mag-apply ng maternity benefit. Now, ibibigay iyan ng SSS kahit anong kaso; cesarean, normal, o kahit na yung nakunan, ibibigay ang benepisyo sa miyembro. Ang kanyang benefit naman na makukuha ay depede sa kanyang contribution. Ibibigay ng SSS up to four deliveries, ibig sabihin kung manganak ka ng dalawang beses sa isang taon, ibibigay iyan ng SSS. Puedeng ifile ang claim dito [sa Kuwait], darating dito ang cheke, pero babalik ang cheke sa Pilipinas dahil kailangan siyang ideposit sa PNB. Wala na ring illegitimate classification ngayon, basta anak, anak sa pagkadala, pagkabinata, sa labas, ibibigay ang maternity benit ng SSS.

[4] Retirement Benefit:
When you reach the age of 60, hindi ka na talaga puedeng magtrabaho, kaya kung miyembro ka, puede kang mag-claim ng lifetime pension sa SSS. Ito yung mga members na dumating na sa retirement age na 60. Kung nakahulog ka na ng ten years, makukuha ang pension mo monthly. Ang requirements diyan dapat nakahulog ka ng 120 months kahit putol-putol basta at ten years ang total. Halimbawa 60 years old ka na at may-minor ka pa [na anak], additional ten percent iyan sa pensioner each child.

[5] Death Claim:
Pag-single ang namatay, parent ang claimant niyan. Kapag namatay naman ang asawa, ang death claim ay mapupunta sa asawa. Halimbawa namatay ang asawa ng bata pa, pero, miyembro siya ng SSS, mayroon ding kaukulang pension na mapupunta sa asawa. Kung wala na ang dalawa, puedeng makuha ng kanyang beneficiaries basta dapat anak niya. Kung walang three years ang contribution ng miyembro, puedeng makakuha ng at least 45,000 lump sum.

[6] Funeral: Lahat ng miyembro na namatay kahit isang beses lang siyang nag-hulog sa SSS, puede siyang mag-claim ng 20,000 pesos funeral. Automatic iyan na nakukuha ng member. (Syempre yung kamag-anak o beneficiary niya ang magki-claim ng funeral, mahirap nang bumangon ang patay-hehehe.) Kailangan lang ibigay ang resibo ng funeral parlor at mabilis iyang ipina-process ng SSS.

BEN GARCIA: Liban sa mga nabanggit mong benefits, wala na bang ibang benefits na ibinibigay tulad halimbawa ng salary loan at housing loan?

FRANK UY: Mayroon kaming additional benefits na puedeng iclaim ng members, tulad ng salary at housing loan. Pero ito ay hindi kasama sa mga benefits at tinawag lang namin itong special privileges. Sa salary loan puede kang makakuha depende sa contribution mo, iyon lang ang puedeng ipautang sayo. Sa housing loan naman, puede lang talaga kaming magbigay ng at least one million pesos na pautang. The reason was that nauunawaan namin ang bigat ng responsibilidad sa pagbabayad. Puede kasing umabot sa 3 million kahit one milyon lang ang utang sa housing, dahil sa tubo at depende sa tagal ng taon ng pagbayad mo. Ganun kalala iyan na hindi naipapaliwanag masyado sa nangungutang. At iyan din ang konsidyon ng mga housing loans kahit na nga gobyerno din ang nagpapautang, pasintabi sa mga counterparts namin. Bukod diyan mayroon pa kaming Flexi-fund.

BEN GARCIA: Ano naman po itong flexi-fund?
FRANK UY: Ito naman ay voluntary provident fund para a mga OFWs. Karagdagang serbisyo ito ng SSS bukod sa regular OFW membership. Ang flexi-fund ay pension plan at savings account rolled into one. Isipin mo ang time deposit, parang ganun ang flexi-fund. Ang sa amin lang mas-mataas ang tubo, seven percent, as compared sa at least 2 or even less percent ng tubo na ibinibigay ng bangko. Malaking tulong ang flexi-fund program sa pangangalaga ng kinikita sa abroad. Sa pamamagitan ng programa, makakaipon ang OFW at maaari niyang ma-maximize ang kanyang kita. Ang pinagsasama-samang contribution sa flexi-fund ay isang investment, lalo na kapag natapos na ang kontrata abroad. Bukod sa mga benepisyong matatanhggap sa ilalim ng regular SSS membership, ang flexi-fund ay mayroong mga karadgadang benepisyo mula sa kita ng kanyang inipon sa kanyang flexi-fund account. Maaring makuha ang flexi-fund benefit bilang lump sum, pension o pareho. Ang inipong pera gamit ang flexi-fund ay ini-invest naman ng SSS sa government securities. Base sa average 91-day Treasury bill rate and kita ng flexi-fund contributions at ito ay tax-free. Kaya bukod sa transparent at risk free na, malaki pa ang interes. Flexible ang terms at amount of payment pero ang kontribusyon dito sa flexi-fund ay tumutubo ng seven percent. Hindi tulad ng sa bangko na minsan less than two percent lang o kadalasan one percent lang tubo.

