Mga tunay na buhay ng mga Filipino sa Kuwait. Sila ang bida at tauhan sa Buhay at Pag-asa. Programang laan sa ating mga kababayan. Unang sumahimpapawid sa Radyo Pinoy 96.3/Radio Kuwait noong taong-2000, tinangkilik ng libu-libong OFW's. Tumagal sa ere hanggang July 2003. January 2004, nagsimula ang Buhay at Pag-asa bilang lingguhang pitak sa Kuwait Times, kasama ng Filipino Panorama-nagpapatuloy hanggang ngayon... Salamat sa inyong tiwala! Welcome po ang inyong mga opinyon sa column na ito.
Sunday, October 17, 2010
Kambal na pasakit
Masaya akong wala siya
(Huling yugto sa padalang liham kasaysayan ni Marites Tura)
Kung bakit nabuksan ang ginagawa ng asawa ko sa kapatid kong 9 years old pa lamang that time ay dahil sa sumambulat ng iyak ang kapatid ko habang naglalaba sa may-poso malapit sa amin. Nagulat ang mga taong naroroon, nag-hinala ang mga naroroon na baka inaabuso ang bata. Kinuha siya ng kapit-bahay naming taong simbahan, kinausap, at nagsabi ng totoo ang kapatid ko. Kasi noong umaga pala noon, ginamit siya ng asawa ko. Agad siyang ipinatingin sa doctor at nalaman ngang totoo ang sinasabi ng kapatid ko. Dinala siya sa tiyahin ko, sabi ng mga pulis sa kanila, huwag munang ipapaalam sa amin ang nangyari kasi, gagawa pa raw sila ng warrant of arrest para sa asawa ko. Sa bahay naman, mayroon nang pulong na nagaganap sa bahay ng lola ko, hindi ako isinali, naroroon lahat ng kapatid ko. Maya-maya, nagtatakbuhan na ang mga kapatid kong lalaki, hinahanap na sa akin ang asawa ko. Sabi ko, andun sa kakahuyan. Sabi ko sa kanila ano ang nangyayari, bakit kayo parang mga buang na-nagtatakbuhan? Nagsitakbuhan ang mga kapatid ko patungo sa lugar kung saan naroroon ang asawa ko. Ako naman, para na akong naguguluhan sa mga nangyayari sa paligid ko. Maya-maya pa dumating ang mga pulis kasama ng mga tito ko, tumuloy din sa kakahuyan na kinaroroonan ng asawa ko. Marami nang nakatingin sa bahay, yung isang miron, sabi sa akin, wala ba daw talaga akong alam na ni-rape ng asawa ko ang kapatid ko? Wala akong naisagot, ang alam ko, nagpunta ako sa loob ng bahay, kumuha ng itak para patayin ang asawa ko.
Noong tumatakbo ako patungong kakahuyan, pinigilan ako ng mga pulis. Kinuha ang itak na dala ko at ang alam ko lang naroroon na ako sa loob ng bahay. Nahimatay pala ako sa sama ng loob. Na-corner nila ang asawa ko, umamin sa kasalanan niya. Binawian kami ng mga anak ko ng sarili kong mga kapatid. Nariyan at naranasan naming pagkaitan ng pagkain. Binugbog din nila ang mga anak ko, dahil alam na raw namin ang kamanyakan ng asawa ko, hindi pa raw namin sinasabi. Sobrang hirap ang naranasan namin matapos na makulong ang asawa ko. Nahinto ang mga anak ko sa pag-aaral, dahil wala naman akong trabaho, wala na akong gagastusin sa kanila. Wala na nga kaming makain noon. Kaya matapos ang ilang buwan, nagpasiya na akong umalis at nagtungo ako sa lugar ng asawa ko sa Zamboanga. Hindi ko pa dala ang mga bata noon, pero ang plano ko talaga, kausapin ang nanay ng asawa ko na pansamantala nilang kupkupin ang mga anak ko. Pagpasok ko sa bahay nila, nagulat ako, naroroon ang asawa ko. Gusto akong yakapin, tinadyakan ko nga at hindi na siya nakalapit pa sa akin. Nakalaya ang asawa ko dahil pala sa na-closed daw ang kaso, wala daw kasing uma-attend sa hearing ng kapatid ko. Iyon pala, yung abugado nabayaran na. Pinadadalhan daw kami ng notice para sa hearing, hindi ibinibigay sa amin ng abugado ang notice kaya walang nakaka-alam na mayroon palang hearing. Kaya isinara ang kaso laban sa asawa ko at naka-laya na siya.
Doon na rin ako nagtrabaho sa Zamboanga bilang katulong. Ang sahod ko ay P1,200 lang masaya na ako noon kasi sa tuwing sahod, pinupuntahan ko sila sa lola nila. Tatlong taon ang ganuong sitwasyon ko. Nakikita ko ang asawa ko na naroroon sa nanay niya, wala na akong pakialam sa kanya. Hanggang sa na-boring na rin ako at sobrang nalungkot sa nakikita kong sweetness ng pamilyang napuntahan ko. Lagi na lang akong umiiyak kasi yung mga anak ko wala mang ganuong buhay. Kaya nagpaalam akong aalis na lang, mababait ang mga amo ko, agad naman silang pumayag nang magpaalam ako. Sa isa kong tiyahin sa Zamboanga City ako tumira, doon naman, nakakita ako ng magaang na trabaho. Bantay sa isang sari-sari store. Sa unang sahod ko, bumili ako agad ng cellphone hanggang sa makilala ko sa pamamagitan ng text ang isang taong naging tatay ng bunso kong anak. Nagmamahalan kami, pareho halos ang buhay namin, kaya mabilis kaming nagkaunawaan. Apat na taon na ngayon ang anak namin, ang bago kong asawa, taxi ang dina-drive niya ngayon. Sa April 2011 ang uwi ko sa Pilipinas. Gusto na naming magpakasal sa pag-uwi ko. Pero kasal ako sa una kong asawa. Gusto ko pa ring maipakulong ang dati kong asawa para magkaroon ng tunay na hustisya ang kapatid kong babae na halos isang taon niyang ginahasa. Ano kaya ang mabuting gawin para maipakulong ulit siya?
Gumagalang at nagpapasalamat,
Marites Tura
(Inaanyayahan ko po kayong ibahagi sa pamamagitan ng text messages ang inyong opinion, o comments sa nabasa ninyong liham kasaysayan. Ipada ang mensahe sa Tel 97277135. Kung gusto mo namang ibahagi ang iyong kuwento, puede rin po kayong makipag-ugnayan sa numerong iyan, para sa mas-mabilis na praan ng pagpapadala ng inyong mga liham. Maraming salamat po!)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment