Mga tunay na buhay ng mga Filipino sa Kuwait. Sila ang bida at tauhan sa Buhay at Pag-asa. Programang laan sa ating mga kababayan. Unang sumahimpapawid sa Radyo Pinoy 96.3/Radio Kuwait noong taong-2000, tinangkilik ng libu-libong OFW's. Tumagal sa ere hanggang July 2003. January 2004, nagsimula ang Buhay at Pag-asa bilang lingguhang pitak sa Kuwait Times, kasama ng Filipino Panorama-nagpapatuloy hanggang ngayon... Salamat sa inyong tiwala! Welcome po ang inyong mga opinyon sa column na ito.
Sunday, November 07, 2010
Pag-IBIG: Pabigat nga ba sa bulsa ni Juan dela Cruz?
Noong unang bahagi ng taong ito, lumabas sa mga pahayagan na mandatory na para sa mga OFWs ang Pag-IBIG Membership sa ilalim ng Republic Act 9679. Ang ibig sabihin ng mandatory, sapilitan, walang puedeng makaligtas na OFWs na hindi nagbabayad ng pagibig. Pero makalipas ang ilang linggo matapos ang kaliwat' kanang batikos at reklamo ng ibat-ibang sector ukol sa sapilitang pagbabayad ng Pag-IBIG, iniurong o binawi ang mandatory contribution, o hinold po lamang pala pansamantala ni Vice President Jejomar Binay ang pagpapatupad ng mandatory contribution para sa Pag-IBIG. Pero kung sa tingin ninyo ay pangmatagalang pagtigil na iyon; hindi. Sa tingin ko nga, ang pag-urong nito ay para bagang pag-saboy lamang ng malamig na tubig sa naglalagablab na apoy. Na-control nga naman ang nag-aalburutong apoy at least pansamantala; pero ang totoo, nariyan at ipinatutupad na ang mandatory membership para sa mga OFWs. Ang paliwanag sa akin ni Mahmoud Khalil yung sinuspende lamang po ay yung 6-months mandatory contribution upon leaving the country o yung 600 pesos mandatory payment ng mga papaalis na OFWs. Imbes na six hundred pesos, one month lang ang kinukuha, which is about 100 pesos only lang. Puede na, so mandatory pa rin. Ang katumbas o equivalent ng 100 pesos sa KD ay less than KD1 or 750 fils lang. Nagsimula ang collection sa bagong mandatory Pag-IBIG membership noong August lamang. Kaya kung uuwi kayo halimbawa pabalik ng Pilipinas, aabangan kayo ng isang tauhan ng Pag-IBIG sa embassy sa katauhan ni Mohammad Khalil (Rocky) diyan sa OWWA at hihingan kayo ng contribution na 750 fils. Bukod iyan sa ibabayad niyong 750 fils sa POEA na bayad sa OEC at sa mandatory membership mo sa OWWA.
Ang sa akin, wala naman itong masama, tinutulungan lamang talaga tayong mga OFWs na maka-kuha ng disente at maayos na tahanan. Pero ang reklamo nga ng nakararami, iyan ba talaga ang layunin o baka naman ginagawa ito para solido ang perang maku-kolekta at solid din ang perang mailalagay sa bulsa ng ilang mga tiwaling opisyal? Hmmm. Marami rin ang nagsasabi na kahit man miyembro na sila ng Pag-ibig wala naman itong silbi sa kanila. Hindi natin alam iyan, pero sa tingin ko naman mayroon naman kahit papaano. Mayroon ding nagrereklamo dahil katakot-takot na nga raw ang binabayaran nila sa agency at placement fee para makalabas ng bansa, heto at makikisawsaw din ang gobyerno. Bakit daw hindi na lang ibigay sa kanila ng libre ang pag-ibig membership? Total naman daw, ang mga OFWs ang itinuturing na buhay na bayaning Pilipino. Oo nga naman. Maraming reklamo at maraming reaksyon ukol dito, ugali naman kasi talaga nating Pinoy na umalma, kumuwestyon kahit isang kusing na baryang ibibigay natin sa iba. Kasi nga naman, pinaghihirapan natin ang kahit isang kusing na iyon. Ang isang kusing na iyan ang kinukolekta sa atin at kung pinagsama-sama aba'y malaking halaga iyan ng pera. At iyan nga ang ginagastos sa pagpapatayo ng mga housing na pinababayaran sa mga miyembro ng pag-ibig sa mababang interest at abo't kayang monthly amortization.
