BUHAY AT PAG-ASA
Ni Ben Garcia
Arcelyn napako sa Kuwait: Pangako sa boyfriend napako
(Ipadala ang kuwento ng inyong buhay sa PO Box 1301 Safat 13014 Kuwait o mag-email sa radio_bengarcia@yahoo.com kung gusto nyong mailimbag ang inyong kuwento kasama ng inyong larawan ipadala ang 2X2 photo, o anumang klarong kopya ng inyong larawang. Ito po ay optional. Bumisita sa aking blog site: www.buhayatpag-asa.blogspot.com)
Dear Kuya Ben,
Ako po si Arcelyn Demoy. Tubong Zamboanga del Sur. Tatlo po kaming magkakapatid. Ang ama ko ay simpleng magsasaka lamang. Mayroon namang maliit na tindahan ang aking ina. Isang araw nagpaalaam ang papa ko na gustong magbakasyon sa kanyang bayan sa Lanao del Sur, pumayag naman ang mama, pero ilang araw lang ang nakalipas dumating ang pinsan ng papa ko sa bahay namin at ibinalita sa aming mayroong malubhang karamdaman ang Tatay. Pinuntahan siya ng Nanay ko at ipinagamot. Gumaling naman ang Tatay ko. Nang umuwi sila, nagtuloy agad sa tindahan, pero ninakawan ang tindahan namin, ang natira ay isang posporo at isang kilong asin. Parang hindi makapaniwala ang nanay sa nangyari. Simula noon, nawalan na rin ng ganang magtinda ang Nanay ko, sinira niya ang tindahan at lagi na lang siyang galit sa papa. Ang papa ko naman wala lang kibo, sobrang bait kase niya, ni konteng salita wala siyang binitiwan sa mama ko. Isang araw, naglalaro kami sa kalsada ng patentero ng mga kaibigan ko. Nakita ko ang Tatay na napakaaliwalas ng mukha. Ang Mama tulog na. Noong mag-11 o'clock na ng gabi, nilapitan ako ng Tatay at sinabing matulog na raw kami, gabi na. Bandang alas kuwatro ng madaling araw, nilamig daw ang Nanay ko at gustong yakapin ang Tatay, pero wala ito sa tabi niya, nalingat ulit ang mama ng alas singko, pero wala pa rin ang Tatay sa tabi niya. Bumangon ang Nanay at medyo kinabahan. Umikot siya sa aming bakuran dahil inisip niyang nasa bakuran lamang ito.
Bigla siyang nagulat sa nakita niya sa punong kakao, ang Tatay, itinali ang leeg sa kakao. Nagsisigaw ang Nanay ng Makita iyon. Nagigising ang mga kapitbahay at nabigla sila sa sigaw ng Nanay, wala namang may-sakit sa amin, pero patay ang sinisigaw niya. Malamig nang bangkay ng ibaba siya sa punong Kakao. Hindi namin alam kung bakit nagawang patayin ng Tatay ang kanyang sarili. Pero siguro sumuko na siyang buhayin kami.
12 years old na ako ng mangyari iyon. Lalo tuloy kaming nahirapan. Pinatigil ako ng Mama sa eskuwela, pero, sinabi ng guro ko na huwag akong patitigilin sa pag-aaral, kaya nahirapan man ang Nanay sinikap niya na lang na pag-aralin ako. Third year high-school na ako ng magdisisyon akong magtrabaho bilang katulong. Tumigil ako sandali sa school at nung 4th year na ako, kinuha ako ng pinsan namin sila na raw ang magpapaaral sa akin, sa isang kundisyon na huwag daw muna akong may-bu-boy-friend. Pumayag naman ako. Nung malapit na akong mag-graduate mayroong nangyaring hindi inaasan, pinasok ako ng asawa ng pinsan ng Mama ko, ang itinuring kong pangalawang magulang. Pero hindi siya nagtagumpay dahil sinipa ko siya. Nalaman iyon ng babae, at hinarap niya ang kanyang asawa, hindi man lang nakakibo, kasalanan niya kase, inihatid ako sa kaibigan niyang doctor para makapag-tapos daw ako ng pag-aaral. At sila na nga ang gumastos para sa pag-aaral ko sa koleheyo. Gabi ako nag-aaral at nagtatrabaho naman ako sa kanila kung araw.
Okay lang iyon dahil pangarap ko talagang makapag-tapos ng pag-aaral. Doon ko nakilala ang aking boyfriend. Una, kaibigan, pero nagtapat siya sa kanyang nararamadaman. Gusto ko rin siya, kase mabait, maalalahanin, sa katunayan, siya ang sumusundo sa akin pagkatapos ng eskuwela sa gabi. Pero di ko alam, chickboy din pala, nahuli ko siyang mayroong kasamang iba. Hindi ako nagpahalata sa kanya, pero mula noon, parang nasaktan ako ng todo, dinamdam ko iyo, at minsan nakakapasok ako sa eskuwelang laseng. Noong 4th year college na ako, isang semester na lang, tumigil ako, dahil mahirap na rin ang mga projects, nahihiya na akong humingi sa nagpapaaral sa akin.
Sinabi ko na rin iyon sa nagpapaaral sa akin, wala naman silang sinabi na disisyon ko raw iyon. Pero nung umuwi ako, sa bahay naroon na ang boyfreidn ko, humihingi ng sory, pinatawad kona siya, at sinabi niyang ipagpatuloy ko raw ang pag-aaral ko, total isang sem na lang tapos na, so nakinig ako sa kanya. Noong malapit nang graduation namin nagpunta siya noong gabi para bumati sa akin, nagpaalam na rin ako na gusto kong umalis at mag-abroad, kaya nagpaalam ako sa kanya. Ayaw niyang pumayag, gusto niya pakasal na raw kami at magsama. Pero hindi pa talaga iyon ang plano ko, gusto ko pang makatulong sa pamilya ko, so sinuhay ko ang gusto niya.
