Walang pasok ngayon (31 October) sa embahada in lieu of November 1, 2010 All Saints Day holiday. Ang Nov 1 ay regular holiday sa Pilipinas, subalit dahil wala naman tayo sa Pilipinas, hindi iyan holiday dito sa Kuwait. Pero ang embahada ay sarado ngayong araw (Linggo). Dahil syempre kalendaryong Pilipinas pa rin ang kanilang sinusunod. Pero magbabalik ang regular at business days nila simula bukas. Hindi na rin special non-working holiday ang Nov 2, o mas-kilala nating All Souls Day, masyado na raw maraming holiday ang Pilipinas kaya hindi na iyan holiday ngayon. Isang paalala lang iyan mula sa embassy lalo na para doon sa mga kababayang mayroong schedule na transaksyon ngayon.
Samantala, nais ko rin pong ipaalala sa inyo na hindi po ako spokesman ng embassy at mas-lalong hindi dyaryo ng embassy ang Filipino Panorama. Ang ginagawa po namin at ng Filipino Panorama sa pakikipag-tulungan ng Kuwait Times ay serbisyo publiko. Maraming kababayan o marahil lahat naman tayo ay minsang nangailangan o nangangailangan ng serbisyo ng embassy, hindi natin puedeng iset-aside ang kanilang katungkulan para sa atin. Dayuhan tayong lahat (ibig sabihin tayong mga Pinoy) sa bansang ito. Kaya mahalaga na tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa kanila (embassy). Ibat-ibang usapin ang idinudulog natin sa embassy; passports, various legal documents, tungkol sa trabaho at kung anu-ano pa. Iyan ang mga serbisyong tinutututakan ko. Malaki ang impact at tulong ng portiong ito sa marami at katibayan niyang ang halos isandaang text messages everyday mula sa readers. At iyan naman ang naririning kong komento mula sa ambassador hanggang sa inyo dear readers. Ang kanilang pakikipag-tulungan ay sadyang mahalaga upang tuloy-tuloy ang ganitong uri ng paglilingkod sa inyo. Maraming salamat sa tiwala!
Marami pa tayong pag-uusapan, nariyan ang tungkol sa SSS, Pag-ibig, Bangko, at mga community activities na gusto rin nating maging highlight sa mga susunod pang mga talakayan.
Dahil naipangako ko po sa inyo na babalikan natin ang mga kumento at tanong ng ating mga kababayan para sa Embahada at Ako; heto at nagbabalik para sa inyong mga tanong.
Ang tanging pakiusap- ko lamang, hindi lahat ng inyong mga tanong ay mapag-bibigyan individually. Halimbawa yung mga nag-text sa akin na halos 30 staffs ng isang fastfood chain, pare-parehong tanong at concerns ang inyong idinulog sa amin, so pinag-isa ko na lamang iyan. Yung concern tungkol sa sahod ng mga cleaners at tea-boys mula sa ibat-ibang companies, marami rin ang nag-text-pinag-isa ko rin po iyan. Yung mga domestic helpers na ang tanong ay tungkol sa sahod, mahigit 300 yata ang nag-text sa akin, pinag-isa ko rin po iyan. Maliban sa mga unique o kakaibang tanong, ay talagang kailagang individual ang pag-bibigay pansin natin ano po.
Usaping passport, OWWA at labor
BEN GARCIA: Tanong ni Mylene, sabi niya, sakto one year na siya sa amo niya, gusto na raw niyang umuwi, ayaw niya sa employer, pero ayaw na rin niyang magpabalik sa agency. Kahit siya na lang daw ang magpamasahe. Puede po ba siyang makauwi kahit hindi pa tapos ang two-year contract niya?
VIVO VIDAL: Puede iyan pero depende sa amo. Ang amo kasi nagbayad ng halaga to take you in from Philippines to here. Ang contract usually two years, kung hindi natapos, hindi obligado ang employer to buy you a ticket. Pero sabi ko nga depende pa rin, kung ang amo, ay mabait naman, puede kang pag-bigyan. Pero again nakasalalay pa rin sa employer, puedeng mag-usap ang agency mo at ang amo mo kasama ikaw to give your side of the story, kung legitimate ang reason for humanitarian reason halimbawa, baka maawa at paalisin ka naman at baka siya pa ang magpamasahe sayo. Puede rin kaming tumulong sayo. Nasa magandang pag-uusap naman iyan e.
BENGARCIA: Tungkol sa pagpapatupad ng KD120 salary minimum, kailan kaya iyan masusunod? Iyan ay mula kay Janette Salvador at ilang pang tulad niya na pumirma sa bagong contract, natapos na ang 2 years, at umuusad na naman ang bagong contract but 45-KD60 lang ang nakukuha nilang sahod?
VIVO VIDAL: Para kay Janette at sa mga tulad niyang kaso, kung gusto niyong maibigay ang salary na minimum wage, puede naman nating ireklamo sila kasi mayroon nga kayong pinirmahang kontrata. Sa ganyang sitwasyon, ang agency iinvolve natin sila para managot sa hindi pagsunod ng employer sa ating batas. Ang deploying agency ang mananagot niyan.
