Sunday, October 24, 2010



POLO: Katuwang ng Pilipino sa usapin ng trabaho, empleyo


Last week naibalita ko sa Kuwait Times daily (Oct 18, 2010 issue) ang tungkol sa labor agreement na maaring pirmahan ng Pilipinas at Kuwait sa malapit na hinaharap. Ito ay mahalagang balita para sa ating lahat at balitang dapat nating ikatuwa, kung ang pirmahan ay maganap. Nakapanayam ko si Labor Attache Vivo Vidal ukol sa usaping ito at magiliw naman niyang sinagot ang aking mga tanong ukol sa isyu. Sabi nga niya, kung magkakasundo ang dalawang bansa at magko-cooperate sa usaping ito, maaring magkaroon ng pirmahan at makinabang ng malaki ang mga Pinoy workers sa Kuwait. Ang usapin sa bilateral labor agreement ay lumutang dahil sa lumabas na balita noong unang bahagi ng Oktobre kung saan posible umanong suspendehin ang pagpapadala ng mga OFWs abroad bilang epekto ng bagong inamyendahang batas; Republic Act 10022 o mas-kilala bilang Migrant Workers Act, noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Nakasaad sa bagong inamyendahang batas na dapat pumasok ang isang bansa sa kasunduan sa Pilipinas kung gusto nitong mag-hire ng manggagawang Pilipino. Subalit kapalit ng pirma ay ang pangakong pahahalagahan at pu-protektahan ang mga OFWs. Dahil sa hindi signatory until now o walang bilateral labor agreement ang Pilipinas at Kuwait, may-posibilidad ding ipagbawal muna ang pagpasok ng mga Pinoy sa Kuwait, although ang pahiwatig ni Atty Vidal ay malabo itong mangyari sa kasalukuyan.
Ayon sa kanya, maaaring magkasundo na ang Pilipinas at Kuwait ukol sa usaping ito at maaaring pirmahan ng Kuwait ang bilateral labor agreement. Mula pa noong pumasok ang mga Pinoy sa Kuwait mula noong early 70's tanging batas internasyunal ng International Labor Organization at syempre yung kanilang sariling batas dito sa Kuwait ang umiiral at nangangalaga sa ating mga karapatan dito sa Kuwait. Ang bilateral labor agreement ay magandang simula at pagkakataon for both parties to protect their own interests but also wellbeing of Filipino workers. Hari nawa ay matuloy ang pirmahan sa malapit na hinaharap!

Maliwanag ano po? Usapan sa paggawa ang bibigyang pansin ng Embahada at Ako portion. Pag-uusapan natin ngayon ang tungkol sa isyu ng POLO (Philippine Overseas Labor Office) o usapin sa paggawa. Binaha ako ng tanong ukol dito. At sa tingin ko hindi ko ma-aacommodate lahat ng mga pumasok na tanong sa akin ngayon araw, in fact isa lang na tanong ang puede kong isama sa ngayon. Yung tanong ng mga nagta-trabaho sa fastfood chain. Hindi ko puedeng banggitin ang pangalan ng fastfood company, pero aware ang maraming readers natin ukol sa concern nila, so sa mga nagtext na taga diyan, yes kayo ang tinutukoy kong fastfood chain sa tanong kay Atty Vidal.
Dahil sa baha nga po ang dumating na tanong ukol sa labor isyu, humingi pa ako ng isa pang pagkakataon kay Atty Vidal na muli kaming magkausap upang bigyang daan naman ang inyong mga tanong specifically. Abangan ninyo ang mga sagot sa inyong mga katanungan sa susunod na labas ng Embahada at Ako.


Usapang paggawa (labor)



BEN GARCIA: Ano ang function ng POLO sa Kuwait?

VIVO VIDAL:
The POLO is an operating arm of the Department of Labor and Employment overseas (abroad) for the welfare, protection, assistance, and job generation of OFWs. The job generation and deployment of workers are just two of our main functions but perhaps the core and very important mandate which we are doing as DOLE representatives. Kami kung baga ang naatasan ng DOLE na mag-hanap ng probable labor markets para sa ating mga OFWs. As per the projection of many economists, Kuwait will be the next country in the Middle East to spur economic but gigantic boom (growth) just like Dubai and Qatar. Ang kagandahan, mas-prefer nila ang Filipino workers dahil sa ating abilidad. Kaya malaki ang posibilidad na dumoble pa ang bilang ng mga Pinoy workers sa Kuwait. Sabi ng mga foreign employees, trusted nila ang mga Pinoy dahil bukod sa masisipag, aba'y madali pang matuto. Magaling ang ating inter-personal and communication skills. Ang maganda sa Kuwait mayroong silang pondo, mayroong pera na kung kakailanganin madali nilang makuha. Di tulad ng ibang bansa, sa atin halimbawa, mangungutang muna. Sila dito ready na ang pera for disbursement. Kung matutuloy ang proyekto siguradong matatapos dahil mayroon silang perang hawak. Kapag nagtrabaho ka naman sa Kuwait, ang suweldong ibinibigay ay naaayon sa standards or scale na puedeng makatulong sa pamilya ng isang OFW.