BEN GARCIA: Kailangan ba akong mag-bukas ng panibagong membership sa SSS o puede nang ishift sa flexi-fund ang regular SSS membership ko?
FRANK UY: Hindi na kailangan magbukas ng panibagong number, isisiparate lang iyan through tabulation. Voluntary ito, whatever you earn in the flexi-fund will be yours.

BEN GARCIA: Kung halimbawa, natapos ko na ang ten years at qualified na ako sa lifetime pension, wala pa ako sa compulsory retirement age, puede ko na bang makuha ang pension ko.
FRANK UY: Hindi pa. Maghihintay ka pa ring umabot sa 60 years-old bago mo makuha ang pension mo.

BEN GARCIA: Kung ayaw kong makatanggap ng buwanang pension, puede ko bang makuha ang pension ko ng lump sum?
FRANK UY: Hindi po, ang puede lang ay yung hindi umabot ng 120 months contribution. Kaya nga may SSS para mayroong mabunot ang pensyunado/da sakalit tumanda na siya at least monthly. Para ding kumikita siya buwan buwan sa kabila ng katandaan.


BEN GARCIA: Kapag, nakakuha na halimbawa ng sickness, lost of income benefits, mababawasan ba ang aking retirement pension?
FRANK UY: Ang sagot diyan ay hindi. Kung magkano ang contribution mo sa SSS iyan pa rin ang makukuha mong pension kahit na nag-claim ka na ng sickness, salary at housing loans.
BEN GARCIA: Kung halimbawa hindi ko na-comply ang ten years para maging qualified sa lifetime pension, mayroon ba akong makukuha?
FRANK UY: Oo, puede maibalik sayo ang lahat ng contribution mo plus kung magkano ang tinubo nito.
BEN GARCIA: Saan puede ditong magbayad?
FRANK UY:
Mayroon kaming apat na money exchange remittance companies na affiliated ng SSS, naka-spread iyan sa ibat-ibang panig ng Kuwait. Dumarating lang sa akin dito ang mga kopya ng resibo, hindi ako humahawak o tumatanggap ng pera directly dahil bawal o ipinagbabawal iyan ng Commission on Audit. (Magtanong po sa mga money exchange companies sa Kuwait City o saan mang distrito sa Kuwait dahil hindi puedeng banggitin ang mga pangalan nila.)

BEN GARCIA: Gaano kahalaga ang SSS number?
Ang number ay lifetime iyan. Kahit saan ka man naging miyembro, halimbawa sa Pilipinas pa, paglabas mo ng Pilipinas dahil OFW ka na, iyan pa rin ang magiging number mo. Kaya mahalaga iyan. Subalit kung mawala man, nahahanap din natin iyan sa file, through your name and birthday.






(Ito naman ang ilan sa mga tanong na puede kong isama sa usapang SSS)

BEN GARCIA: Mula kay Christy ng Qortuba, sabi niya, nagtrabaho siya sa call center ng four months bago nag-abraod, paano daw ba mai-bi-verify kung pumasok ang four months contribution niya? Ayan My Uy, ang follow-up question ko diyan ay puede bang ma-access sa internet ang monthly contribution ng members.
FRANK UY: Hindi, mahirap, pero siguro, pagdating ng panahon baka puede, pero sa ngayon hindi pa. Hindi kasi iyan ma-i-tsek sa internet dahil mayroong hinihinging BR code na sa atin lang sa Pilipinas accessible. Now yung kay Christy na tanong, madaling mai-verify kung maibibigay mo sa akin ang buong pangalan at SSS number. Sa Pilipinas ko pa i-ti-tsek iyan.