BEN GARCIA: Dahil sa tayo lang unilaterally ang nag-pasiya niyan (US$400minimum wage) papaano naman kaya natin maoobliga ang Kuwait (mga employer dito) na matulungan tayong maipatupad ang minimum wage natin mula sa ating mga employer dito?
VIVO VIDAL: Ang pagha-hire ng Pinoy workers were not employer's right. Prebileheyo iyan, kung hindi nila gustong sumunod sa patakaran natin, hindi sila pinipilit to hire Filipino workers. They can easily hire other manpower. Now that they signed and entered a contract with our workers, kailangan silang sumunod sa batas natin. Ang batas natin ay nagsasabi na dapat sahuran ang isang OFW ng minimum 400 dollars per month. Tungkulin ng estado na protektahan at bigyan ng sapat na tulong ang kanyang mamamayan. The US$400 minimum salary per month ay paraan iyan ng Pilipinas to show their real concern and will power to improve our competitiveness.
BEN GARCIA: From Rowena Calis of Sabah Al-Nasser, biktima daw siya ng swapping of employer, tapos may-problema pa siya sa cyst, naoperahan daw siya, nag-ti-take pa ng medication at mahina pa, pero tuloy ang trabaho. Nag-reklamo na siya sa amo, binilhan na rin daw siya ng tiket pero hindi pa pinauuwi till now.
VIVO VIDAL: With regards to swapping of employer medyo talamak nga iyan dito. Technically speaking illegal iyan, but we are doing our best to dissuade such illegal practices. Tungkol naman sa sakit niya, legally speaking puede siyang magpa-terminate ng contract. Pero kung practicality ang pag-uusapan, maganda rin na nandito siya, kasi, pinapagamot naman siya ng employer niya. Libre ang gamutan dito. Pero kung gusto niyang umuwi puede naman, makakauwi siya at puede rin natin siyang asistihan kung kinakailangan.
BEN GARCIA: Noong last isyu po ay nabanggit ninyo ang mga grounds para magdisisyon na lumapit sa inyong tanggapan. Hindi nabanggit ang tungkol sa case ng tulad nitong isang nag-ko-comment, mabait daw ang mga amo niya, ang reklamo ay yung KD45 na salary niya, hindi ba daw ito kasama sa grounds para makahingi ng saklolo sa inyo? Takot ako ngayong humingi ng tulong dahil hindi naman pala ito kasama sa mga grounds at yung mga minamaltrato lang pala.
VIVO VIDAL: Hindi ganyan... mali ang interpretasyon sa sinabi ko, you are most welcome here kahit anong reklamo. Gusto ko lang na makaharap kayo ng face to face, tutulong kami ayon sa kagustuhan ninyo at sa need ninyo. Kung kaya ng POLO at ng ating resources sa embassy handa kaming tumulong sa inyo. Wala naman tayong pinipiling specific cases, maliwanag na sinabi ko noong una pa lang na wala tayong pinipiling kaso. Iyan ang trabaho namin dito sa POLO to mediate, conciliate and settle.
BEN GARCIA: Ito naman ay tanong mula kay Rosalie ng Fahaheel. Kasama po ba ang mga nag-tatrabaho sa salon sa 400 US dollars monthly salary. Mahaba daw po ang oras ng trabaho nila, at sabi sa contract free food, transportation and accommodation, pero hindi naman ito nasusunod.
VIVO VIDAL: Yes kasama diyan ang lahat ng Pilipino. Kung ang visa mo ay 18 mas-madaling masolusyunan iyan dahil mayroong Shuon na puedeng mag-mediate, hindi lang kami dito sa POLO. Kung mo ay 20 gaya ng maraming salon workers, bawal iyan, at mas-madali nating mai-co-correct iyan. Punata po kayo sa embassy.
BEN GARCIA: Ito namang isang tanong ay mula sa isang kabayan natin sa Muhalab Center. Saleslady daw siya sa isang shop doon, puede ba akong mag-complain sa shuon sa installment salary na ginagawa ng employer ko? Indian po amo ko.
VIVO VIDAL: Puedeng tumuloy sa Shuon. Pero kung gusto mo ng intervention natin, puede rin. Kung Indian ang amo, mas-lalong madali, kasi mayroon silang mahigpit na batas dito laban sa foreign employer; halimbawa hindi siya sumusunod sa batas, puede siyang ipadeport.
BEN GARCIA: Maraming cleaners/tea boys ang nag-text sa atin, ang iba nagta-trabaho pa sa National Assembly. Yung isang message ang sabi mahigit 200 Pinoy daw sila sa isang company at tumatanggap lang sila ng KD65 monthly. Mayroon namang mensahe mula sa isang cleaning company din at ang sahod ay KD80 lang, ang ilan pang text messages KD90 naman ang suweldo. Pinag-isa kong lahat ang mga tanong na iyan. Ang point dito Mr Labatt, wala iyon sa minimum na ipinatutupad na US$400 salary.
