Saturday, December 11, 2010

Karumaldumal na pagpatay sa




KUWAIT: Si Ambassador Shulan Primavera, gitna, kasama sina Vice Consul Sheila Monedero at Assistance to Nationals Unit officer Halim Langco.-Kuha ni Ben Garcia



Ni Ben Garcia


KUWAIT: Matapos ang ilan linggo ring imbestigasyon ng mga tauhan ng Philippine Embassy katulong ang mga awtoridad sa Kuwait, lumabas sa kanilang masusing pag-sisiyasat na tsismis at walang katotohanan ang umano'y brutal na pagpaslang sa mag-asawang Pilipino sa Kuwait kamakailan. Magugunitang ilang linggo ring umugong ang umano'y karumal-dumal na pagpaslang sa mag-asawa, subalit ayon sa embahada, walang katotohanan ang tsismis at pawang mga haka-haka at walang matibay na ibedensiya ang puedeng makapagpatunay sa pamamaslang.
Nakakaalarma ang mga umugong na tsismis, dahil ayon sa kumalat na impormasyon, umano, kinidnap ang mag-asawang Pilipino, hinalay at pinatay sa harapan ng lalaki ang kanyang asawa, pinugutan ng ulo, habang agaw buhay naman umano sa ospital ang lalaki matapos gahasain at hatawin sa ulo.
Sa pulong balitaan ng embahada noong Lunes, iginiit ni Philippine Ambassador to Kuwait Shulan Primavera na hanggang ngayon ay puro haka-haka lamang at wala pang lumulutang na testigo ukol sa pamamaslang.
"Kung totoo man ang impormasyong ito, sa ngayon ay lumutang na sana ang mga abala at sangkot na parties. Tulad halimbawa ng pulis, ospital, yung mga katrabaho, kasambahay at kapamilya ng mga biktima. E hanggang ngayon nangangapa pa rin tayo sa impormasyon," wika ni Ambassador Primavera. "Sa tingin ko, ang impormasyong ito ay based on unfounded hearsay without evidence."
Sinabi ng ambassador na personal nilang pinuntahan ang Department of Forensic Evidence, ang Salmiya Police Station, ang Mubarak Hospital at maging ang Criminal Investigation Department, subalit sila man ay walang natanggap na report ukol sa bayolenteng patayan na sangkot ang mag-asawang Pinoy. Ayon kay Ambassador Primavera, noon pang bago ito nag-circulate sa Filipino community sa buong Kuwait, inatasan na niyang imbestigahan at iverify ang katotohanan ng impormasyon.
"Sa ilalim ng pamumuno ni Sheila Monedero, kasama si Assistance to Nationals Unit (ANU) officer Halim Langco, inilunsad ang operasyon upang imbestigahan ang mga bali-balita. Inisa-isa nila ang records ng pulis at ospital at wala po silang natangpuang insidenteng sangkot ang mag-asawang Pinoy. Kung tutuusin, magandang balita ito sa atin, at hangad ko na sana, walang ganitong uri ng pangyayari na sangkot ang Pinoy."
Iginiit pa ng ambassador na kung totoo mang may-ganitong uri ng balita, noon pa ay nalaman na ito ng mga local police.
Sa katunayan, natanggap din ng Kuwait Times ang balitang ito may-tatlong Linggo na ang nakakaraan, agad din naming pinuntahan ang mga lugar kung saan umano dinukot ang mag-asawa, subalit kami man ay bigong makakuha ng sapat na ebidensiyang puedeng gawing gabay sa balita.
Nanawagan si Ambassador Primavera sa lahat ng Pinoy sa Kuwait na mag-ingat sa pagpapakalat ng mga walang basehang balita. "Ang ganyang uri ng gawain ay puedeng makasama sa ating imahe at puede iyang maghasik ng takot at pangamba hindi lang sa mga Pinoy kundi maging sa ibang lahi. Tayo ay mga dayuhan sa Kuwait, hindi magandang pagmumulan tayo ng masamang balita na walang basehan," dagdag nito.
Ayon pa sa kanya, ang pagpapakalat ng warning o babala na mag-ingat sa mga ispisipikong lugar sa Kuwait ay hindi rin nakabubuting paraan ng pagmamalasakit sa kapwa. Isang miyembro kasi ng Filipino community ang nagpakalat ng email kung saan binalaan ang mga Pinoy na mag-ingat sa mga lugar na binanggit niya [ng sumulat] sa Kuwait. "Oo ngat ang warning ay ginawa upang magbigay abiso o babala lamang, pero ang ganitong uri ng pagmamalasakit ay mapanganib dahil hindi natin ito bansa. Puede itong masamain ng Kuwait at puede tayong akusahan ng paghahasik ng takot at pangamba. Nakausap na namin ang nagpakalat ng email at humingi na naman siya ng paumanhin."
Ang paglutang ng embassy upang linawin ang issue ay naganap isang araw matapos ding pabulaanan ng Ministry of Interior ang ukol sa mga umugong na balita sa Filipino community. Ayon kay Brigadier General Sheikh Mazin Al-Jarrah, ang Assistant Managing Director for Governorates Affairs at ng Criminal Investigation Department ang lumutang na balita ay walang katotohanan.

(Ang balitang ito ay lumabas sa Kuwait Times-local page section noong Martes. Isinalin sa Filipino sa kapakanan ng mga kababayang nagbabasa ng Panorama tuwing araw ng Linggo.)

No comments:

Post a Comment