'Dahil sa mantika, Lucky Girl, isinubsob sa sapa, gustong patayin'
Parusa ng Langit?
Dear Kuya Ben,
(Sa pagpapatuloy...) Nangako si Tatay na hindi na ako ulit sasaktan. Pero isang araw na naman, nung kainin ng pusa ang isdang piniprito ko, sandali lang akong nagpunta ng CR, pagbalik ko, iyon na nga, katakot-takot na namang palo ang natanggap ko mula sa aking ama. Mayroon pang isang pagkakataon na binuhusan ako ng kumukulong tubig sa puwetan, kaya ayon, grabeng lapnos ang tinaggap ko, pero ni isa sa mga kapatid ko, o nanay ko, di ko sila nakitaan ng suporta. Kaya hindi mo maiaalis ang galit ko sa kanila. Nagkaroon ako ng inferiority complex dahil sa ganung kahirap na pinagdaraanan ko sa buhay. Nung high school ako, doon ko naisip na makisali sa lahat ng kagagahang puedeng gawin, sugal, bisyo, drugs. Naging rebelde ako sa pamilya. Nakisali sa mga fraternity at noon ngang huli, nahuli kami ng pulis. Kung hindi rin sa kapitbahay naming pulis, hindi siguro alam ng pamilya ko na dalawang araw na ako sa kulungan. Ibinenta ang isang kalabaw para lang makalabas ako sa kulungan. Pero naghihintay na naman ang mas matitinding palo ni Itay. Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya, kaya talsik ang isa kong ngipin sa harapan. Pinagsisihan ko ang pagsama sa mga fraternity. Wala rin talagang magandang ibinunga sa akin.
Matapos noon, pinalayas nila ako sa bahay at muli akong tumira sa tiyahin. Itinuloy ko ang pag-aaral, salamat na lamang at mayroon akong naging inspirasyon, si Eric. Galing siya sa may-kayang pamilya. Siya ang nangakong susuporta sa akin sa lahat ng aking pangangailangan. Hulog siya ng langit sa akin. Kinuhanan niya ako ng apartment malapit sa eskuwela. Pero hindi rin iyon nagtagal, kase, pinauwi ako ng magulang ko sa amin. May sakit daw ang Nanay. Gaano man sila kasama sa akin, hindi ko sila magawang tikisin. Kaya bumalik ako, ako pa rin ang alila, utusan sa bahay. Sinabihan pa akong kailangan kong bayaran ang halaga ng kalabaw na ipinang-tubos nila sa akin. Nagsumikap ako, tumanggap ako ng part-time job para makapag-aral sa kolehiyo. At the age of 18, nagtrabaho ako sa canning industry sa amin, kumikita naman kung tutuusin, pero ang lahat ay ibinibigay ko sa aking magulang na naisip kong kailangan kong bayarang lahat ang gastos nila mula ng isilang ako at hanggang sa akoy nabubuhay. Ginagawa ko rin iyon, dahil gusto kong patunayan sa kanila, na hindi ako salot sa pamilya, mayroon akong silbi. Kaya kahit halos 24 na oras ang trabaho sa canning industry, nagtitiis ako. Matapos ang six months, nag-pasya akong magtrabaho sa Taiwan. Nakaalis ako at nagtrabaho doon. Noong nakapagpadala na ako ng malaki-laking pera. Sa katunayan nakabili ng sasakyan ang tatay ko. Nabigyan ko rin ng pagkakataong makapag-aral ang panganay at bunso kong kapatid. Nagkasakit ako at kinailangang umuwi sa Pinas. Noong gumaling ako, nagdisisyon akong mangibang bansang muli. Singapore ang sumunod na bansang napuntahan ko. Dalawang taong straight ako sa Singapore at umuwi sa Pinas. Doon na nag-propose si Eric na magpakasal na raw kami. Lihim akong nag-file ng application papuntang Kuwait. A day before our wedding, nag-runaway ako, iniwan ko si Eric. Inisip ko kaseng mapapako ako sa Pinas, kaya ginawa ko iyon. Sa kabilang banda pinagsisihan ko ang pagkakataong iyon. Isa pa pinaubaya ko na kay Eric ang lahat, pero, dumating nga ang pagkakataon na kinakailangan akong umalis. Noong narito na ako sa Kuwait, umiiyak na tumawag sa akin si Eric, umuwi na raw ako at patatawarin niya ako, basta, matuloy lang daw ang kasal. Sinabi ko sa kanyang hintayin pa ako hanggang sa matapos ko ang kontrak ko, pero, isang araw, nabalitaan kong mayroon na itong iba, nagkaanak at hindi na siya puede pang agawing muli.
Kuya Ben tanggap ko ang nangyari sa akin with Eric, siguro ko nga ito ang aking tadhana. Pero hindi ko lubos maisip at parang hindi abot ng aking pag-iisip ang ugaling ipinakita sa akin ng pamilya ko. Gusto kong harapin once ang for all ang katotohanan sa buhay ko. Hindi ko alam, nararamdaman kong hindi nila ako parte ng pamilya. Para bang ampon ako? Iyan ang gusto kong malaman. Ano ang dapat kong gawin?
Gumagalang at nagpapasalamat,
Lucky Girl
(Lucky Girl, abangan mo ang aking sagot next week! Maraming salamat sa'yong tiwala)
No comments:
Post a Comment