BEN GARCIA: Mula naman kay Myrna ng Salmiya, nag-member daw po siya sa Pinas ng SSS pero ang based salary daw po ay KD120, now noong dumating siya sa Kuwait, KD60 lang ang suweldo niya, nahihirapan na daw siyang magbayad.
FRANK UY: Puedeng ire-adjust iyan, puedeng KD3 lang ang contribution. Punta ka lang sa embassy Myrna.

BEN GARCIA: Mr Uy mula kay Rochana Apolinar ng Jabriya. Ten years na daw siyang nagbabayad sa SSS this December, wala naman daw siyang loan, stop na ba daw siyang magbayad o ipagpatuloy pa rin niya?
FRANK UY: Nasa sa iyo ang disisyon, kung gusto mong mag-continue pa, puede naman, in fact-ini-encourage talaga namin ang mga miyembro na kung mayroon pang chance, e, magbayad hanggat kaya. Mas-mataas ang pension mo kung sakaling magpapatuloy ka. Pero iyan ay nasa sayo, dahil mayroon ka nang sampong taon, kung okay na iyan sayo, then, okay na iyan; may-option ka ika nga.

BEN GARCIA: Mag-aapat na taon na daw sa Kuwait si Levy, pero hindi pa niya nahuhulugan ang SSS niya dahil hindi raw niya alam kung kailangan pang ipa-activate ulit o magbukas ng panibago. Ano daw ba ang puedeng gawin?
FRANK UY: Sabi ko nga, onece a member is member, for life ka nang member. Kaya ako narito sa Kuwait upang magabayan kayo. Punta ka lang dito sa embassy to re-activate your membership.


BEN GARCIA: May SSS ako sa Pinas, gusto kong mag-change ng aking mga beneficiaries [status], puede ba iyang magawa dito sa Kuwait?

FRANK UY: Yes, again, iyan ang dahilan kung bakit ako narito sa Kuwait. Upang matulungan o ma-asistihan ang mga members na naririto. May-form na kailangang ifilled 'SSS members data form or E-4' para sa change ng status. Madali lang ito, punta ka dito sa embassy.

(Para sa karagdagang mga tanong at impormasyon ukol sa SSS, bumisita sa kanilang website: www.sss.gov.ph at puwede ring tawagan si Frank Uy sa Tel 25320224. Puedeng ring ma-access sa www.buhayatpagasa.blogspot.com ang artikulong ito. Maraming salamapot po!--Ben Garcia)