Umiyak siya sa akin, nakita ko ring mahal niya talaga ako, nangako naman ako na siya ang una at huli kong BF. Umalis akong umiiyak dahil sa iiwanan ko siya, pero tuloy ang aming kumunikasyon, pangako ko sa kanya, dalawang taon lang akong mag-aabraod. Natapos ang 2 taon, sabi ko sa kanya, uuwi ako, pero 2 buwan lang ako sa Pinas at babalik ding muli sa Kuwait para ipagpatuloy ang pagtatrabaho, ayaw niyang pumayag, naramdaman kong nahihirapan na rin siya, ako rin ay ganuon din, kaya nagpasiya tuloy ako, na huwag na lang umuwi para hindi mahirap umalis. Naputol ang kumunikasyon namin mula noon. Tapos anim na buwan ang nakalipas, nabalitaan kong may-asawa na siya. Kinunfirm iyon sa akin ng Nanay ko, butis na raw ang babae, masakit man pero inihanda ko na rin ang sarili ko sa ganuong scenario, sobrang sakit, pero nangibabaw pa rin sa akin ang aking pamilya.
Makalipas ang ilang buwan, tumawag siya sa akin, ako daw ang mahal niya, di niya raw pinakasalan ang babae niya, dahil di niya raw ito mahal. Lumayas daw siya at nagtungo ng Palawan. Ano ang mabuti kong gawin, di ko rin matanggap sa buhay ko na mayroon na siyang anak sa iba. Tama ba ang inisip ko na mag-sinungaling na lang ako, may-asawa na rin ako?
Gumagalang at Nagpapasalamat,
Arcelyun Demoy.
Dear Arcelyn salamat sa tiwala sa palatuntunang Buhay at Pag-asa. Pero bago ang lahat, marami itong kaibigan si Arcelyn na gustong batiin sa palatuntunang ito, tulad nina Jane, Maridel, Neni, Amen, Thata at Ms Bergole. Hello sa inyo mula iyan kay Arcelyn.
Bueno, nakita ko sa sulat ni Arcelyn ang nagtatalong damdamin sa pamilya at pagtingin sa kanyang boyfriend. Iyan ang pinakadahilan kung bakit di makausad si Arcelyn. Gusto niyang bigyang pansin ang kanyang mga immediate family bago ang lahat. Pero tama raw ba na magsinungaling na lang siya -- na mayroon na rin siyang asawa. Hindi rin daw kaya ni Arcelyn na tanggapin na mayroon nang anak ang kanyang boyfriend. Arcelyn, sino kaya sa palagay mo ang niloloko mo, sino kaya sa palagay mo ang lalong masasaktan kung sakaling ganyan nga ang gawin mo. Di ba sarili mo rin.
Eh papaano nga kung mahal ka ng BF mo? Biruin mo di niya pinakasalan ang babaeng nadisgrasya niya para lang sayo. Oo medyo mali siya doon dahil nagpadala siya sa tawag ng laman, pero mayroong mga bagay na siya lang at ng babaeng iyon ang nakakaalam, baka naman inakit lang siya, baka naman mayroon silang usapan na hindi magsasama. Hindi natin alam, mayroon kaseng ganyan na ngayong babae, na magkaroon lang ng anak tama na. Pero since na tumakas siya at nagpakalayo at nagtungo ng Palawan, ibig sabihin baka humahabol ang babae, so ang bagay na iyan ay dapat munang mai-klaro sayo ng boyfriend mo, pero huwag mo na lang lokohin ang sarili mo. Sa tingin ko mahal mo pa rin siya kaya ka nasasaktan, kaya ka nahihirapang tanggapin ang kanyang anak sa ibang babae. Natural lamang ang nararamdaman mo. Kung mahal mo siya, umuwi ka rin muna, ayusin mo ang relasyon na binuo niyo, alalahanin mo na mayroon kang pangako sa kanya, kaya nga siya naghintay ng dalawang taon, pero di ka umuwi, alalahanin mo na mayroon kayong salitang binibitawan na eventually pinanghahawakan ng bawat isa sa inyo. Kaya nagtiwala din siya sayo, pero hindi mo iyon tinupad, kaya, partly mayroon ka ring kasalanan kung bakit siya nahulog sa isang pagkakamali, na ngayon gusto mo siya lang ang mag-suffer. Huwag namang ganyan! Kung maaayos ninyong muli ang nasira niyong relasyon ayusin niyo. Mag-usap kayong mabuti tungkol sa bagay na iyan. Sabihin mo rin sa kanya, na magpakalalaki siya sa pagharap sa responsibilidad. Kung nagkamali man siya, we are all subject to it, magsisi at bumangong muli. Ang pag-harap sa responsibilidad lamang ang magpapatahimik sa kanya at sa iyo na rin. Humingi siya ng paumanhin sa babae at sabihin niya doon (sa babae) ng tuwiran na wala siyang pagtingin at hindi siya magiging masaya kung silang dalawa (ng babaeng nabuntis niya) ang magsasama. Humingi ka rin ng patawad sa hindi mo pagtupad sayong pangako, upang ang pakong nakapako sa inyong relasyon ay muling mabigyan ng kaluwagan.
No comments:
Post a Comment