BEN GARCIA: Mayroon bang quota ang pagpapadala ng Filipinos sa Kuwait? Mga ilang libo na ba tayo dito sa Kuwait?

VIVO VIDAL:
Wala pa naman silang ibinibigay na quota sa atin. Pero kapag natuloy ang pirmahan ng bilateral labor agreement ng dalawang bansa, baka magkaroon, pero okay lang, maliit pa ang pupolasyon natin dito compared sa ibang mga nationals. Ang mahalaga sa bilateral labor agreement kung signatory ang dalawang bansa, mapipilitan silang sumunod sa gusto natin/nila o ayon sa sinasaad ng kasunduan. Sisiguruhin naman natin na ayon sa kabutihan ng ating mga manggagawa ang pipirmahang kasunduan.
Wala pa man ang labor agreement na iyan, patuloy na sa pagdami ang OFWs dito sa Kuwait. Naaalala ko nga, noong una kong assignment dito bilang assistant labor attache, nasa around 80,000 lang po tayo dito, pero ngayon ay 165,000 na and before the year-end aabot na tayo sa 180,000. Ang inaasikaso natin sa POLO sa ngayon ay ang maipatupad ang batas sa pasahod natin para sa ating mga OFWs. Ang nai-set na minimum wage ng Pilipinas ay at least KD120 or US$400 monthly pay. Iyan ay ipinatutupad natin strictly sa mga kumukuha ng job orders. Nakalagay iyan sa kontrata. Once na hindi tumupad ang employer; mayroon tayong habol. Pero aminado tayo na ang pagpapatupad nito ay hindi perpekto. Ang pagpapatupad ng minimum wage ng Pilipinas para sa mga household workers ay paraan upang mabawasan ang pagdating at pag-alis sa Pilipinas ng maraming domestic helpers. Bukod diyan gusto rin nating umangat ang bilang ng mga skilled workers sa Kuwait. Dahil sa mga planong proyekto sa Kuwait, inaasahan natin na mas-lalong dadami at bibilis ang pagpasok ng mga Pilipino dito. Iyan ay kung matutugunan natin dahil medyo bumababa na rin ang mga walang trabaho sa ating bansa.
Karamihan pa rin sa mga pumapasok dito sa Kuwait ay mga household service workers, sa tingin ko ay mari-reverse na ang trend, mas-dadami ang skilled workers lalo na sa pagsisimula ng proyekto. Marami kasi tayong kababayan na nakapag-aral naman, marami dyan mga teachers, pero ang napupuntahan nilang trabaho ay domestic helpers. Sayang ang skills/talents nila.

BEN GARCIA: Sinu-sino naman ang mga katulong ninyo sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga OFWs sa Kuwait?

VIVO VIDAL: Unang-una katulong natin sa pagpapatupad ng mga programang may-kinalaman sa mga OFWs dito sa Kuwait ang head of mission natin si Ambassador Shulan Primavera. Sa embahada mas-pinalakas ni Ambassador Primavera ang Assistance to National Unit (ANU). Lahat ng mga police cases at mayroong mga inaresto halimbawa sila sa ANU ang kimikilos to assist them. Sa mga tumatakas na OFWs at employer-employee problems kami sa OWWA at POLO ang humahawak niyan. Sa POLO/OWWA offices marami akong katuwang dito tulad ni Ofelia Castro, ang ating Labor Attache I. Si Ms Castro ang naatasan kong umalalay sa mga usapin may-kaugnayan sa visa 18 workers. Nariyan din sina Welfare Officers Yolanda Penaranda at si Atty William Merginio para sa mga distressed 20 visa workers. Si Omar Khalil ang humahawak sa processing ng job orders/contracts para sa visa 18 at si Lucy Halili sa processing/contracts ng 20 visas. Si Lucy din ang tumatayong care-taker ng FWRC. Si Blas Marquez ay in-charge sa liquidation ng mga expenses sa POLO at OWWA at punong abala sa mga kitchen requirements. Si Evangeline Quinoy ay in-charge sa collection ng OEC, pero siya din ang tumatayong internal at external communication and admin staff ko. Nag-aaverage tayo ng contracts/job order ng 100-120 a day. Kulang pa ang staff kung tutuusin, pero mayroong darating na dalawa pa before the year-end.