Pinag-aagawang patubig

Ang kaibigan kong duwende

Dear Kuya Ben,

Ako po si Narcisa Gallardo, tubong Bacuag, Pagao- Surigao Del Norte. Pito kaming magkakapatid. Pangalawa ako. Iyakin ako noong maliit pa ako at problema ako ng nanay ko kasi sa sandaling hindi ko makita ang mama ko, inu-umpog ko ang ulo ko sa kahit saan, basta matigas na bagay, sa kanto ng mesa, sa kanto ng katre sa pinto, kahit saan. Grabe akong pasaway noong maliit pa ako. Hanggang six years old ganuon ang ugali ko. Nang tumuntong ako ng seven years old, sobrang bait ko naman. Ako ang kasa-kasama ng nanay ko sa kanyang mga lakad at trabaho. Disin kasi, si mama ko lang ang laging kumikilos. Ang tatay ko iresponsable. Hindi ba makatayo sa sariling paa. Nanay ko lang talaga ng nagsumikap para mabuhay kaming magkakapatid. Madaling araw pa lang gumigising na ako para magtanim ng palay at tuwing anihan, ako pa rin ang gumigilik ng palay.
Yung kapatid kong panganay, walang hilig sa trabaho. Noong ten years old ako, pinag-laruan ako ng lamang lupa, dahil nga sa sobra siguro akong mabait. Nagkaroon ako ng matalik na kaibigan sa kanilang mundo. Lumalabas siya kung minsan at nag-aanyong tao, nakikita ko siya, pero hindi nakikita ng mga tao sa paligid ko. Minsan nag-aanyo siyang matanda, bata, pero babae siya, napakagandang babae, ginto ang buhok. Naging sakitin ako dahil gusto akong kuhanin ng mga kaibigan ko sa ilalim ng lupa. Pinagamot ako sa albularyo at nakita nga ang mga kalaro kong duwende. Binigyan ako ng pangontra, orasyon daw iyon. Pero nakikita ko pa rin sila, hindi nga lang sila makalapit sa akin. Dahil sa gusto ko pa rin silang makasama, inaalis ko ang orasyon, tinatapon ko, kaya tuloy ang pagkakasakit ko. Sabi ko sa nanay ko, huwag na nila akong ipagamot kasi yayaman sila kung sasama ako sa kanila [sa mga lamang lupa]. Ipinadala ako sa Palawan para doon ako ipagamot at ilayo sa mga kaibigan kong duwende. Sabi sa akin ng nanay ko kahit na mag-hirap sila at kumain ng buhangin, okay lang basta huwag lang akong mawawala. Mga 11 years old na ako noon ng ipadala ako sa Palawan sa mga tiyuhin ko. Doon ako pinag-aral. Hindi pa ako tapos ng High School ibinalik na ako ng tiyuhin ko sa mga magulang ko sa Bacuag, mga 16 years old na ako noon. Dahil sa mahirap pa rin ang buhay doon. Nagpasiya akong mag-working student kahit alam kong ako lang ang inaasahan sa bahay. Nag-stay ako sa mga tiyahin ko sa Bacuag. Nakatapos din ako ng H-school. Nagtuloy ako ng college sa tiyahin ko. Commerce ang kinuha ko, pero naka-third year lang ako dahil nadisgrasya ako ng boyfriend ko. Nabuntis ako sa panganay ko. Pero dahil sa bata pa siguro ako noon, at gusto ko pa rin namang mag-aral, nagpasiya akong iwan ang anak ko sa tiyuhin ko na walang anak. Sila ang nagpalaki ng anak kong panganay. Kinilala nilang anak ang anak ko, pero alam ng anak ko na ako ang kanyang ina. Okay naman ang buhay ng bata kasi ngayon, nurse na siya. Matapso iwan ang anak kong panganay, nagpunta ako sa Bislig Surigao, nagpatuloy ako doon sa pag-aaral. Working student pa rin, natapos ko ang pagiging teacher noong 1991. Pero hindi ako pumasa sa board. Hindi naman ako bobo, pero hindi ako pumasa. Sobrang lungkot ko noon dahil sa pagbagsak ko sa board. Sinisi ko ang Panginoon, gusto ko ngang magpakamatay dahil sa sobrang kalungkutan. Graduating na ako ng teacher ng mapangasawa ko ang asawa ko. Nagkaroon kami ng apat na anak. Yung asawa ko may kaya, mayroong lupa. Pero ayaw mag-trabaho sa lupa, gusto sa ibang company, ayaw niyang nahihirapan at nagbabanat ng buto. Kaya noong wala na halos kaming makain, nagpasiya akong mag-abroad. October 1997 ako dumating dito sa Kuwait. Yung kita ko na ipinadadala sa Pilipinas winawaldas lang ng asawa ko. Nauubos sa pakikipag-inuman, pambababae, kaya noong 2004 tuluyan ko na siyang iniwan. Sinikap ko pa naman sanang isave ang relasyon namin, pero wala nang panahon. Patuloy pa rin siya sa kanyang bisyo, walang pagbabago, hanggang sa bumalik ako na ako dito sa Kuwait. --Itutuloy

Saturday, December 04, 2010

Paa regalo ng amo sa anak ko

FB/FT accounts: Gamit ng kaibigan sa pansariling interest


(Sagot sa liham kasaysayan ni Mila)