VIVO VIDAL: Ang masasabi ko lang kung iyan ay lihitimong companies at sumusuweldo kayo ng ganyang halaga; hindi tama iyan. Kung mayroon kayong mga contracts na nagpapatunay sa US$400 dollars salary per month, puede nating habulin iyan. Kung ako sa inyo, punta kayo dito, pero, ang pakiusap ko lang, mag-send na lang kayo ng representative, pirmahan ng mga trabahanteng Pinoy ang reklamo. Gagawan natin iyan ng aksyon.
BEN GARCIA: Sir ito na yung reaksyon ng mga fastfood workers na nabigyan mo ng sagot last week. Nagpapasalamat sila sa inyong kahandaang matulungan sila. At ang sabi nila, sana daw ay magawan ng paraan ang pagpapatupad ng US$400 monthly salary nila at kung hindi daw sana ay patigilan na ang agency sa Pinas sa pag-ha-hire ng Pinoy workers kasi tuloy daw po ang pagdating ng mga bagong workers, e ganun pa rin daw ang sahod. Asahan daw po nila na sa katapusan ng taong ito ay mayroon nang adjustment ang salary nila.
VIVO VIDAL: Oo, iyan ang pangako nila. I would hold our kabayan HR there responsible sa kanilang sinabi sa akin. Nag-bigay na sila ng word na itataas na nila ang suweldo by the year end. Kung hindi; kami na ang gagawa ng aksyon!
OWWA
Sa mga OWWA questions, pinag-isa ko rin po ang tungkol sa mga tanong ninyo at nilapitan ko ulit personally si Ms Yolly, welfare officer para sa inyong mga concerns. Marami ang pumasok na tanong ukol sa OWWA, pero hindi natin mapagbibigyan ang lahat.
BEN GARCIA: Maraming nagtatanong ukol sa business loan, disability benefits at educational benefits. Wala pa namang gustong kumuha ng death benefits...biro lang po, ha ha ha. Ang isa, si Danilo Nacua ng Cebu. Na-aksidente daw siya noong August 16, 2010, nagtungo daw siya sa embassy para magtanong ukol sa puede niyang makuha dahil inoperahan ang kanang kamay niya sabi daw sa kanya sa Pilipinas makukuha ang benepisyo?
YOLANDA PENARANDA: Tama ang sagot ng taong nakausap mo dito. Ang claim ng medical benefits ay sa Pilipinas. Iyan ay kung mayroon kang maipapakitang
resibo. Doon mo iyan sa iyong region puedeng makuha. Kung dahil sa aksidente at hindi ka na puedeng makapag-trabaho (mag-function) tulad ng dati, puede kang mag-claim ng disability benefits iyan ay kung miyembro ka ng OWWA. Para naman sa ibang mga tanong ukol sa OWWA tulad ng negosyo loan, educational benefits; sa rehiyon po ninyo kayo tumuloy at mag-submit ng inyong mga application. Wala pong processing dito sa OWWA; collecting lang kami dito ng OWWA membership. Pero tuloy ang aming pakiusap at panawagan na maging myembro ng OWWA for your own benefits. Nabangit ko na ang mga bagay na benepisyo ninyo last time. Please call us in these nos: 25325167/64, 25340671.
Ang susunod ay tanong kay Vice Consul Rea Oreta
BEN GARCIA: Kagagaling lang ni Mark sa embassy, Monday, magpapa-renew daw sana siya ng passport, pero pinabalik daw po siya kinabukasan noon, Tuesday, dahil tapos na daw ang quota that day na 50. Akala daw niya 100/day ang napa-processed na mga application sa passport (based on our interview), bakit 50 lang daw pala? At saka bakit may-quota?
REA ORETA: To Mark: The figure given last interview was an average, yes about 100 a day, but we imposed quota when we have only one machine functioning. Mark, during your visit probably we only have one machine functioning, and those who were accommodated were people who arrived from 9-10am in addition to those who got their forms filled up the day before. Kaya kami naglalagay ng quota kung isa lang ang nag-wo-work, sana po ay maunawaan ninyo.
Marami pang tanong ang hindi ko naipasok, pasensiya na po doon sa napakaraming nakapilang tanong, hayaan niyo't bibigyan daan din natin ang iba pa sa susunod. Up next: Pag-ibig membership naman ang ating tatalakayin. Hindi iyan pag-ibig mo hirang...ibang klaseng pag-ibig ang tatalakayin natin. Alam kong maraming kababayan natin ang gustong malaman ang ukol sa Pag-Ibig. Anong mga benepisyo ang kaakibat kung miyembro ka ng Pag-ibig. Kung mayroon kayong mga specific questions ukol sa usaping ito, itext po lamang sa akin dahil direkta nating ipapasagot iyan sa Pag-Ibig rep next week.
No comments:
Post a Comment