Kambal na pasakit
(Karugtong ng liham kasaysayan ni Marites Tura)
Nagkaanak pa ako ulit ng isa. Nabuntis din ang nanay ko sa bunso kong kapatid. Doon ko nakitang muli ang kahayupan ng tatay ko. Lagi niyang sinasaktan ang ina, pero, noong huli nga, buntis ang nanay at kabuwanan niya halos noon. Binugbog siya ng tatay ko, napasugod ako sa bahay namin, dahil naririnig ko, gustong patayin ng tatay ang nanay ko. E buntis ang nanay ko, sabi ko sa tatay ko tama na, abay-gusto niya akong batuhin ng itak, hindi niya itinuloy dahil mayroon akong hawak na bata. Kuya Ben, para syang may-sungay kung magalit, ang sama ng ugali niya. Pinalayas niya kami ng nanay sa loob ng bahay at walang saplot sa katawan si inay, buti na lang at naroon ako. Nung umalis kami sa bahay na iyon, sabi ko sa nanay ko, umalis na ng tuluyan at huwag nang babalik kailan man. Binigyan ko ng pamasahe ang inay at nagtungo siya sa kapatid niya sa Zamboanga. Ang sama ng loob ko noon, sabi ko, sana lang mamatay na ang tatay ko. Kinabukasan, nang magising si itay, hinahanap si nanay, sabi ko, pinaalis ko na, at hindi na siya babalik ulit. Sabi sa akin, pabalikin ko si inay ngayon din. Sabi ko sa kanya, hindi na siya babalik at nasa kapatid niya sa Zamboaga City. Pinuntahan ni itay, nabugbog din siya doon ng kapatid ni inay, dahil nakita nila ang kaawa-awang lagay ng inay. Pero, matapos ang usapan, sumama pa rin pabalik, kasi malapit na nga siyang manganak noon.
Ilang araw lang ipinanganak ang bunso naming kapatid na lalaki. Tatlong araw matapos ang binyag, nagkasakit si itay. Dinala siya sa ospital at ilang araw lang binawian siya ng buhay. May-sakit daw pala ang itay sa puso, kidney at ulcer, lahat iyon nagsama-sama. Bago siya namatay, sabi niya sa akin, bahala na daw ako sa mga kapatid ko. Namatay ang itay sa tabi ko, wala ang nanay noon kasi naghahanap ng pera pambili ng mga gamot at pambayad sa ospital. Hindi ako naiyak, hindi tumulo ang luha ko sa pagpanaw ni itay. Sabi ko nga buti na lang at matatapos na ang kalbaryong buhay ni inay at mga kapatid ko. Noong iuwi ang bangkay ni itay sa bahay, ni hindi ko nakitang umiyak ang mga kapatid ko. Hindi sila nasaktan. Ang kapatid at nanay niya lang ang nakita kong umiiyak. Noong nilapitan ako ng lola, sabi, makakapahinga na daw ang inay sa pambu-bogbog. Nang mailibing si itay, pinilit kami ng inay, na sa bahay na lang nila kami titira. Hindi kami magkaunawaan ng mga kapatid ko, dahil ayaw nilang sumunod sa akin. Matapos ang ilang buwan, nagpaalam ang nanay na pupunta ng Maynila para mag-trabaho para sa mga kapatid ko. Pumayag na rin ako, yung nakukuha nyang pension, ako ang kumukuha, dahil nasa akin lahat ang mga kapatid ko, at mayroon akong tatlong anak na noon. Para makatulong din sa pagbuhay sa mga kapatid ko at mga anak ko, tumanggap din ako ng trabaho like manicure, pedicure at gupit ng buhok. Pero nagumon ako sa sugal, habang wala ang mga kapatid ko, at ang mga anak ko, sinasama ko sa sugalan. Hindi ko na rin alam ang ginagawa ng asawa ko, malayong malayo na ang loob namin sa isat-isa. Hanggang isang araw, bigla siyang nag-yaya sa akin na sumali daw kami sa Couples for Christ. Nakita ko ang pagbabago niya noong pumasok kami sa grupong iyon. Yung pag-inom nawala sa kanya. Natigil din ako sa pagsusugal. Naging maayos ang pag-sasama namin ng halos isang taon. Isang araw, bumalik ang inay galing sa Maynila. Ang sabi, doon na raw siya at hindi na siya aalis pa, sabi ko sa asawa ko, kung ganun, aalis na lang din kami sa bahay na iyon para matuto na rin kaming mag-sarili, total lumalaki na ang mga bata at pati yung mga kapatid ko. Pero sabi ng asawa ko, doon na lang daw kasi mas-masaya daw ang bahay kung marami. Sabi ko sige, ikaw ang bahala. Nag-sama-sama pa rin kami. Lingid sa kaalaman ko, demonyo na rin pala ang asawa ko, may-isang taon niya na palang hinahalay ang kapatid kong babae. Nag-tataka lang ako, dahil yung kapatid ko, parang laging tulala, namumutla. Tinatakot daw pala siya ng asawa ko, itinatali ang kamay at nilalagyan ng tela ang bibig para hindi makasigaw. Kung mag-sasabi daw siya ng totoo, papatayin dawako ng asawa ko. Kaya naman pala kung tanungin ko, umiiyak lang sa akin at okay lang daw siya. -Itutuloy
(Sa mga gustong maging kabahagi ng Buhay at Pag-asa, sumulat po kayo sa address na makikita sa itaas na bahagi o kaya naman, puede po kayong tumawag o magbigay mensahe sa tel 97277135 para sa mas-madaling paraan ng pagpapadala ng inyong mga kasaysayan. Maraming salamat po!-Ben Garcia)
No comments:
Post a Comment