Ang liham ni Mila ay idinulog ko po sa ilang mga taong mayroong alam at least sa batas lalo na sa internet. Ang makabagong teknolohiyang nagpapaikot ngayon sa mundong ating ginagalawan. Makabago. Kung kaya nga marami pa rin sa ngayon ay nangangapa sa tamang paraan ng pag-gamit nito. Minsan, nasosobrahan at nakakalimutan ang sarili. Kung ating babalikan ang history ng internet; ang emailing system, computer games, mga social networking tulad ng Friendster, Facebook, Twitter at kung anu-ano pa. Nagsimula lamang po iyan mga ilang taon pa lamang ang nakakaraan. Although ang emailing ay nagsimula iyan mga dekada 70 pa, pero hindi pa gamit ng publiko noon. Sa ngayon ay gamit na ng public. Lahat ng iyan ay malaking tulong sa ating lahat. Pero malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat ng mga gumagamit nito. Sana lang talaga ay gamitin sa tama. Ang mundo natin o henerasyong kinabibilangan ay tunay ngang nag-evolve drastically, lalo na sa pag-pasok ng makabagong computer.
Kung tatanungin mo ang mga kabataan ngayon, kahit na yung 4, 5 years old lamang, alam na nila ang computer. Alam nila ang pasikot-sikot sa mundo ng internet. Noong kabataan namin, wala pa iyang internet. Kung bakit ko iyang binabanggit dahil ang gusto kong ipoint-out dito... bago po ito. Sa ibang mga bansa wala pang mga batas na sasaklaw sa mga krimen may-kaugnayan sa internet. In fact sa Pilipinas, sinimulang pag-usapan ang pagsasabatas ng internet crimes noong 2008 lamang. Mayroon nang mga regulations pero para icriminalized ang internet crimes, umusad lamang po iyan mula noong 2008. Dininig at pinag-usapan noong 2009, hindi pa rin natapos ang debate hanggang sa pumasok ang January 2010 kung saan pinal naisabatas sa Pilipinas ang tinawag nilang Cybercrime bill.
Ito ang listahang kasama sa krimen may-kaugnayan sa internet. Kung ang isang gumagamit ay illegal na-nakapasok o naka-acces sa'yong personal accounts, illegal interception, data interference, system interference at misuse of devices. Covered din sa batas na ito ang mga related offenses tulad ng computer forgery, computer-related fraud, cybersex, child pornography, unsolicited commercial communications such as aiding or abetting the commission of cybercrimes. Sa Pilipinas iyan. Kung sa atin, nitong taon lamang nagkaroon ng batas sa cyber crimes, hindi malayong ang ibang bansa ay ganun din. In fact sa Kuwait sa pagkakaalam ko, wala pang masasabing batas na tutugis sa mga lumalabag sa karapatan ng gumagamit nito. Habang mayroon silang mahigpit na mga panuntunan o patakarang sinusunod dito, pero iyon ay puro inter-agencies regulations pa lamang at hindi pa tuluyang naisasabatas tulad ng ginawa sa Pilipinas.
Dahil sa bago pa lamang ito, marami pang mga testing's o pag-aaral (trial and error stages). Kaya kung mayroong batas, hindi pa iyan gaanong nasusubukan. Aminado ang mga nasa gobyerno ng ibat-ibang bansa na kahit na nga mayroon nang batas ukol sa internet crimes, nahihirapan pa rin talaga silang kontrolin ang paglaganap ng krimen gamit ang internet.
Kung nagbabasa kayo ng mga balita, ang pinakabagong krimen ngayon na na-naglalagablab at mainit na pinag-uusapan ay ang wikileaks. Ang pag-leak ng mga classified information galing sa US State Department. Yung mga impormasyong pang-pribado or confidential ay unti-unti na ngayong lumalabas sa publiko. Katakot-takot ang ginawang pagpipigil dito ng US para hindi mailabas o mailantad sa publiko, pero wala silang nagawa dahil ang gamit ay internet. Lumabas ang mga classified information at isa ito sa dambuhalang usapin sa international scene sa ngayon.
So, ito ngang ganitong klaseng impormasyon, na kung tutuusin ay puedeng gawan ng paraan ay hindi pa napigilan, e yung mga bagay pa kaya na personal na hindi naman tayo ang may-control? Na-aalala nyo ba ang eskandalong hindi mabilang sa Pilipinas dahil sa internet? Nariyan ang Hayden Kho scandal, mga litrato ng hubad na larawan ng mga artista, maging ang ating presidente noon na si Pangulong Arroyo ay hindi nakaligtas diyan. Sa ngayon, nakagawa na rin ng batas ang Pilipinas laban diyan, pero wala pa ring malinaw sa solusyon o mas-mabilis na aksyon para labanan ang krimen gamit ang internet. Naalala niyo ba ang 'LoveBug' virus na rumagasa sa buong mundo noong 2003? Umano ang creator nun ay isang Filipino student. Bilyong dolyar 'lang' naman ang halaga ng mga nasirang computer files at pinasok maging ang pinakamakapangyarihang US State Department (Pentagon). Hindi naparusahan ang istudyante.