BEN GARCIA: Anong oras nagbubukas ang POLO/OWWA?

VIVO VIDAL: Nagbubukas talaga ang POLO/OWWA and the embassy as a whole ng alas-otso ng umaga. Ang business transaction ay simula ng 8:30am para makapag-handa naman kami. Hanggang 2pm na iyan. Pero mayroon namang lunchtime ng 12pm, pero kami dito kahit tapos na ang 2pm public transaction, kapag marami pang trabaho, nag-i-stay talaga kami sa embassy ng hanggang 5pm or even more.

BEN GARCIA: Sinu-sino ang mga OFWs na puedeng magpunta dito para humingi ng tulong at kailan kami pupunta to seek help, anong mga grounds? What about sa Shuon, kailan kami puedeng magtungo doon to ask for assistance?

VIVO VIDAL: Lahat naman puede naming matulungan. Anumang kaso mayroon sila. Mas-ini-encourage nga natin ang ating mga kababayan na personal na magsadya dito kung mayroong problema sa trabaho at hindi kami gaanong nag-iintertain sa telepono; kasi mahirap at mas-maganda talaga ang nagkikita tayo. Para talagang magkaliwanagan hindi yung sa telepono lang. We give attention to everybody whatever their cases are. Sa Shuon, sinumang visa 18 workers ay ini-encourage din nila na magtungo doon ng personal sa kanilang tanggapan. Puede silang tumuloy doon (Shuon) ora-mismo, pero kung gusto nila ng assistance ng POLO, gagawa kami ng paraan. Ang shuon ay para sa visa 18 lang, hindi kasama ang mga household workers. Tulad ng sinabi ko, mayroon tayong shortage sa staff iilan lang ang puedeng makalabas dito to assist our kababayans. Kaya kung hindi mapagbigyan, huwag naman sanang sasama ang loob. Kung mayroon pang panahon, iset natin ang right day and time para mag-tugma sa schedule natin pareho. Sa POLO, we are doing our best to assists individuals/groups kung kinakailangan.

BEN GARCIA: Sa mga lumalabag na employers, anong parusa ang ipinaataw natin sa kanila. Mayroon na bang mga companies/individuals ang nakasuhan na.

VIVO VIDAL: Sa mga lumalabag na employers dahil wala naman tayong police at court powers dito, ginagamit namin ang aming kapangyarihan to suspend job orders man iyan o kahit individual employers, kung nagkasala sila, hindi na natin sila bibigyan ulit ng workers. May-data-base kami dito para sa mga notorious employers. Hindi namin sila pinapayagang makapag-hire ng Pinoy workers. Puede kaming magkansela ng job orders lalo na kung mayroong naagrabyadong kababayan. Habang maliit lamang na bilang ang mga notorious employers, marami namang company/employer ang sumusunod sa ating patakaran. Ang kagandahan, may-takot ang mga employers dito sa kanilang immigration office. At alam ng immigration nila dito ang mga notorious employers, kaya unti-unti na silang natututong sumunod sa tamang proceso at batas.

BEN GARCIA: Ano naman pong mga alituntuning dapat naming tandaan para hindi kami maloko at magkaroon ng mas-malaking problema dito?


VIVO VIDAL: Ang number one; check the profile of the company. Go to the reliable agencies sa Pilipinas. Mas-maganda na makipag-deal lamang sa mga registered at licensed na recruitment agencies na nasa talaan ng POEA. Icheck nila ang backgrounds ng kampanya, we are in the age of technology isang click lang malalaman mo na ang background ng company, basahin at alamin, tingnan kung ano ang kanilang records. Go to the proper and right process...sumunod sa tamang proceso. Huwag padadala sa mga sweet talks ng recruiters. Pagdating dito, kung hindi ikaw puedeng magtungo sa embassy, ang company ang inatasan namin na magreport sa amin ng mga arrival ng Pilipino. Hindi na namin iniisa-isa o inu-obliga ang isang Pinoy na mag-punta dito sa embassy to register their names, kasi, based sa contract, moment na dumating dito sa Kuwait ang empleyado, sumasahod na siya. Ang company/employer ang sinasabihan namin na mag-report ng arrival ng isang Pilipino. Sa mga katulong naman, ang partner agencies nila dito ang mag-rereport sa amin sa mga dumarating na Pilipino.

BEN GARCIA: Sa mga housemaids ano ang limitasyon o grounds para mag-disisyong tumakas o umalis sa kanilang employer?