Naitayo ang Pag-IBIG noon pang panahon ni Ferdinand Marcos, 1978 to be exact, ang layunin ng pagkakatatag nito ay upang mabigyan ng disente subalit murang tahanan ang mga Pilipino at mabigyan ng pagkakataon ang marami na makapag-impok gamit ang kanilang pasilidad para sa hinaharap. The rest is history. Sa mahigit tatlong dekada nitong pagkakatatag, marami pa ring Pinoy ang walang tahanan. Marami pa ring Pinoy ang nakatirik ang bahay sa ilamim ng tulay at sa mga iligal na loteng pag-mamay-ari ng gobyerno at ilang pribadong mamamayan. Marami pa rin ang walang matuluyan; ang iba sa kariton at mga pampublikong pasilidad kabilang of all the places, sementeryo naninirahan. So sa aking sapantaha, hindi ko alam kung epektibo nga bang kasangkapan ng gobyerno ang Pag-IBIG upang mapagaan ang pasang krus ni Juan dela Cruz. Kayo po ang humusga!
Malawak ang usapin ukol sa Pag-IBIG at talagang hindi ito matatapos sa isang upuan lamang. Pero sisikapin nating itanong at sagutin ng representative ng Pagibig sa Kuwait ang ilang mga basic questions na ating ipupukol sa kanya. Nakaharap ko po si Mahmoud Khalil, representative ng Pag-ibig upang tugunan ang samut-saring tanong ng ating mga kababayan ukol sa usapin sa Pag-IBIG.
Usapang Pag-IBIG
BEN GARCIA: Ano ang Pag-IBIG at ano ang mga benepisyong hatid nito sa mga miyembro?
MAHMOUD KHALIL: Ang pag-IBIG ay acronym ng Home Mutual Development Fund. Isa itong sistema ng pag-iimpok na pinatatakbo ng gobyerno na ngayon ay nasa ilalim ng pamumuno ni Vice President Jejomar Binay. Ang layunin nito ay upang matugunan ang pangangailangan sa housing ng mga Pilipino. Noon ay voluntary ang pagiging mieymbro ng Pag-IBIG, subalit ngayon sa bisa ng isang batas na pinirmahan ni dating Pangulong Arroyo, nagkabisa ang mandatory membership para sa lahat ng Pilipino. Syempre kasama tayong mga OFWs. Maganda ang mga benepisyong hatid sa atin ng Pag-IBIG. Nariyan ang pagkakataon para sa ating lahat na makautang ng hanggang 3 million pesos kung 24 months ka nang miyembro nito. Puede ring maka-avail ng emergency loan na ibinibigay sa miyembro; entitled ang member ng at least 80 percent ng kanyang total contribution. Dahil sa miyembro ka, makakatiyak kang mayroon kang savings na puede mong magamit sa tamang panahon.
Noong last year, in fact tumagal iyan ng hanggang Sept 30 ngayong taon; mayroon tayong programa noon na tinawag nating lump sum project sa pagibig. Entitled noon ang mga nag-avail ng immediate housing loan of up to three million. Ibig sabihin kung nais mong mag-loan, kailangan mo lang mag-bayad ng 2-year lump sum membership fee mo at kinabukasan puede ka nang mag-loan. Sa ngayon, wala na iyon. This time, para na kaming SSS, kailangan ka munang maging miembro ng one year doon ka pa lamang papayagang makapag-loan, provided na mabayaran mo rin muna ang additional 12 months o katumbas ng isa pang taong membership mo. Kasi papayagan ka lang ng pagibig na makapagloan kung member ka talaga ng at least 24 months.
BEN GARCIA: Madaling umutang pero ang pagbayad medyo mahirap, paano ba pinagagaan ng Pag-IBIG ang pagbabayad o obligasyon ng borrowers?MAHMOUD KHALIL: Bago aprubahan ang loan mayroong seminar na ika-conduct ang Pag-IBIG para maliwanag at talagang matutunan ng borrowers ang kanyang responsibilidad. Mayroong preliminary loan counseling questionnaire na ipamamahagi sa kanila. Ipapaunawa sa mga miyembro nito ang kahalagahan ng kanyang obligasyon. Hindi basta-basta magpapautang ang Pag-IBIG kung walang malinaw na guidelines para sa borrowers, kung kaya liliwanagin ito sa miembro kung mag-aavail siya ng loan. Halimbawa kung hindi ka na nakakabayad ng tatlong sunod-sunod na buwan, bibigyan ka ng notice. Ang alam ko, halimbawa sa inutang mong three million papatungan iyan ng Pag-IBIG ng 11 percent annually. Yung inutang mong 250,000 pesos ang patong diyan ng Pag-IBIG ay six percent lamang, mababang mababa kumapara sa ibang mga lending institutions. Bukod diyan, bibigyan pa ang member ng hindi lang mas-mahabang panahon but easy terms to pay their debts or loans.