Kung kaya, isang payo ang gusto kong ibigay sa inyo. Kung ikaw ay pribadong tao, mag-ingat sa pagamit ng internet. Kung gagamit ng internet, tanggaping ang medium na iyan ay mayroong kapalit, puedeng ma-hack. Kapalit ang hindi natin minsan puedeng kontrolin.
Walang masama sa technology, dapat natin iyang yakapin at bigyang halaga.
Ang technology mga kabayan ay patuloy na mag-iivolve. Ang mga goyerno sa ibat-ibang panig ng mundo ay trial and error ang estado sa ngayon. Kasi, hindi pa completely well-defined kung papaanong haharapin ang makabagong teknolohiyang ito. Pero darating din ang panahon na magkakaroon ng mas-maliwanag na batas ukol dito. Mayroong mga existing rules and guidelines ang mga networking sites, mayroong mga batas na ngayon na puedeng sumaklaw sa krimen may-kaugnayan sa mass-communication na ito; pero hindi pa well-tested and well-crafted ang mga iyan. Maaaring magbago o patuloy na mag-inog. Kaya hinay-hinay lang muna. Mayroong mga paraan ang mga web-servers kung papaano labanan ang mga crimes sa internet. Mayroon silang mga kanya-kanyang paraan, tulad halimbawa sa hotmail, yahoo, facebook, gmail, twitter at friendster kung saan sila mismo ang nag-si-set ng implementing rules para sa kanilang mga users.
In fact Mila, yung sa Friendster mo ay pina-block at delete abuse na po iyan sa network provider ng FS. So under investigation na ngayon iyan ayon kay Demetrius Reyes, isang kaibigan na nagmagandang loob para matulungan ka sa problemang mong iyan. Ukol sa Facebook, ginagawan din niya iyan ng paraan para tuluyang maipa-block ang account gamit ang pangalan at ang sarili mong profile.
Gusto ko lamang iparating sayo Mila, na, malabo pa ang paghahabol mo ng katarungan ukol sa ganyang uri ng krimen. Puede mo iyang ireport sa pulis at maaaring subaybayan ang taong gumagamit ng account mo. Puede mo rin namang kasuhan siya, pero willing ka ba na gumastos ng malaking halaga para ipaglaban ang karapatan mo? Isa pang tanong willing ka ba na mag-hintay ng mahabang panahon para sa ikalulutas ng problema mong iyan?
Dahil sa ang krimen ay naganap sa Kuwait ang law ng Kuwait ang dapat umiral. Pero tulad ng sinabi ko, sa Kuwait, hindi pa rin po well-defined ang batas nila dito sa internet crimes. Sila mismo ay struggle sa kung papaanong mapipigilan ang pag-laganap nito. Marami-rami na ring mga locals nila, ibig kong sabihin mga Kuwaitis ang nakukulong dahil sa involvement nila sa internet crimes, pero, eventually napapalaya din dahil sa hindi pa nga ganuon kalinaw ang batas ukol sa krimen gamit ang internet.
Mayroon akong lawyer na pinadalhan ng liham mo Mila, ayaw na niyang magpabanggit ng pangalan sapagkat wala siya dito sa Kuwait, ito ang kanyang komento: 1. Dapat alamin muna ang applicable Kuwait laws dahil ang pangyayari happened in Kuwait. The applicable laws are those of Kuwait. 2. Dapat ding sabihin na may kasalanan din si Mila dahil ipinagamit nya ang kanyang account sa iba, (in your case pinagkatiwalaan ang kaibigan mo). Hindi ito ninakaw o patago na ginamit, alam mo ang ginagawa niya. Kusa mo itong ipinagamit, kaya magdusa ka sa kahinatnan nito. 3. Hindi mo mapapatunayan na ang naninira ay si Linda dahil account niya (account mo) ang ginagamit ni Linda.
Ang magandang gawin dito ay pumunta sa Embassy baka puede siyang matulungan doon ng Labor Attache o kung hindi man ay ang Welfare Officer ninyo diyan. Lumagay lang sa ayos para hindi kahiya-hiya sa bandang huli.
Iyan po ay komentong padala sa akin ng isang kilalang lawyer na ayaw nang magpangaggit pa ng kanyang pangalan. Maraming salamat sa tiwala Mila.

(Puede n'yo pong balikan ang kanyang estorya sa blogsite na nakapost sa itaas na bahagi ng portiong ito. Sorry doon sa mga nagbigay opinion at hindi napasama ngayong araw. Hayaan ninyo't bibigyan daan ko po iyan next week. Kung nais maging laman ng Buhay at Pag-asa column, makipag-uganayan po sa Tel 97277135)
Editor's Note: Magbabalik po ang Embahada at Ako sa susunod na Linggo. Kung mayroon kayong mga tanong ukol sa SSS, mangyaring ipadala through SMS sa number na iyan na makikita sa itaas. Ukol po sa mga usapin sa SSS ang isusunod nating paksa. Abangan!