VIVO VIDAL: Wala kaming ini-encourage na pagtakas sa kahit kaninong employer. Pero kung minamaltrato ka, may-physical assault nang nangyayari, rape, hindi pinapakain, may-unpaid salaries two months and above, mga grounds iyan na hindi ka puedeng magtagal sa ganyang uri ng employer. Iyan ang panahon to seek help and advice from us. Pero yung mga minor cases halimbawa nasigawan lang, over-work, hindi lang nagustuhan ang kasama, masungit ang employer, bigyan naman nila ng allowance ang employer. In the first place, bago pa man umalis sa Pilipinas ang isang DH, mayroon nang orientation seminar yan ukol sa kultura at mga ugali ng tao dito sa Gitnang Silangan, so dapat alam nila how to handle things. Kung balat sibuyas, siguro hindi bagay na DH. Baka nga nagkamali lang talaga sila sa piniling trabaho. Ganunpaman, once na nagpunta kayo sa amin hindi namin kayo tatalikuran, binibigyan ang lahat ng patas na pagtrato at kaukulang tulong na marapat lamang sa isang OFW. Katuwang namin sa pag-resolba ng problema ng mga runaway housemaids ang recruitment agencies nila at syempre, hindi mapapadali ang pag-lutas ng problema kung wala ang local authorities dito. Ang kanilang pakikipagtulungan ay mahalaga to resolve cases concerning OFWs. Sa pagdating ng OFWs, kadalasang ginagawa namin ay tinatawag muna ang ahensiya, tapos ang employer. Responsibilidad ng agency na tulungan ang mga tumatakas nilang hired workers. Tumutulong naman talaga sila kahit papaano. Kasi mahirap din na sa gobyerno na lang natin inaasa ang pagkain ng more or less 150 runaway housemaids. Sa bigas pa lang 50-80KG ng rice ang nauubos per day.

BEN GARCIA: Tungkol naman sa US$400 salary, bakit kaya hindi naipatutupad iyon?

VIVO VIDAL:
Minimum salary iyan ng OFWs, hindi lang sa housemaids. Magandang pagkakataon para sa lahat kasi naging salary baseline natin iyan eh. Pero ang totoo hindi naman talaga tumutupad ang ilan, lalo na sa domestic helper. Iyan nga ang pangit saw ala tayong bilateral agreement kasi, kung ano ang gusto natin hindi natin puedeng ipilit. Kung mayroon tayong bilateral labor agreement, mayroon tayong basehan at puede tayong mag-deamnd. Pero, iyang isinet na sahod ng DOLE ay ipatutupad natin iyan. Hindi nga lang perpekto. Alam din natin na ang Kuwait at mga bansang nangangailangan ng ating labor services ay puedeng maka-afford sa $400 minimum salary na iyan.

BEN GARCIA: Pero bakit marami pa ring companies sa Kuwait ang hindi tumutupad sa pagbibigay ng US400 monthly pay, tulad halimbawa ng sikat na fastfood chain at ilang mga hospitality companies? Marami akong natanggap na text messages mula sa kanila na hindi raw po nila natatanggap ang KD120 monthly pay, dahil ibinabawas daw ang food, transportation and accommodation.


VIVO VIDAL: Kinausap na namin ang mga companies na hindi tumutupad sa ating itinakdang monthly pay for our Pinoy workers. Binalaan na natin sila na hindi na sila mabibigyan ng Pinoy workers ulit kung patuloy silang lalabag dito. Yung fastfood na binabangit mo, nangako silang by the year end ay mai-aadjust na nila ang suweldo ng kanilang mga workers. Sabi ko nga sa kanila, ang KD120 ay halaga na dapat matanggap ng isang mangagawa matapos silang magtrabaho ng isang buwan, yung additional na basic needs dahil galing sila sa Pinas, tulad halimbawa ng accommodation, transportation and food, hindi iyan ibinabawas sa KD120 na monthly pay nila. Dapat buong KD120 monthly salary makuha ng isang Pinoy worker. Iyan ay maliwanag sa contract na pinipirmahan nila between workers and employers. Patakarang pinagtibay ng POEA under our Department of Labor and Employment. Wala na rin kaming pinapayagang Pinoy cleaners/teaboys, wala kaming pinipirmahang job orders para sa mga trabahong iyan.

(Ang ibang tanong ukol sa labor/paggawa ay bibigyang daan ko next week. Kung mayroon pa kayong concerns ukol sa subject na ito o marahil kumento/suggestions ipadala lamang sa numero na naka-post sa itaas na bahagi ng column na ito. Maraming salamat po!-Ben Garcia)

1 comment:

  1. Anonymous10:22 PM

    sir,pagka mga skilled worker kagaya ng female photographer...magkano po ba talaga dapat na rate?

    ReplyDelete