BEN GARCIA: Nakakakuha ba ng housing loans ang mga housemaids?
MAHMOUD KHALIL: Oo, puede silang maka-avail depende sa salary nila iyan. Mayroon kaming sinusunod na salary bracket. Kung ang salary halimbawa ay aabot sa US400, puede siyang maka-avail ng hanggang 500,000 pesos. Kung mas-mababa naman sa 400 dollars, halimbawa hanggang 14,000 pesos ang salary nila; puede silang maka-utang ng hanggang 300,000 pesos. Again bibigyan sila ng mas-maluwag na terms and conditions para sa pagbabayad sa kanilang utang; puedeng hanggang 20 years bayaran.
Ito ay ilan lamang sa mga tanong na pumasok bago ang aking panayam kay Mr Khalil. Ang ibang magkakaparehong tanong ay ipinagsama ko na lamang. Salamat sa mga nagtext ng kanilang mga katanungan kabilang diyan ang mga tanog nina Richard ng Jabriya, Girlie Magallanes ng Abdullah Salem at Esterlyn Delapo at maraming iba pa.
BEN GARCIA: Sabi ni Ms Agnes, mayroon daw siyang biniling lupa pero hindi pa tapos bayaran sa isang private realtor; puede ba daw ipasok sa Pag-IBIG? Siguro ang ibig sabihin ni Ms Agnes ay kung puedeng ituloy ng Pag-IBIG ang remaining balance na hindi pa niya nababayaran.
MAHMOUD KHALIL: Puedeng ipasok ang remaining balance sa Pag-IBIG kung member siya ng at least two years. Puede rin na ang Pag-ibig ang magpondo para sa housing o bahay na ipatatayo niya doon sa loteng nabili niya. Ang gagawin namin, babayaran namin ng buo sa may-ari ng lupa, tapos, ililipat agad namin iyan sa pangalan niya. Kami din ang magpapatayo ng bahay, habang ipinagpapatuloy niya ang pagbabayad. So bale dalawa ang babayaran niya, yung lupa at bahay kung gusto niyang patayuan na iyon.
BEN GARCIA: From Ms Gonzales, member daw siya ng Pag-IBIG noong nagtrabaho siya bilang lady guard for nine months sa Maynila. Maliban doon natigil na ang kanyang pagbabayad pero gusto niyang mangutang sa 2011? Pude ba iyon?
MAHMOUD KHALIL: Kung nakabayad na siya ng nine months, bayaran niya lang ang remaining 15 months pa; so puede na siyang makautang sa November 2011 iyan ay kung itutuloy niya mula ngayong buwan ang kanyang pagbabayad bilang miembro ng Pag-IBIG.
BEN GARCIA: Mula naman kay Lorna ng Hawally, puede daw bang magbayad ng advance sa Pag-IBIG at papaano daw niya malalaman na pumapasok sa kanyang account ang bayad?
MAHMOUD KHALIL: Puede kayong magbayad in advance, lalo na sa mga hindi nakakalabas ng monthly para bayaran ang kanilang obligasyon. Sa mga member naman na nakuha na ang kanilang ID, doon nakasulat ang inyong mga ID no at sa internet puedeng icheck iyan at makikita ninyo ang lahat ng inyong mga contribution kung pumapasok nga o hindi.
BEN GARCIA: Mula kay Gelve, start daw siyang magbayad sa kanyang Pagibig contribution noong 2003, tapos natagil siya noong 2006 dahil nagpunta na nga siya ng Kuwait; valid pa daw ba ang kanyang membership at puede daw bang ituloy sa Kuwait?
MAHMOUD KHALIL: Opo puedeng ituloy ang pagbabayad anytime sa Kuwait. Ang pagtigil mo ng pagbabayad ay hindi nangangahulugan na hindi ka na miyembro, member ka pa rin at hindi maaalis sa aming data base ang iyong pangalan.
BEN GARCIA: Kanino kami puedeng magbayad ng aming membership, mayroon bang mga affiliated banks o remittance offices sa Kuwait na puede kaming magbayad?
MAHMOUD KHALIL: Wala pa kaming ibang authorized collection facilities sa Kuwait liban sa amin dito sa embassy; kami pa lang ang tumatangap ng membership contribution sa aming members. Hindi tuald sa ibang post. Kaya ini-encourage namin kayo na if you are a member, pay in advance na lang po for your convenience yung hindi na kayo buwan-buwan nagpupunta sa amin to pay. Siguro sa hinaharap ay puede tayong magkaroon ng kasunduan sa ibang mga remittance offices tulad ng sa iabng bansa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
KAILAN PO BA ULIT MAGKAKAROON NG RE CONSTRUCTION LOAN
ReplyDelete